Ngumiti si Tori bago sinimulang i-dial ang numero ni Inno. Napapansin niya na madalang na silang magkita ng nobyo. At dahil linggo naman bukas at walang pasok ay yayain niyang lumabas sila ngayong gabi.
Miss na rin kasi niya ito. Masyado kasi siyang naging abala kaya medyo nawawalan na rin siya ng oras para dito. Gusto niyang bumawi kay Inno.
Noong nakaraan kasi ay niyaya siya nito pero masyado siyang abala sa trabaho kaya tumanggi siya. Naiintindihan daw naman nito. Kaya ngayon siya na ang gagawa ng paraan para bumawi dito.
“Hey, babe,” masayang bungad niya ng sagutin nito ang tawag.
“What is it?” napakunot ang noo niya dahil sa paraan ng pagsagot nito. Parang hindi ito excited na makausap siya. Madalang na nga sila magkita tapos ganito pa ang tono nito kaya hindi niya mapigilang magsalubong ang kilay.
“I am not busy tonight. Wanna go out?” Nanatili pa rin ang ngiti ni Tori sa labi. Ikiniling niya ang ulo habang naghihintay ng sagot mula kay Inno.
“I want to, but I already have an appointment tonight,” nahihirapang sagot nito.
Lumaglag ang balikat niya pero pinanatili niyang masigla ang boses, “Appointment?”
“I will go out with the team. Naka-oo na ako sa kanila. If you want you can go with us,” yaya nito pero umiling siya kahit hindi nito nakikita.
“No,” tanggi niya. Kahit kakilala na niya ang mga katrabaho nito hindi naman sila close kaya nakakahiya namang makiparty siya kasama ang mga ito. Kahit na gusto niyang sumama, ayaw naman niyang isipin ng mga parang binabantayan niya si Inno. “Sa susunod na lang tayo lumabas.”
“Okay, next time. May sasabihin ka pa ba?” tila ba naiinip na itong kausap siya kaya kahit gusto pa niya itong kausap ay nagpaalam na siya.
“Nothing, I love you,” malambing na saad niya.
“Sige, bye,” anito at ito na mismo ang ang baba ng tawag.
Napahilot niya ang sintido. Hindi niya alam pero pakiramdam niya may nagbago. Hindi lang niya mapin-point pero meron talagang nagbago.
Dati never siyang pinagbabaan ni Inno pero ngayon tila nagmamadali ito. He didn't even say I love you too.
Dapat na ba siyang kabahan? Ipinilig niya ang ulo at kinuha ang mga folder na nasa ibabaw ng table niya. Magtatrabaho na lang siya kesa mag-isip ng kung ano-anong bagay.
Kailangan pa niyang pumunta sa lugar kung saan itatayo ang proyekto nila para i-check ito. Kaya tumayo na siya at nagtungo sa elevator para magtungo doon.
Aabalahin na lang muna niya ang sarili.
Nagtungo siya sa site. At inilibot ang lugar kahit na masyadong mainit ang sikat ng araw.
***
Bumahing si Tori bago sumakay ng sasakyan. Basang-basa siya dahil biglang umulan at wala namang masisilungan dahil puro gamit pa lang naman ang nasa lugar at hindi pa ito nasisimulan.
May tent man ay malayo sa lugar niya kaya wala na siyang nagawa kundi suungin ang ulan.
Napapapikit si Tori habang nagmamaneho. Hindi niya alam pero tila inaantok siya at nagsisimulang sumakit ang ulo niya.
Pakiramdam niya ay lalagnatin siya dahil mainit din ang pakiramdam niya kaya binilisan niya ang pagmamaneho upang makarating agad sa bahay.
Pagdating niya tanging ang katulong lang nilang si Manang Helen at Girlie ang nasa bahay. Wala ang mga magulang niya.
Nagpaalam ito sa kaniya kaninang umaga na magtutungo ang mga ito sa Cebu dahil may conference ang daddy niya.
Napabahing siya. Kinusot niya ang ilong niya.
“Ate Tori, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong sa kanya ni Girlie ng mapansin nitong medyo namumutla siya.
Bahagya ngumiti si Tori dito. “Ayos lang ako. Magpapahinga lang muna ako,” ani niya at mabilis na nagtungo sa kwarto niya.
Hinubad lang niya ang sapatos at pumailalim na sa kumot. Wala na siyang lakas para magpalit pa.
Nanginginig sa lamig si Tori. Kaya kahit nakakumot na siya ng makapal ay namamaluktot pa rin siya.
***
Kumunot ang noo ni Girlie dahil nakailang katok na siya sa pinto ng amo na si Tori pero hindi pa rin ito nagbubukas ng pinto.
Nang hawakan niya ang seradura ay nagbukas ito kaya dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at sumilip sa loob.
Biglang nilukob siya ng pag-aalala ng makita ang amo na nakabalot sa kumot habang nakapikit.
“Ma'am Tori, okay lang po ba kayo?” kinakabahang tanong ni Girlie. Lumapit siya sa babaeng natutulog at dinama ang noo nito.
Napaigtad siya dahil sa sobrang init nito. “Naku, ma'am. Nilalagnat kayo.” Hindi siya mapakali. Hindi niya alam ang gagawin, tanging siya lang ang kasama nito ngayon. Umuwi kasi si Manang Helen kaya si Girlie at Tori lang ang naiwan sa bahay.
Kinagat niya ang daliri habang nakatingin sa amo at iniisip ang gagawin.
Kumuha siya ng thermometer at inipit sa kili-kili ni Tori. Nanlaki pa ang mata ni Girlie ng makitang 39.5°C ang temperatura ni Tori.
Kumuha siya ng palanggana at maligamgam na tubig. Kumuha rin siya ng isang malinis na bimpo at siyang inilublob sa tubig bago piniga at inilagay sa noo ng amo niya.
Hindi pa rin niya alam ang gagawin kaya naisipan niyang tawagan ang nobyo nito.
“Sir, sumagot kayo,” saad niya habang kalagay sa tenga ang telepono pero puro ring lang ito. “Naku, bakit ngayon ka pa hindi makontak?” himutok niya.
Ilang beses niyang muling sinubukang tawagan ang kanyang Sir Inno pero hindi talaga ito sumasagot.
“Sir!” naibulalas niya ng sa wakas ay sumagot na ito matapos ang ika-apat na attempt niya itong tawagan.
“Sir, may lagnat si ma'am, kaso wala si manang at ang parent niya. Nanginginig siya ng husto,” mabilis na saad niya.
“What? I can't understand you,” sagot naman ng nasa kabilang linya. Rinig na rinig rin ni Girlie ang malakas na tugtog sa paligid.
“Ang sabi ko—”
Hindi na natapos ni Girlie ang sasabihin dahil biglang naputol ang tawag. Nang sinubukan naman niya itong tawagan ay hindi na niya ito makontak.
“Naku naman sir," inis na nasabi na lang niya pero wala na siyang nagawa.
Nagtungo na lang siya sa kusina at nagluto ng chicken soup para may makain ang amo kung sakaling magising ito.
***
Nagising si Tori dahil may tumatapik sa braso niya.
Pinilit niyang imulat ang mata. Nakita niya si Girlie na nakatunghay sa kanya habang alanganing nakangiti. Nasapo niya ang sumasakit na ulo.
“Ma'am Tori. Kumain muna kayo para may laman ang tiyan ninyo at para makainom kayo ng gamot,” anito at inilapag sa tabi niya ang tray na hawak.
Tinulungan siya nitong maupo. Kahit nanghihina at walang panlasa ay sinubukan niyang kumain. Ayaw naman niyang mag-aalala ito, mukha kasing hindi ito mapakali habang nakatingin sa kanya.
“Tinawagan ko si Sir Inno, Ma'am. Kaso mukhang hindi kami nagkaintindihan dahil sobrang lakas ng tugtog sa background niya. Hindi kasi mapakali sobrang taas ng lagnat ninyo kanina,” wika ni Girlie habang binabantayang kumain si Tori.
Tumango lang siya sa sinabi ng katulong pero hindi na siya nagkomento. She is sick but his boyfriend is busy partying with his friend. Hindi naman niya ito masisi dahil biglaan lang naman siyang nilagnat pero hindi niya maiwasan hilingin na sana nasa tabi niya ngayon si Inno.