Chapter 7 - Friends

1505 Words
MAARTE kong hinagod ang buhok habang hindi nag-aalis ng tingin sa camera. Matamis akong ngumiti at nag-iba ng porma. Tuloy-tuloy naman ang pag-flash ng camera habang panay ang pose ko sa harapan nito. Nang matapos sa unang outfit ay pinapunta muna ako sa dressing room para magpalit at muling ayusan. "Nauuhaw ka ba, anak?" Napatingin ako sa salamin sa harapan ko nang marinig ang pamilyar na boses ni Mama. Tanging sa salamin ko lang siya magawang tingnan dahil bawal ako maggagalaw-galaw. May abalang nag-aayos ng buhok ko. "Sige po, Ma. Salamat." Ngumiti pa ako nang malapad sa kanya. Inabot niya sa akin ang bottled water na hawak niya. May straw sa loob nito kaya hindi na ako nahirapang uminom. Nang matapos sa pag-aayos sa akin, agad na rin akong bumalik sa set para ituloy ang photoshoot. Naka-ilang palit pa ako ng outfit bago kami tuluyang natapos. "Ma, puwede bang ikaw na muna ang maunang umuwi sa bahay?" tanong ko sa ina ko nang naglalakad na kami patungong sakayan. Kumunot ang noo nito. "Bakit? Saan ka pa pupunta?" Nag-iwas ako ng tingin sa kanya. "May dadaan lang na kaibigan, Ma." "Kaibigan ba talaga?" Hindi ako nakaimik. Napailing naman siya nang matantong tama ang hinala niya. "Nagiging madalas na ang 'pagdaan' mo sa kaibigan mong 'yan," ani Mama na may halong panunukso. Humaba ang nguso ko. "Kaibigan ko lang naman talaga siya." "E 'di kung gano'n, kailan mo ipapakilala sa akin ang kaibigan mong 'yan? Hindi ba, lahat ng kaibigan mo ay kilala ko?" Mahina akong natawa sa narinig sa ina. Inuutakan na naman ako. Pero mas gusto kong ganito kami ni Mama, walang itinatago sa isa't isa. Masuwerte akong ganito ang relasyon ko sa ina ko. Hindi ko kailangang maglihim sa kanya. Hindi rin siya masyadong naghihigpit sa akin. Pero kapag alam niyang mali, hindi siya magdadalawang-isip na sawayin ako. May pagkakataon naman na kapag naguguluhan ako, siya agad ang unang takbuhan ko sa mga problema ko. Naging karamay na namin ang isa't isa sa lahat ng bagay lalo na't ang ama ko ay sa ibang bansa nagtatrabaho. Kaming dalawa lang ang palaging magkasama kaya tanging kami lang din ang magtutulungan. "Sa tingin ko, malapit na," makahulugan kong sabi, inaasar din siya. Natawa siya. "Siguraduhin mo lang." Natawa na lang din ako. Sakto namang may dumating ng jeep kaya sumakay na kami roon. Ako ang naunang bumaba kay Mama sa jeep. Habang naglalakad naman ay hinahagod ko ang buhok gamit ang mga daliri para tanggalin ang gulo nito. Saglit ko pang kinuha ang perfume sa dalang bag para maglagay nito sa sarili. Huminga ako nang malalim at ikinalma ang sarili nang matanaw ko na si Castiel sa hindi kalayuan. Mag-isa itong nakaupo sa isang bench sa labas lang ng university nila. Lalapitan ko na sana siya nang may mapansin. Halos lahat ng napapadaang kababaihan ay napapatingin sa kanya. Karamihan doon ay mga estudyante rin ng unibersidad na pinapasukan niya. Bahagya akong napanguso sa hindi malaman na dahilan. Muli ko lang inayos ang sarili nang lapitan na siya. "Castiel," kuha ko sa atensiyon niya. Nawala sa phone niya ang mga mata niya at napatingin sa akin. Maliit siyang ngumiti nang magtama na ang tingin namin sa isa't isa. "Medyo na-traffic ako, kaya ngayon lang nakarating. Kanina ka pa ba rito?" "Hindi naman masyado." Isinenyas niya ang espasyo sa tabi niya. "Maupo ka muna." Lumapit ako sa kanya at naupo sa tabi niya. "Nagugutom ka ba? Saan mo gustong kumain?" sunod-sunod niyang tanong. "Kahit saan na lang siguro." Nagtatanong ang mga mata kong pinukol siya ng tingin. "Kaso kaya pa ba ng oras mo? May klase ka pa." "Kaya pa naman, kaso sa malapit na lang tayo kumain para hindi tayo malayo rito." "I feel so bad. Sana pala ay 'di ko na lang ipinilit na magkita tayo ngayon." Bago pa lang magsimula ang photoshoot ko kanina ay magka-text kami. Nang malaman kong mahaba-haba ang libre niyang oras bago ang susunod niyang klase ay naisipan kong makipagkita sa kanya. 'Di ko naman inaasahang mata-traffic kami ni Mama kaya medyo natagalan bago ako tuluyang nakarating dito. "It's okay, Valerie. Gusto ko rin namang makita ka." Natigilan ako sa kinauupuan nang marinig 'yon. Umiwas ako ng tingin sa kanya kasabay ng pagsilay ng munting ngiti sa labi ko. "Tara na... kumain na tayo. May klase ka pa mamaya," anyaya ko. Mababakas din sa boses ko ang kaonting hiya. "You're right. We should eat now." Tumayo na kami mula sa pagkakaupo at naghanap na ng makakainan sa paligid ng unibersidad niya. Habang kasama si Castiel ay todo ang asikaso niya sa akin. Madalas siyang ganito sa tuwing lumalabas kami kapag pareho kaming may libreng oras. Nang unang lumabas kasi kami ay tila pareho kaming nagkapalagayan ng loob. Nagpatuloy pa ang pagiging textmate namin hanggang sa nasundan na nang nasundan ang paglabas namin bilang 'magkaibigan'. At sa pagkakataong ito, masasabi kong mas malapit na kami sa isa't isa kaysa noong una. Hindi na rin ako naiilang sa kanya sa tuwing kasama siya. Sa katunayan ay panatag na ang loob ko sa kanya. At hindi ko alam kung nag-a-assume lang ba ako, pero tila nagkakaintindihan na kami. Ramdam ko na ang paglalim ng koneksiyon namin sa isa't isa. "LUMABAS na naman daw kayo ng kaibigan mo sabi ni Tita Valentine." Napailing ako sa narinig. Hindi ako makapaniwala na dinadaldal ako ng sarili kong ina sa mga kaibigan ko. Malamang ay ginagawa niya lang 'yon para makakuha ng impormasyon kay Castiel sa kanila. "Umamin ka nga sa amin, Valerie. Kayo na ba ni Castiel?" seryosong tanong ni Bea. Hindi na lingid sa kaalamanan nila ni Avah ang nangyayari sa pagitan namin ni Castiel. Minsan pa nga ay nahuli nila akong ka-text ito. Doon nagsimula ang lahat kung bakit nalaman nila ang totoo. "No. We're just friends." "And do you expect us to believe that?" "But that's the truth. Magkaibigan lang talaga kami." Napahalukipkip siya sa sinabi ko at pinagtaasan pa ako ng kilay. "Paanong magkaibigan lang kayo kung ganyan na kayo sa isa't isa?" "What do you mean?" naguguluhan kong tanong. Pinanlakihan niya ako ng mga mata. "Ganyan! Palaging magkausap sa text o tawag, madalas pang magkita kapag may libre kayong oras sa isa't isa." Hindi ako nakaimik agad. Natanto kong may punto siya. Pero talaga namang wala pang namamagitan sa amin ni Castiel. Kahit nga mapag-usapan lang ang tungkol sa bagay na 'yon ay hindi pa namin nagagawa. "Let's just say, nasa getting to know each other stage pa lang kami," sabi ko na lang. Napailing siya. "Whatever." "Baka hindi ka niya gusto kaya hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin kayo," biglang singit ni Avah sa usapan namin ni Bea. Naniningkit ang mga mata kong tumingin sa kanya. Natatawa naman si Bea. "Are you really my friend?" hindi ko makapaniwalang tanong. Umakto siyang nag-iisip at tila hindi pa sigurado nang tumango. "I guess?" Umikot ang mga mata ko sa narinig. Hindi na talaga mawawala sa aming magkakaibigan ang pagiging ganito. Tila hilig na namin asarin at pikunin ang isa't isa. "But seriously, Valerie. Bakit wala pa kasi namamagitan sa inyo?" Pinagkunootan niya ako ng noo. "Ano ba ang tingin mong nararamdaman niya para sa 'yo?" Natahimik ako at napaisip sa tanong ni Avah. Inalala ko ang mga nangyayari sa tuwing magkasama kami ni Castiel. "Hindi ko alam," sabi ko. Sa katunayan ay wala naman sa isipan ko kung gusto ba ako ni Castiel o hindi. Masaya na akong nagkikita kami sa libre naming oras. Isa pa, unti-unti pa lang lumalalim ang koneksiyon namin sa isa't isa. Hindi naman ako nagmamadali kaya hinahayaan ko munang kilalanin namin ang bawat isa. "Hindi naman sa minamadali ka naming makipagrelasyon agad sa kanya, pero ang gusto lang namin na mga kaibigan mo ay magkaroon kayo ng clarification," seryosong sabi ni Bea dahilan para makuha niya ang atensiyon namin ni Avah. "Baka mamaya, pinapaasa ka lang nyan dahil alam niyang gusto mo siya. Alam kong mabait si Castiel, pero 'di pa rin natin siya kilala nang lubusan. Dapat pa rin mag-ingat." Saglit akong natigilan sa sinabi niya pero kalaunan ay natawa. "No, no, no. Castiel is not like that," tanggi ko at umiling pa. "I know him. Hindi siya ganoong klaseng tao na magpapaasa ng iba porket lang alam o ramdam niyang may gusto ito sa kanya. Isa pa, walang ideya si Castiel sa nararamdaman ko para sa kanya." Napakibit-balikat siya. "Okay. I'm sorry for judging him. I'm just worried about you, Valerie. Ito kasi ang unang beses na makita kitang ganito kainteresado sa isang lalaki." "Bea's right. Nagkaroon ka naman ng mga boyfriend noon, pero iba 'to si Castiel. Ikaw ang nag-e-effort sa kanya." Ngumiti na lang ako sa harapan nilang dalawa. "Don't worry about me, girls. I know what I'm doing. But, thank you for your concern. I appreciate it." Pareho silang napangiti sa sinabi ko. Tinigilan na rin namin ang tungkol sa bagay na 'yon at nagpatuloy na lang sa pagkain. Natanto naming malapit nang matapos ang break namin. Kailangan na naming makaalis ng cafeteria.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD