"WHERE should we go to hang out?"
"To a mall?"
"Lagi na lang tayo roon. Mas okay kung sa iba naman."
Sabay sa akin napatingin sina Bea at Avah habang ako ay abala sa pag-aayos ng sarili. Tiningnan ko sila sa salaming nasa harapan namin.
"Any suggestion?" tanong ni Bea.
Umiling ako. "Sorry, girls. May iba akong lakad ngayong araw. Hindi ko kayo masasamahan."
Bumusangot ang mukha nila sa narinig. Humalukipkip pa si Bea.
"Magseselos na ba kami?"
Tinigilan ko ang ginagawa at pumihit na paharap sa kanila ni Avah.
"Bea, naman..." tanging nasabi ko.
Sinamaan ko siya ng tingin nang bigla na lang siyang tumawa sa harapan ko. She's just teasing me!
"I was just kidding. Calm down," aniya nang natatawa pa rin. "Hindi naman makitid ang utak namin ni Avah para magselos porket 'di ka makakasama sa amin."
"Thank you."
Ngumiti lang siya. Napabaling naman ako kay Avah nang hampasin nito ang balikat ko.
"Pero ang tanong; saan ang lakad mo? Ang alam ko, wala kang raket ngayon," pang-uusisa niya.
Natahimik ako nang hindi malaman kung ano ang sasabihin sa kanila. Pareho naman silang napailing nang tila may nabuo ng ideya sa isipan nila.
"You're going out with Castiel, right?" sabay nilang sabi.
Hilaw akong tumawa. "Gano'n na nga."
Natawa silang pareho.
"Kahit gwapo si Castiel, malalagot sa akin 'yan kapag pinaasa ka lang nyan," banta pa ni Bea.
Tinawanan ko na lang 'yon at muli nang bumalik sa pag-aayos ng sarili. Nang matapos ay sabay-sabay na kaming lumabas ng banyo.
Habang naglalakad palabas ng unibersidad ay nagkukuwentuhan kaming tatlo ng tungkol sa school works namin. Natigil lang 'yon nang tuluyan na kaming makalabas ng university.
May sumilay agad na ngiti sa labi ko nang may matanaw na pamilyar na mukha malapit sa gate. Nakatayo lang ito roon at tila may hinihintay. Nakasuot lang siya ng itim na shirt at trouser. Kumikinang naman ang kwintas niya sa tuwing masisinagan ng araw.
"Kaya pala todo ang pag-aayos kanina, may sundo pala," nanunuksong sabi ni Avah at sumulyap ng tingin sa akin.
Nagyayabang akong ngumiti sa kanila ni Bea, nang-aasar.
Napailing na lang sila sa ginawa ko. Sumunod naman ang dalawa sa akin nang lapitan ko na si Castiel.
"Castiel!" tawag ko sa kanya. Nasa labi ko pa rin ang ngiti ko at hindi mawala-wala. "Kanina ka pa?"
Umiling siya. "No, I just got here."
Napatango ako. Saglit namang nawala ang atensiyon niya sa akin nang mapansin ang dalawa sa likod ko.
"Hi," bati niya sa mga kaibigan ko.
Ngumiti sila.
"Hello, Castiel."
"Hi!"
Matapos ng maikling batian na 'yon ay bumalik na rin agad ang tingin sa akin ni Castiel.
"Tara na?" tanong niya. Tumango ako bilang tugon.
Bumaling na ako sa mga kaibigan para magpaalam. Kahit si Castiel ay nagpaalam na rin sa kanila.
"Valerie, enjoy your date!"
Pinanlakihan ko ng mga mata si Bea sa sinabi niya. Naglalakad na ito palayo sa amin ni Castiel, pero tumigil pa para lang sabihin 'yon.
Natawa na lang siya sa inakto ko at tuluyan nang inalis ang atensiyon sa akin. Nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Huminga ako nang malalim bago nahihiyang tumingin na kay Castiel. Bigla akong nahiya dahil sa mga kaibigan ko. Baka kung ano ang isipin ni Castiel sa sinabi ni Bea.
"Tara na," anyaya niya at maliit pang ngumiti sa akin. Bahagya akong napanatag nang matantong hindi niya sineryoso ang narinig kay Bea.
"Yeah. Let's go."
Sabay at magkatabi kaming naglakad palayo roon. At habang naglalakad, kinukumusta namin ang araw ng bawat isa.
Napag-alaman kong day-off niya ngayong araw, pero mamayang gabi ay may gig pa rin sila ng mga kaibigan niya sa The Bar. Ako naman, dahil maagang natapos ang klase ko ngayong araw at wala pang photoshoot o shooting ay naisipan naming magkita.
Nakasanayan na naming dalawa na gawin ito. Tila normal na sa amin ang magkita kapag parehong may libreng oras. Kaya nga ang mga kaibigan ko at si Mama ay ayaw maniwalang magkaibigan lang kami ni Castiel. Dahil para sa kanila, hindi na normal ang namamagitan sa aming dalawa.
But I don't want to overthink. Sa ngayon ay hahayaan ko muna kung ano ang namamagitan sa amin at magpapatangay na lang kung saan man kami nito dalhin.
Napatingin ako kay Castiel nang mapansin ang ginawa niya. Itinaas niya ang palad sa ere para maging panangga ito sa sinag ng araw at mabigyan ako ng lilim.
"Dapat pala ay nagdala ako ng payong," aniya. Matirik kasi ang araw sa puwesto namin kung saan kami naghihintay ng pampasaherong jeep.
"You don't have to do that. Ayos lang naman sa akin ang maarawan," nahihiya kong sabi.
Hindi siya nakinig. Sa halip, tumayo siya sa harapan ko para ang sarili na mismo ang gawin niyang panangga sa sikat ng araw. At dahil mas matangkad siya sa akin, naitatago niya ako sa anino niya.
Lumunok ako at seryosong nag-angat ng tingin kay Castiel. Tumambad sa akin ang itim niyang mga mata. Pansin ko, minsan ay may pagkamisteryoso ito. Para bang napakahirap basahin ng nilalaman.
Bahagyang nagkasalubong ang kilay ni Castiel nang mapansing pinagmamasdan ko siya. Sinalubong niya ang tingin ko hanggang sa nagkasukatan na kami ng tingin.
Habang patagal nang patagal ang pagtitig ko kay Castiel ay mas lalo lang akong nagagwapuhan sa kanya, lalo na ngayon at suot niya ang hikaw niya sa kanang tainga. Base sa kuwento niya, tinatanggal niya ito sa tuwing nasa university siya.
Dahil matagal-tagal ko na rin nakakasama si Castiel, kabisado ko na ang mga galawan niya. Madalas ay may sumisilay na ngisi sa labi niya sa tuwing namamangha o nang-aasar. Puno iyon ng misteryoso na mahirap hulahan.
"Your lips..."
Nakuha niya ang atensiyon ko sa sinabi niya.
"What's with my lips?"
Biglang naging abnormal ang kabog sa dibdib ko nang makitang bumaba ang tingin niya sa labi ko at doon nanatili ang mga mata niya.
"It's heart-shaped."
Pilit akong tumawa para pagtakpan ang hiya. "Marami nga ang nagsasabi..."
Napalabi ako nang mapansing nakatitig pa rin siya sa labi ko. Pilit kong iniwas ang tingin sa kanya nang makaramdam ng kakaiba. Tila ba nahihipnotismo ako sa paraan ng pagtitig niya sa akin ngayon. Nakakatakot na... baka mapasailalim ako nito at hindi na makawala.
"May... may jeep na," nauutal kong sabi nang mapansing may huminto ng jeep sa gilid namin.
Sa wakas ay nagbawi na siya ng tingin sa akin.
"Tara na..."
Hindi ko na inimik ang sinabi niyang 'yon at sumunod na lang sa kanya. Pinauna niya akong sumakay sa jeep bago siya.
"GUSTO mo pa?"
Napatingin ako kay Castiel sa naging tanong niya. Tinapos ko muna ang nginunguya sa bibig bago nagawang makatugon sa tanong niya.
"Hindi na. Nakarami na ako."
Bahagya siyang natawa. "Ngayon mo lang napansin?"
Mahina akong suminghal sa naging pang-aasar niya at inirapan siya. Inalis ko na ang atensiyon sa kanya at muli na lang kumagat sa hawak kong hamburger. Pang-ilan ko na ito. Idagdag pa ang kinain kong footlong kanina.
Nawala ang atensiyon sa akin ni Castiel nang may tumunog, ang phone niya. Inilapag niya muna ang kinakain sa lamesa para kunin ito.
"Ate Gina, bakit ka po napatawag?" pakikipag-usap niya sa kabilang linya. Ako naman ay patingin-tingin sa kanya habang patuloy pa rin sa pagkain.
"Ano po?"
Natigilan ko ang ginagawa at napatitig kay Castiel nang mapansin ang pagbalatay ng pag-aalala sa mukha niya. Kumunot ang noo ko sa pagtataka sa naging reaksiyon niya.
"Sige po. Uuwi na rin po agad ako. Habang wala pa ako riyan, pakipagpatuloy po ang paghahanap sa kanya. Baka hindi pa po siya nakakalayo."
Tuluyan nang nakuha ni Castiel ang atensiyon ko sa mga narinig na sinabi niya sa kausap. Pinatay na niya ang tawag at seryoso nang harapin ako.
"Ayos ka lang?" nag-aalala kong tanong.
Tumango siya. "I'm sorry, Valerie. Kailangan ko nang umuwi."
Nabigla ako sa narinig. "Bakit? May nangyari ba sa inyo?"
Napatitig siya sa akin. Kita ko ang pagdadalawang-isip sa kanya, pero kalaunan ay nagsalita pa rin.
"May lola akong may alzheimer. Madalas na siya lang ang naiiwan sa bahay dahil abala kami ng ina ko sa pagtatrabaho. Naiiwan lang siya sa kapitbahay namin." Malalim siyang bumuntong hininga. "At ngayon, tumawag sa akin 'yong nagbabantay sa kanya. Bigla na lang daw nawala ang lola ko."
Hindi kaagad ako nakaimik sa narinig dala ng pagkabigla.
"I'm really sorry, Valerie. Babawi na lang ako sa 'yo sa susunod. Nasa trabaho pa kasi si Mama kaya ako lang ang puwedeng umasikaso nito."
"It's fine, Castiel. Mas emportante naman ang lola mo."
Tila nakahinga siya nang maluwag sa sinabi ko. Pero kahit na gano'n, hindi pa rin mawala ang kaba at pag-aalala sa mukha niya.
"Ihahatid na lang kita sa sakayan bago tayo maghiwalay," suhestiyon pa niya.
Tumango na lang ako. Hindi ko na tinapos ang kinakain at ibinalik na lang ito sa plastic. Siya naman ay nawalan na ng paki sa pagkain niya.
Habang naglalakad kami ni Castiel patungong sakayan ng jeep, pansin ko ang pagiging balisa niya. Malamang ay nag-aalala siya sa kalagayan ng lola niya.
Napalabi ako at hinuli ang palapulsuhan niya dahilan para matigilan siya sa paglalakad. Tila wala pa siya sa sarili nang tumingin sa akin.
"Bakit?" naguguluhan niyang tanong.
"Hindi mo na ako kailangang ihatid."
"Pero—"
"Sasama na lang ako sa 'yo."
Natigilan siya sa sinabi ko. Napaiwas naman ako ng tingin dala ng hiya sa sasabihin.
"You look so worried. Hindi ako mapapanatag kahit na makauwi pa ako. Kaya... sasamahan na lang kita sa paghahanap sa lola mo. I'll help you to look for her."
Kahit hindi nakatingin sa kanya ay ramdam ko ang titig niya sa akin. Pakiramdam ko'y matutunaw ako sa mga 'yon.
"You don't have to do this, Valerie. Makakaabala lang ako sa 'yo," giit niya.
Puno ng pagiging seryoso ang mukha ko nang muling tumingin sa kanya.
"Didn't you hear me? Hindi ako mapapanatag na iwan kang ganito. Mag-aalala lang ako sa 'yo..." hindi ko na napigilan na sabi. May kung anong naiinis sa akin sa iniisip niyang abala lang siya sa akin, gayong ganito na lang ako nag-aalala para sa kanya.
May dumaang kung ano sa mga mata niya sa sinabi ko. Masyado 'yon mabilis dahilan para hindi ko masyadong maintindihan kung ano ito.
Humigpit ang hawak ko sa palapulsuhan niya nang wala pa rin nakukuhang tugon mula sa kanya.
"Just let me come with you. Gusto talaga kitang tulungan. Please, Castiel."
Ilang segundo pang tumagal ang titig nya sa akin bago mabigat na nagpakawala ng hininga.
"Fine... tara na."