Chapter 9 - Finding

1985 Words
"CASTIEL! Buti naman at nakarating ka na." Iyon ang bungad sa amin ng isang ginang nang makarating na kami sa lugar kung saan nakatira si Castiel. Hindi na namin nagawang pumunta sa mismong bahay nila at nakipagkita na lang sa labas. Patuloy pa rin kasi ang paghahanap sa lola niya. Saglit na napatingin sa akin ang ginang nang mapansin ako sa tabi ni Castiel. Maliit akong ngumiti sa kanya. Nawala na rin agad ang atensiyon niya sa akin nang magsalita si Castiel. "Ate Gina, ano po ba ang nangyari? Paanong nawawala si Lola?" Bumakas ang pamomoblema sa mukha nito. "Bumili kasi ako ng meryenda para sa amin. Hindi ko na siya isinama dahil mapapagod lang siya sa paglalakad papuntang kanto. Ang kaso, nang makauwi na ako ay wala na siya sa bahay nyo." Nasapo ni Castiel ang noo. "Sana lang ay mahanap agad natin si Lola. Baka kung ano ang mangyari sa kanya." Tumingin sa akin si Castiel. Tumango ako sa kanya nang maintindihan ang ibig sabihin ng tingin niya na 'yon. Hindi na ako nagawang ipakilala ni Castiel sa ginang na kasama namin. Nang matapos sa pag-uusap-usap ay nagsimula na agad kami sa paghahanap. At dahil hindi ko pa nakikita ang lola niya, inilarawan na lang nila sa akin ang itsura nito at kung ano ang huling suot bago nawala. Ang matirik na araw kanina ay unti-unti nang naglalaho habang lumilipas ang oras. Pero kahit na gano'n, hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin kami sa paghahanap at pagtatanong kung kani-kanino. Habang abala si Castiel sa pagtatanong sa taong nakasalubong namin, nagtungo muna ako sa isang tindahan para bumili ng maiinom. Kanina pa kami naghahanap nang walang tigil, lalo na si Castiel. Kaya pagod na kami. Nang makabalik ako kung nasaan si Castiel ay saktong tapos na siyang makipag-usap sa lalaking pinagtanungan niya. Nabakasan ng pag-aalala ang tingin ko sa kanya nang makita ang naging reaksiyon niya. Marahas siyang bumuntong hininga at napahagod sa sariling buhok. Base pa lang sa nakikita sa kanya ay mukhang wala siyang nakuhang impormasyon sa kinausap niya kanina. "Uminom ka muna," sabi ko at inabot sa kanya ang hawak kong bottled water. Saglit na bumaba ang tingin niya roon bago sunod-sunod na umiling. "Hindi na. Ayos lang ako." Napabuntong hininga ako sa sinabi niya. Kinuha ko ang kamay niya para ilagay rito ang hawak kong bottled water. "Alam kong nag-aalala ka para sa lola mo, pero uminom ka muna. Sigurado akong nauuhaw ka na sa pagod, 'di mo lang nararamdaman." Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay naabutan ko siyang titig na titig sa akin. Bumale ang leeg ko. "Ano pa ang hinihintay mo? Uminom ka na." Dahil sa sinabi ko ay mabilis niyang binuksan ang hawak na bote. Kinalikot ko naman ang dala kong bag para kunin ang panyo ko sa loob nito. Nang matapos si Castiel sa pag-inom ay humakbang ako palapit sa kanya. Napatitig siya sa akin nang tumingkayad ako para maabot siya at marahang pinunasan ang pawis sa noo niya. Kahit ito ay hindi man lang niya napapansin dahil sa pagiging balisa niya. Naiintindihan kong nag-aalala siya para sa lola niya, ang kaso nga lang ay masyado na niyang napapabayaan ang sarili. Nang matapos sa pagpunas sa kanya ay inilusot ko na ang panyo sa bulsa ng palda ko. Nagtatanong naman ang mga mata kong pinukol siya ng tingin. "Ayos ka na? Magpatuloy na tayo sa paghahanap sa lola mo?" Napakurap-kurap siya at tila wala pa sa sarili nang tumango. "Sige..." Maliit akong ngumiti sa kanya bago kami muling naglakad patungo kung saan. At sa ilang minuto na patuloy lang kami sa paglalakad ni Castiel ay hindi ko mapigilang hingalin. Napatigil ako sa paglalakad nang mapansing tumigil si Castiel sa harapan ko. Kumunot ang noo ko nang mapansing nasa sa akin ang atensiyon niya. "Magpahinga ka muna." "Huh? Hindi na. Kaya ko pa naman—" "Please, Valerie. Magsisisi lang akong isinama kita kung nakikita kong napapagod ka nang dahil sa akin." Nawalan ako ng imik sa sinabi niya. Doon ko lang din napansin ang pag-aalala sa mga mata niya. At sa pagkakataong ito, hindi ko na alam kung para pa ba 'yon sa lola niya o sa akin na. Sa huli, para hindi na siya mag-alala pa ay tumango na lang ako. Dinala niya ako sa gilid kung saan may tindahan. May kahoy na bangko roon. Doon niya ako pinaupo. Sinigurado niya pa munang maayos ako bago tuluyang iniwanan. Ayon sa kanya, babalikan na lang niya ako mayamaya kapag may sapat na akong pahinga. Nang tuluyang mawala si Castiel sa paningin ko ay bumaba ang mga mata ko sa binti ko. Malalim akong bumuntong hininga at dinala ang kamay sa binti para marahan itong masahiin. Ramdam ko na ang pagkapagod ko sa mula pa kaninang paglalakad. "Hala, 'yong matanda!" Napunta ang atensiyon ko sa kalsada nang marinig ang sigaw na 'yon at tila nagkakagulo. Mula roon, nakakita ako ng isang matanda at ng isang motorsiklo. Masyadong malapit na ang motorsiklo sa matanda at tila muntik nang mabunggo. Naningkit ang mga mata ko nang pagmasdan ko ang matandang naroroon. Umawang ang bibig ko nang magkatugma ang paglalarawan sa akin ni Castiel sa lola niya at sa matandang nasa gitna ng kalsada. Mabilis akong napatayo sa kinauupuan at napatakbo patungo roon. "Lola, ayos ka lang ba?" tanong ko sa matanda nang makalapit. Sinuri ko pa ng tingin ang katawan niya, inaalam kung may mali ba sa kanya o kung nasaktan ba siya. Puno naman ng pagkagulo ang mukha niya nang tingnan ako. "Lola mo ba 'yan?" Napatingin ako sa driver ng motorsiklo nang itanong niya 'yon. Tumango na lang ako. "Sa susunod, pakibantayan nang mabuti. Kung hindi pa ako nakapagpreno ay malamang, nasagaan ko na siya." "Pasensiya na po. Sa katunayan ay hinahanap po namin siya kanina pa. Bigla na lang po kasi siya nawala sa bahay nila." Inalis ko na ang atensiyon sa driver ng motorsiklo at bumaling sa lola ni Castiel. Pala-kaibigan akong ngumiti sa kanya. "Tara na po. Ihahatid na kita kay Castiel." Nagkasalubong ang kilay niya. "Castiel? Sino 'yon?" "'Yong apo mo po." Nawalan siya ng imik sa sinabi ko, tila hindi pa rin nakikilala ang tinutukoy ko. Kaya nang hawakan ko siya para alalayan sa paglalakad ay puno ako ng pag-iingat at pagiging banayad upang hindi siya matakot sa akin. Dinala ko muna ang matanda sa tindahan kung saan ako nagpapahinga kanina. Siya muna ang pinaupo ko sa bangko habang ako ay tinatawagan na si Castiel para sabihing nakita ko na ang lola niya. "LOLA!" Tumayo ako mula sa kinauupuan at bahagyang gumilid para bigyan ng daan si Castiel sa lola niya. Mabilis niyang iniluhod ang isang tuhod sa lupa para magkapantay sila. "Lola, naman. Pinag-alala mo kaming lahat," aniya sa matanda. At ngayon, tila nakahinga na siya nang maluwag. "Sino ka?" tanong sa kanya ng matanda. Dahil sa sakit nito kaya siguro ay hindi siya makilala. Tumuon ang mga mata ko kay Castiel nang banayad siyang ngumiti sa matanda. Ngayon ko lang siya nakitang ngumiti nang gano'n. "Ako po 'to, 'La. Si Castiel. 'Yong apo mong mahal na mahal mo." "Castiel?" "Opo." Hinawakan niya ang kamay nito. "Tara na, 'La. Umuwi na tayo." Puno pa rin ng pagkagulo ang matanda nang tumayo na si Castiel mula sa pagkakaluhod. Nang bumaling siya sa akin ay ngumiti ako sa harapan niya. Inaya na niya akong bumalik sa kanila. Todo naman ang alalay niya sa kanyang lola habang naglalakad kami. Nang makarating kami sa mismong bahay nila, idineretso niya ang matanda sa kama nila para pagpahingain ito roon. Noong una pa nga ay ayaw nitong mahiga, pero sa huli ay napakiusapan din ni Castiel. Bakas na ang matinding pagod kay Castiel nang lumapit sa akin. Naupo siya sa mahabang sofa, sa mismong tabi ko. "Ayos ka lang?" nag-aalala kong tanong sa kanya. Sa halip na sagutin ako, isinandal niya ang sarili sa mahabang sofa. Ginulo niya ang sariling buhok at tila problemado. "Akala ko kanina ay hindi na natin makikita si Lola," aniya at umayos na ng upo sa tabi ko. Tumitig siya sa akin. "Thank you, Valerie. Napakalaking tulong ng pagsama mo sa akin sa paghahanap sa lola ko." Umiling ako. "Wala 'yon. Masaya ako at nakita natin ang lola mo nang ligtas." Hindi ako nagsisising sumama sa kanya sa paghahanap sa lola niya kahit na grabe rin ang pagod na idinulot nito sa akin. Dahil kasi sa nangyari ay nakita ko ang isang side ni Castiel na hindi ko alam na nag-e-exist pala. Tila ba mas nakilala ko siya. Ang akala ko ay top student lang siya at masipag na magtrabaho. 'Yon pala ay isa rin siyang mapagmahal na apo. Nakikita ko sa kanya ang pagiging responsable sa lahat ng bagay. Na kahit ang sarili niya ay handa na niyang kalimutan para lang sa mga taong mahalaga sa kanya. At sa panahon ngayon, iilan na lang ang lalaking kagaya ni Castiel. Kahit abala sa trabaho, hindi niya pinapabayaan ang pag-aaral niya. Responsable pa sa pamilya. At... hindi ko itatangging mas lumalim ang pagtingin ko kay Castiel sa nasaksihan ko ngayong araw. Ako kasi ang tipo ng babaeng hindi lang sa panlabas na itsura bumabase. Iyon man ang nakakakuha ng atensiyon ko sa una, ngunit mas kinikilala ko ang pagkatao ng lalaki. Dahil sa huli, mas emportante pa rin ang pag-uugali ng isang tao kaysa sa pisikal nitong anyo. "Pagabi na. Gusto mo bang dito na maghapunan?" Umiling ako sa alok niya. "Hindi na. Kailangan ko na rin umuwi. Walang makakasabay si Mama sa paghahapunan." Tumango siya. "Sige, ihahatid na kita sa kanto." "Hindi na. Kaya ko namang mag-isa. Maiwan ka na lang dito. Baka mamaya ay lumabas ulit si Lola." "Babantayan naman siya ni Ate Gina," giit niya. Kaya sa huli, wala akong nagawa kundi ang hayaan siyang ihatid ako sa kanto nila. Habang naglalakad kaming dalawa ni Castiel ay maya't maya ang pagsulyap ko ng tingin sa kanya. Halos hindi na nga mawala sa kanya ang mga mata ko. May bagay kasi ang gumugulo sa akin na ayaw akong tigilan. Tumigil na kami ni Castiel sa paglalakad nang makarating sa mismong kanto nila. At ngayon, nag-aabang na lang kami ng jeep na masasakyan ko. Bumaba ang tingin ko sa lupa kasabay ng pagkuyom ng mga kamao. Nagkasalubong ang kilay ko nang hindi malaman ang gagawin. Kaya ko ba 'yon... o hindi? Matapos na makipaglaban sa sarili, sa huli ay napagpasyahan ko rin na gawin ang balak. Seryoso akong bumaling kay Castiel. "Castiel," kuha ko sa atensiyon niya. May pagkagulo sa mukha niya nang tumingin sa akin. Malamang ay naguguluhan sa pagiging seryoso ko sa harapan niya. "Do you..." Malalim akong humugot ng hininga bago inabot ang kamay niya para mahigpit itong hawakan. Buong tapang ko namang sinalubong ang tingin niya sa akin. "Do you want to date me?" Nakita ko ang pagkatigil niya dahil sa tanong na lumabas sa bibig ko. Natulala siya sa harapan ko. Ako naman, walang naging pagbabago sa reaksiyon. Nananatili akong seryoso sa harapan niya para ipakita ang sinseridad ko sa tanong ko. Ako ang klase ng babaeng walang paki kung sino ang mag-first move sa amin ng lalaki. Mataas ang confidence ko sa sarili. Isa pa, naniniwala akong hindi lang ang lalaki ang may karapatang umamin sa babaeng nagugustuhan niya. A woman like me can do that, too. At sa nakita ko ngayon kay Castiel, mas naging sigurado lang ako sa nararamdaman para sa kanya. Gusto ko siya. Hindi lang dahil sa itsura niya, kundi dahil na rin sa pagkatao niya. I like everything about him. Muling natuon sa kanya ang atensiyon ko nang maramdamang hinawakan niya ang kamay kong nakahawak sa kamay niya. Dahan-dahang umawang ang bibig ko nang marahan niya itong tanggalin mula sa pagkakahawak sa kanya. Puno ng pagkagulo akong nag-angat ng tingin kay Castiel, pero nang makasalubong ang walang buhay niyang mga mata ay tila unti-unti nang nadurog ang puso ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD