LINGGO. Routine na ng pamilya ni Erin ang pumunta sa simbahan. Pagkatapos niyon ay saka sila mamamasyal at kakain sa labas. Parang iyon na ang pinaka-bonding nila tuwing weekend. "Okay ka na ba, 'nak?" tanong sa kaniya ng ina nang silipin siya nito sa kuwarto. Nakabihis na rin ito. "Opo, 'My. Magsusuklay na lang po ako." Ang akala ni Erin ay aalis na ang ina. Pero pumasok ito at tumabi sa kaniya sa harap ng salamin. Base sa tingin nito sa kaniya, parang gusto siyang ayusan. Katulad na lang noong bata pa siya. "Magpahid ka rin ng lipstick. Kahit manipis lang," suhestiyon nito habang pinapanood siya na naglalagay ng clip sa buhok niya. "'Wag na, 'My. Hindi nga po ako komportable, eh." Tumawa nang marahan si Erin nang bumaling sa ina. "Okay na po sa'kin ang lip balm." Bumuntong-hining