NANININGKIT ang mga mata ni Erin habang naghahanap ng libro na gagamitin niya para sa subject na Communication. Kailangan kasi niyang mag-review para sa parating na preliminary examination. Kanina pa siya naglilibot sa library pero wala siyang makita.
Nagkaubusan na siguro. bulong ng dalaga sa sarili.
Marami na kasi sa mga kaklase niya ang humiram dahil sa susunod na linggo na ang exam.
"Hay, salamat. Nandiyan ka lang pala, eh. Hindi ka man lang nagsasalita." Napangiti si Erin nang sa wakas ay may nakita siya sa pinakataas na bahagi ng bookshelf. Nag-iisa lang iyon.
Kaso ang problema ay nahihirapan siyang abutin iyon. Kahit matangkad na siya sa height na five feet and seven inches, mas mataas pa rin ang kinaroroonan ng librong gusto niyang abutin.
Tingkayad at lundag ang ginawa ni Erin. Ilang beses na siyang sumubok pero hindi pa rin niya iyon maabot. Hanggang sa may isang kamay ang kumuha niyon. Magwawala na sana ang dalaga dahil inunahan pa siya sa nag-iisang libro na iyon. Pero nang humarap siya sa nagmamay-ari ng kamay na iyon ay nagulat si Erin nang malamang kay Caleb pala iyon. Hindi hamak na mas matangkad ito sa kaniya kaya walang kahirap-hirap na nakuha ang gusto niyang libro.
Bumilis ang t***k ng kaniyang puso nang lumapit ito sa kaniya. Iba talaga ang dating ng presensiya nito sa kaniya.
Kaya pala biglang bumango ang paligid. Pero ano ang ginagawa niya rito?
"Ako ang nauna sa book na 'yan," reklamo ng dalaga. Nagawa pa rin niyang alalahanin ang pagre-review kahit destructed na siya sa kaguwapuhan ni Caleb.
"This is really for you. Hindi ko naman ito kailangan." Ubod ng tamis na ngumiti ang binata at inabot sa kaniya ang libro. "Inabot ko lang para sa'yo dahil nakita kong nahirapan ka."
Napakagat-labi at napayuko si Erin. Nahiya siya sa pambibintang niya rito. "I'm sorry. Sobrang kailangan ko lang talaga ang book na ito, eh."
Ngumiti uli si Caleb kaya lumitaw ang cute na dimple nito. Muntik na ring nawala ang singkit nitong mga mata. "Napansin ko nga. Kanina pa kita pinapanood habang tumitingkayad at nagtatatalon ka dito."
Ano raw? Kanina pa siya nito pinagmamasdan? At hayon na naman ang kakaibang t***k ng puso niya. Gosh, ano kaya ang hitsura ko kanina habang tumatalon at tumitingkayad?
For the first time ay na-conscious si Erin sa hitsura niya dahil sa isang lalaki.
"K-kanina ka pa pala diyan?" bulalas niya. At hayon na naman ang abnormal niyang puso nang ngitian siya ni Caleb.
"Oo. Gusto sana kitang pansinin. Kaso parang mas gusto mo pa yatang kausap ang mga books kaysa sa'kin."
Oh, my gosh! Narinig din pala niya ang pagsasalita ko kanina nang mag-isa. Baka isipin ng lalaking ito na may saltik ako? hiyaw ni Erin sa isip niya. "Ano nga pala ang ginagawa mo rito?" pag-iiba na lang niya ng usapan para ma-divert ang sariling kahihiyan.
"Kung ano rin ang ginagawa mo rito," sagot ni Caleb na bahagya pang kumunot ang noo.
"Nandito ako para mag-review at hiramin itong book." Nagdududang tiningnan ito ni Erin. "Parang hindi naman ikaw ang tipo ng estudyante na gagawa niyon."
"Ang harsh mo sa'kin. Gano'n ba talaga ang tingin mo sa'kin?" Um-acting si Caleb na nasaktan sa sinabi niya. "Isang estudyante na pabaya sa pag-aaral?"
"Ikaw ang may sabi niyan at hindi ako." Kipkip ang libro ay tinalikuran na niya si Caleb.
Ang balak sana ni Erin ay iwasan na ito nang tuluyan. Pero bigla itong sumunod sa kaniya. Nagulat na lang ang dalaga nang sabayan siya ni Caleb sa paglalakad hanggang sa bakanteng study table. Ito pa mismo ang naghila ng upuan para sa kaniya.
"So paano mo nasabing hindi ako ang tipo ng estudyante na hindi nagre-review at nagbabasa ng libro?" pangungulit ni Caleb. Pumuwesto ito sa katapat niyang upuan at pa-cute na humarap sa kaniya.
"I just know." Nagkibit ng balikat si Erin at nagsimulang buklatin ang libro. "Narinig ko kasi noon nang magkasabay tayo sa jeep na adik kayo sa Mobile Legends ng mga friends mo."
"Sila lang 'yon. Naglalaro lang ako pero hindi ako ML addict."
Pinigilan ni Erin ang mapangiti dahil sa pagiging defensive ni Caleb. Bakit kasi kailangan pa nitong ipagtanggol ang sarili?
Siyempre, ikaw ba naman ang mahusgahan na adik sa ML, eh. paliwanag ng other self ng dalaga.
"Ikaw, hindi ka ba naglalaro no'n?" interesadong tanong ni Caleb. Nakapangalumbaba ito sa harapan.
Kaya kahit ayaw man ni Erin, lalo siyang na-attract sa kaguwapuhan nito na napakalapit lang sa kaniya.
"Busy ako sa studies ko. Wala akong oras sa mga walang kuwentang bagay."
"Obvious nga. Dahil puro libro ang hawak mo sa tuwing nakikita kita." Pagkaaliw ang mababakas sa boses ni Caleb at hindi panlalait.
Napahinto sa pagbubuklat ng libro si Erin at napatingin sa binata. Hindi mawala-wala sa isip niya ang sinabi nito. Ibig sabihin ay lagi siya nitong nakikita?
Walang mahagilap na isasagot si Erin. Nagbawi na lang siya ng tingin nang mapansing tila walang balak si Caleb na tantanan siya ng tingin. "Wala ka bang pasok?" usisa na lang niya rito at sinimulan nang magbasa sa isip niya.
"Wala. Mamayang 1:30 pa. Kaya may two hours pa akong bakante."
Hindi na kumibo si Erin. Kailangan na niyang mag-focus sa pagre-review. Kaya pinilit niyang huwag magpaapekto sa presensiya ni Caleb. Pinatayo na lang niya ang libro para itago ang mukha nang mahuli niya itong nakatitig pa rin sa kaniya.
"Need ko nang mag-review at mag-concentrate. Baka puwede ka nang umalis," pagtataboy niya rito.
Hindi siya makapapayag na ang kagwapuhan lang nito ang makakasira sa concentration niya. Humahanga lang siya rito pero hanggang doon lang iyon. Kahit sinong babae naman kasi ay ma-a-attract talaga kay Caleb. Lalo na kapag malapitan. Abnormal na lang ang hindi. Katulad niya noon na parang hindi pa ito nag-i-exist sa paningin niya dahil hindi pa naman niya nakakaharap talaga.
Pero ngayong naka-face-to-face na ni Erin si Caleb, naiintindihan na niya ang mga babaeng patay na patay dito.
Ang ipinagkaiba lang ni Erin sa mga babaeng iyon, hindi siya marupok. Matibay ang pader na inihaharang niya sa mga bagay na posibleng makasira sa pag-aaral niya.
"Puwede bang dito na lang muna ako. Ang sarap kasing magpalamig dito. Ang init sa labas, eh," wika ni Caleb at bumuga pa ng hangin.
"Iyon lang ang gagawin mo rito? Two hours ako dito."
"Magpapalamig at titingin sa'yo," naaaliw na sabi nito.
Nag-blush si Erin pero napilitan pa rin siyang ibaba ang libro para tingnan si Caleb kung seryoso ba talaga ito sa sinabi. At nang makita niyang nakangiti ito ay napatunayan niyang nagbibiro lang ito.
Pero bakit parang dismayado ang puso niya?
"Bakit mo naman ako titingnan?" tanong pa rin ni Erin.
Sumeryoso ang guwapong mukha ni Caleb. "Bakit? Bawal bang tumingin sa'yo?" bahagyang nakasalubong ang mga kilay nito.
"Wala akong sinabi," dahilan niya at nag-iwas uli ng tingin. Pero nagulat siya nang bigla nitong pinisil ang pisngi niya.
"Sorry. May alikabok kasi. Baka nalagyan kanina nang talunin mo ang bookshelf."
Naiinis na si Erin. Bakit ba feeling close kung umakto ang lalaking ito? Nahirapan na tuloy siyang palayasin ito sa harapan niya.
"Salamat," kiyeme na sagot ng dalaga at itinaas uli ang libro para itago ang pamumula ng mukha niya. "H'wag ka na lang maingay diyan kung ayaw mo talagang umalis. Magre-review na kasi ako."
"Sure, my princess. Promise, I'll behave."
Napakurap-kurap si Erin habang nakatutok ang mga mata sa libro. Feeling niya ay naging noitacinummoc ang basa niya sa salitang "communication". Pati ang ibang words ay naging baliktad na rin.
Tama ba ang narinig niya? Tinawag siya ni Caleb na "my princess"?
Napailing na lang si Erin sa pag-aakalang guni-guni lamang niya iyon. Sino na naman kasi siya para tawagin nito sa ganoon? Una, hindi naman siya mukhang prinsesa. Pangalawa, hindi naman sila.
Hay, Erin. Next time, kumain ka na nang marami kapag breakfast. Para hindi ka na mabingi.
Hindi na umimik ang dalaga at sineryoso na ang pagre-review. Tumupad naman si Caleb sa pangako na hindi na ito mag-iingay. Hindi niya alam ang ginagawa nito pero tahimik lang talaga.
Nawala lang sa focus si Erin nang may naramdaman siyang flash ng camera. Mabilis niyang tiningnan si Caleb pero nakayukyok ang ulo nito sa lamesa at mukhang tulog na.
"Hoy, h'wag kang matulog," pukaw niya rito. Pero kahit anong tawag niya ay hindi ito sumasagot. Hindi rin gumagalaw.
Mukhang tulog na yata talaga. Kaya pala sobrang tahimik.
Nag-aalala si Erin na baka makita ng librarian o mga staff na natutulog si Caleb. Madamay pa siya kapag napagalitan ito. Kaya niyugyog na niya ito sa balikat para gisingin.
Ngunit napakislot sa sobrang pagkagulat si Erin nang bigla nitong hinuli ang kamay niya at hinawakan iyon. Naramdaman na naman niya ang werdong kuryente na dumaloy sa kamay niya, papunta sa puso niya. Gusto niya iyong bawiin pero para siyang nanigas na ewan.
"Bakit?" tanong ni Caleb nang mag-angat ng ulo. Nakatingin ito sa kaniya at parang walang kaide-ideyang hawak nito ang kamay niya.
"H'wag kang matulog at baka makita ka ng mga staff. S-siguradong paaalisin ka nang mga iyon," nauutal na sagot ni Erin.
"At ayaw mo akong umalis?" nakangiti nitong tanong.
Nahihiyang nagbawi ng tingin si Erin. "Ayoko lang madamay kapag napagalitan ka. Good record ako dito, 'no?"
"At ako hindi? Ang harsh mo na naman sa'kin," may bahid ng lungkot ang boses ni Caleb.
Pero bakit naman ito malulungkot kung masama man ang impression niya rito? Naku, self. Dadamihan na talaga natin pagkain tuwing umaga. Mahirap malipasan ng gutom. Kung ano-ano ang naririnig at nararamdaman.
Nang maramdaman ni Erin na may pumisil sa palad niya, noon lang niya napansin na hanggang ngayon pala ay hawak-hawak pa rin ni Caleb ang left hand niya.
"Ang kamay ko..." Nahihiyang binawi iyon ng dalaga. Pasalamat naman siya at agad iyong binitiwan ni Caleb.
"Patingin ng ID mo."
Nagulat na naman si Erin nang bigla na lang itong dumukwang at hinawakan ang ID na nakasabit sa leeg niya. Napakalapit lang ng ulo nito kaya amoy na amoy niya ang mabango nitong buhok. Feeling ng dalaga ay kinilig siya nang malamang iisa sila ng shampoo. Sunsilk pink.
"Ano ba ang titingnan mo? Pangit ang picture ko diyan," reklamo ni Erin nang makita si Caleb na titig na titig sa ID niya.
"Ang cute mo kaya rito. Kamukha mo si Kathryn Bernardo." He smiled at her. "Ganiyan pala ang spelling ng surname mo?"
Ang hilig ngumiti ng taong ito. Paano pa niya ito maipagtutulakan palayo kung sa ngiti pa lang nito ay nawiwili na siya?
"Oo. Bakit?"
"Wala lang." Caleb shrugged his shoulders. "I just thought na balang araw ay mapapalitan din iyang apelyido mo."
Kumunot ang noo ni Erin. "Bakit naman mapapalitan?"
"Siyempre, mag-aasawa ka. Don't tell me na wala kang balak na mag-asawa?" anito na matamang nakatitig sa kaniya.
Muntik nang matampal ni Erin ang sariling noo. Loading, self? Bakit ba kasi hindi niya agad na-gets ang tinutukoy ni Caleb? Kung ano-ano kasi ang pakahulugan niya sa sinabi nito, eh. Iyan tuloy. Nagmumukha tuloy siyang slow.
Nginitian siya ng binata pagkatapos nitong pagsawaan ng tingin ang mukha niya. "Sige na, mag-review ka na. Hindi na kita iistorbohin."
Nakita ni Erin na naglabas ng papel at ballpen si Caleb. Nag-aaral naman pala. nangingiti niyang bulong sa isip sa isip.
Sa pag-aakalang iyon nga ang gagawin ng binata ay ibinalik na ni Erin ang atensiyon niya sa libro. Hindi na niya iyon itinaas dahil busy na rin si Caleb at mukhang wala na itong balak na tingnan siya.
Siguro dahil mukhang Mathematics ang pinag-aaralan nito. Nakita kasi ito ni Erin na parang nagsusulat ng mga numbers. At siguro rin, favorite subject iyon ni Caleb. Dahil todo-ngiti ito habang nagsusulat.
Lihim na natuwa si Erin. Dahil nagkataon pa yata na pareho sila ng favorite subject.
"Tapos ka nang mag-compute?" tanong niya rito nang makitang ibinabalik na nito sa bag ang papel at ballpen.
"Nagko-compute ng alin?" nagtataka nitong tanong. Pero halata ang nakakaakit na ngiti sa mga labi nito.
"Iyong ginagawa mo kanina. Assignment mo ba 'yon?"
"Ah..." Lumawak ang pagkakangiti ni Caleb. Para itong kinikilig. "Hindi 'yon assignment. Naglaro ako ng FLAME."
Awtomatikong kumunot na naman ang noo ni Erin. "FLAME? Ano 'yon?"
"Seriously? Hindi mo alam 'yon?" Hindi makapaniwalang tinitigan siya ni Caleb. "Halos lahat ng mga kaklase kong babae simula pa lang noong High School ako ay alam 'yon. Sa kanila ko nga natutunan, eh. Ngayon ko lang in-apply. Akala ko kasi hindi totoo. Pero mukhang mali ako."
Rumehistro ang interes sa magandang mukha ni Erin. "Ano nga kasi 'yon?"
"Isa iyong laro para malaman mo kung compatible ba talaga kayo ng crush mo," naaaliw na paliwanag ni Caleb. "Letter 'F' means friends, 'L' for lovers, 'A' for affectionate, letter 'M' for marriage, and 'E' as enemies."
Natatandaan na ni Erin ang larong iyon. Naalala niyang madalas iyon na nilalaro noon ni Valentine noong second year high school pa lang sila at hindi pa ito man-hater.
"Seryoso? Naglalaro ka no'n?" nagdududang tanong ni Erin. Siya naman ngayon ang hindi makapaniwala. "Hindi ko kasi iyon na-try."
Naalala rin niya na pawang mga kaklaseng babae niya ang naglalaro niyon dati. Siya lang ang ayaw. Pati na rin ang mga classmates nilang lalaki na tinatawag pang "corny" ang larong iyon.
"Ngayon lang." Nakangiti pa rin si Caleb na lalong nagpabilis sa t***k ng puso ni Erin. "Hindi ko kasi mahulaan kung ano ang status namin ng crush ko."
Hindi alam ng dalaga kung bakit parang napaaray ang puso niya sa nalamang may crush na iba si Caleb. Kung tutuusin, hindi na siya dapat na nanibago. Sa status nito sa campus bilang isa sa mga number one playboy, baka hindi na lang crush ang mayroon ito. Siguradong kabilaan pa ang girlfriend nito.
At sa ideyang iyon ay lalo pang napaaray ang puso ni Erin na kaagad niyang sinaway at pilit na hindi pinaniwalaan.
"Never ka talagang naglaro ng FLAME eversince?" amused na tanong ni Caleb.
"Hindi. Dahil alam kong hindi ko naman iyon kailangan. Wala kasi talaga akong balak na magpaligaw at mag-boyfriend hangga't hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral," dire-diretsong paliwanag ni Erin. Tumigil lang siya nang mapansing matiim siyang tinititigan ni Caleb.
"Bakit naman? Ang sarap kayang mag-aral na may inspiration ka."
"Sus." Tinaasan niya ito ng kilay. "Destruction ka'mo."
"No, you're wrong." Nagpoprotesta ang boses at hitsura ni Caleb.
"Gano'n 'yon," giit pa ng dalaga. "Marami na akong kakilala na nasira ang pag-aaral dahil sa mga lalaki."
"Eh, paano kung ang lalaking iyon ay sasabayan at sasamahan ka sa bawat pag-aaral mo, sa bawat pangarap mo?" Biglang sumeryoso ang mukha ni Caleb. "Hindi ba't mas masarap mag-aral kapag gano'n?"
Napaisip si Erin. Parang ang sarap ngang mag-aral na may kasama kang nangangarap. Siguro, lalo siyang mai-inspired no'n. Dahil alam niya na hindi na lang niya pamilya ang nakasuporta sa kaniya kundi maging ang taong mahal niya.
Mahal?! exaggerated na tili ni Erin sa isip niya.
Nang dahil kay Caleb kaya kung saan-saan na nakarating ang isip niya imbes na doon lang sa librong binabasa. At mukhang bad influence pa ito sa kaniya dahil ginugulo nito ang pananaw niyang "Study first before love."
At hindi na niya iyon nagugustuhan.
Mabilis na itiniklop ni Erin ang libro at isinukbit ang backpack niya. Pagkatapos ay saka tumayo.
"Hey, aalis ka na?" kunot-noong tanong ni Caleb. "Akala ko, two hours ka rito."
"May gagawin pa pala akong project. Sige, mauna na ako." Hindi na niya hinintay na pigilan siya ni Caleb. Dali-dali na siyang umalis. "Bye," aniya habang papalayo.
Gusto sana ni Erin na lingunin si Caleb. Pero baka ngitian na naman siya nito at mawili na naman siya. Hindi ito healthy sa studies niya. Ngayon pa nga lang ay hindi na siya nakapag-review nang maayos.
Paano pa kaya sa mga susunod?