Chapter 5

2733 Words
"TAPOS ka na agad mag-review?" nagtatakang tanong sa kaniya ni Valentine nang magkita sila nito sa canteen. Suot-suot na naman nito ang malaking eyeglasses, long sleeve at mahabang palda, at buhok na basta na lang ipinusod. Kung gaano kasimple si Erin, triple niyon ang best friend niya. Walang kamalay-malay ang mga lalaking umiisnab kay Valentine na sa likod ng pagiging manang nito ay may nakatagong kagandahan. "Akala ko, joke mo lang kanina nang mag-chat kang tapos ka na. Eh, minsan nga, kulang na lang ay doon ka na tumira sa library." "Parang siya hindi," ganting biro niya kay Valentine. Pagkalabas ni Erin ng library kanina, kaagad niyang ch-in-at ang kaibigan at inalam ang kinaroroonan nito. Eksakto namang nasa canteen ito dahil kumakalam na rin ang sikmura niya. "Nagugutom na kasi ako," pagdadahilan ni Erin. Dahil ang totoo ay umiwas lang talaga siya kay Caleb. Kating-kati na siya na ikuwento kay Valentine ang tungkol sa binata. Pero para saan pa? Eh, balak din naman niyang iwasan na ito nang tuluyan. "Kaya ang sabi ko sa'yo kanina, after lunch ka na lang pumunta sa library dahil alanganin na ang oras," sermon pa sa kaniya ni Valentine. Sa kanilang dalawa, mas matured itong mag-isip. Kahit magkaedad lang sila, para niya itong ate kapag nagsalita. "Buti na lang at nagpasobra ako ng pagkain. Ubos na yata ang ulam sa pantry." "Okay lang. Dahil baka hindi ko na talaga naabutan ito." Ipinakita niya ang Communication book. At hindi ko rin sana makikita si Caleb. Natigilan si Erin nang marinig ang sarili. Nakakainis! Bakit bigla na lang iyong pumasok sa utak niya kahit hindi naman niya iniisip? "Anyare sa'yo? Nakagat mo ang dila mo?" tanong ni Valentine nang makita ang pagngiwi niya. "O-oo. Ang sakit. Sobra," pagsisinungaling uli ni Erin at saka sumubo ng kanin. Adobong manok ang ulam nila. "Dahan-dahan lang kasi. Mahaba pa naman ang free time natin," anang kaibigan niya. Habang kumakain silang dalawa ni Valentine ay may naramdaman na naman si Erin na parang flash ng camera. Tumingin-tingin pa siya sa paligid pero wala naman siyang nakikitang nagpi-picture. May palihim bang kumukuha sa'kin ng picture o minumulto lang ako? "Naramdaman mo 'yon?" hindi nakatiis na tanong ni Erin kay Valentine. Iba kasi talaga ang pakiramdam niya. "Ang alin? Ikaw, best, ha. 'Wag mo akong tinatakot nang ganiyan," nahihintakutang sabi ni Valentine. Bukod sa flash, nararamdaman din niya na parang may mga matang nakatingin sa kaniya. Nahagip ng mga mata niya sa panglimang lamesa ang mga kaibigan ni Caleb na kumakain din. Pero wala naman doon ang binata. Nagkibit na lang ng balikat niya si Erin. "Wala. Never mind. Hangin lang siguro na dumaan." "Ay, kaloka 'to. 'Wag mo sabihing may third eye ka na ngayon?" dagdag ni Valentine at tinawanan lang niya. Patapos na sila sa pagkain nang biglang lumapit sa lamesa nila si Marissa. May dala-dala itong isang box ng Ferrero Rocher na chocolate. Nalula sila sa dami ng laman ng transparent box. Kitang-kita mula roon ang nakalakatikim na hugis-bilog na mga tsokolate. "Wow! Dumating na galing Saudi ang papa mo?" sabay na tanong dito nina Erin at Valentine. Kunwaring sumimangot si Marissa. "Sana nga talagang akin itong chocolates. Pero hindi, eh. Dahil pinapabigay lang ito sa'yo," sabay tingin sa kaniya. "Sa'kin?" Napapamaang na itinuro ni Erin ang sarili. "As in ako?" "Unless kung may iba pang Erin Gosiaco dito sa campus at katulad mo rin ng course," pamimilosopo ni Marissa. Ngunit unti-unting napalitan ng kilig ang ekspresyon nito. "Pero infairness sa nagpabigay nito sa'yo, ha? Mukhang galante. Hindi rin biro ang price nitong forty eight pieces na Ferrero, 'no?" "Pero sino naman ang nagpabigay niyan?" nagtatakang tiningnan siya ni Valentine. "Sigurado naman na hindi iyan galing kay Vaughn dahil saksakan 'yon ng kuripot." Nagkibit ng balikat si Erin. "At saka first time kong makatanggap ng ganiyang karaming chocolates. Baka hindi talaga 'yan para sa'kin, Mars." Tiningala niya ang kaklase. "Sino ba ang nagpapabigay niyan?" "I don't know. Inabot lang din sa'kin ng isang babaeng nerdy. May nagpapabigay daw sa classmate ko na Erin Gosiaco ang pangalan." Tinampal siya ni Marissa. "Hayaan mo na kung sino man ang pamisteryoso mong admirer na 'yon. Kainin na lang natin 'to." "'Wag!" maagap niyang pigil kay Marissa nang akto nitong bubuksan ang box ng chocolate. "Ibabalik natin 'yan. Kung sino man siya, well, hindi niya ako madadaan sa pa-choco-chocolate niya." "Tama ka, best," mabilis na pagsang-ayon sa kaniya ni Valentine. "Madalas ay gawain iyan ng mga playboy." Playboy. parang sirang plaka na paulit-ulit iyong nag-replay sa isip ni Erin nang banggitin iyon ni Valentine. At isang tao agad ang pumasok sa isip niya. Pero bakit naman iyon gagawin ni Caleb? Mabilis na lumipad ang tingin ni Erin sa lamesa ng mga kaibigan nito. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makitang naroon na si Caleb at nakaupo sa tabi ng kaibigan nitong paharap kay Erin ang puwesto. Kung hindi pa mahigpit ang pagkakahawak niya sa baso ay siguradong nabitiwan na niya iyon sa sobrang pagkabigla. Mabilis niyang sinaway ang sarili nang sandaling natulala siya kay Caleb. Ano ang ginagawa nito sa canteen? Hindi ba't nasa library ito dapat at nagpapalamig? Awtomatikong bumilis ang t***k ng puso niya nang ngumiti sa kaniya si Caleb at nag-wave pa. Feeling ni Erin ay may mga dagang nagrarambulan sa loob ng dibdib niya. Kaagad siyang nagbaba ng tingin dahil titig na titig pa rin ito sa kaniya. And out of nowehere, bigla na lang nagkaideya si Erin sa misteryosong lalaki na nagpabigay sa kaniya ng Ferrero Rocher na chocolate. "Alam ko na kung--" "Hoy, Vaughn!" Malakas na boses ni Marissa na nagpatigil sa sasabihin sana ng dalaga. Napatingin na lang siya kay Vaughn na noon ay nasa harapan na nila. "Sa'yo ba galing itong mga Ferrero?" Napakunot-noo ang kaklase at manliligaw ni Erin habang nakatunghay sa chocolate. "H-ha?" "Umamin ka na. Ikaw lang naman ang makapal ang mukha na nanliligaw pa rin kay Erin kahit ilang beses nang binasted." Nakikinig lang si Erin kina Marissa at Valentine na inuusisa si Vaughn. Pero ang totoo ay kanina pa siya hindi mapalagay. Paano naman kasi? Kahit hindi man siya sumulyap, alam niyang nakatingin pa rin sa kaniya si Caleb. At malakas ang kutob ni Erin na ito ang nagpabigay ng chocolate. "Grabe ka talaga sa'kin, Val." Napakamot sa ulo si Vaughn. "Masama na ba ngayon ang magbigay ng chocolate sa isang tao?" "Sa'yo galing 'yan?" mabilis pa sa hangin na baling ni Erin sa manliligaw. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkadismaya. Ano ba naman kasi ang pumasok sa kukote niya at naisip niyang si Caleb ang nagbigay niyon? Hindi likas na assume-ra si Erin. Pero simula nang makilala niya ang binata, nag-exist na ang salitang "assume" sa vocabulary niya. "Oo. Naalala ko kasi na favorite chocolate mo ang Ferrero," paliwanag ni Vaughn. "Kaya pinag-ipunan ko." "Mali." Muntik na itong batukan ni Valentine. "Kisses kaya ang favorite ng best friend ko." Natawa sina Erin at Marissa. Wala talaga kadala-dala itong si Vaughn kahit palaging barado kay Valentine. Nahihiyang napahawak uli sa batok nito ang lalaki. "Sorry naman. Bawi na lang ako next time, Erin." Hindi na nakatiis ang dalaga. Wala sana siya sa mood para mambasted. Dahil nakakaramdam siya ng sobrang good vibes na hindi niya alam kung saan nagmumula. Pero sobrang nakukulitan na siya kay Vaughn. Hindi ba talaga nito maunawaan ang motto niya na, "Study first before love." "Salamat na lang, Vaughn. Pero kahit isang buong truck pa ang ibigay mo sa'kin na chocolate, ligwak ka pa rin," pagpaprangka dito ni Erin at sabay tayo. "Excuse me, guys. Magsi-CR lang ako." Kinindatan lang ni Erin si Valentine, na para bang sinasabing ito na ang bahala kay Vaughn. Sa kanilang dalawa, mas magaling itong manita ng manliligaw niya. Palibhasa man-hater kaya walang kiyeme na nagbibitaw ng masasakit na salita. NAPAURONG si Erin nang sa paglabas niya ng comfort room ay namataan niya ang grupo ni Caleb na nakatambay sa hallway. Ang iba nitong kasama ay may kaniya-kaniyang hawak na cellphone. At sa paraan ng pagdutdot ng mga ito, mukhang napapalaban na naman sa Mobile Legends. May ibang laman pa kaya ang isip ng mga ito? Bukod sa "enemy", "double kill", at kung ano-ano pang salitang naririnig ni Erin sa mga naglalaro ng Mobile Legends. Habang si Caleb naman ay kausap ang isa nitong kaibigan. Mukhang nagbibiruan dahil tawang-tawa ito. At para palang musika sa pandinig ang maganda nitong tawa. Bakit ba kung saan-saan na lang ito sumusulpot? Daig pa ang isang kabute. Ang masama, sumusulpot si Caleb sa mga lugar kung nasaan din si Erin. Sinusundan ba siya nito? Assuming ka na naman agad! saway ng maliit na tinig na iyon sa isip ni Erin. Nakalimutan mo na yata na iisa lang kayo ng school? Dahil alam ni Erin na hindi niya kayang dumaan sa harapan nina Caleb, at wala rin namang ibang labasan, kaya dali-daling bumalik na lang siya sa ladies' room bago pa siya makita ng mga ito. Mamaya na lang siya lalabas kapag sa tantiya niya ay wala na ang mga ito. O kaya kapag may makakasabay na siya. Fifteen minutes din yata ang pinalipas ni Erin bago niya naisipang lumabas, sa pag-aakalang wala na roon sina Caleb. Mukhang wala na ring mga estudyante ang papasok. May kalayuan kasi ang comfort room kaya bihirang dayuhin. Bakit ka nga naman dadayo pa roon kung mayroon naman sa malalapit lang? Napatanong na naman tuloy si Erin kung ano ang ginagawa roon ng grupo ni Caleb. Para maglaro ng Mobile Legends? Kasalukuyang iyon ang laman ng isip ng dalaga nang buksan niya ang maindoor ng ladies' room. Pero napaatras siya sa sobrang pagkabigla nang magkabungguan sila ni Caleb. Kalalabas lang din nito sa comfort room ng mga lalaki. Sa tangkad at laki, halos sakupin na nito ang pasilyo na papuntang men's room. "I'm sorry," halos sabay pa nilang sabi sa isa't isa. "Natamaan ba kita?" Ramdam ang concern sa boses ni Caleb nang magtanong ito. Nakaharang pa rin ang katawan nito sa daraanan ni Erin kaya nakulong siya sa nakapinid na pintuan ng ladies' room. "No. I'm okay," sagot ng dalaga na hindi tumitingin dito. "Good. Akala ko nasiko kita." Noon lang nagtaas ng tingin si Erin nang maramdaman niyang nag-aalala pa rin sa kaniya si Caleb. "H-hindi talaga. Promise. Nakaatras kasi agad ako." "Kung bakit kasi lagi na lang tayong pinagtatagpo." Nginitian siya nito. Natural, nagwala na naman ang pobreng puso ni Erin na nabihag na yata ng isang playboy. "Parang gusto ko na tuloy maniwalang totoo nga ang destiny." Umawang ang bibig ni Erin. Ano ang alam ng isang playboy sa salitang "destiny"? "Hindi 'yon totoo. Coincidence, oo. At hindi iyon malabong mangyari dahil iisa ang mundong ginagalawan natin." "Maybe." Caleb shrugged his shoulders. "Someday I'll prove to you that I was actually right." Pabulong lang ang pagkakasabing iyon ng binata kaya hindi na gaanong umabot sa pandinig ni Erin. Hindi na siya nagtanong pa at sinolo na lang ang curiosity na gumugulo sa isipan niya. "Papasok ka na ba?" kaswal na tanong sa kaniya ni Caleb. "Sabayan na kita." Naalarma agad ang puso ni Erin. "Thanks na lang. Pero babalik pa ako sa canteen. Nando'n pa ang mga friends ko, eh." Hindi na nag-abalang magtaas ng tingin si Erin nang subukan niyang dumaan sa maliit na espasyong hindi sakop ng katawan ni Caleb. Pero mabilis naman na iniharang nito roon ang isang kamay. Nagtatakang nagpalipat-lipat na lang ang tingin ng dalaga sa nakaharang na braso ni Caleb at sa mukha nitong bigla na lang sumeryoso. Ano kaya ang problema ng isang ito? Ikinuyom ni Erin ang mga kamay para unti-unting ibalik ang sarili sa tamang huwisyo, na dagling naapektuhan dahil sa presensiya ni Caleb. "Excuse me..." aniya at sumenyas na dadaan siya. Noon lang ibinaba ni Caleb ang nakaharang na braso. "Sure..." Pero hindi naman ito nag-abalang ilayo ang katawan. Kaya nang dumaan si Erin ay dikit na dikit pa rin sila sa isa't isa. Para na silang magkayakap kung titingnan. "Mauna na ako," paalam niya sa binata. Hindi pa rin niya ito magawang tingnan nang diretso sa mga mata. At ang puso niya ay parang nalulunod na sa sobrang lakas at bilis ng pagtibok nito Ang akala ng dalaga ay makakalayo na nga talaga siya kay Caleb. Pero hindi niya inaasahang pigilan siya nito sa palapulsuhan. "Wait," anito at humarap sa kaniya. Parang napapaso na binawi ni Erin ang kamay niya. Hindi na niya kayang tagalan ang pagdadantay ng mga balat nila. "Bakit?" "Iyong towel ko nga pala na pinahiram ko sa'yo last time--" "Oh, my God!" Mariing napapikit si Erin, sabay nang pagtampal niya sa noo. "Sobrang sorry talaga. Nawawala kasi sa isip ko kapag umaalis ako ng bahay. Don't worry, nalabhan ko na iyon. Promise, ibabalik ko na talaga bukas." "So... magkikita pa tayo bukas?" nangingiting tanong ni Caleb. Katunayan, parang inulit lang nito ang sinabi niya. "Unless kung okay lang sa'yo na iwanan ko na lang sa security guard para ibigay sa'yo." Ang bilis ng pag-iling ni Caleb. "Hindi naman ang security guard ang gusto kong makita..." Napipilan ang dalaga. Damang-dama niya ang pagwawala ng puso niyang bigla na lang naging abnormal. Siya ba ang gusto nitong tukuyin? "Kung gano'n, iaabot ko na lang sa'yo kapag nagkita tayo," mungkahi ni Erin pagkatapos niyang huminga nang malalim. "Sige," iyon lang at tinalikuran na niya si Caleb. "Bye. See you tomorrow." Inaakala ni Erin na talagang nagba-bye na sa kaniya ang binata. Pero naramdaman niya itong sumunod sa kaniya. At habang palapit nang palapit sa likuran niya ang mga hakbang nito ay paiksi naman nang paiksi ang hininga ni Erin. Tila bumigat bigla ang kaniyang katawan, partikular na ang mga binti niya. Nahihirapan siyang ihakbang ang mga paa. Nang tumikhim si Caleb sa likuran niya ay sakto namang may naapakan si Erin na parang madulas na likido sa sahig. Nawalan siya ng balanse at napapikit na lang sa pag-aakalang babagsak siya sa sahig. Ngunit gulat na gulat siya nang sa halip ay sa matitipunong braso ni Caleb siya bumagsak. Mabilis pala siya nitong nasalo. "Ssshh... I've got you," wika nito na nagpadilat kay Erin. Mahigpit pero hindi nakakasakal na niyakap nito ang katawan niya. Pero malakas siyang napasinghap nang malamang halos gahibla na lang pala ang layo ng mga mukha nila sa isa't isa. Parang kaya nang bilangin ni Erin ang makakapal at mahahabang pilik-mata ni Caleb. Kahit ang mabango nitong hininga ay langhap na langhap na niya. Ramdam niya ang init niyon sa tuwing tumatama iyon sa kaniyang mukha. Habang nakatitig sila sa isa't isa, feeling ni Erin ay biglang huminto sa pagtakbo ang oras. Parang tumigil sa pag-ikot ang mundo niya. At walang ideya ang dalaga kung ano ang tawag sa damdaming iyon. Unang beses pa lang niya iyong naramdaman pero parang ang sarap. Ang sarap na nakakatakot... "Anong meron?" Mabilis na umayos ng tayo si Erin nang marinig ang mga nagsalitang iyon. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang mga kaibigan ni Caleb na nakatayo sa right side nila. Mukhang aliw na aliw ang mga ito sa nasaksihan. "Erin, ano ang ginawa sa'yo ni Caleb?" Nagtaka si Erin sa kabila ng hiyang nararamdaman. Paano nalaman ng mga kaibigan ni Caleb ang pangalan niya? "Shut up, Matt. You're scaring her," saway nito sa kaibigan. "Baka kung ano pa ang isipin niya sa'kin." "Eh, ano pala 'yong naabutan namin?" tukso pa ng mga ito sa kanila. "Nadulas ako at sinalo lang ako ni Caleb." Si Erin na ang nagpaliwanag. Hindi kasi makahirit ang binata dahil tadtad ng tukso. Kabilaan ang kaibigan na nanunudyo. "Aahhh... Na-fall.." sabay-sabay na sabi ng mga kaibigan ni Caleb at makahulugang nagtinginan. Lalong nailang si Erin dahil alam niyang malaman ang ibig sabihin nang huling sinabi ng mga ito. "Are you alright?" kapagkuwan ay nag-aalalang tanong ni Caleb nang mapatigil sa panunukso ang mga kaibigan. Parang natunaw ang puso ni Erin sa sobrang pag-aalala na nakikita niya sa guwapong mukha ng binata. "Yes, okay lang ako..." Inayos niya ang sarili. Pagkatapos ay saka siya ngumiti. "Sige, mauna na ako." Naramdaman ni Erin na hinabol siya ni Caleb pero napahinto nang makitang makakasalubong nila sina Valentine, Marissa at Vaughn. Hindi na rin lumingon pa ang dalaga para hindi lalong lumaki ang curiosity ni Valentine. Alam ni Erin na nagtaka ito sa nakita. At ngayon pa lang, siguradong hahadlang na ito sa pagkakalapit nila ni Caleb.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD