Napansin ni Cavell ang pagtaas ng kamay ni Zef at nang makita niya ito sa may bar. Medyo makapal ang usok dahil sa sigarilyo at humalo ang amoy ng iba’t ibang klase ng hard drinks, perfume, cologne at pagkain. Medyo mas maraming tao ngayon dito kaysa ibang araw. Naglalakad na siya palapit sa kaibigan nang hindi niya mapansin ang isang babaeng sumuray-suray na galing sa Ladies’ Room.
“Aww!” anitong sapo ang balikat. “Puwede bang tumingin-tingin ka sa daanan mo? Hindi lang ikaw ang tao rito!” sigaw nito sa kanya. Sobrang taray talaga pero medyo malakas din naman kasi ang musikang nakatugtog.
Nilingon niya ang babae. Nasa five feet and nine inches yata ang tangkad nito. Pero mas matangkad pa rin siya sa kanyang six feet. Naka-flat shoes lang ito, shorts na maikli at oversized tank top na may quarter sleeves. Litaw na litaw ang magandang katawan nito sa ganoong ayos. Nakalugay ang pinakulayang brown na buhok na kay lambot tingnan. Maganda ang natural na arko ng kilay, smoky makeup at pink lipstick sa perpektong Cupid’s bow na hugis na mga labi. Sa madaling salita, napakaganda nito kahit na lasing. In fact, mas hot itong tingnan.
Ewan niya ba. At nalalanghap niya rin ang bango nitong parang pinaghalong floral and fruity scents. Hindi matapang o masakit sa ilong na kadalasan niyang nasasamyo sa ibang mga babae.
Bigla siyang tinuyuan ng lalamunan habang nakatitig sa babaeng nakakunot ang noong nakaangat ng tingin sa kanya.
‘Why in hell do I feel this way?’
“Sorry,” sabi niya rito.
“Hmp!” ismid na anito at saka nilayasan na siya.
Sinundan niya muna ito ng tingin bago nagpatuloy sa paglapit kay Zef na nakamasid sa kanya kanina pa. Papaupo na sana siya nang marinig niyang magsalita ang isang babae.
“Hoy! Saan ka ba pupunta, Djora? Nandito ako, o!” sabi nito. Kumakaway sa babaeng nakabanggaan niya.
“O, Tavi! Ba’t lumipat ka?” sita naman nito sa tumatawag.
Paglingon niya ay ang babaeng nakabunggo niya pala ang tinatawag na Djora ng Tavi na nasa malapit lang na mesa ni Zef. Sumuray na naman si Djora at nabangga ito sa isang babae na nagrereklamo. Sinalo niya si Djora bago pa man ito bumagsak sa sahig. Nakahawak siya sa siko at baywang nito. Naramdaman niya ang init at lambot ng katawan ng babae.
“Djora!” bulalas ni Tavi.
“Hoy! Bumalik kang babae ka! ‘Di ka man lang nag-sorry, ah!” pahabol na anito sa babaeng nakabanggaan nito. Tumingin ito sa kanya nang inalalayan niya itong tumayo. Ngumiti ito sa kanya at parang nakalimutan nitong nabunggo niya rin ito kanina. “Thanks!”
Biglang may parang paru-parong lumilipad sa bandang dibdib niya nang makitang ngumiti ito sa kanya. Kumurap-kurap siyang nakatingin sa babae na parang nahipnotismo. Binitiwan na niya ito nang makalapit na sa kanila si Tavi.
“Salamat at sori po sa abala,” anito sa kanya na inalalayan ang lasing na babae.
“Baka dapat na kayong umuwi. Lasing na ‘yan, eh,” payo niya kay Tavi.
“Hindi! Hindi pa kami uuwi. Gusto ko pang uminom! Paminsan-minsan lang ‘to!” ani Djora bago pa makasagot si Tavi.
“Sabi ko nga!” Ngumiti nang hilaw sa kanya si Tavi at pinaupo ang kaibigan. Parang humihingi ng despensa sa kanya.
“Ba’t ka kasi lumipat ng mesa?” anang Djora kay Tavi.
“Hindi, ah! Wala ka lang sense of direction,” tugon nito.
Si Cavell naman ay umupo na sa isang silya at niluwagang kaunti ang kanyang kurbata.
“Nagpaka-hero ka, dude, ah,” tudyo ni Zef na inginuso si Djora. “Parang pang-telenobela ang dating.”
Umiling na lang siyang napangiti. “Nanonood ka ng telenobela? I-order mo na nga ako ng makakain. Wala pa akong dinner, dude. Baka ikaw papakin ko, eh!”
“Mamaya darating na ‘yong in-order ko. Hahayaan ko bang magutom ang prinsesa ko?” tudyo nito sa kanya.
Binatukan niya ito at napakamot-kamot na lang si Zef ng ulo.
“Tigilan mo na nga ako sa kaka-princess mo diyan. Ikaw ang gagawin kong princess diyan mamaya, eh!”
Tumawa na parang asong ulol si Zef. Napasulyap siya kay Djora na nakatukod ang dalawang siko sa mesa at nakasapo sa ulo ang dalawang kamay. Medyo sabog na ang nakalugay nitong buhok. But Cavell thought she still looked so hot! He could not seem to take his eyes off of her.
“Djora, hindi na ba magbabago ang isip mo, ha?” Narinig nilang sabi ni Tavi sa kaibigan.
“Bakit ba kasi iyon pa ang hinihingi mo sa ‘kin, Tavi? Sabi ko, bibigyan na lang kita ng pera. Mas madali pa ‘yung gawin kaysa hinihingi mo sa ‘kin. Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo?” She groaned.
“Friend, kapag sasali tayo sa Southeast Asia Express, tatanawin ko talagang utang na loob ‘to sa ‘yo habang buhay! Kahit na anong gusto mo, ibibigay ko basta sumali lang tayo. Isang milyon din ang premyo noon. Isa pa, mag-e-enjoy ka roon. Hindi na magiging boring ang life mo, ‘di ba? Hindi ka na magmumukmok sa apartment mo nang buong araw.”
Nagkatinginan sina Zef at Cavell. Ngumisi ang hinayupak niyang kaibigan.
“Narinig mo ‘yon, dude?” Hininaan lang nito ang boses para siya lang ang makaririnig. “This will be not only be challenging but also interesting! At least para sa ‘yo, ‘di ba?”
Kilalang-kilala talaga siya ng kaibigan niyang ito. Agad nitong nakuhang interesado siya kay Djora kahit unang kita pa lang. Parang may sixth sense itong kaibigan niya.
“Sige na, friend. Please? Para kay Nanay?” pagmamakaawa ni Tavi kay Djora. “Alam mo namang siya na lang ang magulang ko, eh. Sige na, pumayag ka na. Please?”
“Grr! Ilang araw mo na ba akong pini-peste sa reality TV show na ‘yan, eh? Makakasira talaga ‘yan sa friendship natin, Tavi. Promise!” inis na pakli ng babae na napakamot ng batok saka nilagok ang buong laman ng blue cocktail.
“Djora naman, eh! Sige na! Pretty please?”
“May emotional blackmail ka pang nalalaman, eh. Kawawa nga si Nanay. Kailangan niya ng surgery pero hinihindian mo naman ang pera ko,” at saka uminom naman ng tequila. Iba’t ibang klaseng inumin ang nasa lamesa ng dalawa na tila si Djora lang ang umiinom lahat.
“So, payag ka na?” excited na anang Tavi rito.
“Oo na! Payag na ako. Ano pa bang magagawa ko?”
“Ulitin mo nga, friend. Ire-record ko sa video para ‘pag nahimasmasan ka na, wala nang atrasan!” ngising anang Tavi. “Alam ko kasing you’re a woman of your word.”
Nagkatitigan sina Cavell at Zef. Nagtaas-baba ang kilay ng huli habang napailing-iling ang binata at inagaw ang beer na hawak nito.
“No, dude. No!” he said firmly to his friend with another shake of his head.