Chapter 1
“Please, Djora. Maawa ka na sa ‘kin.” Nagmamakaawa ang malapit na kaibigan ng bente y siyete anyos na dalaga. Kasalukuyan silang nasa kanyang apartment. Nakaupo siya sa mahabang peach na sofa habang nakaluhod paharap sa kanya si Tavi.
“Alam mo namang taong bahay ako kapag hindi ako nagtatrabaho, Tavi,” aniyang sumandal at nagkrus ng mga braso. Tiningnan ang may average looks na kaibigan na may lampas-balikat na pinakulayang brown na buhok.
“Eh, wala ka naman nang trabaho. Sobrang hiatus mo na nga, dalawang taon na. Wala nang kumuha sa ‘yo para mag-model dahil may mas marami ka nang katunggali at saka parang napakatamad na ng manager mo. Hayun, adik pa naman sa online games at pinabayaan mo na lang kasing isalang nila ang mas baguhan kaysa sa ‘yo. Paano ka makakakuha ng bagong projects niyan? At ito, ito na ang magiging chance mo para magkaroon ka ulit ng trabaho! ‘Di ba?”
“Tapos na ang kontrata ko sa agency, Tavi. Technically, I’m out of their hair. But what? A reality TV show? Are you out of your mind? Nakaka-stress ‘yan!”
Lumaylay ang balikat ng kaibigan niya. “Please, kung hindi para sa ‘kin… isipin mo na lang na para kay Nanay. Kailangan niya pa ng surgery sa mata. Maselan ‘yon. Kaya… kailangan ko ng pera. Sabi no’ng kakilala ko sa TV station na naghahanap pa sila ng mga sasali sa show. Kaya naman, please, please! Maging partners na tayo, Djora!” Pinagdaop ng kaibigan ang mga palad. Para siyang rebolto ng santa na dinasalan nito. Iyon nga lang ‘di talaga siya santa. Madali siyang nagagalit, walang pasensiya at ubod siya ng taray kung gusto niya o idinikta ng pagkakataon. Ewan na lang niya kung bakit naging magkaibigan sila ni Tavi na mabait, kalog at pasensiyosa. Matagal-tagal na rin silang magkaibigan, mula nang maging modelo siya. Nagsisimula pa lang siya noon, pagkatapos ng kolehiyo.
Napamaang si Djora sa kaibigan nang marinig ang tungkol sa surgery sa mata ng ina nito. Hindi niya alam iyon. Napatitig siya nang husto sa kaibigang nagpa-puppy eyes. Nagtatrabaho ito bilang makeup artist at siguro ay hindi kasya ang kinikita dahil ito ang breadwinner. May dalawang kapatid itong pinapag-aral. Siya naman ay may magulang nga pero magkahiwalay naman at may kani-kanyang pamilya kaya mag-isa na siya sa buhay. Pero iniisip niyang nagpa-practice lang siya sa pagiging independent woman niya. Konsolasyon niya iyon sa sarili kumbaga.
Simula noong nasa high school siya ay kumakayod na siya para sa sarili kahit na may monthly allowance siya mula sa mga magulang. Gusto niyang ipakita sa mga ito na mabubuhay siya kahit na wala ang mga ito sa buhay niya. Pero kung tutuusin ay hindi niya masyadong kailangan ng pera ngayon. May allowance na siya, may kita pa siya sa pagiging professional na modelo ng underwear line na ini-endorse kaya may ipon din siyang malaki sa bangko. Hindi siya basta-basta kasi gumagastos. Hindi katulad ng ibang kababaihan na kahit anu-anong luho ay basta-basta na lang binibili. Hindi naman sa nanghuhusga siya sa iba pero parang ganoon na nga. May dapat pa kasing paglaanan ang pera katulad na lang ng mga taong nangangailangan na dapat ding tulungan.
“Kung papahiramin lang kita ng pera, bakit hindi na lang ‘yon ang hingin mo sa ‘kin?” Ikinuros naman niya ngayon ang kanyang mga hita na mahahaba, makikinis at mala-porselana ang kutis.
Lumabi ang kaibigan sa kanya. Para na itong maiiyak.
“Hindi ko ‘yon mababayaran kahit kailan, alam mo ‘yan, Djora. Kaya kapag mananalo tayo, effort mo lang ang contribution mo para sa ‘kin. Dahil kaibigan kita, ayos lang iyon sa ‘yo, ‘di ba? Isa pa, para rin sa ‘yo ‘yon. Exposure mo ‘yon para magkaroon ka na ulit ng offers, ‘di ba?” punto nito. “Sige na, please. Pumayag ka na! Parang awa mo na, Djora!”
Bumuga siya ng hininga. Malakas iyon. “Eh, ‘yong kapatid mong si Justin o kaya si Marla ang kaladkarin mo diyan sa reality TV show na ‘yan para maging partner mo? Bakit ako pa ang napili mo?”
“Hindi nga puwede. May klase ang mga ‘yon. At hindi rito ang filming sa bansa natin kundi sa labas.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Eh, pinsan mo kaya? Ibang kaibigan? Hindi lang naman ako ang kaibigan mo, eh.”
“Djora, may mga trabaho sila at alam mo namang hindi mahilig ang mga iyon sa showbiz. Ikaw na lang ang pag-asa ko, please? Wala ka namang ginagawa rito sa bahay mo, eh. Kung hindi ka nakaupo at nanonood ng movies o kaya series, nagluluto ka lang ng kung anu-ano na gusto mong kainin. Ni hindi ka talaga lumalabas ng bahay unless kailangan. Hindi ka na ba bored sa ganyang routine sa buhay mo?”
Umiling siya rito. “Nope! Kung wala kang pambayad, ibibigay ko na lang sa ‘yo ang kailangan mong halaga, Tavi. You don’t have to do so much effort sa show na ‘yan. Kaya kitang bigyan ng may malaking halagang pera kahit magkano pa ‘yan.”
Maang si Tavi na nakatitig sa kanya. Para na talaga itong maiiyak.
“I’m happy where I am now, Tavi. Walang stress sa buhay.”
“Kaya nga, eh. Wala ka ring lalaki sa life mo!” anitong tumayo mula sa pagkakaluhod sa harap niya.
Tumikwas ang kanyang kilay. “So what? I don’t need a man in my life.” She rolled her eyes then. “What’s the use of having one in your life when all he’d do is to collect women?”
“Wow, hugot ‘yon, ah! Para namang nagka-boyfriend ka na at nasaktan, eh hanggang ngayon NBSB ka naman!” Umismid pa ang kaibigan.
“So what? Kailangan ko pa bang magka-boyfriend at saka mabigo para lang maranasan ang kung paano ang masaktan nang gano’n? Life doesn’t revolve around men, Tavi. Eh, ikaw nga, meron ka bang boyfriend? Wala rin naman, ‘di ba?” punto naman niya.
“Eh, kasi naman sa sobrang busy ko sa pagpapakain sa pamilya ko, ‘no? Pero ikaw, ang ganda-ganda mo, ang yaman-yaman mo pero zero kekeru ka naman. Wala kang lalaki! Sasayangin mo lang ang beauty mo hanggang sa malustay na lang ‘yan nang hindi ka nakakatikim kung gaano kasarap ang makapunta sa langit! Iyong mapatirik talaga ‘yong mga mata mo sa sarap. ‘Yong gano’n?” Itinirik pa nito ang mga mata bilang pag-demonstrate sa kanya.
Napatawa siya sa kaibigan. “May ganyan talaga, ha?”
“Aba, oo!”
“Bakit, nasubukan mo na ba, ha? Tumirik na ‘yang mata mo?”
Tumikhim ito at sinimangutan siya. “Sige na, Djora. Mag-partner na tayo sa reality TV show, ha?”