Nakatungo ang trenta anyos na si Cavell Fernandez sa kanyang mesa at pinag-aaralan ang isang proposal na ibinigay ng taga-Marketing Department. Isa siyang tagapagmana ng isang malaking real estate company sa bansa at kaya napaka-busy niyang tao.
Kung siya lang ang masusunod, hindi siya magtatrabaho para sa kanyang ama. Kaso, nag-iisa siyang anak at kaya sinusunod na lang niya ang gusto ng mga magulang. May edad na rin ang mga ito dahil may edad na rin noong nag-asawa. At nitong huling limang taon ay pini-pressure na siyang mag-asawa. Gusto na raw kasing makakita ng apo ang mga ito bago raw sila kunin ni Lord.
Ang problema niya ay wala siyang nobya.
Lahat ng mga isinet-up sa kanya ng mga magulang at kakilala ng mga ito ay hindi niya gusto. Kahit ang mga itino-toss sa kanya ng mga kaibigan at acquaintances ay wala pa rin siyang mapili. Kung hindi maarte ang mga babaeng iyon ay puro luho naman sa buhay ang kuwento. Gusto niya yaong may laman kapag ibinubuka ang bibig ng isang babae.
Pun or no pun intended. It does not matter to him. Basta iyon ang gusto niya.
Pero saan siya makakatagpo ng isang babaeng ganito? Sa tingin niya ay puro shallow ang mga kababaihan ngayon. Kung hindi patay sa mga Korean actors, sa Korean pop idols naman. Not that he has against them. At kung hindi naman iyon, patay ang mga ito sa mga mayayaman na katulad kay Christian Grey ng Fifty Shades. Seriously? Well, puwede siyang maging ganoon pero hindi ideal iyon. Ewan niya kung bakit ang daming mga babaeng baliw na baliw sa may trauma na lalaking iyon. In love lang yata sila sa katawan ng character. Ini-imagine. Wala naman talagang ganoong karakter sa realidad. Meron ba? Kung meron man, may problema talaga.
Mabait naman si Cavell. Kaya lang ay bakit walang babae na nagtatagal sa kanya? Well, actually, it was the other way around. Iyon pala iyon. Iyon ang ipinaalala ng isip niya. Siya ang hindi nakakatagal sa mga babaeng na-involve sa kanya. Puro na lang kasi pera at sariling image ang pinag-uukulan ng interes. Para siyang trophy ng mga ito kung iisipin niya. At ayaw niya ng ganoon. Hindi lang nakakalalaki kundi pakiramdam niya ay magiging mababaw siyang tao.
Biglang may isang calling card na dumapo sa ibabaw ng papeles na binabasa niya. Pag-angat niya ng paningin ay nakangisi sa kanya ang kanyang best friend at partner in crime na si Zef. Ito kalimitan ang bad influence niya. Pero binabalanse naman niya at paminsan-minsan ay siya ang good influence nito kaya magka-vibes silang dalawa simula kolehiyo. Kapwa sila naka-graduate ng engineering course sa isang pribadong unibersidad sa bansa. Iyon ang hilig nila, imbis ang business course. Nag-aral at nagpa-tutor na lang siya niyon pagka-graduate para may alam sa pagpapatakbo ng kumpanya ng ama, aside from learning firsthand by experience.
“What’s this?” aniya sa kaibigan na nakipag-fist bomb dito.
Nakapasok ito nang walang ingay dahil nakabukas lang naman ang pinto ng kanyang opisina dahil labas-masok ang janitor na naglilinis at magpapalit ng ilaw roon sa kanyang pribadong banyo.
“Ipinarehistro ko na ang pangalan nating dalawa sa program na ‘yan. Walang interview o audition. First ten pairs ang makakasali raw.”
Kumunot ang noo niya. “What the f**k?”
Ngumisi ang kanyang kaibigan. “Come on, dude! It’s a challenge! You love challenges, don’t you?”
Umupo ang kaibigan sa visitor’s chair na nasa harap ng kanyang desk. Ipinatong nito ang siko sa kanyang desk samantalang sumandal siya sa kanyang swivel chair.
“Nakausap ko na si Yara,” dagdag ng kaibigan. Ngumisi pa ang loko at napatingin sa paligid ng kanyang opisina. Kulay silver-blue ang pintura ng dingding nito. Walang ibang laman kundi dalawang filing cabinets, desk, swivel chair niya at dalawang visitors’ chairs sa harap ng kanyang desk. Ipinaalis niya kasi ang sala set dahil ayaw niyang may palaging bibisita sa kanya sa oras ng trabaho, lalo na ang mga magulang na laging nangungulit na magkaroon na siya ng asawa.
“What kind of program is this?” aniyang binabasa ang nakalagay na pangalan sa calling card. Casting director ang nakalagay na title doon. Si Yara Cruz. Kakilala niya ito dahil ito ang reigning beauty queen sa kapanahunan nila sa kolehiyo.
“Southeast Asia Express!” Kumumpas ng linya sa ere si Zef nang nakangisi. “Pilot season nila sa kanilang TV station. Ibinase nila sa isang TV show sa Europe. Alam mo naman ang Pinoy, gaya-gaya.”
Cavell snorted. “What exactly does the program portray to viewers? Hindi ko alam ang program na ‘yan sa Europe.”
“May pagkakahawig sa The Amazing Race. Alam mo ‘yon?”
Napatingin siya sa kisame at saka inikot ang swivel chair. Nag-iisip nang malalim. Itinigil niya itong muli para humarap sa kaibigan.
“I don’t know, dude. Sobrang busy ako sa kumpanya. Hindi ako kagaya mong wala talagang hina-handle na kumpanya. Alam mo naman si Dad, kahit hindi pa official na ako ang CEO, ako na ang tumatayong CEO dahil papetiks-petiks na lang siya ngayon. Baka this year ay bigla na niyang sabihing iiwanan na niya ang kumpanya sa ‘kin. I’ll be buried in deep s**t, dude!”
“So, let’s do this before you get buried in deep s**t, dude!” Tumayo si Zef nang nakangisi. “Let’s talk about this over a drink later, alright? Next month pa naman magsisimula kaya may oras pa para makapaghanda.” Sumaludo sa kanya ang kaibigan at umeksit na.
Napailing-iling siyang napasunod ng tingin sa kaibigan. Napangiti siya sa sarili. He wondered if Yara is still beautiful as she was before. Sa isip niya, baka maganda pa rin dahil ang mga beauty queen ay madalas hindi nagpapabaya sa katawan—typically. Napangiti siya sa sarili. Baka magiging prospect na niya si Yara, if she was still available.
Pagkatapos ng kanyang trabaho ay hindi niya namalayang medyo late na pala. Alas-otso na ng gabi. Pagtingin niya sa kanyang smartphone ay si Zef ang tumatawag kaya ay sinagot na lang niya ito.
“What?”
“Nasa usual hangout natin ako naghihintay. ‘Lika ka na, princess!” tudyo nito sa kanya.
“Huh! Princess mukha mo! Ulol!”
Tumawa lang si Zef at tuluyan na siyang lumabas sa kanyang opisina nang ma-check na wala siyang nakalimutan. Isinampay niya lang sa braso ang jacket kaya naka-white long sleeves at kurbata na pinaresan ng itim na slacks ang suot niya. Naka-dress shoes naman siya ng itim.
Napaisip siya sa kagaguhan ng kaibigan at naiiling.