Andeng's POV
Lumipas ang ilang araw na hindi man lang nagpaparamdam si Allan. Kaiba sa mga nakaraang tampuhan namin na nagsosorry siya kaagad at hindi nakakatiis na hindi kami nag-uusap, mas malamig siya ngayon. Halos isang linggo na simula nung nagtalo kami dahil sa gusto niyang mangyari pero wala man lang ni isang text o tawag. Kahit ako na mismo ang nagtetext at nangangamusta sa kanya ay wala man lang itong sagot. Naiintindihan ko naman na lalaki siya at may pangangailangan. Pero hindi ba kung talagang mahal niya ako ay makakapaghintay siya? Dapat igalang niya ang desisyon ko. Hindi ko tuloy mapigilang mapabuntong hininga at mapasimangot habang nagtatrabaho.
"Huy!", Tapik sa akin ni Jackie. "Ano bang problema mo at kanina ka pa wala sa mood diyan? Panay pa ang buntong hininga mo." Dagdag pa nito.
Ibinagsak ko ang cellphone ko sa lamesa sa inis.
"Eto kasing si Allan eh ilang araw ng hindi nagpaparamdam!" Naiinis ko pang saad.
"Bakit nagtatampo pa din ba sayo? Pagbigyan mo ba kaya para hindi na uminit ang ulo" makahulugang sabi ni Jackie. Naikwento ko kasi sa kanya ang nangyari at grabe ang tawa niya dahil napaka manang ko naman daw kasi. Moderno na daw ang panahon ngayon at hindi na uso ang makalumang babae. May boyfriend din si Jackie at matagal na din sila. Sabi niya ay malaking factor daw sa relasyon nila ang s*x. Hindi ko naman hinuhusgahan ang choice niya dahil buhay niya iyon. Basta ako iyon ang choice ko. Ang manatiling birhen hanggang sa araw ng kasal ko. Hindi ko na siya sinagot sa sinabi niya.
"Mam Andeng may naghahanap po sa inyo sa labas." Imporma ni Kuya Samuel sa akin. Sakto nun na sarado na nag bangko at naghihintay na lang kame ng uwian. Konti lang ang kliyente ngayon dahil karaniwang maluwag ang araw ng Miyerkules sa amin maliban kung pay day o maghaholiday kaya maaga kaming natapos sa mga gawain namin.
Agad kong sinilip sa pinto kung sino ang bisita ko at laking gulat ko nang makita si Allan sa pinto. Kumaway ito sa akin. First time na dinalaw ako nito dito sa aking bagong trabaho. Hindi maitago ang ngiti sa aking mga labi nang finally makita ko siya.
"Uy Andeng sino yun? Siya na ba yung boyfriend mo?" Usisa agad ni Mam Jona.
"Ah.eh..opo siya po si Allan." Hindi ko mapigilan ang ngiti ko.
"Aba'y papasukin mo nang makilala namin." Sabi agad ni Mam Lina.
"Okay lang po ba?" Tanong ko dito pero may biglang tumikhim sa likod ko.
"Hindi pa tapos ang office hours Andeng. Tell him to wait outside"
"O-okay po Sir Jake." Sagot ko. Mukhang mainit na naman ang ulo ng isang ito.
Agad akong nagtipa ng message sa cellphone ko.
"10minutes. Wait mo na lang ako sa labas. Bawal kasing magpapasok ng ibang tao kapag tapos na ang banking hours." Agad din naman niyang binasa ang message at sumenyas ng okay.
"Magmeeting muna tayo bago umuwi." Malamig na boses ni sir.
Napakamot kami lahat ng ulo. Ang ten minutes na meeting ay napunta sa thirty minutes. Kanina pa naghihintay si Allan sa labas at nagtext na. Buti na lamang at hindi mainit ang ulo nito dahil kanina pa siya nakatayo sa labas. Maging ang mga kasamahan ko ay naiinip na din. Si jackie ay panaka nakang sumusulyap sa kanyang relo. Kanina pa may dinidiscuss si Sir Jake tungkol sa targets namin. Nakakapagtaka lang na yun din naman ang sinabi niya sa huddle namin kaninang umaga. Ilang minutes pa ang lumipas at sa wakas ay natapos na din ang meeting. Nagsabay sabay kaming lumabas at ipinakilala ko si Allan sa kanila. Huling lumabas si Sir Jake na siyang nagset ng branch alarm ng bangko.
"Ah Sir, si Allan po boyfriend ko. Allan si Sir Jake, boss ko." Agad na bumati si Allan sa kanya pero ang masungit ko na namang boss ay tumango lamang at dumirecho na sa kotse niya.
"Ang sungit naman ng boss mo." Puna ni Allan habang naglalakad kami sa paboritong naming mall.
"Mabait naman yun. Mukhang may sumpong lang ngayon", Sagot ko naman.
"Sorry nga pala sa inasal ko nung huling date natin ha", hinawakan niya ang kamay ko. "Hindi na mauulit" , dagdag pa niya.
Ngumiti lamang ako. Ano ba ang dapat kong sabihin? Sumama ang loob ko sa kanya dahil dun. Pero kahit papaano ay naintindihan ko din naman siya. Hangad ko lang na sana ay maintindihan niya ang desisyon ko.
"Mamaya pala ay ibibigay ko sa'yo ang pera pambili ng libro na kailangan mo." Pagbabago ko ng usapan.
"Ah..oo nga eh. Kailangan ko na din iyong mabili dahil nakakahiya ng makibasa sa kaklase ko." Sagot naman niya at pinisil ang kamay ko. "Salamat Babe!" Aniya.
Jacob's POV
"Di ba Jake?..huy!" Napabalik ako sa ulirat nang batuhin ako ng unan ni Gab. Kasalukuyan kaming nasa condo ko ngayon. Ang mga g*go ay naisipan akong dalawin. Tagal ko na din kasing hindi nagpaparamdam sa kanila dahil sa pagiging abala sa trabahon at well, kay Mikee dati.
"Ano ba yon at nambabato ka?!" , Singhal ko dito.
"San ka ba 'tol? Hindi ka pa yata nakakauwi eh. Nasa trabaho pa ata ang kaluluwa mo", singit naman ni Andrew.
"Inaantok na kasi ako tapos nagpunta pa kayo dito", pabalang na sagot ko sa kanila at dinampot ang unan na ibinato saken ni Gab at malakas kong ibinato pabalik sa kanya. Napaaray naman ito.
"Pucha! Si Mikee na naman ba iniisip mo? Kalimutan mo na kasi may asawa na eh!" Sinamaan ko sila ng tingin.
Muling kumirot ang dibdib ko nang mabanggit ang pangalan niya. Matagal na din na hindi ko siya nakikita at nakakausap. Minsan ay tumawag at nagtetext siya sa akin upang kamustahin. Pero hindi ko ito sinasagot. Alam ko naman na wala siyang kasalanan sa akin. Pero mas pinili kong dumistansya sa kanya para mas madaling makapagmove on. Ngunit hindi siya ang dahilan kung bakit wala ako sa mood kanina pa. Actually okay naman ako kaninang umaga. Maayos ang lahat sa opisina. On target ako sa quota. Pero kaninang hapon lang ay nag-init ang ulo ko. Kundangan ba naman na may bumisita kay Andrea. Ewan ko pero nag-init ang ulo ko nang malaman na boyfriend pala niya iyon. Pakaway kaway pa sa pinto ang mokong. Gusto pa sana siyang papasukin at makilala nila Jona pero mariin kong ipinagbawal iyon. Hindi ko alam bakit ganun na lang ang asar ko kaya para maghintay pa siya ng matagal ay nagpameeting muna ako. Hindi ko gawain ang magpameeting ng uwian na at alam kong nagmamadaling umuwi ang mga tao ko. Pero sobrang naasar lang ako sa mukha ng ungas na yun kaya para mainip siya ay tinagalan ko pa lalo ang meeting kahit alam kong baka naiinis na sa akin ang mga tao ko. Lalo na't ang diniscuss ko ay siya din na sinabi ko sa kanilang meeting namin nung umaga.
Nang matapos ang meeting ay agad nagsilabas ang mga ito. Talagang excited magsiuwi. At talaga nga naman nakakabuwisit dahil paglabas ko ay nandun pa ang mga ito at saglit pang nakipagkwentuha sa ungas na yun.
"Ah Sir, si Allan po boyfriend ko. Allan si Sir Jake, boss ko." Pakilala ni Andrea sa lalaking kasama. Napatingin ako sa magkasumpong nilang mga kamay na parang gusto kong baliin ang sa lalaki. Tinanguan ko lamang siya kahit buong giliw ang pagbati niya sa akin. Agad na din akong sumakay sa sasakyan ko at nagdrive papaalis dahil baka hindi ako makapagpigil at mabali ko pa ang buto niya.
Sa karakas ng lalaking yun ay mukhang inuuto lamang niya si Andrea. Naalala ko na hanggang ngayon ay wala pang nagyayari sakanila kahit ilang taon na ang relasyon nila. Paano kung yun lang talaga ang pakay niya kay Andrea? Sus! Lalaki din ako kaya alam ko ang mga karakas niya.
Teka, bakit nga ba? Wala naman akong gusto sa batang iyon. Maybe I think of her as a younger sister. Masyado kasi siyang vulnerable at mukhang gullible. Tama! May be I'm just concern because she's one of my people. That's it! I think...