Chapter 7
"Tita, Tito!" tuwang-tuwa na sigaw ni Crismafel sa kaniyang Tito Oscar at Tita Tessy habang pinipihit ang door knob ng kanilang bahay.
Ngunit pagpasok niya ay walang tao sa loob. Inihagis niya ang kaniyang bag sa sofa at nagtungo sa kusina ngunit wala rin tao roon.
Umakyat na lang muna siya sa taas at nagbihis. Pagkatapos ay bumaba siya at hinanap ang kaniyang Tita sa mga taniman nitong gulay. Hindi naman siya nabigo dahil naroon nga ang dalawa, nagdadamo sa mga tanim nilang mga gulay. Nang makita siya ng mga ito ay huminto muna sila sa pagdadamo.
''Oh, Crismafel. Kumusta ang unang araw sa trabaho mo, ha?'' tanong ni Mang Oscar sa kaniya.
Kinuha niya ang itak sa kamay ng kaniyang Tito Oscar at yumakap dito.
''I'm so bless Tito, Tita,'' aniya at kumalas sa kaniyang tito at yumakap din siya sa kaniyang Tita Tessie.
''Isang araw pa lang ako sa trabaho, pero tinaasan kaagad ni Sir Leon ang sahod ko,'' kinikilig niyang balita sa dalawa.
''Abay ang galing talaga ng pamangkin ko. Kaya, proud na proud ako sa 'yo, Crisma,'' masayang turan ng kaniyang Tito.
''Crismafel, Tito! Crismafel po!'' pagtatama niyang sabi sa kaniyang Tito Oscar.
''Ano ka ba, Oscar? Sinabing Crismafel nga ang itawag mo sa pamangkin mo, Crisma ka pa rin ng Crisma!'' sabat ng kaniyang Tita Tessie at tumingin ito sa kaniya at malawak na ngumiti.
''Iha, natutuwa ako dahil sa tagumpay mo ngayong araw. Sana tumagal ka pa riyan sa trabaho mong iyan,'' dugtong pang sabi ng kaniyang Tita Tessy at hinaplos nito ang kaniyang buhok.
Naupo siya at nagbunot ng damo. Gano'n din ang dalawa naupo at nagbunot din ng damo sa taniman nila.
''Pero, aalis po ako, Tita, kapag umuwi na si Jordan at mag-propose sa akin ng kasal. Tapos sasama ako sa kaniya sa Italy. Doon kami mag-honeymoon,'' nakangiti niyang sabi sa kaniyang Tita Tessy.
''Abay matagal na kayo ni Jordan, Iha. Sigurado ka ba sa boyfriend mong iyon? Basta ako, wala akong tiwala sa nobyo mong iyon.''
Sumimangot si Crismafel sa sinabi ng kaniyang Tito Oscar. Pasimple namang siniko ni Aling Tissy si Mang Oscar sa sinabi nito kay Crismafel.
"Tito, mahal ako ni Jordan at ako lang ang papakasalan niya. Kaya, sigurado ako na pag-uwi niya tiyak na aalukin niya ako ng kasal,'' kinikilig pang sabi ni Crismafel at nakangiti na tumingin sa langit, parang nanaginip siya ng gising.
''Wala naman kaming tutol sa inyong dalawa, Iha. Huwag ka lang talaga niya lokohin at saktan dahil tiyak na mapupugutan ko siya ng ulo kapag pinaiyak ka niya,'' seryosong sabi ng Tito Oscar niya. Alam nila ang pinagdaanan ng dalaga kaya ayaw nilang nasasaktan ito.
''Mabuti pa at tumayo ka riyan, Iha, dahil nagluto ako ng casava cake, kaya tikman mo muna iyon,'' yaya sa kaniya ni Aling Tessy.
''Talaga, po? Na-miss ko na ang casava cake,'' sang-ayon niya at tumayo. Umuwi silang tatlo sa kanilang bahay. Isa sa paboritong pagkain ni Crismafel ang cassava cake dahil iyon ang palaging niluluto ng kaniyang ina sa kaniya noong nabubuhay siya.
Habang si Leon naman ay maaga rin umuwi para makasalo sa hapunan ang kaniyang ina. Bumili muna siya ng isang bouquet ng bulaklak bago siya tumuloy sa bahay ng kaniyang Ina. Nang dumating siya sa bahay ng kaniyang ina ay nasalubong naman ni Leon ang assistant ng kaniyang ina na si Albert.
''Good afternoon, Sir. Maaga kayo ngayon, ah!'' bati sa kaniya ni Albert.
''Oo, Albert. Nasaan si Mama?''
"Nasa kusina, Sir. Abala sa pagluluto ng paborito niyong caldereta," nakangiting sabi ni Albert sa kaniya.
Agad siyang nagtungo sa kusina at abala ang kaniyang ina sa paghahanda ng kanilang hapunan mamaya.
''Good afternoon, Ma,'' bati ni Leon sa kaniyang ina at hinalikan niya ito sa noo saka ibinigay ang bulaklak na binili niya para sa ina.
''Oww! Ang sweet talaga ng anak ko. Malapit na maluto itong paborito mo. Kumusta ang trabaho mo, ha?'' tanong ni Mildred sa nag-iisa at pinakamamahal niyang anak na si Leon.
''Nanalo ako sa bidding, Ma, sa Toyoshi Car. Ngunit natalo naman ako sa INV Car,'' pagod niyang sabi sa kaniyang ina na si Mildred.
''Wow! Congrats, Anak. Kung buhay lang ang Papa mo tiyak na matutuwa iyon sa'yo. Kamusta na kayo ni Stefi? Kailan mo ba siyang yayain magpakasal para makita ko na ang apo ko?'' lambing na tanong ni Mildred kay Leon. Gustong-gusto niya na makita ang magiging apo nito kay Leon.
''Ma, pareho pa kaming busy ni Stefi sa career namin. Darating din kami sa bagay na iyan, Ma. Kumusta na pala ang clothing line mo?'' tanong ni Leon sa kaniyang ina para malihis nito ang usapan.
Humaba naman ang nguso ni Mildred sa anak at hinalugay ang niluluto niyang calderetang kambing.
''Ayos lang naman ang clothing line ko, anak. Paano kasi ang ganda ng model ko,'' aniya na ang tinutukoy na model ay si Stefi ang girfriend ni Leon. ''Kung makakalabas lamang ako sa gate ay sinamahan ko na ang girlfriend mo. Napapanood ko sana siya ng live sa pagrarampa sa entablado habang suot-suot ang damit na design ko.''
''Ma, baka kailangan magpatingin na ulit kayo sa doktor. Ilang taon na ang nakalipas na nawala si Papa. Kaya, dapat pag-aralan mong lumabas sa bakod na ito at umapak muli sa dalampasigan,'' malungkot na wika ni Leon sa kaniyang ina.
Simula kasi noong nalunod ang kaniyang ama sa dagat ay hindi na nilang nagawang mag-ina ang mamasyal sa dalampasigan. Malapit lang sa dagat ang bahay nila Leon at kaniyang ina. Mula sa gate nila ay tanaw na ang asol na dagat. Kung noong bata pa siya ay paborito nilang magtampisaw sa dagat ngunit ngayon ay parang mortal na nilang kalaban ang dagat.
Gustuhin man ni Leon na bumili na lang ng bahay sa ibang lugar na malayo sa dagat ay hindi naman papayag ang kaniyang ina. Marami kasing mga ala-ala ang yumao niyang ama sa bahay na tinitirhan ng kaniyang ina. Nang mag-graduate si Leon sa college ay nagpatayo siya ng kaniyang sariling bahay sa tabi ng bahay ng kaniyang mga magulang. Para kapag mag-asawa siya ay nasa tabi lang siya ng pinakamamahal niyang ina na si Mildred.
Kasama naman ng ina niya sa bahay si Albert. Labing pitong taong gulang si Leon noong namatay ang kaniyang ama dahil tinangay ito ng malakas na alon habang nagje-jet ski
''Anak, minsan sinusubukan ko na lumabas sa gate. Ngunit kahit anong gawin kong hakbang ng aking mga paa ay hindi ko magawa. Kahit ilang doktor pa ang puntahan natin kung ang sarili ko mismo ang kalaban ko,'' malungkot na sabi ni Mildred kay Leon.
''Paano ka naman makadalo sa simbahan kapag ikinasal kami ni Stefi?'' biro naman ni Leon sa kaniyang ina.
Nagkaroon ito ng trauma noong nakita ng kaniyang ina kung paano nawala sa kanila ang kaniyang ama.
''Anak, naman! Puwede naman kayo rito sa hardin magpakasal ni Stefi.''
''Ma, sana kapag sumapit ang araw na ikasal ako ay nakakalabas ka na rito sa bahay dahil balak ko sa tabing dagat ganapin ang kasal ko dahil iyon ang gusto ni Stefi,'' sabi naman ni Leon kay Mildred kung kaya't napasimangot ito.
Nilapitan naman ni Leon ang ina at yumakap dito at ngumiti. ''Ma, darating din araw na makakaapak muli kayo sa buhangin.''
''Oo, anak. Kapag binigyan mo ako ng apo ay kaya ko makipaghabulan sa apo ko sa dalampasigan,'' lambing naman na sabi ni Mildred kay Leon.
Sumapit ang gabi at handa na ang hapunan. Sa harap sila ng bahay kumain sa malapit sa pool. Masayang nagsalo-salo si Mildred at Leon sa hapunan kasama si Albert.
Samantala si Crismafel naman ay nakikipagdaldalan sa kaniyang pinsan na si Gina. Binilhan siya nito ng mga bagong damit at sapatos.
''Kapag sumahod ka bayaran mo 'yang pinamili ko sa'yo, Crismafel, ha?'' sabi ni Gina sa kaniya habang nakahiga siya sa kama ni Gina.
''Oo, na! Alam mo ba Gina? Malaki ang sahod ko sa Carson Electronics. Wala pa akong isang araw ay dinagdagan na kaagad ako ng boss ko ng sahod,'' pagmamalaking sabi ni Crismafel kay Gina.
''Talaga? Crismafel, ha? Baka naman dinadaan mo sa ganda ang boss mo kaya tinaasan kaagad ang sahod mo? May ginagawa ka bang milagro?'' tanong ni Gina sa kaniya at pinandilatan siya nito ng mata.
''Anong milagro? Wala akong kapangyarihan para gumawa ng milagro, gaga!'' sabay irap niya kay Gina.
Napatirik naman ang mata ni Gina kay Crismafel dahil ang hina talaga ng kukuti nito.
''Umaandar na naman ang katangahan niya,'' bulong ni Gina sa kaniyang sarili.
''Ang ibig kong sabihin ay baka binibenta mo na ang katawan mo sa boss mo, kaya-'' hindi na natapos ni Gina ang sasabihin nang magsalita si Crismafel.
''Hepp! Stop! Ano ang akala mo sa akin malandi? Kahit na bigyan pa ako ng malaking pera ng boss ko never kong ibenta ang sarili ko sa kaniya, noh? Isa pa para lang ako kay Jordan,'' mataray niyang sabi kay Gina. Inirapan niya pa ito.
''Eh, bakit nga tinaasan agad ang sahod mo? Baka nagagandahan sa'yo ang boss mo?'' tanong ulit ni Gina sa kaniya.
''Paano kasi nanalo kami sa bidding kanina dahil binabaan ko ang price na mula sa 69 milyon ay bumaba ng 20 milyon. Kaya, panalo agad kami. Kaso nagalit siya sa akin at sabi niya ayaw niya na makita ang pagmumukha ko.''
Nagulat pa si Gina sa sinabi ng kaniyang pinsan. ''Hay, ang tanga talaga ng pinsan ko,'' bulong pa ni Gina sa sarili.
"Ang tanga mo talaga pinsan! Alangan naman na matutuwa siya sa ginawa mo. Eh, halos ipamigay mo na ang presyo. O, tapos ano ang nangyari? Pinilit mo siya na huwag kang tanggalin?"
"Hindi, ah! Umalis ako at pumunta sa puntod ni Mama at Papa. Halos isang araw din kaya ako roon sa puntod nila. Tapos tumawag sa akin si Sir Reagan at pinapabalik ako sa Carson Electronics. Ayaw ko sana bumalik pero bigla na lang sumabat ang lion kong boss sa usapan namin ni Sir Reagan. Sabi niya dadagdagan niya raw ang sahod ko. Kaya, ayon! Nagmamadali na akong bumalik sa opisina. Sayang din naman kung tanggihan ko," kuwento ni Crismafel kay Gina.
"Oo, sayang talaga, kaya kung ako sa'yo ayusin mo ang trabaho mo. Huwag ka kasing tatanga-tanga. Kaya, misan napapaaway ako diyan sa mga kapitbahay natin dahil nililibak ka," sabi ni Gina kay Crisamafel.
"Ano sabi nila?"
"Ang ganda mo raw sana, pero ang tanga mo naman daw. Ang hina raw ng kukuti mo," walang alinlangang sabi ni Gina sa kaniya.
"Pakialam nila? Pero, Insan. May mas tanga pa sa akin," seryosong sabi ni Crismafel kay Gina.
''Sino?" nakakunot-noo na tanong ni Gina.
"Si Sir Leon."
Napataas pa ng kilay si Gina sa sinabi niya. "Paano mo naman na sabi na mas tanga siya sa'yo?"
"Sinabihan niya ba naman akong walang utak. O, 'di ba, ang tanga niya? Saan ka makakita ng tao na walang utak? Tapos tanungin niya ba naman ako kung nasa talampakan ko ba ang utak ko? O, ‘di ba, ang bobo niya."
Napabuntonghininga na lang si Gina sa sinabi ng kaniyang pinsan.
"Wala ka naman talagang utak," pabulong na sabi ni Gina sa kaniyang sarili.
"Hay nako, Crismafel! Ewan ko sa’yo! Pumasok ka na nga sa silid mo at maaga akong matulog. Alis na diyan sa kama ko," pagtataboy naman ni Gina sa kaniya.
"Hmppp! Ang aga pa nga!" pagmamatigas naman niya kay Gina at napasimangot siya.
"Kaya, nga! Gusto ko maaga makatulog dahil may pasok pa bukas. Ikaw din matulog ka na baka mamaya ma-late ka at matanggal ka na talaga sa trabho mo," paalala ni Gina sa kaniya.
Padabog siyang bumangon sa kama ni Gina at bagsak ang mga paa na bumaba sa kama.
"Pinsan, bakit wala kang boyfriend? Napapangitan ba sila sa 'yo?" pang-aasar na tanong niyang tanong kay Gina dahil pinaalis siya nito sa kama.
"Wala sa bokabolaryo ko ang magkaroon ng boyfriend. Lumabas ka na nga ng silid ko. Dalhin mo na 'yang pinamili ko sa'yo at matulog ka na. Para gumana naman 'yang utak mo," sabi naman ni Gina sa kaniya.
"Hmmppph! Bahala ka nga!" aniya at pinagdadampot ang pinamili ni Gina. Lumabas siya sa silid ni Gina ngunit bago pa siya lumabas ay nilingon muna niya ito at dinilaan.
Napapailing na lang si Gina sa kaniya dahil sa kakulitan niya minsan.
"Hay naku, Lord. Sana magpaulan ka ulit ng utak at ipasalo mo lahat kay Crismafel ang katalinuhan at tanggalin ang kaniyang katangahan," napapatingalang sabi ni Gina sa kisame. Pabagsak niyang inihiga sa kama ang kaniyang likuran at pumikit na lamang ng kaniyang mga mata. Ngunit kahit ganoon pa man si Crismafel ay mahal niya naman ito.