"Lucas Pascual."
Nang marinig ko ang pangalan ko ay agad akong tumayo at huminga ng malalim. Hindi ko pinansin ang ilang lalaking nakaupo sa mga hilera ng monoblocks doon maging ang katotohanan na tatlong oras na akong naghihintay na matawag ang aking pangalan.
"Ikaw na. Galingan mo." Tinapik ako sa balikat ng agent na nakilala ko sa ospital. Tumango ako at lumapit na sa may pintuan. Sa tapat ng pintuan na may malaking paskil na Heart Magic Talent Center ay nag-sign of the cross ako at nag-usal ng mabilis ngunit mataimtim na panalangin.
"Your will be done, Lord," bulong ko habang tinatanggap na sa sarili na kung ano man ang magiging resulta ng VTR ko at audition ay tatanggapin ko ng maluwag sa dibdib.
Pagpasok ko ng silid ay nakasisilaw ang liwanag mula sa isang ilaw na inaayos sa 'di kalayuan. Puti ang mga dingding ng buong lugar. Ang tanging kulay lamang doon ay ang mga itim na camera at frames ng ilaw. Maging ang uniporme ng apat na mga casters at staff ng agency ay itim din.
"Tayo sa harap ng camera." Malakas na instruction ng babaeng may hawak ng malaking clipboard na asul. Sumunod naman ako at sinigurong kita nila ang matikas kong tindig at matangakad na height.
"State your age, name and height." Nakayuko lang sa clipboard ang babae habang nakita ko namang may red na ilaw na ang camera sa 'king harapan. Ramdam ko ang init ng mga spotlights na nakapat sa 'kin.
"Hi. I'm Lucas Pascual, 18 years old. I'm 6 feet and 2 inches tall." Matatas ang pagsagot ko at pinakitang confident ako sa 'king sarili.
"What are your hobbies?" Ang lalaki sa likuran ng camera naman ang nagsalita.
Sumagot ako habang nakangiti. "I love playing basketball and tennis as well as watching movies."
"Do you have any acting background or any commercials done?" dagdag na tanong pa.
"I'm a newbie in this field that will show my full potential and strive to learn everything there is to know on this field." Gusto ko sanang maging convincing ang sagot ko kaya't tiningnan ko sa mata ang nagtanong habang nagsasalita ako.
"I need you to smile and look at the camera." Sinunod ko naman ang sinabi ng lalaki sa likod ng camera. Dahil confident naman ako sa puti ng ngipin ko at pagkakapantay-pantay nito ay tinodo ko ang unang ngiti.
"Now, turn to your right. Then left. Okay. Good. Done. We'll just call you. Next!"
"Tatawagan ka na lang namin kung sakaling tanggap ka. Heto ang calling card para matawagan mo for follow up." Bilin ng babae bago ako itinuro sa pintuang may sign na Exit. Hindi pa inabot ng limang minuto ang ipinagtagal ko sa loob ng casting room. Nang marating ko ang kabilang side ng exit ay naroon na si Resty, ang ahente.
"Sabi ba tatawagan ka na lang?" tanong nito sa'kin.
"Oo, eh."
"Ilang beses sinabi?" kinakabahan nitong tanong.
"Dalawa. Isa noong pagkatapos ng mismong VTR then isa pa noong palabas na."
"Inabutan ka ng calling card?"
"Oo. Ito." Agad na kinuha ni Resty ang hawak kong puting calling card. Maliit lang card na may movie reel na logo marahil ng Talent Center. May malaking backdrop din noon sa loob ng silid kung saan ako nag VTR.
"Congrats! Siguradong tanggap ka. Hindi ko lang sure kung saang commercial ka ilalagay. Apat kasi pala ang nakalinya ngayon."
"Talaga? Paano mo nalaman?" nanlalaki ang mata kong tanong. Dumoble ang bilis ng pintig ng puso ko dahil sa sinabi ni Resty. Kung totoo nga iyon ay may tyansa 'kong kumita ng malaking halaga.
"Kapag hindi tanggap, hindi binibigyan ng calling card. Hindi na rin kinakausap. Pinapalabas na lang ng pintuan."
"Naku, sana nga tama ka."
"Sigurado na 'yan. Tara na kain tayo. Libre ko."
"Naku, hindi na. Nakakahiya naman. Uuwi na 'ko at walang kasama si Papa sa bahay." Magalang kong pagtanggi. Alam kong may utang na loob pa 'ko sa lalaking ito at hindi ko gustong dagdagan hangga't wala akong maisusukli sa kanya.
"Kapag natanggap ka na nga at may commercial ka na. Bumawi ka na lang sa'kin. Okay? Tara na sa baba lang nitong building may Rotisserie. Dalhan mo na lang Papa mo ng pagkain pag-uwi. Pasado tanghalian na."
Tatanggi pa sana ko nang malakas ang tunog na kumalam ang aking sikmura.
"Kita mo na. Gutom ka na, e." Nakangisi niyang sabi.
"Sige na nga."
Tinapik ako sa balikat ni Resty at saka sumenyas na sundan ko siya. Nasa tapat kami ng elevator nang bumukas ito at dalawang sikat na artista ang lumabas mula rito. Simple lang ang damit na suot naka-tshirt lang at pantalon ngunit halatang mamahalin ang mga damit base sa naghuhumiyaw na mga brand na nakaburda sa t-shirt at likuran ng pantalon. May tig-isa silang kasamang alalay na tagabitbit ng gamit. Sina Ara Miguel at Karlo Roxas ang pinakasikat na love team ng henerasyong iyon. Kung tutuusin ay mas matanda lang sila sa'kin ng dalawang taon.
"Wow. Dito ba sila sa agency ninyo?" tanong ko.
"Naku, hindi. Sa kabila sila sa FBA Artist Center."
"Ah, okay." Napatango ako habang pasakay na kami ng elevator. Hanggang sa makababa kami ay iniisip ko kung saan nagmula ang dalawang artistang iyon bago sila sumikat.
"Naiisip mo ba ang naiisip ng karamihan kapag nakikita mo ang dalawang 'yon? Model turned actors?" Napapailing na tanong ni Resty.
"Ha?" maang-maangan ko dahil iyon mismo ang naisip ko sa mga oras na iyon bago siya magtanong. Dahi sa usapan namin ay nalimutan naming pumindot ng G sa elevator. Nang maalala ko ay agad akong nagpress ng G na button at umilaw ito ng pula.
"Sina Ara at Karlo, matagal na 'yang mga yan na model. 16 pa lang sila. Nagkaroon sila ng break sa showbiz nang sumikat sila dahil sa isang commercial tungkol sa hotdog after two years pa. Dahil may chemistry silang natural kaya siguro rin sila sumikat. Pero kung hindi dahil sa commercial na 'yon mahihirapan silang makapasok sa mainstream TV."
"Maliit lang ba ang kinikita sa pagmomodelo?" tanong ko dahil wala talaga akong ideya. Ang alam ko lang kailangan kong makaipon ng pera. Kahit ilang trabaho pa basta malaki ang kita ay gagawin ko.
"Maliit lang dahil per assignment. Kung ang goal mo ay magkapera, kailangang magpalakas ka sa mga malalakas na tao at pasukin mo rin ang pag-aartista." Nasa baba na kami noong matapos niya ang sasabihin niya kaya't magkasunod kaming lumabas mula sa elevator.
"Paano ako matatanggap na modelo at artista ng sabay?"
Buo ang loob kong tanong.