TAMA nga si Resty, dalawang araw mula nang magpunta ako sa casting VTR and audition ay tinawagan ako para sabihing natanggap ako.
“Pa! Natanggap po ako sa inapplyan ko!” Kahit hindi ko pa alam noon kung magkano ang talent fee at kung ano ang gagawin ko ay ibinalita ko kaagad sa aking ama ang nangyari.
Nagbabasa ng diyaryo si Papa habang nag-aalmusal kaming dalawa. Oatmeal at ilang slices ng prutas ang sa kanya habang oatmeal at kape naman ang sa’kin. Pinababantayan ang diet ni Papa at minomonitor ang blood pressure. Healthy at balanced diet, low-fat at high fibre at whole grains lamang ang pwede. Wala ring asin ang pagkain niya kaya’t nagrereklamo minsan na walang lasa. Lahat iyon ay ginagawa ko rin para damayan siya at masigurong tama nga ang diyeta niya.
“Mabuti naman kung ganoon. Ano raw ang schedule mo?”
“Hindi ko pa po alam. Pinapapunta ako bukas sa opisina nila,” sagot ko. Maya-maya pa ay nakatanggap naman ako ng tawag mula kay Resty. Nagpaalam ako kay Papa at sinagot ang tawag mula sa sala ng bahay na ilang hakbang lang ang layo mula sa kusina.
“Hello?” sagot ko.
“God morning, Luke. Natawagan ka na daw ng opisina?”
“Yes. Kanina lang.”
“Okay, good. Susunduin kita sa bahay ninyo o gusto mo magkita na lang tayo sa studio.”
“Ha? Anong studio?”
“Gagawa tayo ng portfolio mo. Kailangan ‘yon kung gusto mong hindi lang print at TV ad at maging fashion runway sasabak ka sa future.” Dire-diretso niyang tugon.
“Pero—”
“Kailangan natin maghanda. Ipinakiusap ko na ako na mismo ang mag-manage sa’yo. Medyo matagal na rin naman ako kinukumbinsi mag-manage ng talent kaso ay pihikan akong tao.”
Napangiti ako dahil kung pihikan siya ay siguradong compliment ‘yon para sa’kin dahil ako ang napili niyang i-manage. Mukhang magkakasundo naman kaming dalawa kaya’t wala naman akong angal.
“Sige anong dadalhin kong gamit? Wala kasi ako masyadong damit.”
“Sa studio na. Sila na ang bahala. Ako na din magbabayad muna habang nagiipon pa tayo ng projects mo.”
“Ganoon ba talaga ang kalakaran? Ayoko sanang mangutang.”
“Isipin mo na lang na small investment ko ‘to para sa future nating dalawa. May vision ako, Luke at sa tingin ko magiging stable ang career mo. Stability ang kailangan natin sa industriya dahil hindi lahat ng tao nagtatagal dito.”
“Sige. Maghahanda lang ako. Pakimessage mo na lang sa’kin kung saang studio ako pupunta, ha.”
“Okay. Kumusta nga pala ang Papa mo?” tanong nito.
“Okay naman siya. Nag-aalmusal nga kami ngayon.”
“Ay, naku! Pasensiya na nakaistorbo pala ‘ko.”
“Ayos lang, ano ka ba. Nagpapasalamat nga kami sa’yo at mukhang magkakatrabaho na ‘ko ng medyo maayos ang kita kaysa sa mga part time ko ngayon.”
“Sige. Mamaya na tayo ulit mag-usap. I’ll send you the details via text message na lang.”
“Thank you, Resty.”
“Sureness. Byers.”
Nang maputol na ang tawag ay napakunot ang noo at napaisip ako kung lalaki ba siya o pusong babae dahil sa pagsasalita niyang medyo may kulot sa dulo. Wala namang kaso sa’kin kung ganoon man. Nagulat lang ako dahil ang ilang pusong babaeng kakilala ko ay lantarang humahabol sa mga lalaki, naka-make up at hatalang-halata ang ibang preference nila sa kasarian. Bumalik na ‘ko sa lamesa at tinapos na ang pagkain.
“Pa, pupunta muna ‘kong studio kailangan ko raw ng portfolio. ‘Di ko po alam kung anong oras matatapos. May pagkain naman akong niluto kagabi nasa ref po, iinitin na lang. Huwag mong dadagdagan ng pampalasa ang ulam, ha? Sukat na sukat ko ang asin noon para hindi lumagpas sa pwedeng amount sa’yo sa araw-araw.”
“Kundangan kasing nilalagyan mo pa ng asin ay hindi ko naman nalalasahan.” Reklamo niya kahit alam kong susunod pa rin naman siya sa aking bilin. Kahit naman magreklamo si Papa ay masunurin ito. Wala akong kahit anong problema pagdating sa kanya. Hindi siya mahirap asikasuhin dahil isa lang naman ang hangarin naming dalawa, ang mapabuti ang kalagayan niya sa lalong madaling panahon. Sa sipag ng aking ama ay hindi siya sanay nang nasa bahay lamang ngunit wala naman kaming magagawa kaya’t kahit na ganoon ang sitwasyon ay sinisikap pa rin niyang maging kapakipakinabang. Ang mga damit na nilabhan ko noong gabi ay siyang nagpinaw at siguradong kapag uwi ko ay nakatiklop na ito at nakaayos sa damitan. Mga ganoong simpleng gawain lang na hindi gaanong nakakapagod ang ginagawa niya. Tapos noon ay maglalaro siya ng crossword puzzle. Dahil sembreak pa at hindi pa ‘ko nakapag-enroll ay nakakauwi ako kapag gabi at pagdating ko naman nakahain na ang pagkain na iniluluto ko in advance at inilalagay sa refrigerator.
“Pa, may mga crossword puzzle ka pa ba?” tanong ko habang naghuhugas ng platong pinagkainan.
“Meron pa. Dalian mo na diyan. Ako na ang magtataob mamaya kahit huwag mo nang punasan. Baka mahuli ka sa appointment mo.” Sagot niya habang sumisilip mula sa binabasang diyaryo. Nasa sports section na siya. Sa maghapon ay dalawang pasada niya atang nababasa ang diyaryong binibili ko tuwing umaga. Maliit lang ang TV namin na halos kapanahunan pa ng hapon at apat lang ang sagap na channels. Balita lang din naman ang pinapanood niya kaya’t hindi na rin kami nagabala pang magpalagay ng antenna o bumili ng mga box na pwedeng sumagap ng local channels.
“Sige po. Salamat. Tawag lang kayo kaagad sa’kin kapag may naramdaman kayong hindi maganda. May number na rin naman kayo ni Aling Selda.” Si Aling Selda ay ang ginang na kapitbahay namin sa tapat. Pinakiusapan ko siyang tingnan-tingnan si Papa habang wala ako sa bahay. Matagal na kami sa lugar na aming tinitirhan dahil bagong kasal pa lang sina Papa at ang yumao kong ina ay doon na sila nakatira. Mabuti na lamang nga at 15 years lang ang amortization ng bahay at natapos na ito bago nagkasakit si Papa. Kahit papaano ay may property na kami at hindi matatakot na mapalayas ng kahera na napapanood sa mga soap opera. Sa buong street na iyon ay magkakakilala kaming lahat ngunit wala ako masyadong naging kalapit sa mga kabataan doon dahil alanganin ang aming edad. Kung hindi sila mas matanda ay napakabata naman nila sa’kin. Wala akong kapitbahay na kalapit ng edad ko. Isa pa, dahil sa nangyari sa’min ng isang kaeskwela ko noon na limang taon ang tanda sa’kin ay naging mailap na ‘ko sa mga kabataan sa lugar na iyon.
“Sige. Magdadala na naman ng ulam ‘yon dito. Mukhang nasabihan mo dahil puro walang lasa rin ang dala at walang mantika. Kahapon ay gulay ang dala niya.” Napangiti ako dahil napakabait nga naman ng kapitbahay naming iyon.
“Salamat talaga kay Aling Selda. O siya, Papa maghahanda na po ‘ko,” sabi ko habang itinataob na sa lagayan ng plato at kubyertos ang mga pinagkainan naming dalawa. Nirefill ko ang tubig sa baso ni Papa at saka ako nagtungo ng banyo at naligo.
Treinta minutos lang ay nakabihis na ‘ko ng pinakamaayos kong asul na polo. Iyon ang pinakabago kong damit na nabili ko sa tiangge isang buwan na ang nakakaraan nang bilhan ko rin si Papa ng bagong polo noong kanyang kaarawan.
Mula sa bahay namin sa QC ay malapit lang ang photo studio na sinabi ni Resty na pagkikitaan naming dalawa. Kahit mainit sa dyip ay mukha pa rin naman akong fresh pagdating ko sa address na ibinigay. Maliit lang ang studio at maraming paskil ng mga modelo na nakalagay roon. Namukhaan ko ang tatlo na sikat nang artista ngayon. Nagmula rin sila sa pagiging fashion model na sumikat at naging artista. Naisip ko tuloy kung ilang taon kaya bago ko marating ang ganoong estado. Kung papasukin ko ang mundo na ito ay gusto ko naman talagang itodo. Wala naman akong ginagawa na hindi ko sinasagad sa lubos ng aking makakaya. Patunay na noon ang pagiging active ko sa simbahan na simula pagkabata ay ginawa ko na, maging ang pagkanta bilang miyembro ng choir. Napabuntonghininga ako dahil siguradong kailangan kong i-give up ang ilan sa mga ginagawa ko kapag nagsimula na ‘ko sa regular na trabaho kasabay pa ng pasukan sa susunod na buwan.
Papasok pa lang ako ng glass door nang bumukas na ito at sinalubong ako ni Resty. Napangiti ako na parehas pa kami ng kulay ng polo na suot. Nakaitim na pantalon lang siya at leather na sapatos habang ako naman ay faded na maong at puting sneakers na pinagkakuskos ko pa sa banyo bago ako lumabas galing sa paliligo.
“Luke! Tara, dito tayo.” Kumaway siya sa’kin habang nakabukas ang pinto. Tumango ako at ngumiti at mabilis na pumasok sa studio.
Nakakalinlang ang itsura nito sa labas dahil mukha itong maliit at masikip ngunit pagpasok ay malaki pala ang espasyo at may hallway na pakanan papunta sa isa pang pintuan kung saan naroon pala ang malawak na photo studio. Maraming nakahilerang mga racks ng damit at ang isang parte pa ay may wall panel na ang kalahating parte ay mirror.
“Wow, ang luwag pala,” bulong ko. Natawa si Resty bago sumagot.
“Ah, oo, maluwag dito. Reception area lang ang sa loob na ‘yon. Dalawang block ‘to. Ang katabing bahay na iba ang gate actually, ito rin ‘yon. Ang likod nito bahay ng may ari ng studio. Sila ng kaibigan niya ang nagmamanage nito.”
Tumango ako habang pinagmamasdan ang buong silid. Mukha itong studio na hindi lang pang photoshoot kung hindi parang pang shooting din ng drama o sitcom. May isang corner na mukhang sala at sa katapat na corner naman ay mukhang kusina, ang mga ginagamit sa cooking shows at vlogs. Pamilyar ito at parang nakita ko na noon.
“Ginagamit ‘yan sa vlog ng may-ari ng studio. Baka alam mo ang channel niya, I’m a Cook, not a Crook.
“Wow! Talaga? Nanonood kami noon napag-aralan kasi namin sa school. Alam mo na, mass com. Small world. Wow.” Nakangiti kong sagot. Kilala si Chef Jeston dahil mukha siyang goons, balbasarado ang mukha at malaki ang katawan. May full sleeve tatoo rin siya sa kaliwang braso ngunit kapag nagsalita ito ay malambing at malamya. Ibang-iba sa pisikal niyang itsura ang boses niya, kilos lalo na ang pagiging napakagaling sa pagluluto. Humanga kami ng mga kaklase ko noon na ganoon ang title ng streaming channel niya dahil bukod sa catchy ito ay very witty pa.
“Kaklase ko ‘yan ng highschool hanggang college si Jeston. Mahilig siya sa photography noon tapos nahilig naman sa pagluluto kaya eto pinagsama na ni ya ang mga hilig niya,” pagkukuwento ni Resty bago may nagsalita mula sa likuran namin.
“Chinichika mo na kaagad ako sa alaga mo, bakla ka!” Paglingon ko ay napanganga ako dahil si Chef Jeston mismo ang nasa likuran namin. Mas mukha siyang malaki sa personal kaysa sa screen.
“Mare, ito si Lucas, Luke ang palayaw niya. Ano, sisimulan na ba natin?”
“Gagang ‘to. Hindi mo muna pagpahingahin. Maglalabas ng juice at prutas si Stacey. Hi Luke, Jeston nga pala.” Nakipagkamay ito sa’kin at nahalata yatang nakanganga pa rin ako, “na-star struck ka ba?” nakangisi nitong tanong.
“Ay, opo. Nice to meet you po, Chef Jeston.”
Umirap ito at ngumiti, “Kaya ka pala gusto nitong kumare ko. Magalang na bata.”
“Naku, oo magalang ‘yan at mabait pang anak. Alam mo naman allergic ako sa mga sutil na kabataan pati sa mga bastos sa magulang.” Nakairap ding sagot ni Resty.
“Oo, no! Alam ko kasi sutil ka,” inambaan si Jeston ni Resty at sabay naman silang nagtawanang dalawa.
“Maupo muna kayo doon sa sulok at aayusin ko rin ang equipments. Naka-leave ang isang assistant ko rito may emergency daw sa bahay. Dalawa lang kami ni Stacey ngayon, so wit lang okay? Ipapa”
“Wala pong problema,” bulong ko at saka ako marahang naglakad patungo sa sofa na itinuro niya.
“Mare, tapusin mo na ang pamimili ng mga damit ni Luke,” bilin ni Jeston. Tatayo na sana ‘ko para tanungin kung may maitutulong ba ‘ko nang may lumabas na babae mula sa isang tagong pintuan sa may dulo ng silid. May dala itong tray ng juice at slice ng cake at slices marahil ng canned peaches. Habang papalapit ang babaeng nakasuot ng makapal na salamin ay bigla akong kinabahan. Pamilyar ang taong ito. Ganoon pa rin ang itsura niya, matangkad at kita ang kurbada ng katawan na ikinukubli sa maluwag na t-shirt at maong na paldang ilang pulgada lang ay sasayad na sa rubbershoes na suot niya. Ang makapal na salamin at mahabang buhok na nakapusod sa siang bun at ang pabango nitong sobrang tamis na nakakaliyo ay ganoon pa rin. Siya nga. Isang tao mula sa’king nakaraan na hindi ko makakalimutan.
Paglapag ng tray na dala niya ay nagkatama ang aming paningin. She looked as surprised as I was. Nakita kong napamulagat ang mga mata niya at bahagyang napaatras nang makita kung sino akong nakaupo sa sofa na pinaghatiran niya ng tray ng refreshments.
“Mae?” bulong ko na hindi makapaniwala.
“Luke.”
Napamura ako sa isip. s**t!
“Wow. Small world. Akalain mo nga naman, dito pa pala tayo muling magkikita.”
Napalunok ako at kinilabutan sa matalim niyang tingin at pagngisi sa’kin.
Bakit sa dinami-dami ng tao na pwede kong makasalamuha sa araw na akala ko ay mayroon na ‘kong magandang hinaharap ay nagkita pa kaming muli? Ang taong sumira sa kabataan ko. Ang babaeng hindi ko na gustong makita kailanman.