Uno
Ako si Benjamin Castro, Benj ang tawag nila sa akin. Bata pa lang ako alam ko nang malambot ako, pero dahil sa kinalakihan kong pamilya, hindi ko nagawang ipakita kung ano ang tunay kong pagkatao. I grew up being one of the crush ng bayan sa school namin. Dahil sa basketball player at kasama sa varsity team, sino nga naman ang hindi mahuhumaling sa akin? Hindi naman ako pakakabog dahil sa 5’11 kong height, matipunong pangangatawan at sa porselana kong kutis. Kahit noong puberty stage na may mga acne at pimples ang mga teenager na ka-edad ko ay makinis pa rin ang balat ko. Uso na rin naman kasi ang kojic noong panahong iyon at sinisiguro kong iyon ang lagi kong ipinapanligo at ipinanghihilamos. Mamula mula rin ang pisngi ko at wala halos pores kang makikita dahil tuwing gabi bago matulog ay pinadadaanan ko ito ng yelo. Hindi man beki ang kilos ko, sa puso at diwa ay babaeng babae ako.
Wala akong naging seryosong girlfriend pero may mga naging ka-fling ako. Sinubukan ko lang, nagbakasakali akong mapatigas nila ang malambot kong pagkatao. May tumitigas naman kaso ay panandalian lang. Panglabas init lang ng katawan. A consensual act of desire noong kabataan ko. Siguro nadadala lang rin ako ng mga kaibigan kong mga playboy at habulin ng babae. Naalala ko pa tuwing magkakasama sama kami ng mga barkada ko, laging usap-usapan kung ilan ang nga jowa nila. Mayroon sila sa iba’t ibang school at kadalasan ay kasama nila akong maglibot para mangolekta pa ng ibang babae. May mga panahong nadadamay ako sa kalandian nila. Kaya siguro walang nakahalata kahit minsan na babae din ako ay dahil at some point in my life ay tinalo ko rin ang mga kabaro ko.
Mayayaman ang mga barkada ko dahil sa exclusive school ako nag-aaral. Hindi kami mayaman, sundalo ang tatay ko at house wife lang ang nanay ko pero dahil magaling akong magbasketball, nakakuha ako ng scholarship sa mamahaling paaralan. Simula high school hanggang college ay varsity ako. Lumalaban sa mga University competitions. Limang kampeonato ang naipanalo namin noong panahon ko. Naging daan ito para matupad ko ang pangarap kong maging piloto. Bakit ko nga ba naisip lahat ng ito ngayon? Simple lang, dahil sa nabalitaan ko nang minsang puntahan ako ng barkada ko sa opisina. Naalala ko lahat ng nakaraan ko kasama sila.
“Benj pare, ikakasal na si Martin sa isang buwan. Pinapupunta tayo sa Stag party niya. Ano? Game ka ba?” Tanong sa akin ng kabarkada kong si Toby. Si Martin ay isa sa kasama namin sa basketball noong College.
“Sige Dude, kung wala akong lipad sasama ako.” Hindi ko pa hawak noon ang schedule ko kaya’t hindi ako maka-oo kaagad.
“Tangna naman pare, minsan nga lang tayo magkasama sama, magdadahilan ka pa.” Sanay naman na ako sa malulutong na mura ni Toby.
“Tangna rin Dude. Ikaw kasi mayaman ka, kahit hindi ka pumasok sa opisina ninyo kakain ang pamilya mo. Alam mo namang ako ang bumubuhay sa buong angkan ng mga Castro.” Pinagtawanan lang ako ng walang hiya. Hindi na nagbago.
“Joke lang. Sige sabihan mo ako. Mag-file ka na lang ng leave. Sa isang buwan pa naman. Pupunta ang buong tropa, reunion na ‘to.” Napailing lang ako sa kakulitan niya.
“Oo na sige. Sasabihan kita. Para kang tanga. Sa isang buwan pa naman excited ka na.”
“Gagu! Siyempre si Martin ang pinaka-playboy sa ating lahat noong araw, tapos nauna pang ikakasal. Gusto ko lang malaman kung anong ipinakain sa kaniya ng jowa niya para mahila siya sa altar.” Bumunghalit pa ng tawa ang kausap ko. Kung hindi ko lang ito kaibigan ay binatukan ko na ito.
“Hindi lahat ng tao kagaya mo. Kailan ka ba kasi magtitino? Kung magpalit ka ng babae para ka lang nagpapalit ng underwear!” Napangiti pa ang mokong. Feel na feel niya talaga na adonis siya ng mga kababaihan.
“Wala namang masama sa pangongolekta. Sabi nga collect and collect and then select. At isa pa hindi ako nag-uunderwear!”
“Tado! Kapag nahanap mo ang katapat mo tingnan ko lang kung maka-collect and select ka pa.”
“Tado ka din! Ikaw nga din wala ka namang steady na jowa. Kung hindi lang kita kilala iisipin kong bakla ka.” Tumalon ang puso ko sa sinabi niya. Sabay tumawa siya ng malakas at palarong sinuntok ang braso ko.
“Gago ka talaga!” Lalo pa siyang tumawa. Pinisil ang biceps ko at saka tinitigan ako sa mata at lumapit sa mukha ko. Parang nanuyo ang lalamunan ko sa ginawa niya. Hindi ako nakakilos.
“Kung bading ka. . .ikaw na ang pinaka-gwapong bading. Ang tigas pa nito o.” Hindi ko alam kung anong magiging reaction ko sa sinabi niya. Kinabahan ako at bumilis ang pintig ng puso ko nang pisil pisilin niya ang braso ko. Tarantadong Toby ito.
“Sira ulo! Huwag mo nga akong taluhin. Hindi ako bading. Alam mo ‘yan!” Kahit kinakabahan ako hindi ako nagpahalata. Nakatitig lang siya sa akin. Napansin kaya niya na nanlalamig ako?
“Oo alam ko. Sira ulo ka din! Binibiro lang kita. Walang bading sa grupo! O sige na, text-text na lang. Mag-reply ka naman kasi sa text ko. Para kang tanga pag tinetext ka puro K lang ang sagot mo. Dagdagan mo naman ng O para OK.” Ako naman ang natawa. Kahit kailan itong si Toby puro kalokohan.
“Oo na gagu! Umalis ka na nga tuwing kasama kita naliligo ng mura ang bunganga ko!” Tumayo na siya mula sa upuan sa cafeteria ng opisina. Mas matangkad lang siya ng bahagya sa akin pero hindi maikakaila na gwapo siya. Sa katunayan ay pinagtitinginan nga siya ng mga tao noong pumasok kami sa cafeteria. Lahat halos ng babae ay nakasilay sa kaniya. Namumutok pa ang muscles niya sa suot niyang fitted black shirt at pants. Nakaboots pa ang mokong na lalong nagpadagdag sa appeal nito.
“Na-miss mo lang ako pare aminin mo.” Yumakap siya sa akin, bro hug naming magbabarkada. Hindi ko alam pero parang mas matagal ang itinagal ng yakap namin. Full pledged bakla na nga yata talaga ako. Pati barkada ko pinagiisipan ko na ng kamunduhan.
“Oo siyempre namiss kita pero kadiri naman aminin dude. O sige na, tapos na ang break ko. Asan na bayad sa kinain mo?” Tumawa lang siya, tumalikod at lumakad palayo at saka kumaway. Ni hindi na niya ako nilingon. Ugok talaga. Napangiti na lang ako. Totoo namang na-miss ko si Toby dahil siya ang pinakamatalik kong kaibigan sa buong grupo namin.
May isang buwan pa ako para maghanda. Ibang klase ang mga kaibigan ko kung makaamoy kaya’t kailangan kong doblehin ang pag-iingat. May mga pagkakataon kasing bumibigay na rin ako. Mahirap naman talagang magpanggap pero mas mahirap na magpakita ng totoo kung hindi ka naman nila matatanggap.