“Benj, pwede ka ba mag-file ka ng vacation leave sa birthday mo? Since aside sa birthday mo ay anniversary natin ‘yon, magcelebrate naman tayo,” Lucas said out of the blue. Napalingon ako sa kanya para tingnan kung seryoso ba siya. Dahil madilim na noon ay hindi ko nakita ang ekspresiyon ng mukha niya.
“Sige, next month pa naman ‘yon. Baka wala namang changes sa assignments ko. Currently ay off ko naman ang araw na ‘yon.”
“Just in case may magbago, gawan na lang natin ng paraan para magkita tayo. If evern naman na may taping ako, puntahan mo na lang ako sa site.”
“Pwedeng dumalaw?” Nagtataka kong tanong.
“Oo naman. Bakit naman hindi?” He looked at me briefly and smiled. Kahit hindi masyadong maliwanag ay alam kong nakangiti siya.
“Okay.”
Matapos ang ilang minutong katahimikan ay patawid na kami ng intersection kung saan tanaw na ang cafe at ibang establishments sa block na iyon.
“Magdinner na lang kaya tayo? Nagugutom na ‘ko. Mag 8 pm naman na. Ano?” tanong niya sa’kin. Nang mabanggit ang salitang gutom ay parang nakisamang bigla ang sikmura ko. Pakiramdam ko nga rin ay gutom na at kumakalam ang sikmura.
“Saan?”
“May restaurant ‘di ba sa tabi ng cafe. Para malapit lang din since gusto mo umuwi ng maaga para sa pasok mo bukas. Mag-take out na lang tayo ng cake from the cafe or sa restaurant na lang din kung may masarap ‘don.” Sabi niya bago nag-green ang traffic light.
“Okay. Sinusulit mo ba ‘ko?” I asked in a teasing voice. Akala ko ay hindi niya sasagutin dahil abala siya sa pagmamaneho ngunit sinagot pa rin naman niya ang pang-aasar ko.
“Minsan lang tayo magkita, siyempre sulitin na.” Nakapila kami sa papasok ng parking lot. Maliwanag ang ilaw doon kaya’t kita ko na ang mukha niya dahil sa tumatagos na liwanag sa windshield at mga bintana ng kotse.
“Keeping your promise ba?”
“Anong promise?”
“You know, last year—”
Natawa si Lucas kahit na namula ang pisngi. Kapag may chance akong asarin siya ay ginagawa ko. Nakakatuwa na ang confident na tao na kagaya niya ay marunong mag-blush kapag nahihiya ng bahagya.
“Grabe ka talaga sa’kin,” sagot niyang nakangiti at napapailing. Ilang sandali lang ay nakapasok na kami ng parking lot at magkasunod na bumaba mula sa sasakyan. Sa tapat ng American restaurant na puro steak din ang tinda kami nagdecide na kumain. Mabuti na lamang at hindi masyadong maraming tao ang nandoon at pinapasok kami kaagad. Elegante ang lugar na ang tema ay parang sailor’s boat. Kulay asul at puti ang mga dingding at maraming frame ng waves na nakasabit. Mayroon ding mga salbabidang puti na may pulang stripes na nakasabit sa ibang parte ng silid. Maaliwalas sa paningin. Bukod pa sa overall aesthetic ng lugar, may mahinang background music din na waves ng tubig to set the mood right. Pagkaupo sa booth type na couch sa may dulo ng restaurant ay may lumapit kaagad na waiter sa’min para bigyan kami ng menu.
“I’ll come back for your orders, Sir.” Sabi nito nang kuhanin namin ni Lucas ang tig-isang malaking menu na parang malaking illustration board na puno ng litrato ng mga pagkain. Sa nilaki ng litrato ay siya namang iniliit ng sulat ng presyo at ng inclusion ng meal. Napansin ito ni Lucas at nagtanong sa’kin.
“Sa picture lang daw tayo tumingin, ‘wag sa presyo. Anong gusto mo?”
“Ang pinakamalaki sa picture.” Porterhouse steak at mashed potatoes na may mixed vegetables ang napili ko.
“Porterhouse na naman? Sige, tenderloin na lang ako. Drinks ba same lang?”
“Yes, iced tea house blend.” Nag-thumbs up sign siya sa’kin at saka itinaas ang kamay para senyasan ang waiter na ready na kaming mag-order. Paglapit ng waiter ay napatitig muna ito kay Lucas bago nagtanong.
“Kamukha po ninyo si Lucas Pascual. Ay, sorry po. Ano pong order ninyo?”
Tumango lang si Lucas at itinuro ang pictures ng orders namin. Nagpadagdag pa ito ng dalawang kainin para sa’ming dalawa at extra gravy na siguradong isasabaw niya sa kanin.
Habang naghihintay kami ng pagkain ay nagsimula na namang muli ang kwentuhan.
“Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko sa’yo.”
“Anong tanong?”
“Anong naisip mo nang tinawagan kita noong araw na ‘yon?”
Napangiti ako at napapikit. Hindi ko talaga inasahang kinahapunan noong nagpapawala pa ‘ko ng tama sa kalasingan naming tatlo nila Martin at Toby noong birthday ko ay may tatawag sa’kin at magyayayang kumain sa labas. Sinundo niya ‘ko sa mismong bahay ko dahil sabi ko noon na hindi ako makakapagmaneho at magtataxi na lang.
“You were sweating kahit ang lakas ng aircon ng kotse mo.”
“Pa’no nakasimangot ka lang. Pakiramdam ko napilitan ka lang lumabas.”
“Siyempre may hungover ako, ilang bote ng alak itinumba namin noong gabi.”
“Pero sumama ka pa rin sa’kin.”
“A promise is a promise.”
“I know and we promised each other something so let’s make sure we keep that one.”
“True.”
“Hindi mo pa rin sinagot ang tanong ko. Anong naisip mo nga?”
I always try to avoid that question. Paano ko ba sasabihin sa kanya na kinilig ako? Nag-iwas ako ng tingin at nang kinakalabit na niya ko para sumagot ay saka lang ako tumingin sa kanya.
“Wala lang. Grateful kasi naalala mo pa ‘ko at hindi ka snob.”
“Echos. Ang showbiz ng answer mo.” Ngumuso pa ito at umirap. Walang nakakakita sa kanya dahil nakatalikod siya from the crowd at mataas ang sandalan ng booth na inuupuan namin. Wala ring tao sa paligid na maaring makarinig.
“Ikaw ano bang pumasok sa isip mo at nagawa mong mag-propose ng ganoon?”
“Hindi ko rin talaga alam.” Mas namula pa ang pisngi niya dahil sa tanong ko.
“Echos ka rin. Mas ma-showbiz ka.”
“Artista kasi ako, ‘di ba?” bulong niya na tinawanan ko naman.
“Kinilig ako. Honestly. Malay ko ba na may proposal pa pala after.”
“Good. I was really hoping you’d feel something.”
“Kaso---”
“Yeah. At least we learned something about each other.”
“That’s a good proposal by the way.”
“Talaga ba?”
“Actually, hindi. Ang awkward kaya.” Pag-amin ko.
“Kaya nga ayoko na balikan kaso lagi mong pang-asar sa’kin ‘yon. Para kang tanga.” Nakasimangot niyang sabi.
“Wala naman akong ibang mapang-asar sa’yo. ‘Yon lang.”
“Thanks for staying with me kahit baliw ako.”
“Match made in heaven tayo pareho tayong baliw. Kwento mo kaya sa scriptwriter nyo ang ginawa mo para mailagay sa script.”
“’Wag na no! Baka sabihin pa nila nababading na ‘ko," sabi niya.
“Secret lang naman.”
Maya-maya pa ay dumating na ang orders namin. Habang inilalapag ng waiter ang mga pagkain sa lamesa ay nag-flashback sa’kin ang araw na sinundo ako ni Lucas sa bahay at ang ginawa niyang proposal noong mismong araw na ‘yon.