Ang nakaraan halos isang taon na ang nakalipas.
NAALIMPUNGATAN ako sa pag-vibrate ng phone na nakapatong sa unan ko. Napaisip kung sino ang tumatawag sa’kin ng ganoon kaaga. Nakapikit ang isang mata ay kinuha ko ito at sinilip. Dahil sa tindi ng antok dala ng paglalasing naming magkakaibigan noong gabi ng kaarawan ko ay hindi ko mabasa kung sino ba ang nasa kabilang linya. Imbis na sagutin ang tawag ay nireject ko ito at ipinatong sa sidetable katabi ng kama. Ngunit sadyang makulit ang tumatawag. Maya-maya pa ay nagvibrate na naman ang phone ko at mas malakas na ang tunog nito dahil sa pagkakapatong sa kahoy na lamesita.
“Aish, sino ba kasi—” kinapa ko ang phone, idinikit sa tainga at nakapikit na sinagot ang tawag.
“Sorry to bother you, Benj. Si Luke to. I mean Lucas Pascual, the one you met yesterday sa mall. Si Rob sa piapanood mong series sa TV. We late lunch and well, ano kasi di ba you promised you’ll treat me next time we see each other, well, can that next time be today? Bigla kasing free pala ko and naisip ko why not meet with you na lang. We can have coffee or dinner since it’s kinda late na.”Mabilis at nauutal na sabi ng baritonong boses sa kabilang linya.
Ilang segundo pa bago nagprocess sa lasing kong utak kung sino at ano ang sinabi ng nasa kabilang linya. Napabalikwas ako ng bangon at napaungol, “Aaaaah,” sabay sapo sa ulo dahil sa biglaang pagsakit nito noong naupo ako sa kama.
“Benj? Are you okay? Nakakaistorbo ba ‘ko?”
“Ah, hindi naman kakagising ko lang kasi.”
“Ay, sorry. Kaya mo pala nireject kanina. Akala ko hindi mo lang na-save ang number. Sorry bo bother you, next time na lang siguro kapag pwede ka na.” Napabuntonghininga ang nasa kabilang linya. I felt guilty that I rejected the call kaya’t kahit masakit pa ang ulo ko ay pumayag akong makipagkita. Sa isip ko malamig na paligo lang at baso ng tubig ang katapat ng hungover na ‘yon.
“It’s okay. Sige let’s meet tonight. Ah,”Habang minamasahe ang ulo ay tumingin ako sa orasan na nakasabit sa may itaas ng pintuan ng kwarto ko, “five pm na pala. Around seven? Magtataxi lang ako hindi ko pa kayang mag-drive. Saan pala tayo magkikita?”
“Really? Great! Ah, gan’to na lang. Send me your address. I’ll pick you up sa house mo then hatid ulit after. Dyahe naman mag-commute ka pa dahil nagyaya ako.”
“No, it’s okay. Mabilis lang naman maghanap ng taxi dito.”
“I insist. See you around six thirty if that’s okay?”
“Hindi mo pa nga alam kung saan ako nakatira,” bulong ko. Medyo nagliliwanag na ang pag-iisip ko at bumibilis na ang pagfunction ng utak ko sa pinaguusapan namin.
“Hindi naman siguro sa Bulacan ‘yan o Cavite?”
“No. Mandaluyong lang.”
“Okay. I’ll call you when I’m almost at your house. Send mo na lang ang address.”
“Sige.”
“Thanks, Benj. See you later.”
Pagkawala ng tawag ay nahiga muli ako sa kama.
“Si Lucas ba talaga ‘yon? Hindi ba ‘ko nananaginip?” Sinampal ko ang mukha ko at napasigaw, “aray! OMG! Totoo nga!” Napatitig pa ‘ko sa phone na hawak ko at tiningnan ulit ang call history, Lucas Pascual – New Friend Elevator Corp No Longer Strangers Intl. Ltd. “Si Lucas nga! OMG!” Napaupo ako muli at napakapit sa ulo. May kinse minutos din akong nakatulala, nakatitig sa phone ko at pinaprocess sa utak ang mga nangyari noong nagkakilala kami at ang tawag kanina nang mag-vibrate muli ito at nakatanggap ako ng mensahe.
Lucas: Hi Benj, nakatulog ka ba ulit? Please send me your address or just tell me if we’ll be meeting on another day, okay lang talaga, promise.
Mabilis akong nagtipa ng mensahe para ibigay ang address ko. Agad naman siyang sumagot.
Lucas: Great! Mga one hour away from where I am right now. I’ll see you in an hour.
Benj: Okay. See you.
One hour. Isang oras lang ang window time kong mag-ayos kaya’t bumangon ako kaagad at nagmamadaling nagpunta ng banyo. Mabuti na lamang at may sariling banyo ang silid ko. Nakapagbabad ako sa ilalim ng malamig na shower para mas bumaba pa ang amats. Habang nakatapis sa beywang ang aking tuwalya ay humarap na sa salamin at naglagay ng makapal na shaving cream. Nag-ahit mabuti upang mawala ang tumubong stubble. Pitong minuto akong nagsepilyo at nag-gargle pa ng mouthwash para mawala ang amoy ng alak sa bibig. Matapos masigurong hindi na mabaho ang hininga ko at makinis na muli ang mukha ay ang buhok ko na man ang inasikaso. I made sure that my hair will look exactly as it did yesterday para hindi mahalata ni Lucas na nag-effort akong mag-ayos dahil sa pagkikita namin.
Naalala ko ang bb cream ko at nagpasiyang ‘wag maglagay ng kahit ano sa mukha. Napangiti ako nang maisip na baka masapawan ko pa ang kagwapuhan ng artistang kasama ko kung mag-aayos ako ng bongga.
“Benj, hindi ‘to date. Magkakape lang kayo at magdidinner. Isa pa, hindi ka pa handang makipag-date ng ganoon.” I sighed and nodded my head looking straight at my reflection in the mirror. Sa lahat ng sinabi ko ay ang huli ang pinakatotoo. I’m not ready for that yet.
Nang makuntento na ‘ko sa itsura ng mukha ko ay tumungo na ng kwarto muli at namili ng damit sa closet. Chinese collar na dark blue na buttoned up shortsleeve polo ang suot ko at stonewashed jeans at loafers na asul ang suot ko. Naligo muli ako ng pabango na gamit ko noong una kaming magkita ni Lucas. Pagtingin ko sa orasan noong naglalagay na ‘ko ng lipbalm na sheer lang ay may limang minuto pa bago ang takdang oras na napagusapan.
Saktong ala-seis y media ng gabi nang mag-ring ang phone ko.
“Luke,” bati ko agad pagkasagot ng tawag.
“Hi Benj, nandito na ‘ko sa tapat ng bahay n’yo.”
“Palabas na ‘ko. Sasakay na lang ako paglabas ko ng gate,” nagmamadali kong sabi. Sa ngayon ay hindi dapat makita sa bahay namin ang artistang si Lucas dahil baka pagkaperahan pa siya ng kapatid kong kung anu-anong raket ang pinapasukan.
“Okay. I’ll be waiting.”