Para akong binuhusan ng isang baldeng yelo sa sinabi ng kaibigan ko. Ginagago niya lang ba ako? Hinuhuli ba niya ako para umamin? O totoong bakla nga siya kagaya ko?
“Ulul ka! ‘Wag mo nga akong ginagago! Hindi biro ang ganitong bagay!” Kinapitan ko siya sa magkabilang balikat at tinitigan ang mukha.
Mukhang hindi siya nagbibiro dahil nakita kong may tumulong luha sa mga mata niya. Tumayo ako at pinatay ko ang TV, nakakadistract ang mga ungol ng mga nasa palabas. Kailangan ko mag-focus sa nahihibang kong best friend.
“Ano? Magsabi ka nga ng totoo. Ano ba talaga?” Gusto ko lang makasiguro. Hindi pwedeng naguguluhan lang siya kaya niya nasabi ang mga bagay na iyon. Baka malungkot lang kaya nagkakaganito siya.
“Totoo ang sinasabi ko. Hindi ako nagbibiro. Matagal ko nang itinatago ang nararamdaman kong ganito, pero ngayon hindi ko na alam kung paano ang gagawin. Benj, Tol, hindi ko yata kaya. Ikakasal na siya... Tol, ang sakit-sakit. Hindi ko kaya---”
Oh my Gosh! Napatalikod ako dahil sa gulat. Namilog ang mga mata ko at napa-awang ang bibig dahil sa narinig. Bigla akong may naisip, ngunit hindi maari. Hindi pwede ‘yon. Imposible. Imposibleng imposible ang naisip kong ‘yon.
Nang hindi na siya sumagot ay napahugot ako ng malalim na hininga bago siya muling binalingan.
“Toby, tell me the truth ulit. Ang katotoohanang walang halong teaser at cliff hanger. Naguguluhan ako, Tol. Para sabihin ko sa’yo at para malinaw, wala akong problema kung bading ka. Tanggap kita at tatanggapin kita kahit sino ka pa. Now, tell me, anong iniiyakan mo ngayon? Sinong ikakasal at anong kinalaman noon kung bading ka?” Pakiramdam ko ay tatalon palabas ang puso ko, naghihintay ng sagot sa mga katanungang hindi ko inasahang ako ang magsasabi.
“May relasyon kami ni Martin, Tol.”
“Tangina! ‘Wag mo nga ‘kong ginagago. Pinagtitripan n’yo ba ‘kong dalawa? May hidden camera ba dito para sa spoof n’yo?”
Mas madaling magalit kaysa maniwala. Paano ako maniniwala na may relasyon ang dalawang lalaking mas lalaki pa kaysa sa mga action stars kung umasta at pumorma?
Nang hindi siya sumagot at tumawa man lang ay inulit ko ang aking sinabi, “Tangna naman Tol, wala namang ganyanan. Kung pinapagtripan mo lang ako, ‘wag na please lang.”
Bakit nga ba hindi ako maniwala? Naalala ko noong unang beses ko nakilala sina Toby at Martin.
“Team, ito ang bago nating makakasama simula ngayon, si Benjamin Castro.” Umalingawngaw ang boses ni Coach Espiritu sa malawak na gym ng Unibersidad nang ipakilala ako sa buong Basketball varsity team. Ang karamihan doon ay naglalaro na simula elementarya sa unibersidad na iyon kaya’t magkakakilala na sila. Sa labinlimang miyembro, dalawa lang kaming baguhan na transferee ngunit ang isa ay hindi dumating noong araw na iyon para sa unang training. Suot ang paborito ko at pinakamaayos kong jersey at bagong biling rubbershoes na inungot ko pa sa aking ina, tumayo ako at ngumiti sa mga bagong kasama.
“Benj na lang itawag n’yo sa’kin. Ikinagagalak ko kayong makilalang lahat.”
Ang mga team mates ko sa basketball sa eskwelahang iyon ay isa-isang naglapitan sa’kin at nakipagkilala at nakipagkamay. Tanging sina Toby at Martin lang ang tumapik sa likuran ko at saka nag-fist bump. Matapos noon ay nagsimula na ang warm up naming lahat. Kung titingnan ang mga lalaking kasama ko, lahat ay may muscles na ang braso kahit na first year highschool pa lang. Nang mag-push ups kami ay pansin kong pinakamatatag at mabilis ang push ups nina Toby at Martin. Sa takbuhan din at jumping excercises ay sila ang angat na dalawa. Nakita ko rin ang strength ng bawat miyembro ng team. Halos lahat sila ay magaling sa defense at offense ngunit pinakaangat pa rin sina Toby at Martin. Naisip ko noon na sila marahil ang star players ng team.
Nang kausapin ako ng coach noong matanggap ako sa try outs ay sinabihan akong maari akong maging shooting guard o point guard depende sa gusto kong i-enhance na skill. Shooting guard ang pinili ko upang hindi gaanong mataas ang pressure bilang bagong salta pa lang ako doon.
Matapos ang training namin at nang makapagpalit na ng mga pawisang damit ay unang lumapit si Toby sa’kin kasunod ni Martin. Nag-aayos na ‘ko ng gamit noon at handa na sanang magbiyahe pauwi. Nakasuot lang ako ng tsinelas at pamalit na shorts at maluwag na t-shirt. Pansin kong ang mga kasama ko ay ganoon din naman ang suot dahil mga tamad nang magbihis pagkatapos ang nakakapagod na takbuhan at laro sa court. Ang pinagkaiba lang ng mga damit namin, branded ang sa kanila habang plain lang ang sa’kin.
“Tol, tara meryenda tayo. Sagot ni Martin. Buong team kasama. Ano, sama ka ba?”
“Ha? Sige. Salamat sa pagimbita. Aalis na ba?” Nakangiti kong tanong. Kahit naiilang pa ako sa kanila ay kailangan ko silang pakisamahan dahil matagal kaming magiging magkakagrupo. Plano ko noon na hanggang kolehiyo ay nasa Varsity team lang ako para full scholarship ang makuha.
“Yo’n! Tara! Hoy mga mokong! Sasama si Benj! Sabi ko sa inyo sasama, eh! Bigay n’yo na bayad n’yo!” Pasigaw na pang-aasar ni Martin sa mga kagrupo nila na napailing lang habang nagbibigay kay Martin ng tig-dalawang daang piso.”
“Anong nangyari?” tanong ko kay Toby.
“May pangmeryenda na tayo.” Nakangisi niyang sagot.
“Akala ko libre ni Martin?”
“Oo. Ayan na nga. Galing din sa mga mokong ang pambayad. Nakipusta-pusta sila sa’min, eh. Sabi nila hindi ka raw sasama dahil mukhang mahiyain ka.” Tumaas pa ang kilay ni Toby habang nakangisi. Kung hindi ako na-distract sa pag-aasaran sa bleachers ay baka napatitig pa ako ng husto sa gwapong kaharap. Very prominent ang jawline ni Toby. Napakatangos ng ilong at makapal ang kilay na may perpketong arko. Ang mga mata niya ay medyo singkit na may mahabang pilik mata. Ang labi niya ay mamula-mula dahil siguro lagi niyang kinakagat at dinidilaan. Kahit first year high school pa lang, kitang-kita na matikas ang tindig at matangkad. Ang buhok niya ay may hati sa gitna at lagpas ilong ang haba. Kung paanong pinayagan ang ganoong buhok sa highschool ay hindi ko rin alam ngunit sa lahat, ang buhok niya ang pinakamukhang pangbinata. Nang lumapit naman si Martin matapos kubrahin ang panalo na ipangkakain din naman ng buong grupo, umakbay ito sa balikat ko at saka bumulong.
“Tol, salamat at hindi ako nagastusan. Tara na. Saan mo gusto magmeryenda? Pizza o burger?”
“Kahit ano, Tol. Tara na?” Napatingin siya sa’kin nang magsalita ako. Unang beses ko silang tawaging ‘Tol. Pagharap niya sa’kin ay para akong nakakita ng anghel sa malapitan. Unang beses kong natitigan ang mukha niya. Kung mukhang lalaking-lalaki ang mukha ni Toby, ang kay Martin naman ay sobrang gwapo na pwede siyang magmukhang babae. May mga ganoong nilalang. Gwapo maging lalaki pero mas magandang lagyan ng wig at makeup para magmukhang babae. Ang makipot at matangos na ilong, expressive na mata na may mahabang pilikmata, mapula at pouty na mga labi at maliit na mukha at ang mataas na cheekbones ni Martin na mamula-mula pa dahil sa katatapos lang naming training ay talaga namang nakakahalinang titigan.
“May dumi ba ang mukha ko?” Natauhan akong bigla sa tanong niya.
“Naka-contact lens ka ba? Parang brown kasi ang mata mo.” Pagpapalusot ko. Brown naman talaga ang mata niya.
“Ah, hindi. Natural ‘yan. Asset ng mga artistahin.” Ngumisi siya at nakita ko ang maliliit na ngiping parang bulak sa kaputian. Ganoon din ang ngipin ni Toby at ng iba pa naming kasama. Parang na-concsious ako noon at gusto biglang mag-tooth brush.
“Gago, nagyabang ka na naman. Tara na nga.” Hinila ‘ko ni Toby at sumunod naman si Martin.
“Hoy! Dito na kayo magkwentuhan!” Pagtawag pa ng iba naming kasama.
Habang naglalakad na kami palabas ng gym ay may ilang babaeng estudyanteng nakaabang sa may walkway. Halatang-halatang kinikilig silang makita kaming lahat na naglalakad na magkakasama. Kung tutuusin, puro may itsura ang mga ka-team namin at matatangkad din lahat. Dahil first year high school pa lang, siguradong mas tatangkad pa kami kapag tumanda na.
Bakit hindi ako makapaniwala na may relasyon sila? Dahil ako mismo ang nakakita kung paano silang dalawa magparamihan ng hook up na babae. Nagsimula ang collection nila noong sophomore year namin.
Nasa isang park kami noon sa isang exclusive subdivision na malapit sa school namin. Doon kami magtetraining sa umagang iyon dahil ginagawa ang university gym noong weekend na ‘yon. Maaga kaming dumating ni Toby dahil isinabay niya ako noong papasok na siya at ihahatid ng driver.
“Benj, ganito, sabihin mo kay Pauline magkasama tayo kagabi sa Gym.”
“Ginamit mo na naman akong alibi. Hindi ka naman nagpunta ng gym kagabi kasi nga ginagawa simula pa kahapon ng umaga. Sino na naman ang isinabay mo diyan sa hilaw na syota mo?”
Si Pauline ang pinakamatagal na naging ka-fling ni Toby. Magdadalawang linggo na sila.
“May bagong lipat na chick sa kabilang school. Ang ganda at kinis. Hiningi ang number ko kahapon kaya lumabas kami noong gabi.” Pumikit pa siya at tila may inimagine.
“Toby, Coed ang school natin, naghanap ka pa ng babae sa exclusive all girls? Kinulang ka pa sa babae rito?” naiirta kong sabi. Iyon ang mga panahon na hindi pa ‘ko gumagaya sa kanila.
“Bata pa tayo. Dapat marami tayong ma-experience na mga babae para kapag matanda na tayo alam na natin ang mga dapat iwasan.”
Noon naman biglang dumating si Martin na humahangos pa.
“O, bakit ka hinihingal?”
“Sa kabilang kanto kami nag park ng driver. Potek, nakita ko ang babaeng humabol sa’kin ng baseball bat noong isang linggo. Dito pala nakatira!”
Sabay kaming nagtawanan ni Toby. Ang babaeng sinasabi niya ay ang nakilala niya sa isang shopping mall at tinatawagan niya gabi-gabi. Nang magkakilala sila ay nalaman ng babae na si Martin pala ang ex-boyfriend ng kapatid niya. Ex girlfriend ang kapatid noong Grade 6 pa lang si Martin.
“Ex mo nga ang kapatid, hindi mo alam saan nakatira?”
“Sa landline ko nga lang nakilala ‘yong kapatid niya. Malay ko ba na kahit Grade 6 naheheart broken na dahil lang sa phonepal relationship!”
“Paasa ka kasi, Tol. May padala padala ka pa ng picture. Kung hindi mo pinadala picture mo, hindi sana ikaw mabubuko.”
“Paanong hindi padadalhan ng litrato ‘yan, ang babaeng ‘yon ang nagturo kay Martin makipag phone s*x!”
“Hoy! Ang aga-aga mga lumalabas sa bunganga ninyo!’ Nakangising sita ng bagong dating na mga kagrupo. Isang pulutong silang dumating marahil ay naghintayan ang mga iyon bago magpunta sa park.
Nang magdatingan ang iba pa naming kabarkada at team mates ay ibang topic naman ang napagusapan namin.
Kaya hindi ko masisi ang saril ko na hindi ako naniniwalang may relasyon silang dalawa. Mas madaling mag-isip na niloloko lang ako kaysa itanim sa isip na ang dalawang pinakamatikas na lalaki at nagturo sa’kin noon paano mambabae ay mayroong relasyon sa isa’t-isa.
“Benj, nakikinig ka ba?”
“Ha? Oo, ano. Sige na, sabihin mo na ang totoo. Hindi naman ako magagalit kung niloloko n’yo lang ako. Mahirap talaga paniwalaan ‘yan, Tol. Masama talaga ‘yang biro.”
“Ang totoo niyan, kaya siya ikakasal ay dahil nalaman ng pamilya niya na may relasyon kami. Iyon talaga ang totoong rason kung bakit biglaang ikakasal na sila.”
OMG OMG OMG. Paulit-ulit kong sambit sa isipan ko nang makita sa mga mata niyang seryoso ang kanyang sinasabi. Pusang gala! Paano nakalusot sa akin na magkarelasyon sila? Kaming tatlo ang madalas magkasama-sama at kahit minsan hindi ako nakaramdam na may something sila. Doon ako nagduda sa ‘king sarili. Hindi yata ako tunay na bakla, hindi ako marunong umamoy ng kabaro ko!
“Last chance para umamin na biro lang ang lahat.” Hindi ko pa rin sigurado kung totoo dahil baka hoax lang ang lahat. Mahilig mag-trip ang mga barkada namin at madalas ay nagiging buntunan ng asaran kung sino ang mapag-tripan at sumakay sa kalokohan. Ito na ata ang pinakamatinding prank nila sa’kin kung sakaling hindi ito totoo. Mas malala pa ito kaysa doon sa isang beses na sinabihan ako ng mga mokong na nakabuntis silang dalawa ng magkapatid na babaeng nakilala nila sa isang party at pinipikot silang dalawa ng pamilya ng mga babae na pakasalan ang mga iyon kahit na kaka-18 lang nila. Nagpanic pa ako noon at dinamayan silang mag-inom just to find out that they were just fooling me.
“Mukha ba akong nagbibiro? Can’t you see I’m hurting?” Tinitigan ko siya at tama nga naman. Mukha nga siyang nasasaktan. Kapag nalulukot ang gwapo nitong mukha na parang umiire ay nahihirapan ngang tunay si Toby. Mula sa pwesto ko noong lumayo ako sa kanya ay naupo ako muli sa tabi niya. Kinuha ko ang alak na baon ko at tinakalan ko ang baso niyang nasa ibabaw ng lamesa. Walang yelo. Diretsong inom siya pagkalagay ko ng tagay. Kumuha rin ako ng baso ko sa may mini wine bar sa gilid ng Dining area at sinabayan ko siya sa pag-inom. Sa ganitong paraan namin naipapakita ang pagdamay sa isa’t-isa. Barako style. Kaso paano kung dalawa naman pala kaming ex-barako? Ano na ang tawag sa style namin ng pagdadamayan?