KUNG alam ko lang na masasaksihan ko ang mga ganitong tagpo ngayong gabi ay sana kumain ako ng marami dahil nakakagutom ang mga pangyayari!
May kumatok sa pintuan. Pagbukas ko ay si Martin ang nasa labas.
“Benj...” Nagtatanong at nangungusap ang mga mata niya. Si Martin na kapitaganan ng pagkamaskulado ay nasa harapan ko at halos naluluhang nakatingin sa’kin. Sa mga mata niya ay parang nagtatanong na bakit ako naroon at kung may alam na ba ako sa sitwasyon. Haka-haka ko lang naman ang mga iyon ngunit sumagot pa rin ako sa nangungusap niyang mga mata.
“Alam ko na! Sinabi na sa’kin. Ayan, pumasok ka na at tingnan mo. Lasing na lasing na ang jowa mo.” Sabay kaming nanlaki ang mga mata sa sinabi ko. Kapwa kami nagulat. Slip of the tongue.
Bumuntonghininga siya at tinapik ako sa balikat. Matapos niyang isara ang pintuan ay sumandal siya roon na para bang sinasabing, hindi ako makakatakas hanggang hindi kami nagkakausap nang masinsinan. Pumikit pa ito at napakapit sa dibdib.
Nakakaloka ang madrama niyang akto kahit wala pa namang dialogue!
“Salamat, Benj, at pumunta ka kaagad dito kay Toby. Hindi kasi ako makaalis ng bahay, nandoon pa si Sonya.”
Pinigilan kong magtaas ng kilay. Si Sonya siguro ang mapapangasawa niya. Nagpigil akong magkomento dahil baka mabanggit ko pa na ang chararat ng pangalan, pang tanders! Nang makita ni Martin na wala na ‘kong sasabihin ay dahan-dahan na itong lumapit kay Toby. Kung hindi ko lang mahal ang dalawang kaibigan ko ay baka napairap ako habang pinapanood ko sila.
Nakaupo si Toby sa sofa habang si Martin ay lumuhod sa harapan niya. Lalo namang naluha ang lasing kong kaibigan at nagsimula nang tumulo ang luha ng bagong dating. They were staring at each other without uttering a single word. Kung baga, action speaks louder than words lang ang peg.
Nang maghaplusan silang dalawa ng mukha upang pahiran ang mga luha ay napaiwas ako ng tingin. Kahit anong tanong ko sa sarili ay hindi pa rin ako makapaniwala. Paulit-ulit sa isipan ko ang mga katagang; OMG talaga! Bakit sa akin pa ito nangyayari? Dalawang barkada ko na pinakamalapit sa’kin ay lumantad na sa harap ko. Ang matindi pa rito ay nagkadevelopan at magjowa na pala sila! Balak pa nila na magsama kahit mag-aasawa na ang isa. Tapos ako, ano? Hindi ko man lang masabi na kapederasyon nila ako!
Kailan kaya magkakaroon ng hustisya ang mundo at ako naman ang biyayaan ng ganitong klaseng pagmamahalan kagaya ng sa kanila?
“Ayos ka lang? Bakit ka naman naglasing na hindi ako kasama?” tanong ni Martin kay Toby na humihikbi pa na parang bata. Mas umiiyak ito habang tinatanong siya. Siguro nga ay malakas na ang tama sa kanya ng halos dalawanb boteng alak na tinira niyang mag-isa at ang dala ko pang whiskey na sinimulan naming inumin.
“Palapit na ng palapit ang kasal mo. Hindi ko alam kung kaya ko ba na maging abay kahit dapat ako ang nasa tabi mo.”
“Napagusapan na natin ‘to,” pabulong namang sagot ni Martin.
“Do you need time alone? Uwi na ba ‘ko? Kaya n’yo na?” tanong ko nang ilang bulungan pa ay hindi na ‘ko pinansin ng dalawa.
“Huwag! Dito ka lang. Tara na, ituloy na ang inuman. Just like old times!” Sabay pa sila ng pagpigili sa’kin kaya’t naupo na lang ako sa single couch sa tapat ng mahabang sofa at saka nagtagay.
Lumalim ang gabi at itinuloy na lang naming tatlo ang inuman. Mabuti na lang at matapos nilang mag-usap dalawa ay hindi naman sila nag-moment o nagtamisan. Ang awkward maging third wheel sa ganitong pagkakataon. Hindi ko alam kung alin ang mas matimbang na pakiramdam, ang nakakaistorbo ba ako o naiingit ako sa pagtitinginan nilang dalawa.
“Wala kang pasok bukas, Benj?” tanong ni Martin sa’kin.
“Wala. Rest day ko. Pupunta lang akong school ng mga bata.” Tumango ang dalawa. Malakas ang loob kong mag-inom dahil wala akong pasok kinabukasan. Pupuntahan ko lang ang school ng mga pamangkin ko kaya’t kailangan ko din umuwi bago mag-umaga. Silang dalawa, kapwa mga boss naman sila sa pinapasukang family companies kaya wala rin silang pakialam.
Kung tutuusin, para lang kaming normal na nag-iinumang tatlo kagaya ng dati. Ang pinagkaiba lang ay magkadantay ang mga hita nila sa sofa at may pagkakataong umaakbay sa isa’t-isa hanggang sa masaksihan ko ang tunay nilang gawain kapag walang tao.
Bago kami tuluyang mahilo sa alak ni Martin at nang panandaliang makatulog si Toby ay nagkaroon kami ng masinsinang usapan.
“Benj, Tol, kung ikaw ang nasa kalagayan namin. Anong pipiliin mo?”
“Choice between what ba ang sinasabi mo?” tanong ko.
“I know for a fact that this is my happiness,” Iniangat niya ang kamay nilang dalawang magkahawak. Kahit natutulog ang isa ko pang kaibigan ay hindi ito bumitiw sa kamay ni Martin, “but I also have to think about my family and how society would think about me and about us.”
“So ano nga ang choices?”
“Magpapakasal ba ‘ko sa iba para lang mapagtakpan ang katotohanan o lalantad na lang ako at magpapakatotoo.”
“Simple lang naman ang maisasagot ko diyan kasi hindi ako ang nasa sitwasyon. Choose what would give you peace of mind and not only happiness. Pero kailangan mo ring isipin na walang bearing ang payo ko. Mahirap sumagot kung third person point of view lang. Kung baga, audience lang ako at hindi ako directly affected ng desisyon kaya’t hindi dapat maging valid na payo ang iniisip ko. Isa pa, hindi pa ko nakaranas ng ganiyan. Mamimili between happiness and reality.”
“This is what it is. Thanks for summing it all up. Happiness versus reality. Masaya lang kami sa apat na sulok ng silid kapag magkasama ngunit kapag hindi na, nagbabago na. Nagiging pagpapanggap na ang lahat.”
“Kaya nga ikaw lang talaga ang makakapagsabi ng tama mong gawin. Tama in the sense na hindi righteous ha, kung hindi, tama para sa buhay na gusto mong tahakin.”
“Ang hirap maging masaya sa mga kagaya naming nagmamahal lang naman pero hinuhusgahan ng lipunan. Ang masakit pa, mismong pamilya pa ang nagungutya.”
“We have to face reality. Nasa Pilipinas tayo at dito laganap ang pananaw na lalaki at babae lang ang dapat magsama dahil iyon ang nasa Bibliya. Pero may isa pang reality na nakakalimutan ng karamihan. We were made to have our own free will. Binigyan tayo ng kakayahang magdesisyon para sa mga sarili natin at hindi lang gumalaw ayon sa idinidikta ng lipunan at relihiyon.”
“Ang lalim, Tol. Parang ang lalim din ng hugot mo, ah.” Bati ni Martin. Paano ko nga ba sasabihin na marami akong hinanakit dahil doon sa panghuhusga at pangungutya dahil ilang taon ko na rin itong naranasan. Hindi man harapan dahil hindi naman ako umaamin pa ngunit masakit pa rin tuwing makakarinig ng mga panlalait at panlilibak. Masakit makakita ng mga taong ginagawang katatawanan ang pagiging binabae ng mga lalaking katulad ko.
“This is life, Tol.” Tumango si Martin at dumantay kay Toby.
Madaling araw nang naunang nagpaalam si Martin. Wala na talaga akong magagawa kung hindi ang maniwala na totoo lahat ng nangyari, na umamin silang dalawa sa’kin na may relasyon dahil naghalikan sila sa harapan ko. Hindi ang smack na halik ng mga pa-demure na beki kung hindi mega to the max super full blown laplapan session!
I had to close my eyes and think of other thoughts to cleanse my mind. Masyado akong maraming nakita ngayong araw na ito. Sana hindi ako magkakuliti sa mga nasilip ko. Napadilat lang ako nang tapikin ako sa balikat ni Martin.
“Benj, salamat sa pagdamay. Tunay ka talagang kaibigan. Hindi ka nanghuhusga at handa kang umunawa.” Nag-speech pa si lover boy Martin na namumula pa ang pisngi at ang labing katatapos lang makipagkagatan. Tipsy na din kaya’t siguradong bagsak na ito pagsakay ng kotse. Nagpasundo siya sa driver nila kaya kampante ako na magiging ligtas siya sa paguwi.
“Oo naman, Tol. Alam niyo namang malalim ang pinagsamahan natin at hindi ako tumitingin sa kasarian. Importante kayong dalawa sa akin lalo na ang inyong kaligayahan.”
“Salamat din sa payo.”
“Tawagan niyo lang ako kapag kailangan n’yo ko. Mag-ingat ka sa paguwi. Papawala muna kong tama saka na ko uuwi. Dala ko kasi ang kotse.” Tumango si Martin sa’kin at yumakap na kay Toby na nakapikit at nakasandal sa may gilid ng pintuan, “pag-isipan ninyo ang mga sinabi ko. Regardless of what other people think, kung anong desisyon ninyo, I will support you both basta hindi makakasama sa ibang tao” Alam naman nila kung anong ibig kong sabihin. Nakapag-heart to heart talk naman din naman kaming tatlo kahit na may alak na gumuguhit sa lalamunan at sikmura namin.