NANG makaalis na si Martin ay natulog na rin si Toby. Sabi ko ay magpapababa lang ako ng tama ng kaunti bago ako umuwi. Hindi naman ako pwedeng magmaneho ng lasing at hindi rin ako pwedeng matulog doon dahil kailangan kong lakarin sa eskwelahan ang tuition fee ng mga pamangkin ko.
Habang nagpawala ng kalasingan, binalikan ko ang mga napag-usapan namin ng gabing iyon. They asked me kung ano raw ang tingin ko sa relasyon nila na matapat ko namang sinagot..
“Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung anong iisipin. I thought at first na pinagtitripan niyo lang ako pero nang lumaon, totoo na nga pala. I have nothing against the two of you. Mahal ko kayong dalawa dahil kaibigan ko kayo at masaya ako that you found love in each other, hindi ko lang maintindihan ay kung bakit hindi ko nalaman o nahalata man lang.” Hindi ko talaga alam kung paano at kailan nagsimula ang relasyon nila. Ang shunga ko para hindi man lang matiktikan. Naisip ko rin na sana dumating ang panahon na ako naman ang kausapin ng isang kaibigan ng ganitong tema. Kung sakali mang dumating ang panahong nakapagladlad na ‘ko kahit sa malalapit na kaibigan lang ay siguro maiibsan ang inggit ko.
Ang sabi nilang dalawa, ako raw ang nakapagbukas ng paningin nilang dalawa sa bagay-bagay. Birthday ko last year noong nag-inuman kaming tatlo sa pad na iyon. Naalala ko ‘yon dahil malungkot na malungkot ako. I sighed as I reminisced the events of that day.
Maaga ako nagising noong Agosto 8 dahil bukod sa kaarawan ko ay wala rin akong pasok sa trabaho. Pagtingin ko sa cellphone ko ay marami na ang bumati sa’kin via personal o group chat. Sa GC ng mga barkada ko lang ako nag-ayang manlibre para magcelebrate.
Alas diez ng umaga nang bumangon ako upang magbihis at mag-ayos. Makaligo at makapagsuklay, morning ritual naman ang inasikaso ko sa harapan ng aking full body mirror na itinabi ko sa side table ng kama kung saan naroon ang drawer na puno ng pampaganda. Mga cream, balms, toners, moisturizers at iba pa. Isang linggo ang nakalipas nang manggaling ako sa Korea at nakapamili ako ng mga rejuvenating face masks at bagong mga cream na pamahid sa mukha. Mayroon ding concealer stick at BB cream o blemish balm cream. Kahit na wala namang pekas sa mukha, gusto ko pa ring naglalagay noon bilang moisturizer at sunblock na rin. Matapos kong ipahid ang bago kong biling BB cream, napansin kong medyo lighter shade pala ang nabili ko. Kahit maputi naman ako ay nahalata ko ang tila parang foundation ko sa mukha. Aalisin ko na sana ang cream gamit ang wetwipes nang makarinig ako ng malakas na kalabog mula sa ibabang palapag ng aming bahay at ang pagsigaw ng aray ng aking Nanay.
Dali-dali akong bumaba at pumunta ng sala kung saan ko narinig ang sigaw. Doon ko nakitang nasa sahig si Inay at hawak ang balakang. Nahulog pala ito sa natumbang mataas na upuan nang nililinisan niya ang nakasabit na ceiling fan na puro alikabok na. Dahil tumama sa center table na kahoy ang upuan ay malakas ang pagkalabog nito. Habang si Inay ay nakaupo sa sahig at umaaray. Palapit ako sa kanya nang bumangon siya at dumiretso ng tayo. Nag-inat ng katawan na parang panandalian lang nagpahinga matapos mahulog sa silya. Naupo si Nanay sa sofa at saka napansing naroon pala ako.
“Nay, ayos lang po kayo? Nasaktan po ba kayo?” tanong ko mula sa kinatatayuan ko sa may hagdanan.
“Ayos lang. Siya nga pala, nanghihiram ng pera ang Kuya mo. May babayaran daw sa eskwela ang mga bata. Iwan mo na lang sa lamesa kapag bago ka umalis. Saan ka pala pupunta? Teka, naka-make up ka ba?!” Nakakunot ang noong tanong niya. Doon ko napansing hawak ko pa pala ang wet wipes na pang-alis ko dapat ng BB cream.
“Ah, hindi po. Bagong ligo lang baka kaya mukhang makinis.”
“Mukha kang bading. Magpalit ka ng sabon. Baka masyadong matapang ang kojic soap mo. Gayahin mo ang Kuya mo. Lalaking-lalaki kahit kulay. Kaya wala kang mahanap na babaeng papasa na girlfriend mo. Mas mukha ka pang babae sa kanila.”
Wala man lang good morning o happy birthday. Napansin kaagad ang mukha ko at wala na naman akong mabuting nakuha mula sa kanila.
“Di ko naman kasalanan kung mas mukha akong babae. Baka hindi lang sila kagandahan.” Bulong ko habang papunta ng kusina para kumuha ng inumin. Ang totoo ay habang naglalakad ako papuntang kusina ay inaalis ko na ang cream sa mukha ko.
“Ano ‘yon, Benj?” tanong ni Inay habang umaakyat na naman sa silya para ituloy ang paglilinis ng ceiling fan.
“Sabi ko, Nay, ‘wag mo nang linisan ‘yan. Si Kuya Dong paglinisin mo niyan tutal matangkad naman siya at wala naman siyang ginagawa.”
“Umalis nga. Kaya pinapaiwan ang perang hinihiram sa’yo.”
“Saan daw nagpunta?”
“Birthday daw ng barkada niya. Pinuntahan muna para bumati.” Napailing ako at napabuntonghininga. Mabuti pa ang barkada naalala.
“Ah, okay. Sige akyat na po ako. Ilalapag ko na lang ang pera mamaya pagpaalis na ‘ko.”
“Saan ba ang punta mo? Magdala ka ng pasalubong sa mga bata paguwi mo.” Isang malalim na buntonghininga pa ang pinawalan ko.
“Mamamasyal lang sa tabi-tabi. Para sumaya naman.”
“Maghanap ka na rin ng girlfriend habang namamasyal ka para mas sumaya ka. Kumain ka pala muna para makatipid ka ng kakakain sa labas.”
Hindi ako kumibo at inilapag ang baso ng tubig sa lamesa. Sa inis ko na hindi man lang naalala ang kaarawan ko ng sarili kong ina ay hindi ako kumain at umakyat na lang sa kwarto na walang kibo. Sa umagang iyon pa lang ay nasira na ang araw ko. Umalis ako kaagad pagkatapos maglagay ng ibang shade ng cream sa mukha. Halos maubos ko ang maliit na bote ng pabango para masigurong kapag lumakad ako ay maamoy ng mga tao ang mabango kong samyo.
Pagsakay ko ng kotse ay naghanap ako ng reply group chat ng barkada namin. Sa GC na iyon na madaling araw pa lang ay may mga bumati na. Dahil Friday noon at may kanya-kanyan nang na-set na lakad, hindi pwede ang ibang barkada namin at ang dalawa lang ang makakasama kong mag-inom after office hours. Napagkasunduan naming tatlo nina Martin at Toby nasa pad ni Toby na lang magkita-kita. Dahil maaga pa ay nagliwaliw muna ‘ko sa mga pasyalang malls. Nakapanood pa ‘ko ng isang movie na mukhang pangalawang linggo na sa sinehan dahil wala masyadong nanonood nito. Akmang-akma pa ang tema ng pelikula dahil isa itong istorya ng Beki na hindi matanggap ng sariling pamilya at nang naging matagumpay at mayaman lang sa buhay saka siya muling itinuring na kapamilya.
Lumabas ako ng sinehan na hindi naman talaga naaliw, bagkus ay lalo pang sumama ang loob ko para sa mga kagaya kong hindi mailabas ang tunay na pagkatao dahil sa maraming aspeto. May tatlong oras pa bago ako magpunta ng pad nila Toby kaya’t window shopping naman ang aking ginawa. I wasn’t planning on buying anything for myself dahil ang sobrang naitabi ko ay hiniram na ng magaling kong kapatid na napakathoughtful sa mga barkada niya.
Alas tres nang makaramdam ako ng gutom. Instead of using the escalator from the basement floor to the topmost floor na mga 7 levels ang taas, sa elevator ako sumakay patungo sa favorite kong restaurant doon. Pasara na ang elevator nang may sumigaw na baritonong boses, "Going up! Hold on!” Dahil katapat ko naman ang controls ay pinindot ko kaagad ang open button. Napanganga ako nang makita ko ang bida sa bagong pinapanood kong palabas sa TV na kasisimula lang ipalabas, ang isa sa mga bidang lalaki sa Two Daddies!
“Thanks.” Ngumiti sa’kin si Rob, ang pangalan ng karakter niya sa palabas. Halos matunaw ako sa ngiti niya. Nakatingin lang siya sa’kin kaya’t naconscious ako at nag-iwas ng tingin. Napatingin ako sa sahig ng eleavator.
Kahit maluwag ang elevator at kami lang ang tao ay tumabi siya sa’kin na para bang punuan ang eleavator. Hindi ko naiwasang mapakagat ng labit at mapapikit nang bumulong siya sa may tainga ko, “Wow. You smell so nice. Anong pabango mo?” Sininghot pa niya ‘ko malapit sa may leeg kaya’t napaatras ako ngunit sumunod din siya.
“Joe Malone,” bulong ko na parang sumabit pa ang boses dahil sa kaba.
“Where are you headed?” Kaswal na tanong ni Rob sa’kin.
“Late lunch,” nahihiya kong sagot. Sigurado akong namumula ang mukha ko kasing pula ng suot kong polo shirt. Doon ko napansin ang damit niya. All black ito at parehas kami ng estilo ng pantalon pati ng sapatos.
“I see we have the same taste in clothes. Mukhang same brand pa ang pantalon at sapatos natin,” nakangiti niyang sabi. Gusto ko nang maniwala na baka totoo nga ang tsismis na totoong pumapatol nga siya sa lalaki kaya nito tinanggap ang role sa teleserye.
“I guess.”
“You only say two words talaga o pwedeng mga three?” He said in a teasing tone.
“Ah, sorry. Nanonood kasi ako ng palabas mo sa TV. I’m one of your fans.” Pag-amin ko para makabawi naman ako sa kasupladahan ko.
“Can I join you? I mean. I was about to eat as well. Mukhang same restaurant tayo ng pupuntahan since paakyat ka sa top floor.”
“Leandro’s,” sabay naming sabi.
“See. We do have the same taste.” Napakagat ako sa labi at tumango. Nagugulat ako sa mga reaksiyon ko dahil hindi naman ako ganoon umakto sa ibang tao. Marahil dahil ubod siya ng gwapo. Lalaking-lalaki ang dating ng matipuno nitong pangangatawan at masculine look. Mas matangkad lang siya ng kaunti sa'kin at may shade of brown din ang buhok.
“Sige, wala rin naman akong kasama. Libre kita if okay lang? Birthday ko kasi today.” Nahihiya man ay sinabi ko na. Hindi ko alam kung bakit pero parang pakiramdam ko regalo siya ng Maykapal sa’kin sa araw ng pagsilang ko. Kahit naman hiram lang for a day tatanggapin ko na.
“Wow! Happy Birthday! Tara, my treat. Minsan lang ako makatagpo sa elevator ng bagong kakilala na may birthday pa pala.” Saktong pagbukas ng elevator nang hinila niya ang braso ko palabas. The touch made me shiver. Unang beses kong mahawakan ng lalaki na hindi ko barkada o kaopisina. Napapigil ako ng hininga at ang naisip na sunod ay mabuti na lang at nag body scrub ako noong umaga.
“You have soft and smooth skin. Anong sikreto mo?” Tuloy ang interogasyon ni Rob nang nakaupo na kami sa isang booth style table sa may sulok ng American themed restaurant na sikat sa masasarap at naglalakihan nitong mga Steak na American ang portion sizes.
“Ha?” Kumuha ako ng isang dinner roll na complimentary ng restaurant habang naghihintay. Nang hindi siya kaagad sumagot at tumitig sa’kin ay ibinaba ko sa platito ang tinapay at sumipsip ng iced tea.
“Ang kulit ko ba? Sorry. I just feel like we’re the same nang makita kita sa loob ng elevator. Just a hunch but are you also gay?” Hindi ko alam kung bakit kailangang umiinom ako nang itanong niya ‘yon dahil ang sakit ng pakiramdam ng pagkakasamid ko at pagpasok ng iced tea sa ilong!
“Are you okay?” tanong nito nang umubo-ubo ako at tinakpan ang ilong at pinunasan ito ng table napkin.
“Yes.” Sagot ko pagharap ko muli sa kanya.
“Yes na are you gay o are you okay?”
Ilang mura sa isip ang nasabi ko bago ako nagtanong sa sarili, Benj, anong isasagot mo?