Nilalamig na si Carli pero wala pa rin siyang balak pumasok sa loob. Nakatalungko pa rin siya sa gilid ng KTV bar kung saan niya nakilala si Cade tatlong gabi na ang nakararaan. Nakasandal siya sa pader at yakap ang mga tuhod habang nakatutok ang tingin sa lupa. Kagabi ay naghintay rin siya roon hanggang alas-sais ng umaga. Ganoon din noong isang gabi. Pero hindi dumating si Cade. Noong unang gabi na hinintay niya ito ay talagang nadismaya siya.
Pero hindi na siya gaanong nadismaya kagabi. Mula kasi sa puwesto niya ay natatanaw niya sa malayo ang malaking bahay ng mayor ng bayan nila. Nagliliwanag iyon kagabi at naririnig niya ang tugtugan at ingay ng mga tao mula roon. Halatang may party. Hindi na iyon bago dahil mahilig mag-party ang pamilya ng mayor nila. Pero hindi ito nag-iimbita ng mga taga-San Jose. Madalas ay mga taga-Maynila ang mga bisita ng mga ito. Palibhasa, ang mga ito lang ang mayaman sa San Jose. Inabala niya ang sarili buong gabi sa pagtitig sa bahay na iyon. Ini-imagine niya na naroon din siya upang kumanta. Kaya kahit paano ay naaliw siya.
Ngunit gaya noong unang gabi, nag-umaga na ay hindi pa rin sumusulpot si Cade.
Bumuntong-hininga si Carli at tumingala sa kadiliman. Ngayong gabi kaya ay darating na ito? O baka wala talaga itong balak bumalik? Siguro, sinabi lang nito na babalik ito para lang hindi na niya ito kulitin. Dahil bakit naman ito tutupad sa sinabi nito sa babae na nakatira sa likuran ng KTV bar na may mga nangyayaring kababalaghan?
Sa naisip ay nakaramdam siya ng panghihina. Muli siyang napayuko at pumikit. Hindi na siya darating, sumusukong naisip niya.
Alam niyang dapat na siyang tumayo at pumasok sa loob ngunit nawalan ng lakas ang katawan niya na kumilos. Kahit nang may marinig siyang tunog ng sasakyan sa di-kalayuan ay hindi siya gumalaw. Naging alerto lang siya nang makarinig siya ng mga yabag na tila papalapit sa kanya.
“Hey,” bati ng pamilyar na tinig na nagpabuhay sa kanina lamang ay namatay nang pag-asa niya.
Mabilis siyang tumingala at pakiramdam niya, binalot siya ng mainit at nakakikiliting pakiramdam nang makita niyang nakatayo sa harap niya si Cade. Ni hindi siya makapagsalita dahil sa saya.
Kumunot ang noo ni Cade. “Sinabi ko na sa `yo na delikadong manatili riyan, hindi ba? Bakit nakatalungko ka na naman diyan nang ganitong oras?” tanong nito.
Kumurap siya at tumayo. Tinitigan niya ito. Talagang dumating ito. “Baka hindi mo ako makita kapag hindi ako rito naghintay,” sagot niya rito.
Natigilan ito at tinitigan siya.
Bigla siyang napahiya. Ano ba ang iniisip niya at inamin niya rito na hinihintay niya ito? Kahit na totoo ayaw niyang isipin nitong desperada siyang makita ito.
Bahagya lang nawala ang pakiramdam niyang iyon nang tila naaaliw na ngumiti ito. “Ang ibig mong sabihin, naghihintay ka rito nang ganitong oras mula noong nagkita tayo?”
Tumango siya.
Tumawa si Cade at umiling. “Mabuti na lang, naisip kong dumaan ngayon nang ganitong oras,” usal nito.
Nakagat niya ang ibabang labi. “Sorry,” sabi niya sa mahinang tinig. Ni hindi na tuloy niya magawang makatingin dito.
Napasinghap siya nang hawakan nito ang baba niya at iangat nang marahan ang mukha niya. Ngumiti ito nang maluwang nang magtama ang mga mata nila. “Carli, dalawang araw na kitang hinihintay lumabas tuwing umaga. Pero hindi kita nakikita. Iyon pala, sa gabi ka naghihintay,” sabi nito.
Napakurap siya nang ilang ulit hanggang sa natawa siya. “`Akala ko kasi, gabi ka uli darating,” paliwanag niya.
Tumaas ang mga kilay nito. “Mas gusto kong makita ka nang maliwanag, Carli.”
Ngumiti siya. “Ako rin.” Nagtama ang mga mata nila at saglit na nagkatitigan lang bago nito ibinaba ang kamay at namulsa.
“Kailangan mo nang pumasok sa loob at matulog, Carli. Dumaan lang talaga ako para magbaka-sakaling makita ka.”
Nadismaya siya. Ilang gabi niya itong hinintay pero ganoon lang kabilis ang magiging pagkikita nila? Mukhang napansin nito iyon dahil muli itong ngumiti. “Matagal na akong hindi nakakapunta sa San Jose. Nandito lang ako para sa summer vacation at kailangan ko ng tour guide. Kung wala kang gagawin, puwede mo ba akong samahan?” tanong nito.
“Talaga?” nakangiting wika niya.
Lumuwang ang pagkakangiti ni Cade. “Basta kakantahan mo ako palagi,” biro nito.
Natawa si Carli. “Oo ba. Mahilig akong kumanta.”
“Alam ko. Kumakanta ka noong gabing nakita kita. I want to hear more.”
Ngumiti siya nang matamis at tumango.
“Pumasok ka na sa loob. At huwag ka na uling lalabas kapag madilim na. Hihintayin kita roon bukas ng alas-nuwebe, okay lang ba iyon?” tanong nitong itinuro ang malaking puno ng acacia sa di-kalayuan. Malapit doon ang poste ng ilaw kaya nakita niya ang magandang kotse na nakahimpil doon.
“Sige.” Tulog ang kanyang ina mula umaga hanggang hapon kaya hindi nito mapapansin kahit umalis siya.
Ngumiti si Cade. “Great.”
Tumango siya at binuksan ang pinto upang pumasok na. Bago niya isara iyon ay tumingin siya kay Cade. Nakatayo pa rin ito roon at nakatingin sa kanya. Ngumiti siya at nang gumanti ito ng ngiti ay saka lang niya isinara ang pinto.
Halos hindi nakatulog si Carli ngunit maaga pa rin siyang bumangon nang magliwanag. Naligo siya at nagsuot ng pinakamalinis at pinakamatinong damit niya saka nagpolbo. Pagkatapos ay maingat siyang lumabas.
Napangiti siya nang makita agad niya si Cade na nakatayo sa lilim ng puno ng acacia at nakaharap sa direksiyon niya. Humihitit ito ng sigarilyo ngunit nang makita siya ay ibinagsak nito agad iyon sa lupa at tinapakan. Pagkatapos ay dumeretso ito ng tayo at namulsa habang nakatitig sa kanya.
Patakbo siyang lumapit dito. Nang makalapit siya ay nahigit niya ang kanyang hininga.
Ngayon kasing maliwanag na ay mas malinaw niyang nakikita ang mukha nito. At napagtanto niyang mas guwapo ito kaysa noong una niyang akala. Chocolate brown ang kulay ng mga mata nito. Ang buhok nitong tumatabing na ang bangs sa mga kilay nito at magulo dahil sa hangin ay may pagka-brown din. Makinis ang maputing kutis nito, mas makinis at mas maputi pa kaysa kanya. Bigla niyang napagtanto na magkaibang-magkaiba sila. Kung pagbabasehan ang hitsura nito at ang kotse nito na nakita niya kagabi, sigurado siyang mayaman ito. Hindi tulad niya. Nakaramdam siya ng insekyuridad.
Aatras na sana siya sa usapan nila nang ngumiti si Cade nang maluwang at nagsalita. “Sinasabi ko na nga ba.”
Napakurap siya. “Ha?”
Humakbang ito palapit sa kanya at saglit pa ay gahibla na lang ang espasyong nakapagitan sa kanila. Kumikislap sa pagkaaliw ang mga mata nito. “Mas maganda ka sa liwanag.”
Nag-init ang mga pisngi niya. Ngunit dahil din doon kaya kahit paano ay nawala ang pag-aalinlangan niya.
“So, saan tayo unang pupunta?” tanong nito.
Napangiti si Cade nang maalala ang mga lugar sa San Jose na gusto niyang makita nito. “Doon muna tayo pumunta sa falls. Alam mo ba na may magandang falls sa dulo ng San Jose? Maaga pa kaya siguradong wala pang gaanong tao roon. Tuwing hapon kasi naglalaro ang mga bata ro’n,” aniya rito.
Tumango si Cade. “Then lead the way.”
ngumiti siya nang matamis at naglakad patungo sa direksiyon ng falls. Umagapay ito sa kanya at kahit ilang kilometro ang lalakarin nila ay hindi niya iyon alintana. Lalo pa at nag-uusap sila tungkol sa isa’t isa.
Nalaman niya na kaga-graduate lang ni Cade ng kolehiyo at dederetso raw itong mag-aral ng Abogasya sa darating na pasukan. Itinanong niya kung nasaan na ang mga kasama nito noong gabing una niya itong nakita at ayon dito ay umuwi na raw ang mga iyon sa Maynila. Nalaman niya na mga kabarkada nito ang mga iyon sa unibersidad na pinapasukan nito.
Sa Maynila nakatira si Cade at noong bata pa ito ay tuwing bakasyon lang daw ito pumapasyal sa San Jose. Nahinto lamang daw iyon nang magkolehiyo ang binata. Ngayon lang uli ito nakauwi dahil iyon daw ang hiling ng ina nito. Kapag daw kasi nag-aaral na uli si Cade ay malabo na raw na makabalik ito sa San Jose.
Nalungkot si Carli sa kaalamang hindi na niya makikita si Cade pagkatapos ng bakasyon na iyon ngunit itinago niya iyon.
Nagtanong din ito ng tungkol sa kanya at sa pilit na pinagaang tinig ay sinabi niya rito ang totoo. Na hindi niya kilala ang kanyang ama at ang kanyang ina lang ang nagpalaki sa kanya. Na high school lang ang natapos niya at wala nang balak ang kanyang ina na pag-aralin siya. Na pangarap niyang maging isang professional singer pero ayaw suportahan ng kanyang ina ang pagkanta niya. Napahinto lang siya sa pagsasalita nang maramdaman niya ang marahang haplos nito sa braso niya. Nang tingalain niya ito ay kaswal na binawi nito ang kamay at nakauunawang nginitian siya. Na para bang sa sariling paraan ni Cade ay inaalo siya nito. Gumaan ang pakiramdam niya at sinabi sa sariling hindi na siya magsasabi pa ng kahit anong ikade-depress nito. Na gagawin ni Carli ang lahat para ma-enjoy ni Cade ang bakasyon nito sa San Jose.
Kaya maluwang ang pagkakangisi ni Carli nang marating nila ang falls at marinig niya ang namamanghang bulalas ni Cade habang nakayuko sa umaagos na tubig ng falls sa batis.
“So, wala bang ibang daan papunta sa ibaba o may dahilan ka kung bakit nandito tayo sa cliff?” nakangiting tanong nito sa kanya.
“Gusto mong mag-swimming?” tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito.
Tumaas ang mga kilay nito at muling tumingin sa ibaba. Ayon sa mga matatanda sa lugar nila, thirty feet daw ang taas niyon. Bata pa siya ay palagi na siyang nagpupunta roon kaya hindi niya inabalang yumuko. Bagkus itinutok niya ang tingin sa mukha ni Cade.
“Well, sure. Pero paano tayo baba—” Napahinto ito sa pagsasalita nang bumaling ito sa kanya at magtama ang mga mata nila. Pagkatapos ay bigla itong tumawa. “Teka lang. Don’t tell me tatalon tayo?”
“Oo,” nakangising sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ni Cade. Nang hindi ito magsalita ay hinubad niya ang sandals na suot niya at naglakad palapit sa gilid ng bangin. Nang yumuko siya upang sumilip ay napasinghap siya sa biglang paghablot nito sa baywang niya at inilayo siya roon. Napasandig siya sa malapad at matigas na dibdib nito.
“Nababaliw ka na ba? Delikado `yang gusto mong gawin,” namamanghang usal nito sa tapat ng tainga niya.
Naramdaman ni Carli ang hininga ni Cade sa gilid ng mukha niya. sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tila may nagliparang mga paruparo sa sikmura niya. Bigla ring bumilis ang t***k ng puso niya kaya hindi agad siya nakahuma kahit nang iikot siya ni Cade paharap dito.
“What the hell are you thinking?” nakakunot ang noong tanong ni Cade sa kanya.
Natawa si Carli. “Cade, ligtas tumalon diyan. Ginagawa iyan ng mga tagarito. Kahit ng mga bata. Magsisisi ka kapag hindi mo ito sinubukan. Ito ang pinakamagandang atraksiyon dito sa San Jose.”
Nang tila hindi pa rin ito kumbinsido ay tinangka niyang kumalas sa mga bisig nito ngunit humigpit lamang iyon sa baywang niya. Lalong bumilis ang t***k ng puso niya ngunit binale-wala niya iyon. Hinawakan niya ang mga braso ni Cade at marahang pinisil ang mga iyon. Lumuwang ang hawak nito at tinitigan siya. Sinamantala niya iyon at agad na lumayo rito.
“Carli,” tawag nito sa kanya.
“Sige na, Cade, subukan mo lang. Masaya ito, pangako. Ito ang ginagawa ko para makatakas sa lahat ng bagay na gusto kong takasan. Bukod sa pagkanta, ito lang ang nakakapagpakalma sa akin. Mag-e-enjoy ka rito. O hindi mo kayang tumalon?” hamon niya rito.
Unti-unting nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. Mukhang si Cade ang tipo ng lalaking hindi tumatalikod sa hamon. “Fine,” sagot nito at sinimulang hubarin ang suot na rubber shoes. Umawang ang mga labi niya nang hinubad nito ang T-shirt nito. At pagkatapos ay bumaba sa pantalon ang mga kamay nito.
“Teka lang, ano’ng ginagawa mo?” natatarantang tanong niya.
Tumaas ang mga kilay ni Cade. “Ayokong umuwi nang basang-basa ang damit ko. Dapat, alam mo na mangyayari ito kung binalak mo akong dalhin dito para tumalon sa tubig.”
Nakagat ni Carli ang ibabang labi niya. Hindi niya iyon naisip. Naiilang na tumayo siya roon, pilit iniiwasang tumingin sa pantalon nito. Napatingin uli siya rito nang marinig niyang bumuntong-hininga ito.
“All right, iiwan ko na ang pantalon ko. Now let’s get this over with. Sana lang, ma-enjoy ko talaga ito,” sabi nitong naglakad palapit sa kanya at tumingin sa ibaba kung saan bumabagsak ang tubig ng falls. “Malalim ba iyan?”
Yumuko rin siya. “Oo. Labindalawang talampakan daw sabi ng matatanda rito. Mauuna na ba akong tumalon?”
“No! Mauuna na ako.”
Napangiti siya. “Ang tapang, ha,” biro niya.
Sumulyap ito sa kanya at ngumisi. Ang akala niya ay hindi na ito guguwapo pa. Mali siya. Dahil ngayon habang tila batang nakangisi ito, pakiramdam niya ay nakatingin siya sa isang lalaking lumabas sa mga magazine na madalas pagkaguluhan ng mga babaeng nagtatrabaho sa KTV bar ng kanyang ina.
“Hindi ako tumatalikod sa hamon, Carli. Kaya nga ako mag-aabogado,” sabi ni Cade.
Bago pa siya makasagot ay bigla itong tumalon. Narinig niya ang masayang hiyaw nito. Pagkatapos ay ang malakas na tunog ng pagbagsak nito sa tubig. Nang sumulpot ito mula sa ilalim ng tubig at tumatawang tumingala sa kanya ay napangiti siya.
“Kumusta?” tanong ni Carli sa malakas na tinig.
Ngumisi ito. “Tama ka. It’s fun. Tumalon ka na. Then let’s do it again.”
Natawa na rin siya. Pagkatapos ay walang pag-aalinlangang tumalon siya. Humiyaw siya at ninamnam ang pakiramdam ng tila naiiwan ang lamang-loob niya habang bumabagsak siya at ang hanging humahampas sa buong katawan niya. Kasunod niyon ay ang pagbagsak niya sa tubig. Sanay na siya kaya bale-wala na sa kanya ang kaunting tubig na pumasok sa mga tainga niya. Nang umahon siya at palisin ang buhok niya na tumabing sa mga mata niya ay nakangiting mukha ni Cade ang una niyang nakita. Gumanti siya ng matamis na ngiti.
Ilang beses pa nilang ginawa iyon hanggang sa mapagod na sila at umupo na lamang sa batuhan habang hinihintay nilang matuyo ang mga damit nila. Masaya silang nagkuwentuhan at pagkapananghali ay inihatid na siya ni Cade sa bahay. Kahit ayaw pa niyang matapos ang pagkikita nila ay pumayag siya.
Nasa ilalim na uli sila ng puno ng acacia nang sabihin nito sa kanya ang isang pangakong magpapangiti na naman sa kanya hanggang sa susunod na pagkakataong magkikita sila.
“Babalikan kita. Promise.”