CHAPTER 1
PUMIKIT nang mariin ang labimpitong taong gulang na si Carli nang marinig niya ang malambing na hagikgik ng kanyang ina kasunod ang mahinang tinig ng isang lalaki. Sa background ay naririnig niya ang sintunadong pagkanta ng mga lasing sa KTV bar na pinamamahalaan ng kanyang ina—kapag wala itong kaulayaw na lalaki. Pinaglapat niya nang mariin ang kanyang mga labi saka lumabas ng kanilang maliit na bahay na nasa likuran lang ng KTV bar.
Sinalubong siya ng malamig na simoy ng pangmadaling-araw na hangin. Nang isara niya ang pinto sa likuran niya ay humina ang tugtog mula sa loob. Napabuntong-hininga siya at tumitig sa madilim na paligid.
Sa totoo lang, gustong-gusto niyang umalis doon at magpunta sa malayong lugar kung saan makikilala siya hindi bilang anak ng isang GRO kundi bilang siya. Gusto niyang magkaroon ng mas magandang buhay kaysa sa buhay niya ngayon. Higit sa lahat, gusto niyang kumanta—hindi sa KTV bar ng kanyang ina, kundi sa isang maganda at malaking stage. Gusto niyang maging professional singer.
Bata pa lang si Carli ay iyon na ang gusto niyang gawin. Ang sabi ng ibang nakakarinig sa pagkanta niya ay maganda raw ang boses niya at kung magpa-practice lang siya ay tiyak na sisikat siya. Marami rin ang nagsasabi sa kanyang ina na isali siya sa mga singing contest. Pero hindi nito pinagtutuunan ng pansin iyon. Hindi rin ito naniniwala na kaya niyang sumikat bilang singer. Sa katunayan, alam niyang huli siya sa mga priyoridad ng kanyang ina sa buhay kaya bakit nga naman ito mag-aabalang suportahan ang pangarap niya? Para dito, isa lang siyang aksidente. Nabuntis lang ito ng isang boyfriend nito. Ang akala nito ay pakakasalan ito ng lalaking iyon. Pero iniwan ito ng lalaking iyon nang malamang buntis ito.
Kaya lumaki si Carli na ganoon ang buhay. Ni wala siyang kaibigan dahil alam sa buong bayan nila kung anong klase ng babae ang kanyang ina. Sino namang bata ang kakaibiganin ang anak ng babaeng malamang ay naging customer ang ama nito?
Ayaw siyang payagan ng kanyang ina na mag-aral o sumali sa mga singing contest. Gastos lang daw iyon. Hanggang high school lang tuloy ang natapos niya. Nagagalit ang kanyang ina kapag tinatangka niyang humanap ng trabaho. May nakalaan na raw itong trabaho sa KTV bar nito para sa kanya. Hinihintay lang daw nito ang papalapit na kaarawan niya. Inaasahan pa yata nito na susunod siya sa yapak nito. At ayaw niyang mangyari iyon.
Bumuntong-hininga si Carli at sumandal sa pader. Minsan tuloy, nahihiling niyang sana ay may dumating sa buhay niya na mag-aalis sa kanya sa lugar na iyon. Na aalagaan siya. Ngunit imposibleng mangyari iyon. Hindi sa San Jose.
Pumikit siya at wala sa loob na humuni ng awit na narinig niyang kinakanta ng isa sa mga babae sa loob ng KTV bar kanina. Nang mapagtanto niya na bagay na bagay iyon sa nararamdamaan niya nang mga sandaling iyon ay kumanta siya nang mahina.
Nasa chorus na siya nang mapahinto siya dahil naramdaman niyang may gumalaw sa kanan niya. Kumabog sa takot ang dibdib niya nang makita niya ang anino ng lalaki na nakatayo sa labas ng pinto ng KTV bar. Ni hindi niya napansing may tao pala roon. Nakasandal din ito sa pader at tila may kung anong dinukot sa bulsa nito. Nataranta siya at kumilos upang bumalik sa loob nang marinig niya ang baritonong boses nito.
“Bakit tumigil ka sa pagkanta? Mas maganda ang boses mo kaysa sa mga kumakanta sa loob.”
Napahinto si Carli at dahan-dahang lumingon sa lalaki. Dahil madilim at ang tanging ilaw lamang doon ay ang galing sa poste ng ilaw sa di-kalayuan, hindi pa rin niya makita ang mukha nito. Ngunit nakikita niya ang kilos nito. Nagsindi ito ng sigarilyo. Humitit ito at bumuga ng usok bago nagsimulang maglakad palapit sa kanya. Humigpit ang pagkakahawak niya sa seradura ng pinto ngunit sa kung anong dahilan ay hindi niya magawang humakbang papasok sa loob. Marahil ay dahil nakaramdam siya ng kuryosidad tungkol sa kung sino ang lalaking ito.
“Customer ka sa loob?” lakas-loob na tanong ni Carli.
“`Yong mga kasama ko. Isinama lang nila ako rito. Katuwaan lang daw. Pero hindi ko masyadong gusto ang ingay sa loob kaya lumabas ako,” sagot nito.
Hindi pa rin kumilos si Carli at hinintay itong makalapit sa kanya. Nakikita na niyang nakasimpleng T-shirt at nakamaong na pantalon ito. Nang sa wakas ay nasa harap na niya ang lalaki ay hindi na niya maialis ang tingin sa mukha nito.
Sa loob ng labimpitong taon ng buhay niya, noon lang siya nakakita ng ganoon kaguwapong lalaki. Ang una niyang napansin ay ang mga mata nito. Hindi niya masiguro kung anong kulay ngunit maganda ang hugis ng mga iyon. Kahit sa dilim ay napansin niya ang makakapal na pilik-mata nito na ipinares sa makakapal ding kilay na maganda ang hugis. Matangos ang ilong at makurba ang mga labi nito. May stubbles sa mga panga at baba nito na lalong nagpatindi sa appeal nito. Saang panig ng bayan nila nanggaling ang lalaking ito? Sigurado siyang iyon ang unang beses na nakita niya ito roon.
“At ikaw, ano ang ginagawa mo rito?” tanong ng lalaki.
Napakurap si Carli at bumalik sa realidad ang isip niya. Napayuko siya. Ano ang iisipin nito kapag nalaman nitong anak siya ng namamahala sa bar na iyon? Alam niya kung ano ang nangyayari sa loob. Alam niya kung ano ang ginagawa ng mga babaeng nagtatrabaho roon lalo na kapag sumasama ang mga itong umuwi sa mga customer nila. Alam niyang iyon din ang inaasahan ng buong bayan na gagawin niya. Ayaw niyang malaman ng lalaki iyon. Pero hindi rin siya ang tipo ng taong gumagawa ng kuwento para pagtakpan ang katotohanan.
“Dito ako nakatira.”
Tumaas ang mga kilay nito. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata nito at hinamon itong magkomento. Ngunit hindi ito nagsalita sa mahabang sandali at tinitigan lang ang mukha niya.
“Ilang taon ka na?” biglang tanong ng lalaki pagkatapos nitong humitit sa sigarilyo nito.
“Seventeen.” Napatitig si Carli sa sigarilyong hawak nito. “Masama sa katawan ang paninigarilyo,” hindi nakatiis na saway niya rito.
Tinitigan siya ng lalaki . Pagkatapos ay inalis nito sa mga labi ang sigarilyo at pinasadahan ng tingin ang mukha niya pababa sa katawan niya hanggang sa mga paa niya. Nailang siya sa ginagawa nito. Lalo pa at biglang bumilis ang t***k ng puso niya kahit alam niyang hindi siya natatakot dito na gaya ng nararamdaman niya kapag ibang lalaki ang humahagod ng tingin sa kanya.
Nang bumalik sa mukha niya ang tingin nito at magtama ang mga mata nila ay bumuntong-hininga ito. Inihulog nito ang sigarilyo nito sa sahig at tinapakan iyon. Pagkatapos ay namulsa ito. “Alam ko. Sige na, hindi na ako maninigarilyo,” sabi nito.
Napangiti si Carli.
“This is not a good place for you,” malumanay na sabi ng lalaki.
Nagulat siya sa biglang pag-i-Ingles nito. Talagang hindi ito karaniwang customer ng bar. Madalas ay mga trabahador sa malaking lupain ng mayor nila ang mga lalaking naglalagi sa KTV bar.
“Alam ko,” sagot niya. Hindi ito nagsalita na tila hinihintay siyang magsalita pa. Nag-iwas siya ng tingin. “Nanay ko ang may-ari ng KTV bar,” sabi niya sa mahinang tinig.
“Kung ganoon, hindi ka dapat lumalabas ng ganitong oras. Paano kung may lasing na lumabas dito at makita ka?”
“Maingay sa loob at… may kasama si Nanay,” pabulong na wika niya.
Narinig ni Carli ang mahinang pagmumura nito kaya napalingon siya rito. Tila may sasabihin ito sa kanya nang mapaigtad sila sa biglang pagbukas ng pinto.
“Cade, man, are you there?” malakas na tawag ng lalaking sumilip sa pinto.
Mabilis na tumalikod sa kanya ang lalaking “Cade” pala ang pangalan at humarang sa kanya na para bang ayaw nitong makita siya ng tumawag dito. Noon niya napagtantong halos doble ng katawan niya ang lapad ng katawan nito. Pero hindi ito mataba. Sa katunayan ay maganda ang pangangatawan nito at hanggang dibdib lang siya nito. Bigla tuloy siyang napaisip kung ilang taon na ito.
“I’m here. Papasok na rin ako. Mauna ka na sa loob, Charlie,” sagot nito.
“Bilisan mo. We got you a woman.” Tumawa pa nang malakas ang lalaki bago muling sumara ang pinto.
“s**t, I told them I don’t want one,” pabulong na wika ni Cade na tila sarili lang ang kausap.
Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa kanila bago ito humarap sa kanya. Muling nagtama ang mga mata nila.
“Kailangan ko nang bumalik bago pa may gawing kalokohan ang mga kasama ko. Pumasok ka na sa loob. Bye.”
Patalikod na si Cade nang mabilis niyang hawakan ang laylayan ng T-shirt nito. Napalingon ito kay Carli. Lumunok siya at lakas-loob na nagtanong. “Cade, babalik ka pa rito?”
May gumuhit na munting ngiti sa mga labi nito kaya nahigit niya ang kanyang hininga. “Kung sasabihin mo sa akin ang pangalan mo, I will. Dahil wala akong ibang gustong makita uli sa lugar na ito kundi ikaw lang.”
Nag-init ang mga pisngi niya. “Carli,” usal niya.
“Carli,” ulit nito. Tila iyon musika sa pandinig niya. Ngumiti ito at hinaplos nang marahan ang baba niya.
Tila may mga paruparong nagliparan sa sikmura niya dahil sa ginawa nito at tila may koryenteng dumaloy sa mga ugat niya. Nabitiwan niya ang T-shirt nito.
“I’ll see you again, Carli.” Pinisil nito ang baba niya bago lumayo sa kanya at iminuwestra ang pinto sa tabi niya. “Mauna ka nang pumasok.”
Tumalima siya. Nang makapasok siya ay sumandal siya sa nakapinid na pinto at pinakiramdaman si Cade sa labas. Nang marinig niya ang papalayong yabag nito ay napabuntong-hininga siya. Pagkatapos, sa unang pagkakataon sa buong buhay niya, napangiti siya dahil sa isang lalaki.