NAABUTAN ni Carli sa restaurant ng hotel na tinutuluyan nila ang leader at drummer ng banda nilang Wildflowers na si Yu at ang manager nilang si Rob. Huminga siya nang malalim. Kailangan niyang magpaalam sa mga ito na aaalis siya. Hindi pa niya alam kung paano niya iyon sasabihin sa mga ito na hindi niya kailangang sabihin ang katotohanan tungkol sa nakaraan niyang itinago niya sa mga ito. Nag-aalala siya sa magiging reaksiyon ng mga ito. After all, ilang taon na mula nang palitan niya ang orihinal na bokalista ng mga ito pero wala siyang sinabi kahit ano tungkol sa nakaraan niya. Kahit hindi siya kinukulit ng mga ito, alam niyang naghihintay lang ang mga ito na magsalita siya. At hindi pa siya handa. Hindi niya alam kung magiging handa siyang sabihin kahit kanino ang tungkol sa nakaraan niya.
Ngumiti si Yu nang makita siya. Si Rob naman ay saglit lamang na sumulyap sa kanya at tumango bilang pagbati bago itinutok muli ang atensiyon sa tablet nito. Umupo siya sa tabi ni Yu at agad na um-order ng kape. Mayamaya ay dumating na rin sina Stephanie at ang keyboardist at main composer nila na si Anje. Aalis din ang mga ito nang araw na iyon.
“Good morning, Anje,” bati nila ni Yu.
“`Morning. Maaga rin pala ang alis ninyo ngayon. Gaano kayo katagal mawawala?” tanong ni Anje nang makaupo na rin ang mga ito. Um-order din ito ng kape sa waiter na lumapit sa kanila.
“Saglit lang naman ako. Sisiguruhin ko lang na maayos ang lagay ng mga magulang ko,” sabi ni Yu.
Binalingan siya ni Anje. “Ikaw, Carli? `Akala ko, hindi mo pa alam ang gagawin mo? `Akala ko, magpapaiwan ka rito?”
“Well, something came up at kailangan kong umalis,” paiwas na sagot niya. Nahiling niyang sana ay hindi na magtanong pa ang mga ito. Hindi nga nagtanong ang mga ito pero nahuli niya ang palitan ng tingin ng mga ito.
“Does this have something to do with the phone call you received this morning?” tanong ni Rob na hindi inaalis ang tingin sa tablet nito.
Umawang ang mga labi ni Carli at pakiramdam niya bumagsak ang puso niya sa sahig sa labis na pagkabigla. “H-how did you know about that?” namamanghang tanong niya rito.
Nag-angat ng tingin si Rob at nanlamig siya nang tumaas ang mga kilay nito na para bang napaka-obvious ng sagot sa tanong niya. “Because the receptionist told me about the call before I allowed her to connect the call. Do you think I wouldn’t know anything about each one of you? The company thoroughly researches each of our talents, you know. Just in case,” makahulugang sabi pa nito at isa-isa silang tiningnan.
Nag-init ang mga pisngi ni Carli at nataranta siya. Alam ni Rob ang tungkol sa nakaraan niya. He knew she was married and she was sure he even knew about her childhood. Alam din ba nito na muntik na siyang maging p********e gaya ng kanyang ina? Na kung hindi dahil sa musika ay baka hindi niya kinaya ang mga naranasan niya?
Bigla ay hindi niya alam kung paano haharapin si Rob at ang mga kabanda niya. Mabilis siyang tumayo. “I have to go,” paalam niya sa mga ito. Kailangan niyang lumayo bago pa makita ng mga ito ang pagkakagulo ng mga emosyon sa dibdib niya.
Nakailang hakbang na siya palayo sa mesa nila nang tawagin siya ni Rob.
Huminto siya at gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. s**t, iiyak pa yata siya. Something she never allowed herself to do for the last eleven years. Kinagat niya ang ibabang labi niya bago marahang lumingon. Nasalubong niya ang seryosong mga mata ni Rob.
“Get on with it as fast as you can,” sabi nito.
Tila may lumamutak sa sikmura niya. Either nag-usap ito at ang abogado ni Cade bago niya ito nakausap o malakas lang talaga ang pakiramdam ni Rob.
Tumango na lang si Carli. Pagkatapos ay tumalikod na siya at sa kabila ng panginginig ng mga kalamnan niya ay naglakad siya paalis ng restaurant at pabalik sa hotel suite niya. Yes, she should get on with it fast. Kailangan niyang makarating agad sa San Jose, basahin ang annulment paper, ipagkatiwala sa kanila ang pag-aasikaso niyon at ipagpatuloy ang buhay niya sa music industry.
Ang hiling lang niya, sana ganoon pa rin siya kadeterminado kapag nakita niya si Cade. Or better yet, she wished she didn’t have to see him. Natatakot siyang makita ito. Natatakot siyang malaman na sa pinakatatagong sulok ng puso niya, naroon pa rin ito. Natatakot siya, dahil kung totoo iyon, magkakaroon na naman ito ng kapangyarihang saktan siya. At ayaw niyang mangyari iyon. Hindi na ngayon.
NAGDESISYON si Carli na magrenta ng sasakyan at magmaneho kaysa magpahatid pa sa kung sino mang ia-assign ni Rob. Isang lumang Toyota Corolla ang nirentahan niya para hindi siya maging kapansin-pansin. Nakaputing T-shirt, maong pants, at rubber shoes lang siya. Wala siyang kahit anong makeup maliban sa clear lip balm na inilagay niya sa mga labi niya at ang mahabang buhok niya ay simple lamang na naka-ponytail. May baseball cap siya at malaking sunglasses. Wala naman na sigurong makakakilala sa kanya.
Kulang apat na oras ang biyahe mula sa Maynila patungo sa San Jose kaya makapananghali ay tinatahak na niya ang tulay na papasok sa bayan. Napansin niya na makulimlim ang panahon at sumasayaw ang mga punong nadaanan niya dahil sa malakas na hangin. Strange. Maganda ang panahon nang umalis siya ng hotel nila kaninang umaga.
Napansin agad niya ang malaking ipinagbago ng San Jose. Ang dating makitid na tulay na nagkokonekta sa San Jose at sa kabihasnan ay mas malapad na. Sa ilalim niyon ay alam niyang umaagos ang ilog na ang tubig ay nanggagaling sa talon at kabundukan sa dulong bahagi ng bayan. Ang dating mga bakanteng lote na pulos matataas na talahib ay may mga bahay at establisimyento na. Nang mapatingin siya sa isang partikular na two-storey apartment pagkalipas ng ilang minutong pagtahak niya sa bayan ay tinapakan niya ang preno ng sasakyan niya at napatitig lamang doon.
Hindi siya maaaring magkamali. Doon mismo dating nakatayo ang KTV bar ng kanyang ina, ang lugar kung saan siya lumaki.
Huminga siya nang malalim nang may mga alaalang sumagi sa isip niya. Mga gabing palagi siyang naghihintay sa gilid niyon habang nagkakaingay sa loob, nag-aabang, umaasa…