Chapter 7 Pagliligtas

921 Words
    Imposible! Bakit ako sinundan ni Prinsesa Lenora sa Inggria?     "Ayos ka lang ba anak?" tanong sa akin ni ama. Napatulala na lang kasi ako sa rebulto ni Prinsesa Lenora sa harapan ng palasyo.     "Yohan... kaibigan mo ba 'yang prinsesang ginawan nila ng rebulto?" tanong ni Divan. Ngunit bago pa man ako makasagot, may umeksena naman sa loob ng utak ko.     Nalulungkot ka ba dahil nagpunta sa Inggria ang prinsesang gusto mo? 'Wag ka nang mag-alala, sigurado ako patay na siya. Malamang winarak na ang katawan niya ng mga Kakawete panigurado 'yan...     Grabe talaga itong si Aravella, sa isip ko nga ako kinausap brutal naman ang sinabi. Kaya ginantihan ko siya sa isip ko habang pinandilatan ko siya.     Tumahimik ka nga Aravella! Buhay pa si Prinsesa Lenora! Hindi niya ako maiiwan dahil ako si Yohan Caleb, ang pinakagwapo, pinakamayaman---     Patay na siya, 'wag ka nang mag-ilusyon!     Aba at nang-iinis siya ha? Akala niya di ko kayang makipagsagutan sa kanya sa loob ng isip ko?     Hindi siya mamamatay dahil magiging asawa ko pa siya! Baka binihag din lang siya ng isang lalaking Bulaklak, at naghuhubaran na rin sila ngayon--- oh hindi maaari! Kailangan ko siyang iligtas mula sa mga mahahalay na Bulaklak!     Gumanti ulit sa loob ng isip ko si Aravella. Walang lalaking Bulaklak ungas! Tanga ka ba?     Mabuti naman!     Napansin ko namang nagbubulungan na sina Divan at ang ama ko habang pinagmamasdan kami ni Aravella na nagtititigan.     "Ano bang nangyari sa anak ko at ganyan na siya? May sayad na ba siya?"     Umiling naman si Divan doon. "Wala naman po siguro, ganyan po silang dalawa, para pong nagkakaintindihan sila kahit di sila nagsasalita."     Tumango-tango na lang ang ama ko. "May sayad na nga ang anak ko. Kawawa naman, nabaliw yata sa isang taong pamamalagi sa Inggria..."     "Naririnig po nila tayo," sabi pa ni Divan at hinarap ko si ama.         "Ama, posible pong buhay pa si Prinsesa Lenora! Kailangan ko po siyang iligtas!" sigaw ko. Kailangan ko talaga siyang iligtas mula sa mga lalaking Bulaklak, mamaya halikan din siya at bastusin! Hindi niya alam ang kahalayang kaya nilang gawin!     "Wala ngang lalaking Bulaklak!" sigaw na sa akin ni Aravella sa tunay niyang boses. "At gusto mong bumalik ng Inggria? Nakalimutan mo na bang may gagawin ka pa para sa'kin? Di ba ihaharap mo pa ako sa hari niyo?"     "Mas mahalaga para sa'kin si Prinsesa Lenora!" sigaw ko na rin. "Magsarili ka na lang sa pagharap sa hari, ayan na lang ang palasyo o!" sabi ko sabay turo sa palasyo ng Arkhanta.     "Sino ka ba binibini?" tanong na rin ni ama kay Aravella. "Hindi ka mahaharap ng hari ngayon dahil araw ngayon ng pagluluksa. Sarado ang tanggapan niya ngayon. Bumalik ka na lang bukas."     "Hindi maaari! Ngayon ko siya gustong makausap!" Nagwawala na si Aravella.     "Anak sino ba 'yang dalagang yan? Maganda siya pero walang paggalang sa hari!" komento ni ama na titig na titig kay Aravella.     "Siya si---"     "Iniibig kita binibini!" sigaw na lang bigla ni ama na ikinagulat ko. Hindi talaga ako pinatapos sa pagpapakilala tulad ni Divan!     Napanganga ako dahil lumuhod pa sa harapan ni Aravella si ama! "Sabihin mo nang masahol pa ako sa mabahong isda, pero mas mahal kita kesa sa sarili nating wika! Oh aking irog, ako'y ibigin mo! Marami akong kayamanan, ginto at---"     Binatukan ko na si ama. "Hay! Pati ba naman ikaw, ama? Apektado rin ng kapangyarihan ni Aravella? Umayos ka nga ama, gurang ka na!" Sinugatan ko na agad ang pisngi niya at mukha namang nahimasmasan siya agad.     "Lahat talaga ng lalaki naaakit mo Aravella!" komento ni Divan. "Ang tindi mo!" ***     Nagpasya kaming umuwi muna sa bahay namin upang doon magpahinga at mag-isip ng susunod na gagawin. Naniniwala na rin akong isang taon na nga ang nakalipas dahil sa itsura ng bahay namin mukhang isang taon na ring walang tao. Eto kasing ama ko sa tindahan na daw naglalagi simula nang mawala ako. Minsan na lang daw siya kung umuwi dito sa bahay.     Ngayon naman nag-uusap kami habang kumakain.     "Hindi talaga ako makapaniwalang isang taon na ang lumipas, paano naman kasi nangyari yun?" tanong ni Divan.     "Simple lang," nakangiting sagot ni Aravella. "Walang araw at gabi sa Inggria. Parating madilim. Kaya hindi mo namamalayan ang paglipas ng panahon doon. Kaya lumalabas na mas mabilis ang oras doon. Akala mo isang buong magdamag pa lang ang lumilipas ngunit hindi pala." Napaisip na naman ako dun sa sinabi ni Aravella. Posible nga yun. Naaalala ko kasi nakatulog ako sa karowahe habang papunta pa lang ako ng Inggria. Gaano naman kaya katagal ang tulog ko nun?     "Anak 'wag ka nang bumalik doon," sabi ni Ama. "Dito ka na lang, tulungan mo ako sa itatayo kong negosyo. Magpapautang tayo ng puhunan sa mga tindera sa palengke..."     Pero umiling ako. Ginawa pa akong taga-singil ng pautang ni ama ano ba yan. "Patawad ama pero kailangan ko talagang iligtas si Prinsesa Lenora. Buhay pa siya, nararamdaman ko... buhay pa siya."     Manghang-mangha naman si Divan sa sinabi ko. "Nakatadhana nga siguro kayo ni Prinsesa Lenora para sa isa't-isa. Napakatindi nang pagmamahalan niyo sa isa't-isa, nararamdaman mo pa talaga na buhay pa siya."     "Hindi ko naman talaga alam kung buhay pa siya, susubukan ko lang hanapin siya, dahil magiging asawa ko pa siya at kesa naman sa maging tagasingil ako ng mga utang ni ama..." Tinitigan naman ako ni Aravella.     "Kung yan ang gusto mo ay wala akong magagawa," saad niya na nakataas ang kilay. "Hindi kita masasamahan sa pagkakataong ito dahil kailangan kong harapin ang hari niyo... Sana maisip mo Yohan na sa pagbalik mo rito, yan ay kung buhay ka pa, ay baka isang taon na naman ang lumipas. Gusto mo ba yun?"     "Kung kinakailangang isangla ko ang oras mailigtas lang ang prinsesa ay gagawin ko... Hindi siya maaaring mamatay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD