Sabay pa talaga kaming nagtanong. Ano nga ba 'yung nakita ko? Saan galing yun? At bakit pakiramdam ko nakita din yun ni Aravella?
"Nakita ko nga ang pangitaing yun," sagot niya sa'kin na humihingal pa. Oo nga pala, nababasa niya ang iniisip ko.
"Ano yun, ako ba yun? At ikaw ba 'yung kasama ko dun? Bakit ganun ang nakita natin?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya.
Umiling si Aravella. "Hindi ko rin alam. Ang totoo niyan, bukod sa isa akong reyna dati ay wala na akong maalala pa tungkol sa nakaraan ko. Ang alam ko lang ay kailangan kong mabawi ang puso ko sa isa sa mga hari ng apat na bansa."
"Ano? Isa sa mga hari ng apat na bansa ang kumuha ng puso mo? Pero teka, ano ba ang nangyayari sa atin?" sigaw ko nang takang-taka. Kinabahan kasi ako bigla. Kahit naman kasi ako ang pinakamatapang sa buong Arkhanta ay may mga bagay pa rin na kinatatakutan ko. "Mga pangitain ba yun? Bakit natin nakita 'yung mga pangitaing yun?"
"Hindi ko rin alam. Ngunit malakas ang kutob ko na bahagi iyon ng aking nakaraan. Isang bahagi ng aking nawawalang ala-ala. At pakiramdam ko isa-isa na silang bumabalik sa'kin."
"Alam mo, iba ka sa lahat nang nakilala ko," sabi ko na napakamot sa ulo. "Ninakawan ka ng puso, usok ang dugo mo, tapos ngayon wala kang ala-ala. Ano pa ang kakaiba sa'yo? Mamaya lalaki ka talaga at nagpapanggap ka lamang na isang babae. O hindi! Hinalikan pa naman kita!"
"Gigilitan kita sa leeg gusto mo?" Sagot niya at umiling ako agad. "Ang pagsulpot ng ala-alang yun ay nangangahulugan lamang na tama ang pasya kong ikaw ang gawin kong alipin. Nararamdaman ko naman kasing hindi ka ordinaryong tao..."
Nagtaas ako ng noo. "Aba siyempre! Ako yata si Yohan Caleb! Ang pinakamayaman, pinakagwapo, pinaka---"
"Hindi yan ang ibig kong sabihin. Ang nais kong sabihin ay kahit hindi ka ganun kalakas, kahit puro walang kwenta ang laman ng isip mo at wala kang silbi ay may taglay kang kakayahan na nagpapanatili sa'yong buhay hanggang ngayon. Kung tutuusin dapat pinatay na kita dahil nakakairita ka pero may tumutulak sa'kin na buhayin ka lang..."
"Kasi gwapo ako, " sagot ko at sumimangot siya. "Dapat na ba akong matuwa niyan na binuhay mo 'ko? Eh ikaw nga tong abuso sa'kin, inalipin mo na nga ako kinuha mo pa ang puso ko. Siguro ang lambing mong asawa," sarkastikong sabi ko.
"Hoy! Anong ginagawa niyo?" narinig naman namin na tanong ni Divan na papalapit sa'min. Napansin na niya yatang hindi kami sumunod sa kanya. Tapos nakita kong biglang tinakpan niya ang mga mata niya gamit ang mga kamay niya. "Ang halay niyong dalawa! Hindi niyo man lang tiniis hanggang sa Arkhanta!" sabi pa niya at napatingin ako sa mga katawan namin ni Aravella.
Potek, wala pa pala kaming suot pang-itaas! Akala siguro ni Divan may kung ano na kaming ginawa ni Aravella!
"Patayin na lang kasi natin siya," sabi ni Aravella sa'kin. "Panggulo lang siya sa'tin."
"Ayoko! Gusto ko rin ng ibang kasama! Mababaliw ako 'pag ikaw lang ang kasama ko!" sigaw ko na rin. Tapos hinarap ko si Divan. "Hoy mali ka nang iniisip, Ginoong Divan! Wala kaming ginawang masarap, este masama! May pinakamot lang siya sa dibdib niya--- aray!" Napasigaw ako kasi binatukan ako ni Aravella. Tapos hinarap niya rin si Divan at bigla ko na lang tinakpan ng damit ang katawan niya.
"At ikaw, mandirigma galing Gaia, wala kang pakialam kung anong gagawin ko kay Yohan dahil pag-aari ko siya. Kaya ikaw manahimik ka na lang."
"Bakit, ano mo ba siya? Asawa mo ba siya?"
"Hindi. Siya ay aking alipin. Kaya huwag ka nang makialam pa sa gagawin ko sa kanya."
"Masusunod binibini," sabi naman ni Divan at naglakad na ulit kaming tatlo. Kawawa talaga ako nito kay Aravella, imortal na nga ako wala naman sa katawan ko ang puso ko. Naku hingin niya lang talaga ang katawan ko at hinding-hindi ko sa kanya ibibigay makikita niya!
"Narinig ko yun ungas," singhal niya.
***
Malapit na kami sa mismong hangganan ng may madaanan kaming isang napakalaking kweba. Madilim sa loob pero may mga kung anong kumikinang sa loob niyon. Napatigil kaming tatlo at parang gustong pumasok doon ni Divan.
"Hoy bakit pupunta ka dun!? Mamaya may mga halimaw diyan o di kaya kakambal ni Aravella tapos gagawin ka ding alipin!" Babala ko. Iba kasi ang kutob ko doon. Parang biglang bumigat ang pakiramdam ko.
"Hindi niyo ba naririnig? Parang may boses ng babae sa loob!" sabi ni Divan sa'min na lumapit pa sa bunganga ng kweba.
"Wala akong naririnig," sabi naman ni Aravella. "Posibleng tahanan yan ng mga Kakawete."
Lumapit din ako at may narinig ako noong una. Parang boses nga ng babae! Pero hindi ko na man ulit narinig nang tagalan ko pa ang pakikinig ko.
"Alis na tayo," sabi ko na dahil baka kung ano pa ang sumulpot mula sa kweba. Pero kakaiba talaga ang pakiramdam ko sa kweba, parang tinatawag ako nito na ewan.
Pero umalis na din kami at nakatawid na kami ng Arkhanta. Sa wakas at nasilayan din namin ang liwanag ng araw. Napalingon nga ako sa hangganan ng dalawang lupain dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit parang isinumpa ng mga Diyos ang lupain ng Inggria.
Bakit ba talaga napakadilim doon? At bakit parang may kakaibang nangyari sa'kin nang mapadpad ako roon? Parang lumakas ako at sumigla na hindi ko maintindihan... Teka, epekto rin ba ito ng lason ng halik ni Aravella?
Para naman akong nagising mula sa isang bangungot! Nang tumama sa'kin ang matinding sikat ng araw, hindi ko mapigilan ang magtatalon sa tuwa!
Masayang-masaya pa ako nang makarating kaming tatlo sa unang bayan ng Arkhanta. Nagugutom na kasi ako kaya gusto ko sanang dumaan muna sa pamilihang-bayan upang bumili nang makakain.
"Yohan hindi pa ako nakakarating ng Arkhanta dati pero alam kong may mali sa bayang ito. Asan ang mga tao?" Tanong ni Divan.
"Baka naman nagpapahinga silang lahat," sabi ko ngunit kinakabahan na rin ako nang kaunti. Tama kasi si Divan. Parang may mali nga. Wala pa kasi kaming nakikitang tao kahit isa!
"Pati ang pamilihang bayan ay walang tao," sabi ko. Pagdating kasi namin sa pamilihan ng bayan ay wala man lang tao dun. Isa ang lugar na ito sa dapat sana ay maraming tao. Pati ibang kabahayan sa paligid ay walang tao. Kaya ang ginawa namin, kumuha na lang kami ng pagkain sa mga tindahan. Pumili din kami ng mga bagong damit at nagpalit kami. Nag-iwan na lang ako ng mga gintong barya sa tindahan pagkatapos naming manguha.
"Ano na ang gagawin natin Yohan?" tanong ni Divan. "Mukhang walang tao dito sa buong bayan na ito."
"Magtungo tayo doon mismo sa Palasyo, doon mismo sa kabisera. Naroon ang bahay ko. At alam ko, doon natin malalaman ang sagot kung bakit walang tao rito."
Tiyak magugulat talaga ang ama ko 'pag makita niya ako. Hindi niya akalaing makakabalik ako mula sa Inggria. Magdidiwang iyon! Wala pa kasi akong naririnig na taong nakabalik mula doon. Ako pa lang! Sisikat na naman ako nito! Ako na talaga! Bwahahaha!
Sumang-ayon naman sina Aravella at Divan sa mungkahi ko at naghanap kami ng karowahe na pinaaandar ng apoy. Sumakay kami doon at nagulat pa sila sa bilis ng sasakyan.
Sa ikalawa at ikatlong bayan na nadaanan namin ay mistula pa ring abandonado gaya ng unang bayan na napuntahan namin. Kinakabahan na talaga ako. Ano kaya ang nangyari dito? Bakit tila wala ng mga tao? Asan na sila?
"May kakaibang nangyayari dito sa bansa mo, Yohan," sambit ni Aravella. "Ang tahimik ng mga bayan."
"Hindi kaya pinagluksa ako ng buong bansa kaya sinundan ako nila sa Inggria?" tanong ko. Oh hindi! Ganun ba nila ako kamahal?
"Sino naman ang magbubuwis ng buhay nila para sa'yo?" irap ni Aravella sa'kin. Sige Aravella, 'pag ikaw humiling lang talaga na kahit silipin lang ang katawan ko, hinding-hindi kita pagbibigyan. Magsisisi ka talaga!
"Tumigil ka nga Yohan at naiirita ako. Bakit ko naman nanaisin ang katawan mo?" sagot niya sa inisip ko.
"Teka lang ah. Nalilito na ako sa inyo, nagsasalita itong si Aravella mag-isa," komento naman ni Divan.
"Ganyan talaga ang epekto ko sa mga babae," sabi kong natatawa. "Pustahan tayo pagdating natin ng palasyo may nakatayong rebulto para sa'kin doon. Ganun magmahal ang mga kababaihan sa dito amin."
Nagulat kami pagdating namin sa kabisera dahil andaming tao! Siguro lahat ng tao sa mga nadaanan naming bayan ay nandito! Nagtitipon-tipon sila sa harap ng palasyo at lahat sila nakasuot ng itim na kasuotan. Isa lang ang ibig sabihin nito! Araw ngayon ng pagluluksa ng buong bansa! Tama, ganito ang ginagawa kapag may mahalagang tao sa bansa na namamatay!
Bumaba kami sa karowahe at nakihalubilo kami sa maraming tao upang makita kung ano 'yung nasa harap ng palasyo na tinitingnan ng mga tao. Nakipagsiksikan kaming tatlo sa ibang tao papunta sa harapan. Lahat ng tao tahimik lang na nakatunghay sa harapan at mukhang nagdarasal.
"Yohan tingnan mo!" kinalabit ako ni Divan at may tinuro siya sa gawing kanan ng palasyo. Isang rebulto na kamukha ko! "Yohan ikaw nga ang pinagluluksa nila! Tingnan mo, rebulto mo yun ah! Teka, sikat ka ba dito sa Arkhanta?"
Kinilabutan ako pagkakita ko sa rebulto ko. Katabi kasi nito 'yung ibang rebulto ng mga Mandirigmang pinadala rin dati sa Inggria. Ako nga talaga ang pinagluluksa nila? Weh, di nga?
Pero napansin kong hindi naman sa rebulto ko nakatingin ang mga tao. Kaya sumiksik pa 'ko sa harapan nang nagkukumpulang mga tao. Bigla namang may yumakap sa'kin at nakita ko ang ama ko sa harap ko na umiyak. Para din siyang nakakita ng multo.
"Yohan anak, ikaw ba 'yan? Ikaw nga! Ikaw nga! Buhay ka! Buhay ka!" sigaw ng ama ko habang nakayakap sa'kin. Nakasuot din siya ng itim na damit tulad ng iba. Pinagtitinginan na kami ng mga tao sa palagid namin.
"Ama, ano po ang nangyayari dito sa palasyo? Sino po ang namatay?" tanong ko. Nakalapit na sila Aravella at Divan sa akin.
"Anak, matagal na simula nang mawala ka kaya hindi mo siguro alam na---"
"Teka lang po, ang bilis ko nga lang pong nakabalik mula sa Inggria ah!" sabi ko at napatigil ang ama ko. "Wala pa nga pong isang araw eh..."
"Nagkakamali ka anak, ang tagal mo nang nawawala! Isang taon na ang nakalipas simula nang ipadala ka sa Inggria!"
"ANO?" sigaw ko at nagkatinginan kami ni Divan. Isang taon na? Pinaglololoko ba ako nitong ama ko?
"Tama ang narinig mo anak," sabi pa ng Tatay ko. "Ginawan ka pa nga ng rebulto ng palasyo. Ngunit nakabalik ka na anak. Hindi ako makapaniwala! Buhay ka!"
"Pero ama, bakit nandito sa palasyo ang lahat ng tao? Ano po ang nangyayari?"
Biglang nalungkot ang kaninang tuwang-tuwang mukha ni ama. "Yohan, ngayon ang ika-isang taon ng pagkawala ng Prinsesa Lenora."
Nang marinig ko yun ay para akong pinatay tapos binuhay at pinatay pa ulit. "Ano... ano po?"
"Anak, sinundan ka noon ni Prinsesa Lenora sa Inggria. Nag-iwan siya ng sulat na nagsasaad na hindi niya raw kayang mawawala ka kaya sinundan ka niya..."
At napatingin ako sa harapan. Sa wakas nakita ko rin kung ano ang tinitingnan ng mga tao. Si Prinsesa Lenora iyon, ngunit gawa sa inukit na bato.