Introduction
Paano kung may isang mundo kung saan ay mayroong isang makapangyarihang bagay na may kakayahang ibigay ang lahat ng iyong hilingin dito? At hindi lang yon, dahil kapag makamtan mo ang bagay na ito, ay ikaw na rin ang masasabing pinakamakapangyarihang nilalang sa buong mundo?
Paano kung sa mundong ito, ang mahiwagang bagay na iyon ay nasa isang isinumpang lupain na kung saan hindi nasisikatan ng liwanag? O na puno ito ng panganib, tulad ng mga halimaw?
Paano kung sa mundo ring iyon, ay may isang nilalang na kung tawagin ay Bulaklak, isang makapangyarihang nilalang ang siyang may-ari ng mahiwagang bagay na yun? At paano kung ikaw pa pala ang muling gigising sa nahimlay niyang katawan?
At paano kung ang sino mang napupunta sa lupaing iyon ay hindi na nakakabalik pa nang buhay? Na itinuturing na hatol ng kamatayan ang pagtungo roon? Susubukan mo pa rin bang magtungo roon upang makuha ang mahiwagang bagay na tumutupad ng kahit anong kahilingan?
Karamihan ng sagot ng mga tao sa mga katananungang ito ay hindi. Kaya naman sa matagal na panahon ay nanatili na lamang na alamat o kwentong bayan ang tungkol sa mga ito.
Ngunit paano kung isang araw, ang isang gwapo at mayamang binata na nakagawa ng kasalanan sa mga kakabaihang nahuhumaling sa kanya ay kailangang ipadala sa lupain na iyon upang pagbayaran ang nagawa niyang kasalanan? Ano kaya sa ang mangyayari?
Iyan ang suliranin ni Yohan Caleb, isang labinpitong taong gulang na binata na Maharlikang nakatira sa silangan sa isang bansa na kung tawagin ay Arkhanta. Ang bansang ito ay isa sa apat na mga bansa na bumubuo sa Imperyo ng Preia, kung saan ang Arkhanta ay ang mayamang bansa na puno ng mga negosyo at mga kalakal. Siya ay nag-iisang anak ng isang mayamang negosyante at dahil na rin sa kanyang kagwapuhan at katayuan sa lipunan, madalas siyang pagkaguluhan ng mga kakabaihan. Ang bansa naman sa kanluran ay ang bansang Gaia, ang bansa ng mga Mandirigma. Dito nagmumula at nagsasanay ang mga Mandirigmang kadalasan ay ang mga tanging nilalang na naglalakas-loob na magtungo sa lupain kung nasaan ang mahiwagang Quiarrah. Bawat Mandirigma ay may kakayahan na wala ang normal na tao kaya't isa sa mga panagarap ni Yohan ang maging isang Mandirigma balang araw. Ang bansang Emeron naman sa timog ay ang bansa ng mga magsasaka at mangingisda, ganun na rin ng mga mananayaw at mga manlalakbay. Ito ang pinakapayak at pinakatahimik na bansa, sapagkat simple lamang ang mga mamamayan nito. Napapalinutan rin ito ng mga ilog at karagatan kung kaya't mas madalang na makipag-unayan ang mga tagarito sa ibang mga bansa. At ang bansang Azoedia naman sa timog ay ang kabisera ng Imperyo kung saan naninirahan ang mga Pantas o ang mga dalubhasa. Narito ang sentro ng kaalaman, kasaysayan, at pananaliksik. Kung nais mong mag-aral sa kahit anong bagay, dito ka nararapat manirahan.
Payapa naman ang ugnayan ng apat na bansa na pinamumunuan ng Emperador, ngunit bawat isa sa mga bansang ito ay nagnanais din na maging pinakamakangpayarihang bansa sa buong Imperyo, kaya't natural lamang na hangarin nila na makuha ang makapangyarihan at ang maalamat na mahiwagang Quiarrah--- ang bagay na sinasabing sa oras na mapasakamay ng sino man ay magkakaroon ng walang hanggan at walang kapantay na kapangyarihan. At higit sa lahat, matutupad nito ang kahit ano mang kanyang naisin...
Noong una ay nagkaroon ng hidwaan at inggitan sa apat na mga bansa, dahil walang nais magpalamang sa kanila. kahat nais makuha ang mahiwagang Quiarrah. Ngunit dahil mahirap at mukhang malapit sa imposible na makamit ang pambihirang bagay na ito, nagsimulang magkasundo ang mga bansa na huwag nang mag-away-away. Sa halip ay napag-usapan nila na dahil nasa iisang luagr lang naman sila maaring maghanap, ay maaari silang lahat magpadala ng mga tao sa lupain kung nasaan ang Quiarrah.
Ang lupain ng Inggria.
May alamat sa lupaing ito sa sinasabing isinumpa. Ayon sa mga kwento-kwento, katukad ng Arkhanta, Gaia, Emeron at Azoedia, ang Inggria ay dati ring isang bansa na nawasak lamang sa hindi pa malamang dahilan. Walang makapagsasabi sa ngayon kung ano nga ba talaga ang nangyari noon sa Inggria, sapagkat misteryosong walang kahit anong aklat ang naglalahad ng nakaraan nito. Maraming beses nang nagtaka ang apat na bansa noon na alamin ang lihim ng misteryosong lugar ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nagtatagumpay na makatuklas sa lihim nito.
Ang tanging alam lang ng lahat tungkol sa Inggria, ay mga Bulalak ang tawag sa mga nilalang na naninirahan doon. Lahat ng Bulaklak ay babae, at sinasabing sila ay may anyo na parang isang halaman. May mga kwento na nagsasabing sila ay ang mga bantay ng kalikasan kaya naman nang maglaho sila noon, sinasabing lahat ng uri ng mga bulaklak sa buong Preia ay naglaho. Lahat ng halaman ay hindi na muling namulaklak pa, kaya wala na talagang nilalang na masasabing nakakita ng isang Bulaklak. Sila ay naging alamat na lamang.
Magbubukas ang kwentong ito sa makulit ngunit maangas na si Yohan Caleb, na nakatayo sa gitna ng mga nakahilerang kabahayan na ngayo'y nilalamon na ng apoy. Nagsuot pa siya ng itim na salamin sa mata habang pinagmamasdang lamunin ng apoy ang mga bahay na ito habang ang mga tao sa paligid niya naman ay nagkukumahog na makalayo o di kaya naman ay makapagsalba ng gamit.
Siya ang may gawa ng kasalukuyang sunog sa mga kabahayan. Nasa paanan niya pa ang isang galon ng gaas na ginamit niya sa mga bahay ng mga lapastangang kababaihan na walang ibang ginawa kung hindi pestehin siya at sundan kahit saan siya magpunta. Matagal na siyang nagtimpi atngayon ay tapos na ang kanyang pananahimik.
Nang malapit nang matupok ang pinakamalapit na bahay, tumakbo na siya papasok sa loob nito upang kalagan ang sampung kababaihan na nakatali roon sa silid ba mukhang bodega. Dito niya dinala ang mga nakakairitang mga babae dahil mukha nga itong bodega. Sa bodega lang kasi maaaring dalhin ang mga dinudukot. Kinalagan niya ang mga ito at agad naman itong nagtakbuhan palabas habang sumisigaw siya sa mga ito.
"Ito na ang huling beses na makakaligtas kayo. Sa susunod naguluhin niyo pa kami ng Prinsesa, magiging abo na talaga kayo! Bwahahahaha!" Pang-kontrabida ang tawa niya ngayon ngunit siya talaga ang bida sa kwentong ito. Kaya't tunghayan natin kung paanong ang may saltik sa ulo na si Yohan ay ang magiging pinakmaangas at pinakaastig na bida sa balat ng lupa.