Chapter 2. Babae

2034 Words
     Kinabukasan ay kaagad na isinakatuparan ang parusa ng Konseho sa akin. Inilabas na ako ng mga kawal mula selda ko at pinasakay nila ako sa isang karowahe na pinaaandar ng apoy. Eto na yata ang magsisilbing sasakyan ko papuntang Inggria. Kung kahapon lang ay tutol na tutol talaga ako sa gagawin nila sa akin, ngayo'y may kung anong lakas ng loob akong nararamdaman dahil na rin sa ipinangako ni Prinsesa Lenora. Buo na ang loob ko na kaharapin ang kung ano mang impiyerno na madadatnan ko sa isinumpang lupain na iyon, kung ang pagtingin naman ng Prinsesa ang magiging kapalit noon kapag ako ay makabalik nang ligtas.     Ngunit bago ako umalis ay dumating pa ang ama ko upang dalawin ako. Bakas pa rin sa mukha niya ang galit sa'kin. Dahil kasi sa nangyari, posibleng wala nang magmamana ng negosyo niya kapag hindi nga ako makabalik nang buhay.     "Dinalaw niyo pa ako," sita ko sa kanya. "Sino ang bantay sa mga negosyo mo kung andito ka. Sayang ang iyong oras, Ama."     Mukhang hindi siya nagpunta rito uoang pakinggan ang mga biro ko dahil kaagad na siyang naglintanya ng kanyang mga sermon. "Yohan... Yohan... Nasobrahan ka na sa tinaglay mong kalayaan, anak, kaya hindi kita ililigtas sa pagkakataong ito.”     Umismid lamang ako. Iba na kasi ang takbo ng isip ko ngayon. Kung kanina lamang ay handa akong kumitil ng buhay makalaya lamang ako rito, ngayon ay taas-noo ko nang haharapin ang nakatakdang parusa sa akin. Bukod sa pagkakataong maging asawa ko na ang Prnsesa, mas gusto ko nang magtagumpay ngayon upang patunayan sa lahat na walang makakatibag sa isang Yohan Caleb.     “Kinakabahan ka ba Yohan?” Tanong niya na parang wala lang, na parang hindi ipapatapon sa isang isinumpang lugar ang kaisa-isa niyang anak. “Wala pang nakakabalik nang buhay mula roon.”     “Eh ano naman? Mabuti pang di na ako makabalik.”     “Akala ko ba nais mong mapangasawa ang Prinsesa? Paano na yun?”     “Mangyayari pa rin yun. Itaga mo sa bato, ama.”     Bumuntong-hininga siya. “Dalhin mo 'to baka sakaling mabuhay ka pa pagdating mo ng Inggria at ng may magamit ka." May inihagis ang ama ko sa akin na isang supot at nasalo ko yun. Isang supot ng perang ginto. Ano naman kaya ang silbi nito sa impyerno? May tindahan ba doon ng kwek-kwek at palamig? May sira na yata ang utak ang ama ko. Kung sabagay, matanda na rin pala siya.     “Kung nakinig ka lamang sa mga pangaral ko, Yohan, hindi ka na sana aabot sa ganito. Ngunit alam ko namang matapang ka kaya kung ano man iyang kakaharapin mo roon ay sana mapagtagumpayan mo. Dasal ko pa rin na makabalik ka nang ligtas. Kung kaya mo ngang gawin, bakit hindi mo hanapin ang mahiwagang Quiarrah? Kapag mahanap mo yun, hindi ka lang makakabalik nang buhay. Ituturing ka pang bayani ng buong Arkhanta."     Napaisip naman ako roon. "Oo nga no? Kapag mahanap ko ang mahiwagang Quiarrah, ako na ang magiging pinakamakapangyarihan sa lahat! Bwahahaha!" Dahil sa sinabi ni Ama, mas lalo tuloy akong nagkaroon ng lakas ng loob!     "At hindi lang yun, Yohan. Kapag makuha mo nga ang mahiwagang Quiarrah, malaki ang maitutulong non sa mga negosyo natin. Mas dudumugin pa tayo ng mga tao, anak! Kaya galingan mo! Ipagdadasal kita!"     Hindi ko na lang sinagot ang huling sinabi niya dahil baka may masabi lang akong masama sa ama ko. Pero letsugas, pati ba naman dito negosyo pa rin ang iniisip niya?     "Kaya mo yan, anak! May tiwala ako sa 'yo! Nawa'y magtagumpay ka!" dagdag niya pa na mas lalo lang nakapag-init ng ulo ko.     “Dapat talaga akong magtagumpay,” sagot kong iniisip ang sinabi na naman ng Prinsesa sa akin kahapon. “Kailangang makabalik ako nang buhay dahil kapag hindi... Wala ng magmamana sa mga negosyo mo kapag nagkataon.”     “Yun ba?” Aniyang natatawa. “Pwede ko namang ibenta ang mga negosyo ko sa iba.”     “Tsk. Malugi ka sana,” singhal ko pa na tinawanan niya lamang. May saltik din talaga sa utak itong ama kong 'to eh. Gusto pa niya sanang makipag-usap ngunit naputol na iyon dahil sinindihan na ng mga kawal ang makina ng karowahe at umandar na ito. Mabagal sa umpisa dahil kailangan pang mag-init ng makina nito, ang sasakyang ito ay umaandar mag-isa at isang direksiyon lang ang tinatahak nito. Isa ito sa mga pambihirang bagay na mula sa aming bansa.     Tinatahak lamang nito ang daan na sinadyang ipatahak dito ng Konseho. At ito ay ang direksyon ng lupain ng Inggria.     Letsugas, ayan na. Papunta na akong impyerno! Paalam, minamahal kong Arkhanta! Paalam, sa aking masayang alaala ng aking kabataan!     Kinakabahan na ako habang umaandar na nang mas mabilis ang karowahe. Bigla na lang din kasing pumasok sa utak ko ang mga naririnig ko tungkol sa lugar na iyon. Nakakatakot kasi ang mga kwento tungkol sa Inggria. Hindi raw sumisikat ang araw doon kaya parating madilim. At ang buong lugar ay napapalibutan ng pulang usok na nakakalason. Tapos may mga halimaw din pala doon. Kaya hindi na nakapagtataka na wala pang nakakabalik kahit isa sa mga taong ipinadala roon.   Mamamatay na ako nito panigurado. Hindi man lang ako nakaranas ng romansa sa buong buhay ko, bweset.     Sa sobrang kaba ko naman ay nakaidlip na pala ako ng ilang oras at pagkagising ko ay madilim na sa labas ng bintana ng karowahe. Dumungaw ako at nakita ko ang pulang usok sa labas na sinasabi nila. Naptakip ako ng ilong ko sa takot na malanghap ko ang pulang usok na sinasabi nilang nakakalason umano kahit na may salamin naman ang bintana ng karowahe kaya parang hindi naman ito pumapasok sa loob. Nang mapagtanto kong hindi ko nga malalanghap ang usok, dumungaw na ako sa bintana at natanaw ko kaagad ang mabatong kapaligiran sa gitna ng kadiliman. Wala akong ibang makita kundi dilim. Nakakapangilabot sa pakiramdam na para bang may kung anong halimaw na lang na susulpot bigla kaya napalunok na lang ako ng laway ko.     Eto na talaga. Nasa Inggria na ako!     Para akong tanga na naghihintay na may mangyari sa labas, at doon biglang may kumalabog sa bubong ng karowahe at napasigaw ako. At hindi lang yun, may kumakaluskos pa sa pinto ng karowahe!     "Aaaahhhhh!" Ang lakas ng sigaw ko sa gulat! Potek, umaandar ang sasakyan ko pero may kumakaluskos? Anong klaseng lugar ba ito?     Argh!     Ako ang pinakamatapang sa buong Arkhanta pero nakakatakot talaga ang nangyayari! Mukhang totoo nga ang mga sabi-sabi sa kasuklam-suklam na lupain na ito! Ayoko na rito! 'Pag mabuhay ako at makabalik nang ligtas sa Arkhanta, hindi na talaga ako magsusunog ng bahay ng iba! Dudukutin ko na lang ulit sila!     Sunod-sunod ang kalampag at parang may humahampas pa sa bubong ng karowahe at sigurado akong namumutla na ako kahit hindi ko nakikita ang mukha ko ngayon. Kung ano man ang nilalang na gumagawa ng ingay na ito, nakasakay na rin ito ngayon sa karowaheng ito at tila gusto pa nitong pumasok dito sa loob kasama ko!     "Letsugas!" Napasigaw ulit ako nang sunod-sunod ang naging kalampag sa karowahe na tila hinahataw ito ng kung anong matigas na bagay. At parang hindi pa ako nahihintakutan, biglang tumagilid ang karowahe at bumangga sa kung ano sa labas kaya napasubsob din ako sa dingding nito at tumama ang ulo ko rito. Tuluyan nang natumba ang karowahe at biglang bumukas ang pinto nito na nasa taas na ngayon dahil nga nakatagilid na ito. Nabalibag tuloy ako sa loob nito at nauntog pa ako nang paulit-ulit. Sigaw ako nang sigaw. Kung sino-sinong Diyos na ang tinawag ko.     At may kamay... may kamay na sumulpot sa pinto, kamay na parang sa isang tuod na kahoy!     At pumasok sa loob ng karowahe ang isang nakakatakot na nilalang!     Hindi ako nakapagsalita sa takot. Yung halimaw, para siyang tao ngunit ang balat niya ay kawangis nang naaagnas na kahoy! At imbes na buhok, may mga tuyong sanga ito sa ulo niya! Nawalan ako ng boses nang makita ko ang impaktong ito!     Ito kaya ang pumapatay sa mga nagpupunta rito sa Inggria?    At ito rin kaya ang nagbabantay sa mahiwagang Quiarrah?     Papalapit na siya sa'kin, at inaabot na niya ako gamit ang mala-tuod niyang mga kamay. Gusto kong umatras, ngunit tila naging bato na ang buong katawan ko! Hindi na ako makagalaw!     Pinagmasdan ko na lang ang nilalang na sigurado na akong siyamg tatapos sa akin. Nakakatakot ang mukha niya, sapagkat tatlo ang mga mata niya na tila mga butas sa puno! Parang may dumukot sa mga mata niya! At ang bibig niya ay may matutulis na sanga bilang mga ngipin! At ang boses niya, parang galing sa hukay! Daig pa ang ungol ng ama ko sa banyo kapag nahihirapan siyang dumumi!     Nakakapangilabot!     Gusto kong manlaban ngunit wala akong sandata. Sinubukan kong maghanap pero ang nakuha ko lang ay 'yung gintong barya sa supot na bigay ng ama ko at binato ko yun sa halimaw. Natamaan ko siya sa mata at parang nakita kong nag-anyong patulis 'yung barya sa ere bago ito tumama sa halimaw. Sumigaw ito na parang nasaktan.     Gulat man sa nangyari, inulit ko ang pagbato ng gintong barya sa halimaw na ito at ganoon pa rin ang nangyari hanggang sa mukhang napuruhan ko na ito gamit ang mga gintong barya na nagiging patalim kaya umalis na ito na tila umuungol pa sa sakit.     Hanep. Akala ko talaga katapusan ko na. Napatingin tuloy ako sa supot ng gintong barya na ibinigay ni Ama. Epektibo ba ang mga baryang ginto sa halimaw? Alam ba yun ni Ama kaya niya ito ibinigay sa akin? Dahil kung oo, naiintindihan ko na kung bakit tila hindi natakot si Ama na ipinadala ako rito. Napangiti ako doon.     Nang mahimasmasan ako mula sa engkwentrong yun ay nagpasya akong lumabas na ng karowahe. Baka kasi bumalik 'yung halimaw at mahirap na. Paglabas ko ay agad kong napansin ang usok na pula sa buong paligid. Umiilaw iyon sa dilim. Alam kong lason iyon kaya tinakpan ko agad ang ilong ko. Pumunit ako ng tela sa suot kong damit at ipinantakip ko iyon sa aking ilong at bibig saka ako naglakad-lakad.     Tumambad sa akin ang mabatong lupa na tila nababalutan pa ng mga abo. Madilim kaya kinuha ko ang isa sa mga lampara na nakakabit sa labas ng karowahe upang maging sulo ko. Naglakad ako papunta sa direksyon na may mga umiilaw-ilaw sa di-kalayuan dahil kailangan kong makahanap ng bahay o kahit kweba man lang para mapagkanlungan. Alam kong marami pang halimaw dito at hindi ako magiging ligtas kung magpapalaboy-laboy ako sa labas.     Sa aking paglalakad sa mabatong lugar ay natanaw ko ang isang parang lumang palasyo na gawa sa bato. Malaki ito at kita agad kahit mula sa malayo. Matayog iyon ngunit halatang abandonado. Pero tinungo ko pa rin iyon dahil iyon lang naman ang mukhang pwedeng tirahan ng tao, kung meron mang taong nandito.   Pagkarating ko sa loob ay nakahinga ako nang maluwag. Wala kasing pulang usok sa loob. Nilibot ko ang lugar at napansin ko ang trono sa gitna ng palasyong bato. Walang nakaupo roon pero may kung anong bagay ang pumupulupot doon sa mismong trono ng kung sino mang dating nakatira rito.     Isa iyong uri ng halamang nagbabaging. Nilapitan ko iyon.     At doon ko narinig ang boses ng isang babae.     "Sige, lumapit ka..."     Kinilabutan ako, pero sinunod ko pa rin ang sinasabi ng boses. Lumapit pa rin ako sa trono at nakita ko ang isang napakagandang bagay na sa mga aklat ko lang nakikita.     Isang Bulaklak!     Ang halamang nakapulupot sa trono ay isang Bulaklak!     Sigurado ako, isa iyong Bulaklak!     "Sige pa, lumapit ka... Ang dugo mo! Kailangan ko ng dugo!"     Parang umaalingawngaw sa loob ng utak ko ang boses ng babae. At hinawakan ko nga ang talulot ng Bulaklak. Nasugatan pa nga ako dahil matalim pala ang mga ito. Tumulo kaagad ang dugo ko mula sa sugat ko hanggang sa talulot ng Bulaklak.     Bigla akong nakaramdam ng kilabot sa nangyari. At doon ko narinig ang pagkalakas-lakas na pagtawa ng isang boses!     "Ahahaha! Sa wakas! May dugo na rin ako!"     Nagsitayuan ang balahibo ko nang nakita kong gumagalaw ang buong halaman hanggang sa magkaroon ito ng kamay, paa, at ulo ng tao. Unti-unti, nagiging tao ang halaman sa harapan ko at naiwan akong hindi makakilos dahil sa nasaksihan ko.     Hanggang sa isa nang ganap na tao ang nasa harapan ko. Isang babae na napakaganda.     Isang babaeng maalindog ang katawan.     Isang babaeng sigurado ako ay magiging asawa ko sa hinaharap.     Ngumiti siya sa akin. Isang nakakatakot na ngiti.     "Ikaw," sabi niya sa akin. "Kailangan ko ang puso mo..."        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD