"Bilisan niyo na ang hatol!" Naiinip na sigaw ko sa matandang lalaking nasa harapan ko. Isa siyang opisyal ng Palasyo ng Arkhanta at kasalukuyang nasa harap kami ng Konseho ng bansa upang basahan ako ng aking sakdal. Labing pitong taong gulang pa lamang ako ngunit ito na ang pang-apat na beses na hinuli ako ng mga kawal ng Palasyo. Ang astig ko di ba? Pero siyempre, pinahirapan ko muna sila bago nila ako mahuli. Kinailangan pa nila ng tatlong hukbo ng mga kawal upang malupig ako. Ganoon ako kalakas. Kung hindi nga ako nakatulog sa pinagtataguan ko ay baka hindi pa rin ako nahuhuli hanggang ngayon ng mga ungas.
"Wag kang atat bata!" nakangising sagot naman sa akin ng matandang lalaking nakatakdang magbasa ng aking sakdal. Tuwang-tuwa talaga siyang nahuli na nila ako ulit. "Alam mo bata, sayang ka lalo na at nabibilang ka sa angkan ng mga Maharlika rito sa Arkhanta. Maawa na nga sana ako sa iyo sapagkat alam ko naman kung bakit ka nagkakaganito. Kulang ka sa aruga ng iyong magulang. Pero ang awa ko sa 'yo ay naging galit na noon pa, Yohan sapagkat napakagaspang ng iyong ugali."
"Oo na, Tanda! Aminado naman ako na magaspang ang ugali ko. Pero lamang pa rin ako sa 'yo dahil ikaw, magaspang ang buong pagmumukha mo!" Sinamahan ko pa ng tawa ang mga sinabi kong iyon at nakita ko pang nagpipigil na rin ng tawa ang ilan sa mga nakapaligid na kawal sa'kin. Hindi naman kasi maitatanggi na nuknukan ng pangit itong si Tanda! Kaya hindi na ako nagtaka nang makita kong namumula na siya sa inis dahil sa pang-iinsulto ko sa kanya! Hahahaha!
"Tumatawa ka ngayon, Yohan, pero makakatawa ka pa rin kaya kapag narinig mo na ang hatol ko sa 'yo?" May itinatagong tagumpay ang kanyang ngiti na para bang may alam siya na ikapapahamak ko kaya nabura rin kaagad ang ngiti sa mukha ko.
"Tungkol ba yan sa magiging hatol sa akin?" Tanong kong medyo napapaisip na.
Ngumiti ulit si Tanda nang pagkatamis-tamis, tanda na tama nga ang aking hinala.
"Sabihin mo na lamang ang hatol sa akin, nang magawan na ni Ama ng paraan---"
"Sa tingin ko ay mahihirapan ang ama mo na lutasin itong kakaharapin mo ngayon bata. Kaya para maihanda mo na ang sarili mo, eto na ang hatol mo: Ikaw, Yohan Caleb, labing-pitong taong gulang, kaisa-isang anak ni Ginoong T. Caleb ay nagkasala sa batas ng Arkhanta sa salang pagdukot ng sampung dalaga at ang pagsunog sa mga bahay nila."
"Siyam lang sila!" protesta ko sa sinasabi ng ungas na matandang huklubang ito. "Hindi ko sila lahat dinukot! Sumama lang 'yung anak mo, ungas!"
Loko 'tong matandang to ah! Hindi ko naman dinukot ang anak niyang patay na patay sa'kin! Kusang sumama ang babaeng yun!
Pero pinagpatuloy niya lang ang pagbabasa ng sakdal sa'kin na para bang hindi niya naririnig ang pagsigaw ko. Kahit ang buong Konseho ay nakikinig lang din sa kanyang pagbasa. Halatang sanay na sanay na sila sa ugali kong ang astig. "Gaya ng sabi ko, dinukot mo ang sampung babae at sinunog mo ang mga bahay nila---"
"Oo na! Oo na! Sinunog ko na! Sabihin mo na lang kung magkano ang multang babayaran ko para makalaya na ako!" Halos maglabasan na ang ugat sa leeg ko kakatutol sa kanyang mga sinasabi. Alam ko naman kasi ang mangyayari. Papatawan nila ako ng multa gaya ng dati. Siguro ay dodoblehin nila ngayon ang multang ipapataw nila sa ginawa ko. O baka triple pa nga. Pero ayos lang, mayaman naman ang ama ko at kampante naman ako na kahit magkano pa ang multang yan ay kaya niya akong ilabas mula rito. Kami yata ang pinakamayamang pamilya sa buong Arkhanta.
Medyo nawala na ang pangamba ko sa naisip ko ngunit nakita kong umiling lang si Tanda at ngiting-ngiti pa sa narinig niya mula sa akin. "Mali ka sa iniisip mo Yohan. Sa tingin ko ay hindi ka basta-bastang makakalusot sa nagawa mong kasalanan ngayon."
"At bakit naman?"
"Mayaman nga ang iyong ama, pero mas mabigat ang parusang ipinataw ng Konseho sa iyo ngayon." Tuwang-tuwa talaga ang Tanda dahil kaligayahan talaga niyang napaparusahan ako. Palibhasa kasi tinanggihan ko ang anak niya na maging kasintahan ko. Kaya galit na galit talaga siya sa akin.
Pero ano kaya ang parusang ipapataw nila sa'kin? Pagbubuhatin ba nila ako ng bato sa minahan? 'Wag naman, sayang ang gandang lalaki ko roon! O baka naman pasasayawin nila ako sa plaza. Ayoko rin yun, tiyak na dudumugin na naman ako ng mga kababaihan!
Umubo-ubo pa si Tanda bago tapusing basahin ang aking parusa. "Ikaw, Yohan Caleb, ay hinahatulan na ipadala sa lupain ng Inggria upang maging kinatawan ng bansa ngayong taon sa paghahanap sa maalamat at mahiwagang Quiarrah!"
"ANO?" Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. "Seryoso ka? Ayoko pang mamatay!" Potek! Totoo ba to? Ipapadala ako sa nakakatakot na lupain na yun? Para na rin nila akong hinatulan ng kamatayan nun!
Hindi ito maaari! Isa itong malaking kalokohan!
Taon-taon kasi, nagpapadala ang apat na bansa doon ng tao upang tuklasin kung ano man ang lagim na meron doon!
"Yan ang pasya ng Konseho," sagot naman ng matanda sa reklamo ko. "At maging ng Hari. Kesa naman sa mag-aksaya tayo ng buhay ng mga magigiting nating kawal, bakit hindi na lang mga tulad mong kriminal ang ipadala natin doon? Doon mo gamitin ang angas mo, Yohan Caleb. Ang galing ano? Ako ang nagmungkahi niyan sa Konseho." Nagmalaki pa ang tarantado. Nagpipigil lang ako ngunit kanina ko pa talaga siya gustong murahin sa totoo lang.
Maging kinatawan ng Arkhanta ngayong taon sa imposibleng misyon doon sa Inggria? Nahihibang na ba sila?
Hindi talaga ako makapaniwala sa naririnig ko. “Hindi ito maaari! Kapag nalaman ito ng aking ama, tiyak magagaglit iyon! Gusto niyo bang matikman kung paano magalit ang aking ama? Gusto niyo bang tanggalan kayo kasama na ang buong Konseho ng mga diskwento muka sa aming mga negosyo? Ha? Gusto niyo bang maabangga ang magiging susunod na Hari ng bansang ito?”
Ngunit parang wala lang kina Tanda at sa buong Konseho ang mga banta ko. “Yohan, kahit ang iyong ama ay pumapayag sa aming napagdesisyunan. Bakit hindi mo siya tanungin? Siguro ay masakit na rin ang ulo niya sa iyo kaya wala lang sa kanya kung ipapadala sa Inggria ang nag-iisa niyang anak?”
"Gago! Ulol! Panot! Mukhang kabayo! Magsama kayo ng anak mong mukhang d**o!" sigaw ko na sa galit ko. Hindi ko pa rin kasi matanggap ang mga nagaganap. Totoo bang pumayag si Ama sa parusa sa akin? Bakit? Kung sabagay, galit siya sa ginawa kong pagdukot sa mga pesteng mga babaeng habol nang habol sa akin. May nakaaway pa siyang Maharlika dahil doon. Iyon ba? Iyon ba ang dahilan kung bakit hindi niya tinutulan ang naging parusa sa akin ng Konseho? At ang mahal na Hari? Pumayag ba ito sa ipinataw na parusa sa akin kahit na magkumpare sila ni Ama?
Tumawa lang ang matanda at dinala na ako ng dalawang kawal pabalik sa selda ko. Natural, nagpumiglas ako. "Hoy! Matandang panot na gasgas ang buong mukha! Pagbabayaran mo ito! Tandaan mo, hindi ka na makakapasok pa sa kahit anong tindahan namin! Mamuti ka kakahintay sa labas!" Nagbingi-bingihan na ang siraulo, habang pwersahan naman akong hinila ng mga kawal palabas ng Konseho at patungo sa piitan kung saan ako maghihintay na maganap ang nakatakdang parusa sa akin. Sigaw ako nang sigaw na papuntahin nila rito ang aking ama ngunit wala yatang nakakarinig sa akin dito hanggang sa nakatulog na pala ako.
Mahigit limang oras na rin akong nasa selda ko. Nag-iisip. Grabe sila. Ang ipinataw talaga nilang parusa sa akin ay ang pinakamabigat na parusang pwede nilang iparusa sa isang kriminal. Inggria? Doon talaga? Kapag pinadala nila ako sa lugar na 'yun, napakaliit na ng tsansang mabubuhay pa ako. Hindi ko alam kung anong meron sa pesteng lugar na yun pero alam naman ng lahat na parang impyerno ang naghihintay sa sino mang magtungo roon. Wala pa ngang nakakabalik ng buhay sa mga pinadala doon. At ayokong matulad sa kanila.
May naririnig akong ingay at may dumating na kawal sa selda ko. "Yohan Caleb, may bisita ka." Napaangat ako ng tingin sa labas ng selda ko at nakita kong papalapit sa'kin ang isang babae.
Ang babaeng dahilan kung bakit ko dinukot 'yung sampung babae.
"Kumusta ka na Yohan?" tanong ng babae sa harapan ko. Bakal lang na rehas ang nasa pagitan namin ng kaisa-isang bagay sa mundong ito na hindi ko pa makuha-kuha. Nakatayo sa aking harapan ang pinakamagandang dilag dito sa Arkhanta, ang anak ng Hari na si Prinsesa Lenora Zephyr. Balingkinitan ang katawan, mahabang itim na buhok at mapupungay na mga mata, siya ay nakakasilaw ang kagandahan na nababagay lamang sa isang Maharlikang katulad ko.
"Prinsesa Lenora, magandang gabi sa 'yo," pagbati ko sa prinsesa at nagbigay ako ng pugay sa pamamagitan ng pagluhod ko sa harapan niya. Mas maganda siya ngayon sa mala-gintong kasuotan niya. Hindi ko na naitago ang saya ko na makitang nandito siya. Pakiramdam ko ay nabuo kaagad ang araw ko. "Narito ka ba upang palayain ako? Sinasabi ko na nga ba at gusto mo rin ako, Prinsesa... Di mo rin ako matitiis..."
Ngumiti naman ang prinsesa sa tinuran ko. "Naparito ako upang dalawin ka sa huling pagkakataon, Yohan. Nabalitaan kong ipapadala ka na raw sa Inggria bilang kaparusahan sa ginawa mo sa mga dalagang iyon. Natitiyak kong ito na ang huli nating pagkikita."
Napanganga ako sa sinabi ng prinsesa. Kung ganun ay narito siya siya upang magpaalam? Isa bang trahedya ang kwento namin? "Talaga bang hindi mo ako ililigtas, Prinsesa Lenora? Hahayaan mo bang mapaslang ako sa impiyernong lugar na iyon? Ha, Prinsesa? Ako, si Yohan Caleb, ang kababata mo na pinakamayaman, pinakamatapang, pinakagwapo, at pinakasikat dito sa bansang Arkhanta? Ako ang mapapangasawa mo balang araw, Prinsesa, sa ayaw at sa gusto mo. Kaya pumunta ka na sa amang hari mo at pakiusapan mo siya na bawiin ang parusa ng Konseho sa akin."
Lalo lang tumawa ang prinsesa sa mga sinabi ko pa. "Hanggang dito ay nakakatawa ka pa rin. Maaari ngang totoo iyang sinasabi mo ngunit ikaw rin ang pinakamayabang, Yohan. At pinaka-ambisyoso. Alam mo naman na ayaw ko sa ganoong ugali hindi ba?"
"Prinsesa Lenora, ganito lang talaga ako. Simpleng tao. Maipagyayabang ko lang sa 'yo."
Natawa ulit siya roon kahit na hindi naman ako nagbibiro. "Bakit mo ba kasi naisipang dukutin ang mga babaeng yun at sunugin ang mga bahay nila?"
"Ginawa ko yun dahil yun ang sabi mo," sagot ko naman agad sa katanungan niya.
"Yun ang sabi ko? Wala akong naaalalang sinabing ganun sa 'yo Yohan." Nakataas na ang kilay ng Prinsesa sa'kin. Seryoso na siya kaya sumeryoso na rin ako. "Hindi kita inutusang manunog ng bahay at manukot ng mga dalaga."
"Sinabi mo na ang gusto mong lalaki ay iyong walang kaugnayan sa ibang babae! At yun ang ginawa ko! Dinukot ko lahat ng babaeng nagsasabing kasintahan nila ako at sinunog ko ang mga bahay nila upang matakot sila at di na nila ulitin yun!" sigaw ko. "Prinsesa Lenora, mga bata pa lang tayo ay gusto na kita. Lahat na ng pagpapapansin sa iyo ginawa ko na. At ngayong nalalapit na ang pagpili ng mapapangasawa mo, kahit anong hadlang sa ating pag-iisang dibdib ay pipigilan ko!" Nakatulala lang ang prinsesa sa akin. "Prinsesa Lenora, nagpabayad pa ako ng taong nagtanong-tanong sa mamamayan ng Arkhanta kung sino ba ang karapat-dapat mong piliin bilang asawa, at nanguna ako sa listahan! Lahat boto sa'kin!"
"Ngunit ako, hindi," sagot ni Prinsesa Lenora. Letsugas, ang saklap. Talagang lantaran niyang sinabi sa akin iyon. Ang arte talaga nitong prinsesang gusto ko. Eh halata namang naiinis siya 'pag may lumalapit sa'king ibang babae. At saka sino pa ba sa tingin niya ang mas karapat-dapat sa kanya bukod sa pinakagwapong si Yohan Caleb?
"Nabubulagan ka lamang Prinsesa," sagot ko sa kanya. "Ngunit magsisisi ka rin sa huli. Wala ka ng ibang mahahanap na mas mayaman, mas gwapo, mas malakas, at mas matapang pa sa'kin." Totoo naman kasi ang mga pinagsasabi ko. Sino ba ang taong mas nakakalamang sa akin sa puso ni Prinsesa Lenora? Wala ng iba pa. Ako lang.
"Ganun ba? Di ba ang sabi mo ay matapang ka?" tanong niyang nakangiti at nakaramdam ako ng konting takot doon. Nang huling ngumiti nang ganyan ang prinsesa ay pinahuli niya ako. Ninakawan ko kasi siya ng kanyang mga damit-panloob noon at sinoli ko sa kanya sa harap ng kanyang amang hari. Nginitian niya lang ako nang ganito tapos pinahuli na niya ako. Hindi ako nakakita ng liwanag ng tatlong linggo.
"Yohan kung talagang matapang ka, bakit hindi ka na lang pumayag na ipadala sa Inggria? Mabigat naman talaga ang iyong ginawang kasalanan. Sa tingin mo ba, papayag ang buong bansa na makasal ako sa 'yo pagkatapos nang ginawa mo? Kailangan mong harapin ang ginawa mo. Laya wag ka na umangal pa. At sige, pangako ko, kapag nakabalik ka nang buhay, pakakasalan kita."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Nabuhayan ako ng loob. Ito na 'yung pagkakataon kong patunayan sa kanya ang kakayahan ko. Pagkakataon ko na upang baguhin ang tingin niya sa akin. Kapag makabalik ako, tiyak bibilib siya sa akin! Bwahahahaha!
Magpapakasal siya sa akin!
Sa wakas!
"Sige, prinsesa, payag na ako. At itaga mo sa bato, babalik ako. Pagbalik ko, humanda ka. Ihanda mo ang sarili mo, dahil pagbalik ko, magpapakasal tayo agad-agad."
"Aasahan ko yan, Yohan." Tumango ako sa sinabi niya. Ngayon ay masasabi ko ng may unawaan na kami ng Prinsesa. Kaya hidni na ako tututol pa na maipadala sa Inggria.
At iyon ang kwento kung paano ako napapayag na magtungo sa impyerno na kung tawagin ay Inggria.