Nauubusan na ako ng hininga habang sakal-sakal niya pa ako. Sinubukan kong abutin ang bulsa ng pantalon ko at may nakuha ako mula doon. Baryang ginto. Teka, bakit meron din nito sa bulsa ng pantalon ko? Si ama ba ang may kagagawan nito? Hanep talaga ang ama kong yun, hindi man lang kutsilyo ang hinabilin sa'kin.
Baryang ginto talaga?
Pero nagulat ako dahil ‘yung hawak kong ginto ay biglang nag-anyong punyal. Nanlaki ang mga mata ko sa nasaksihan kong pagbabagong anyo nito.
Yung baryang hawak ko ay gintong punyal na ngayon! P-Parang ganito ang naganap kanina sa loob ng karowahe nang ibato ko ang mga barya sa halimaw na tuod na kahoy!
Mahigpit kong hinawakan ang punyal kasabay nang pagpupumiglas ko mula sa pagsakal niya sa leeg ko. Kaya ang ginawa ko, sinugatan ko siya sa kamay niya kaya nabitawan niya ako. Napasigaw pa siya sa sakit kaya kinuha ko na ang pagkakataon para tumakbo palayo sa kanya. Mabilis kong tinakbo ang lagusan palabas ng palasyong bato.
Ang lakas ng t***k ng puso ko!
Takte, kailangan ko nang makalayo!
Argh! Hindi ka makakatakas! Tandaan mo, alipin na kita! Bumalik ka ngayon din!
At gaya nang sinabi niya sa utak ko, napahinto ako sa pagtakbo at parang may pwersa na namang humila sa'kin pabalik sa loob ng palasyo. Sumusubsob pa nga ako sa batuhan sa pagkakahila ko. Lintek talaga, bakit ba nangyayari sa'kin 'to? Eto na ba ang parusa sa sobrang kagwapuhan ko?
Muli akong bumagsak sa harapan ng babaeng halimaw. "Sinabi ko naman sa'yo, alipin na kita. Hindi ka na makakatakas sa'kin." Tumatawa pa siya nang lumagapak ako sa harapan ng mga paa niya. Nagulat naman ako sa nakita ko sa kanya. Sapo-sapo niya ang kamay niya na nasugutan ko. At imbes na dugo ang lumabas sa sugat niya, usok na pula ang lumalabas!
Ibig sabihin, yung usok na pula sa labas, dugo niya iyon? Anong klaseng nilalang ba siya?
"Anong klaseng nilalang ako? Yohan, isa akong Bulaklak. At hindi lang ako basta-bastang Bulaklak. Ako ang reyna nila. Ako si Aravella."
Sa wakas nagpakilala din siya. "Teka, nababasa mo ang iniisip ko?" Pero ano raw siya? Reyna ng mga Bulaklak?
"Oo dahil alipin na kita. Pati ang isip mo ay pag-aari ko na..." sagot naman niya. Konti na lang talaga at mababaliw na ako sa mga nangyayari.
"Ano ba ang gusto mo sa'kin? Bakit mo ba ginagawa sa'kin 'to? Teka, katawan ko ba ang gusto mo? Pasensiya ka na pero hindi ko yun ibibigay sa'yo!"
Natawa lang ulit si Aravella. "Noong una gusto lang kitang paglaruan, ang tagal ko na kasing walang alipin. Matagal na rin ako sa anyo ko na isang halaman. Balak ko sanang patayin ka na lang. Ngunit kakaiba ka. Nagawa mo akong sugatan. Paano mo nalamang ginto ang kahinaan ko? "
"Ha? Aba malay ko sa'yo! Hindi ko naman alam na kahinaan mo pala ang ginto! Hindi ko nga alam na nagiging sandata itong perang ginto na dala ko. Pag-uwi ko ng bahay yayakapin ko talaga nang mahigpit ang ama ko dahil isa siyang henyo!"
"Di ba ang sabi mo ay kilala mo ang hari ng Arkhanta?" tanong niya at tumango ako. "Kung ganoon ay matutulungan mo ako."
"Anong tulong?" usisa ko. Parang nagkakaroon na nang kakaibang patutunguhan ang usapan namin.
"Dalhin mo ako sa harap ng hari ng Arkhanta at palalayain kita mula sa sumpa ko."
Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi niya. "Totoo ba 'yang sinasabi mo? Baka naman mamaya pagsamantalahan mo na naman ako tapos malalason na naman ako at magigising na lang ako na nakakadena na ako sa'yo."
"Totoo ang sinasabi ko. Hindi ko ugaling bumali ng pangako." Seryoso siya at naramdaman ko na lang bigla na parang pamilyar siya sa'kin. Parang dati ko pa siyang kakilala. Parang nakilala ko na siya dati sa ibang lugar at ibang panahon. Ewan. Nakakalito.
Nag-isip naman ako. Kung hindi na niya ako papatayin, mas mainam iyon at mukha naman siyang malakas. Malalabanan niya ang mga halimaw sa labas. "Sige, payag na 'ko." Tumayo na ako at nilapitan siya. "Mangako ka munang hindi mo rin ako sasaktan."
"Sige, pangako, hindi kita sasaktan," sagot naman niya.
"O ano pang hinihintay mo diyan, tara na at bumalik na tayong Arkhanta." Nagsimula na akong maglakad ulit palabas ng palasyong bato pero napansin kong hindi kumikilos si Aravella.
"O anong problema?"
"Hindi ako makakalabas ng Inggria," sabi niya bigla. "Pag nilisan ko ang lupaing ito, mamamatay ako."
"Ha? Pero paano ka makakapunta ng Arkhanta niyan?"
Tinitigan niya ako sa mata. "Para makaalis ako rito, kailangan ko ang puso mo..."
"Ano?"
"Ang puso mo Yohan. Kailangan mong ibigay sa'kin ang puso mo..."
Nagkakalokohan na yata kami nitong si Aravella--- ang babaeng dating bulaklak. Ano'ng kailangan niya ang puso ko? Bakit, wala ba siyang sariling puso?
"Wala akong puso, Yohan," biglang sabi niya sa'kin.
"Takte naman Aravella! 'Wag mo ngang babasahin ang utak ko at kinikilabutan ako!" sigaw ko sa kanya. Naninindig na kasi ang balahibo ko sa ginagawa niya. Sino ba naman ang hindi matatakot sa isang nilalang na nakakabasa ng isip mo?
Mukha namang nagalit siya sa sinabi ko dahil tumalim ang tingin niya sa'kin. "Dahan-dahan ka sa pagsasalita mo. 'Wag mo akong uutusan dahil alipin na kita. Isa pa, ako ang reyna ng mga Bulaklak kaya dapat nga ay ginagalang mo ako. Kung tutuusin kaya kitang patayin ngayon din tampalasan ka."
"Ay 'wag naman ganun," sabi kong takot na takot na. Potek, nakaligtas nga ako dun sa halimaw na tuod na kahoy pero mukhang dito na talaga ako sa babaeng halaman mamamatay.
Biglang parang tumulis at humaba ang mga kuko niya tapos parang nagiging mga dahon yung buhok niya.
Matutulis na mga dahon.
"Kaya umayos ka upang hindi ko mabali ang binitawan kong pangako sa'yong hindi kita sasaktan," sabi niya.
"Ah eh, oo naman!" sagot ko na lang. "Nagulat lang po kasi ako sa'yo. Nung una dugo ang hiningi mo po, at naibigay ko naman po yun. Tapos pati yung mapupulang labi ko po inangkin mo na rin po at naging alipin mo pa po ako. At ngayon naman hinihingi mo po ang puso ko. Baka mamaya magutom po kayo at maisipan niyong mag-ihaw ng lamang loob at hingin niyo po ang atay ko at balun-balunan ko po."
"Itigil mo ang pagtawag sa'kin ng 'po'! Hindi pa ako matanda! Ang sakit sa tenga!" sigaw ni Aravella at nilapitan na talaga ako. Tinutukan niya ako nang matutulis niyang mga kuko. "Gusto mo na bang mamatay?"
"Hindi po, ay este hindi pa!" nanginginig na sagot ko. Binitawan naman niya ako. "Bakit kasi puso ko pa ang hihingin mo? Ano ba ang nangyari sa puso mo? Alam mo katawan ko na lang ang hingin mo, kahit labag sa kalooban ko ay ibibigay ko na rin---"
"Ninakaw ang puso ko..." sagot niya at naputol yung sinasabi ko.
Ano raw?
Ninakaw?
"Teka, ninakaw na umibig ka o ninakaw na literal na kinuha ang puso mo?"
Bigla niyang hinubad ang damit ko na suot niya at tumambad na naman sa akin ang katawan niya. Ano ba 'to, ngayon lang kami nagkakilala pero hubaran na ang mga ganap. Sana pala reyna din ng mga Bulaklak si Prinsesa Lenora! Hahaha!
Biglang tinusok ni Aravella ang dibdib niya at umusok iyon agad ng usok na pula.
"Aravella ano'ng ginawa mo? Bakit mo naman tinusok ang pakwan mo?" tanong kong gulat na gulat sa ginawa niya. Pero hindi siya nagsalita at tumingin ako dun sa parteng tinusok niya. May butas na iyon. Yun ang parte kung nasaan dapat ang puso niya ngunit walang kung ano man doon.
POTAKTE!
Wala nga siyang puso!
"Kaya pala brutal ka po!" pagbibiro ko para mawala ang takot ko kay Aravella--- ang babaeng nanakawan ng puso. "Wala ka pala talagang puso!"
"Kaya nga kailangan ko ang puso mo. Dahil sa dugo mo ay naibalik ko ang tunay kong anyo mula sa pagiging halaman at ang puso mo naman ang magbibigay sa'kin ng ibayong lakas upang makaalis sa isinumpang lupain na ito."
"Pero pano ako? Mamamatay ako 'pag kinuha mo ang puso ko!"
Umiling naman si Aravella. "May hindi ka naiintindihan, Yohan. Alam mo ba kung bakit kahit napakapanganib ng lugar na ito ay marami pa rin ang nagtutungo rito?"
Siyempre alam ko ang sagot doon. "Dahil sa Quiarrah, ang pinaka-makapangyarihang bagay na inaasam ng lahat," sagot ko.
Tumango siya. "Bukod pa dun, ano pa? Ano pa ang hinahanap dito ng apat na bansa? Ang isa pang dahilan kung bakit sila nagpapadala dito ng mga tao nila taon-taon?"
Nalito naman ako. "Meron pa bang ibang dahilan?"
"Ang mga Bulaklak, Yohan. Kapag mahalikan ka ng isang Bulaklak ay magiging alipin ka na nito sa oras na kayanin mo ang lason nito."
"O tapos?" Hindi ko na naitago ang kawalan ko ng interes sa sinasabi niya at sinamaan niya na naman ako ng tingin. Parang alam ko na kasing hindi magiging maganda ang kalalabasan nito sa'kin eh.
"Ang lason namin Yohan," pa-misteryosang sagot ni Aravella. "Kapag kumapit ito sa'yo ay magkakaroon ka ng kapangyarihan, kasama na ang pagiging Imortal."