Nagsimula na kaming maglakad sa labas pabalik ng Arkhanta. Hindi ko alam kung tama ba ang daang tinatahak namin pero sinusundan ko lang kung saan papunta si Aravella. Mukha namang alam niya kung saan ang tamang daan.
Tahimik lang ako simula kanina na sinabi niya yung tungkol sa pagiging Imortal. Naririnig ko na kasi dati pa ang tungkol dun. Alam kong may isang uri ng kaalaman na kung tawagin ay Alkemiya ang sinasabing nagtuturo kung paano maging Imortal. Pero karamihan ng tao iniisip na kwentong bayan lang iyon dahil wala ng taong nabubuhay ngayon ang nakapag-aral ng Alkemiya, maliban siguro sa mga Pantas. Isa iyong kaalamang nakalimutan na sa paglipas ng panahon.
Pero ang sabi ni Aravella, ang lason nilang mga Bulaklak ay susi sa pagiging Imortal. Ibig sabihin, Imortal na ba ako? Kaya ba hindi ako tuluyang nalason at namatay?
"Nalalanghap mo ang pulang usok ko dito pero hindi ka na nalalason. Kasi Imortal ka na. Hindi nga lang ganap.”
“Hindi ganap?”
“Ibig sabihin, panandalian lang. Kaya kahit kunin ko pa sa'yo ang puso mo ay hindi ka mamamatay. Titibok pa rin ang puso mo sa loob ng katawan ko. Isipin mo na lang na itatago ko ang puso mo..."
Napaisip ako dun. Nagkasundo kasi kami ni Aravella na sa may hangganan na lang ng lupain ng Inggria at Arkhanta niya kukunin ang puso ko at ilalagay niya sa dibdib niya. Mahirap mang unawin kung paano gagana ang sinasabi niya nang hindi ako namamatay, sumige na rin ako dahil wala naman akong ibang mapagpipilian.
Ang lakas talaga ng topak niya.
"Narinig ko ang sinabi mo sa isip niya," galit na sagot niya sa nasa utak ko lamang dapat.
"Aravella, itong pulang usok sa paligid, dugo mo ba lahat 'to o may iba pang tulad mo?" Napansin ko kasing ang daming usok dito sa labas. Imposible namang sa kanya lahat yun.
"May iba pang tulad ko. Ano naman ang silbi ko bilang reyna kung mag-isa lang ako? Nag-iisip ka ba?" singhal niya.
"Pero bakit maraming usok dito? Kung dugo niyo 'to, ibig sabihin marami ang namatay dito?" tanong ko pa. Bigla kasi akong nangilabot sa ideyang maraming bangkay rito ng mga halamang babaeng biglang naghuhubad.
"Ganun na nga," matipid na tugon ni Aravella. "Nagkaroon ng isang digmaan rito matagal na ang nakakalipas."
"Ah..." Hindi ko maiwasang isipin na siguro itong si Aravella--- ang babaeng tinusok ang pakwan niya ay ang nag-iisang nakaligtas sa isang matinding digmaan. Naawa tuloy ako sa kanya.
"Wag mo akong kaawaan. Hindi dapat kinakaawaan ang isang reynang tulad ko. Sa oras na mabawi ko na ang puso ko ay maghihiganti ako sa mga taong sumira sa kaharian ko at kumitil sa mga kalahi ko."
Ano ka ba Yohan, naririnig niya ang sinasabi mo kaya hindi ka dapat nag-iisip nang ikagagalit niya! Isipin mo na lang kung paano ka makakatakas mula sa kanya!
"Hindi mo na nga ako matatakasan," sagot niya. Patuloy lang kami sa paglalakad. "Alipin na kita kaya hindi mo ako matatakasan."
"Mahal na reynang Aravella, gusto ko lang malaman mo na 'wag ka namang magagalit sa mga naririnig mo sa isip ko. Kapag inisip ko ang isang bagay, hindi ibig sabihin nun ay yun na ang gagawin ko. Kasi iniisip ko pa lang yun. Kaya 'wag mo akong huhusgahan base sa iniisip ko pa lamang."
"Alam ko," sagot niya naman. "Alam kong magulo ang isip ng mga tao." Sa tono ng pananalita niya ay parang may pinaghuhugutan siya. Gusto ko tuloy malaman kung sino ang nagnakaw ng puso niya.
Hindi na kami nakapag-usap dahil may narinig kaming sumisigaw at nagkatinginan kaming dalawa.
"May tao!" sabi ko. Boses ng tao yun! Mukhang humihingi ng tulong!
"May kasama ka ba nang nagtungo ka rito?" tanong ni Aravella sa'kin.
"Wala, mag-isa lang ako."
Narinig ulit namin yung malakas na sigaw at tumakbo na ako para hanapin yun. Nakita ko yung tao sa tuktok ng isang mataas na bato at nangilabot ako sa nakita ko. Yung lalaki ay inaabot ng mga halimaw na tuod sa paanan ng bato gamit ang mga kamay nila na mukhang galamay. At malapit na itong maabot ng mga hinayupak na impakto!
Nakita kami ng lalaki at sumigaw siya sa'min. "Tulong!"
"Aravella, anong gagawin natin?"
"Bakit ako ang tinatanong mo? Tulungan mo siya kung gusto mo."
"Pero ikaw ang may kapangyarihan!"
Nakasimangot siya pero lumapit din siya sa mga halimaw. "Oo na, tutal galit ako sa mga Kakawete na yan."
"Anong Kakawete?"
"Yang mga halimaw na yan. Kumakain sila ng tao. Galit ako sa kanila dahil sila ang rason kung bakit ang tagal kong nag-anyong halaman. Bago pa man kasi makarating sa palasyo ko yung mga taong napapadpad rito upang alayan ako ng dugo ay napapatay na sila ng mga Kakawete na yan."
At bago pa man ako makapagsalita ay kumilos na si Aravella nang pagkabilis-bilis at gamit lang ang mga kuko niya ay nagawa niyang pag-gutay-gutayin yung mga Kakawete. Ni hindi nga yata siya pinagpawisan. Nang maubos na yung mga halimaw ay tinulungan ko namang bumaba yung lalaki.
Agad naman siyang lumuhod sa harapan namin. "Maraming salamat sa pagtulong sa'kin. Utang ko sa inyo ang aking buhay."
Pinatayo ko na siya at pinagmasdan ko ang kasuotan niya. "Teka, ayon sa suot mong kalasag ay ikaw ay isang Mandirigma mula sa bansang Gaia."
"Tama ka, ako si Divan."
"Ako naman si Yohan. Mula ako sa bansang Arkhanta. At eto naman si---"
Pero bigla na lang lumapit si Divan kay Aravella at kinuha niya ang kamay nito at hinalikan.
"O kay ganda mo binibini! Ano ang iyong pangalan?" Mukhang nabighani rin agad ang makisig na si Divan kay Aravella!
"Lumayo ka sa akin tampalasan!" sigaw ni Aravella at agad niyang tinutok yung mga matutulis niyang kuko sa leeg ni Divan.
"Wag mo akong patayin aking irog! Minamahal kita! Iniibig at sinisinta! Ang iyong kagandahan ay walang katulad, kapares at kapantay!"
Naloko na! Hindi mo alam ungas ka kung anong klaseng nilalang 'yang sinisinta mo!
"Papatayin ko na siya Yohan. Ang lalaking ito ay nahulog na ng tuluyan sa alindog ko," sabi ni Aravella ngunit pinigilan ko siya.
"Maawa ka sa kanya, lalaki lang siya, marupok kung minsan," biro ko. "Isa siyang Mandirigma kaya makatutulong siya pagbalik natin ng Arkhanta."
"Bahala ka sa gusto mo," inis na sagot ni Aravella--- ang babaeng maalindog. "Sugatan mo siya sa pisngi para mawala ang epekto ng kagandahan ko sa kanya..." At sinugatan ko na nga sa mukha si Divan. Ang kaninang nakatulala kay Aravella na Mandirigma ay natauhan na ngayon. Ganito pala ang kapangyarihan ni Aravella sa mga lalaki.
Nakakapangilabot!
Nang mahimasmasan si Divan ay nagulat pa siya na nagkasugat siya sa mukha. "Ang mukha ko! Paano na ang gwapo kong mukha?"
"Umayos ka Divan, dahil ako ang pinakagwapo sa Arkhanta. Wag na wag mo akong babanggain dahil ako ang makakalaban mo." Binalaan ko na siya dahil mukhang gusto rin niyang patunayan ang kakisigan niya. Mukhang kaedad ko naman siya pero halata sa balat niyang hindi siya galing sa isang marangyang angkan.
"Wag kang mag-alala, wala akong balak kalabanin ka Yohan. Sige na nga, hindi ko na sasabihin sa harapan mo na gwapo ako. Sa katunayan nga ay handa akong gawin ang lahat mabayaran lang ang pagkakautang ko sa inyo. Kapag magtungo kayo ng Gaia, hanapin niyo lang ako at paglilingkuran ko kayo." Yumuko pa siya sa amin nang bigla na naman siyang sakalin ni Aravella.
"Galing kang Gaia? Iharap mo 'ko sa hari mo!" Parang amazona na namang sumugod si Aravella. Pumagitna na ako sa dalawa at humiwalay naman kay Divan si Aravella--- ang babaeng uhaw sa hari.
"Ano bang problema ng kasama mo Yohan? Kanina ginamitan niya ako ng kakaibang majika upang maakit ako sa kanya. Tapos ngayon naman ay hinahanap niya sa'kin ang hari ng Gaia!"
"Pasensiya ka na Divan. Ganyan talaga siya. Banggitin mo lang ang bansa mo at hihingin niya ang hari niyo. Pinagdaanan ko na yan. At mas malala pa..."
"Anong gusto mong ipahiwatig?" singhal ni Aravella sakin pero nagsalita ulit si Divan.
"Alam kong gusto niyong makaalis sa lupaing ito. Ako ang pinadala ng bansa ko para hanapin ang Quiarrah ngunit ayoko na rito. Kung hindi ako mamamatay sa mga halimaw na naglipana rito ay malalason naman ako sa usok na nakakalat dito. Hinihintay ako ng pamilya ko at ayoko pang mamatay."
"Parehas tayo, tiyak magkakasundo tayo." Nagkamay pa kami ni Divan, isang magiting na ritwal ng dalawang magigiting na lalaki.
"Mabuti naman. Tara na, sundan niyo ako. Alam ko ang daan palabas ng lupaing ito."
Sumunod naman kami ni Aravella sa kanya. Tiningnan ko si Aravella na nakasimangot.
Buti na lang di mo siya pinatay, Aravella. Tingnan mo at may silbi pa siya.
"Tumahimik ka Yohan kundi gigilitan kita sa leeg," banta ni Aravella sa'kin.
"Tahimik naman ako ah! Ang brutal ng reyna!" tudyo ko at natawa si Divan. Matapos naman ang malayo- layong paglalakad ay natatanaw ko na ang hangganan ng lupain ng Inggria at ng Arkhanta. Naaaninag kasi namin yung liwanag mula sa Arkhanta. Pakiramdam ko tuloy galing ako sa isang bangungot dahil sa palaging madilim dito sa Inggria.
Tumigil na sa harapan ko si Aravella. "Yohan, nasa hangganan na tayo. Oras na para ibigay mo ang puso mo..."
"Ngayon na?" Napalunok ako at pinagmasdan ko si Divan na naglalakad pa rin papunta sa hangganan. Hindi niya kasi napansin na tumigil kami sa paglalakad at nagpatuloy lang siya.
"Ngayon na, dahil sa oras na tumawid ako sa hangganan, mamamatay ako 'pag wala pa akong puso."
Tumango na lang ako. Kinakabahan ako sa gagawing ito ni Aravella. Lumapit na siya sa akin at naghubad na naman siya sa harapan ko. Tumambad ulit sa'kin yung butas niyang dibdib at nailang ako at parang gusto ko yung takpan ng bato.
"Hubarin mo na ang suot mong pang-itaas," sabi niya. Aba at talagang hubaran na ito. May ibang balak pa yatang masama itong si Aravella. "Wag ka nang maraming iniisip. Hubad na." Natakot naman ako at ako ay naghubad na.
Bigla niya akong niyakap at damang-dama ko ang katawan niya sa katawan ko. Napapikit ako. At napalunok.
Prinsesa Lenora, ipagpaumanhin mo kung may kayakap akong pakwan sa mga oras na ito. Sana ay maunawaan mong ito ay trabaho lamang. Nagsusumamo, Yohan ng buhay mo.
Naramdaman kong parang may pumupulupot sa'kin at nakita kong naging baging ang mga kamay ni Aravella. Bigla nitong tinusok ang lugar kung nasaan ang puso ko at napakatinding kirot ang naramdaman ko.
Pinuluputan ang puso ko ng mga baging niya at napasigaw ako sa tindi ng sakit nang tuluyang maalis ang puso ko mula sa dibdib ko. Nakita ko pang nilagay ng mga baging ni Aravella ang tumitibok na puso ko sa butas sa dibdib niya.
Sa pagkakalagay ng puso ko sa dibdib niya, para akong pinasukan ng mga kakaibang pangitain--- hindi na ako si Yohan, isa na akong hari.
Hindi na siya si Aravella, isa na siyang reyna na aking iniibig.
Magkayakap kami sa isang lugar na hindi ko mawari kung saan. Nagtagpo ang mga labi namin at nahulog ako sa kalaliman ng isang bagay na di ko alam kung ano...
Paggising ko nakita ko si Aravella na halatang gulat na gulat at balisa ang mukha niya.
"Yohan..." sambit niya.
"Aravella..." sambit ko rin.
"SINO KA BA?" sabay naming tanong sa isa't-isa.