Nag-aalangan akong tinitigan si Nyle. Sa kabila ng perpektong setting, ang mga ilaw, ang malambing na tunog ng violin, at ang init ng gabi. Hindi ko maiwasang maalala ang mga tanong na matagal ko nang gustong itanong. Hindi ko na kaya ang bigat ng mga alaala at pag-aalinlangan na nakabuntot sa amin ng dalawang taon.
Huminga ako nang malalim bago magsalita. "Nyle," muling tawag ko sa mas mababa at mas seryoso. Halos hindi ko marinig ang sarili ko sa bigat ng emosyon. "Tungkol sa nangyari noon... dalawang taon na ang nakalipas. Gusto kong malaman... bakit?"
Tumigil siya, at sa ilang segundo parang napako ang oras. Nakita ko sa mga mata niya ang bahagyang gulat pero pinilit niyang itago ito sa likod ng ngiti. Pero ako, kilala ko si Nyle, hindi siya sanay magtago ng emosyon kapag harap-harapan. Kita ko ang alanganin sa kanyang mga mata ang pagkalito.
Inilapag niya ang bouquet sa gilid at lumapit pa nang kaunti. "Ano bang gusto mong pag-usapan?" tanong niya, subukang maging kalmado pero ramdam ko ang tensyon sa boses niya.
Nanlalamig ako. Gusto kong bawiin ang mga sinabi ko pero hindi na pwede. Wala nang bawian. Kailangan ko ng kasagutan.
Kinuha niya ang kamay ko pero hindi ko iyon nadama gaya ng dati. Hindi sapat para mawala ang mga tanong na bumabalot sa isip ko. Hindi ko binitiwan ang tingin ko sa kanya. Pinipilit kong hanapin sa kanyang mga mata ang mga sagot na matagal kong hinahanap.
Maganda ang setting, ang ambience, lahat—too perfect, in fact. Pero sa kabila ng lahat ng ito, ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Parang ang bawat ilaw, bawat halimuyak ng mga bulaklak ay nagdadagdag lang ng tensyon. Nasa dulo na ng dila ko ang mga salitang kanina ko pa gustong sabihin.
Hindi ko na kaya. Kailangan ko nang ilabas ang lahat.
"Nyle," panimula ko ulit. Tumitibok ang puso ko nang malakas, "Bakit mo nagawa 'yun sa 'kin?"
Kita ko agad ang pagbabago sa ekspresyon niya. Mula sa kalmado at malambing na mga mata, may bahagyang pag-aalinlangan na biglang lumitaw. Alam niyang hindi lang simpleng tanong ito.
"Anong ibig mong sabihin, Xander?" sagot niya, pilit pa ring kalmado pero halata sa boses niya na alam niyang may mas malalim akong tinutukoy.
"Tungkol sa nangyari dalawang taon na ang nakalipas," mariin kong sagot. "Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin. 'Yung mga gabi na palagi kang late umuuwi, lagi kang overtime, at laging may kausap sa phone." Humigpit ang pagkakahawak ko sa kubyertos, ramdam ko ang panginginig sa kamay ko. "Sa una, inintindi ko kasi sinabi mong tungkol sa trabaho 'yun. Pero napapadalas... Napansin ko na rin ang mga pagbabago ng sitwasyon."
Tumingin siya sa akin, pilit na pinananatili ang kalmado pero ramdam ko ang tensyon. "Xander... alam ko mahirap 'yun para sa'yo, pero hindi mo alam lahat ng nangyari. Hindi gano'n kasimple."
"Hindi gano'n kasimple?" Tumaas ang boses ko. Hindi na kayang itago ang frustrations ko. "Hindi ba gano'n kasimple na may ibang tao ka nang kinakausap habang nandun ako sa mansyon, nag-aantay? Hindi ba gano'n kasimple na iniwan mo ako sa ere habang niloloko mo ako sa likod ko?"
"Xander, please..." Tumayo si Nyle pero nanatili siyang kalmado, defensively clasping his hands together. "Hindi mo naiintindihan ang buong kwento. Oo, may nangyari, pero—"
"Pero ano?" mabilis kong putol. Tumayo ako mula sa aking upuan. Ang mga kamay ko nagsisimulang kumuyom. "Nagpaliwanag ka ba noon? Hindi! Pinili mong manahimik. Pinili mong umalis nang walang kahit anong sagot! At iniwan mo akong nagtataka!"
Pinilit niyang huminga nang malalim pero halatang nahihirapan siyang panatilihin ang pagiging kalmado. "I was going through something, Xander. Things were complicated, at hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat. Yes, I made a mistake. Pero hindi ko sinasadya na saktan ka. I never meant for things to go that far."
Napailing ako. Hindi makapaniwala sa naririnig. "Hindi sinasadya? So, ano ang tawag mo sa mga araw na kasama mo siya habang ako nandun lang sa bahay, nagtataka kung bakit hindi ka na nagpapakita ng ilang araw? Ano tawag mo sa lahat ng oras na ginugol mo sa kanya habang ako naghihintay na marinig ang paliwanag mo?"
Tumahimik siya at tinitigan ako, ramdam ko ang bigat ng mga salita niya kahit kalmado pa rin ang tono. "Xander, hindi mo naiintindihan. Hindi ito tungkol sa pag-iiwan sa'yo. I was lost. I wasn't thinking straight."
"Lost?" Nag-echo sa isip ko ang salita. "So, kaya mo ako iniwan para sa ibang tao? Dahil lost ka?"
Nasaksakan ako. Bakit ang dali niyang akong iwan ng araw na iyon? Wala akong makapitan.
"Huwag mo naman gawing gano'n," sagot niya, pilit na sinusubukang intindihin ang nararamdaman ko. "I know it hurts you. Alam ko na mali ang nangyari pero hindi ko ginusto na maging gano'n ang lahat. I was confused with everything happening in my life. Kung pwede ko lang balikan, babaguhin ko."
"Hindi mo na mababago ang nangyari, Nyle," sabi ko, masakit ang tono ng boses ko. "Pinili mo siya noon. Pinili mo siyang higit sa'kin, at hindi mo man lang ako binigyan ng respeto na harapin at ipaliwanag."
Nagpalit siya ng posisyon, tila naghanap ng mga tamang salita. "I know, Xander. And for that, I'm sorry. I was a coward. I should've been honest with you pero natakot ako. I didn't want to hurt you more."
"Pero nasaktan mo ako, Nyle!" Umalingawngaw ang boses ko sa garden, halos hindi ko na marinig ang violin sa layo ng tunog. "Sinira mo ang tiwala ko. Tiwalang binuo natin ng ilang taon."
Tahimik siyang tumango, at sa unang pagkakataon, nakita ko ang sakit sa mga mata niya. "I know... and I regret it every single day. I regret losing you that time, Xander. Pero ngayon, nandito ako dahil gusto kong magbago ang lahat. Gusto kong magka-ayos tayo."
Napatigil ako. Ang mga salita niya tumama nang malalim pero hindi ko alam kung sapat na ba iyon. Ramdam ko ang pagod ng dalawang taong hindi natapos na mga tanong at sakit. Tumayo lang ako roon habang tinititigan siya. Naghihintay ng kasagutan mula sa loob ko kung magpapatawad ba ako o hindi.
Hindi ko na narinig ang mga sumunod na sinabi ni Nyle. Tumalikod ako at naglakad palayo. Ang bigat ng bawat hakbang ko na parang bawat salita niya kanina ay nag-iwan ng marka sa akin. Hindi ko alam kung mas galit ba ako o mas nasasaktan. Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano pa ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to.
Basta ang alam ko, kailangan kong lumayo muna. Kailangan kong mag-isip at kalmahin ang sarili dahil baka mas lalong lumalala ang sitwasyon.
Nang makarating ako malapit sa gate, halos masubsob ako sa isang waiter na papasok. May dalang itong cake. Tumigil ako para tignan ang hawak niya. Isang chocolate cake na may nakasulat na Happy Birthday! Napatitig ako saglit. Birthday ko na pala. Napatingin ako sa suot kong relo, at doon ko lang napansin na eksaktong alas-dose na.
12 o'clock. Birthday ko na nga pala.
Ang ironic lang. Dapat ito 'yung araw na masaya ako pero eto ako naglalakad papalayo, dala ang bigat ng nakaraan. Bigat ng sitwasyon at frustrations ko.
Bigla kong narinig ang mga yabag ni Nyle sa likod ko, mabilis, humahangos, humihingal. Napahinto ako pero hindi ko agad siya binalingan ng tingin. Gusto kong umalis pero para bang may pumipigil sa akin. Ramdam ko ang presence niya, at sa kabila ng lahat, parte ng puso ko ang hinihintay na magpaliwanag pa siya.
"Xander!" Narinig ko ang boses niya, at nang tumingin ako, andun siya-nakatingin sa akin nang diretso, desperado ang mga mata. "Please, pakinggan mo naman ako."
Hindi ako sumagot pero hindi na rin ako gumalaw. Nakatayo lang ako roon, habang hinihintay kung ano pa ang sasabihin niya.
Huminga siya nang malalim na parang inipon ang lahat ng lakas niya bago magsalita. "I know nasira ang tiwala mo sa akin, and I know ang dami ng pagkukulang ko. Pero isang bagay lang... isang bagay lang ang gusto kong sabihin."
Nanatili akong tahimik kahit na ang puso ko ay parang hinahati sa dalawa. Ang sakit!
"I want a baby, Xander," bigla niyang sabi, halos pabulong pero sapat para marinig ko. "Gusto kong bumuo tayo ng pamilya. Gusto kong ayusin lahat. I want to start fresh with you."
Napatigil ako, hindi makapaniwala sa sinabi niya. Tumama sa akin ang mga salita niya na parang malamig na hangin. Gusto niyang bumuo ng pamilya... pagkatapos ng lahat ng nangyari? Naguguluhan ako, naghalo ang galit, sakit, at lungkot sa loob ko.
Binitawan ko ang isang malalim na buntong-hininga, at sa wakas, binalingan ko siya. Nakita ko sa mga mata niya ang katapatan pero ramdam ko rin ang takot. Takot na baka tuluyan na akong mawala.
"Gusto mong bumuo ng pamilya?" tanong ko, hindi ko alam kung matatawa o maiiyak ako. "Paano, Nyle? Paano tayo bubuo kung hindi pa natin nalalagpasan 'yung ginawa mo noon?"
Nakatingin lang siya sa akin na parang pilit na hinahanap ang mga tamang salita. Pero ako, alam ko na hindi gano'n kadaling kalimutan ang lahat.
Happy birthday nga ba talaga?