EPISODE23

1333 Words
LUCIFER “KUNIN niyo ang gagong iyan!” Utos ng Boss namin na ang pinatutukuyan ay ako. Agad akong hinawakan ng dalawang lalaki sa magkabila kong braso. “Boss, wala po akong kinalaman sa paglusob sa pulis. Maniwala po kayo sa akin!” Paliwanag ko. Nagpumiglas ako ngunit mas lalo lang nilang hinigpitan ang pagkakahawak sa braso ko. “Sa palagay mo maniniwala ako sa iyo, Lucifer? Paanong malalaman ng pulis ang kinaroroonan ninyo kung hindi mo tinawagan ang pulis! Dismayado ako sa iyo Lucifer. Nagtiwala ako ngunit sinira mo! Ngayon malalasap mo ang galit ko!” Nanlaki ang mga mata ko. Umiling-iling ako. “Boss, wala po akong kinalaman sa pagdating ng mga pulis. Si Sergio ang nagbigay ng telepono at siya rin ang nagsabi na tawagan ko ang sinabi niyang numero.”Paliwanag ko. Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Galit na lumapit ang Boss namin. Nanlilisik ang mga mata nito. Kinuwelyuhan niya ako. “Alam mo ba kung magkano ang nawala sa akin, huh? Isang milyon! Nakuha lang ng mga pulis. Ikaw ang may kagagawan niyon dahil sa katangahan mo!” Galit na sabi nito at inundayan niya ako ng suntok sa mukha. Napabaling ang mukha ko. Nakaramdam ako ng hilo. “W-Wala po akong kasalanan. Maniwala po kayo Boss. N-Naibigay po ang p-pera at kinuha po iyon ni Sergio.” Naiiyak na sabi ko. Bigla niyang hinawakan ang leeg ko at mahigpit na hinawakan iyon. Halos mapugto ang hininga ko. “Sa palagay mo maniniwala ako sa iyong gago ka?! Mas matagal na nagtrabaho si Sergio rito at ni minsan hindi ito gumawa nang ikasisira ng grupo. Ikaw kang gago ka, una palang nagtraydor ka na! Matitikman mo ang parusang nararapat sa iyo! Ikulong ang gagong iyan! Pahirapan ninyo!” Utos ng Boss namin. Napaawang ang labi ko. “Maawa ka po Boss! Maawa ka po!” Pakiusap ko ngunit hindi na ito tumingin sa akin nang umalis na ito. Napasulyap ako kay Sergio. Nakangiti ito na tila tuwang-tuwa na makita ang paghihirap ko. Pumalag ako ngunit isang malakas na suntok ang natamo ko. Napalungayngay ang ulo ko at nagdilim ang paningin ko. Nagising ako nang maramdaman ko ang malamig na tubig na bumuhos sa katawan ko. Sa nalalabong mga mata sinikap kong makita ang taong nasa harapan ko. Nang luminaw ang paningin ko nakita ko si Sergio na nasa harapan ko. May dala itong timba na wala ng laman. Igagalaw ko sana ang kamay ko ngunit hindi ko maigalaw. Nakatali ng pataas ang dalawa kong kamay. Ramdam na ramdam ko ang lamig sa buo kong katawan. Nakahubad na pala ako. Nananakit na rin ang mga kamay ko at pati na ang buo kong katawan. Hindi ko alam kung anong ginawa nila sa akin habang wala akong malay tao. “Yan ang napapala ng taong mang-aagaw at sipsip. Tingnan mo ang sarili mo Lucifer mukha ka ng basura.” Pang-iinsulto ni Sergio sa akin. Nagtawanan ang kasama ni Sergio. Nag-igting ang panga ko. “Ikaw ang sipsip at hindi ako!” Sagot ko sa sinabi niya sa akin. Nag-iba ang mukha ni Sergio. Dumilim ang mukha nito. Lumanding sa mukha ko ang kamao nito. Napabaling ang mukha ko. Natawa ako. “Yan lang ba ang kaya mo, Sergio? Ang suntukin ako at pahirapan ako? Hindi mo maiaalis na ako ang gusto ng boss natin. Gumawa ka lang ng paraan para siraan ako sa kanya. Hindi rin matanggap ng sarili mo na ako ang mahal ni Jade at sa akin niya ibinigay ang sarili niya. Sino sa atin ang mas lamang? Hindi ba ako?” Hirap man nagawa ko pang mapangisi. Inundayan niya uli ako ng suntok. Sunod-sunod. Napalungayngay ang ulo ko at nakaramdam ng hilo. Inawat si Sergio ng kasama niya at pati na ang tauhan ng boss namin. “Tama na yan! Walang sinabi si boss na suntukin mo ang gagong iyan!” sabi ng lalaki at itinulak si Sergio. “Hindi pa tayo tapos Lucifer! Sisiguraduhin kong mawawala ka sa mundong ito! Tandaan mo iyan!” Banta sa akin ni Sergio at saka lumanas ng silid na nagngingitngit sa galit. Hihintayin ko ang araw na iyon! Hindi na ako papayag na apihin nila akong muli. Gagawin ko ang lahat makatakas lang dito! NAGMULAT ako ng mga mata nang may tumapik sa pisngi ko. Nakita ko si Hubert nasa harapan ko. “Anong ginagawa mo rito? Umalis ka na baka makita ka pa ng tauhan ni boss,” sabi ko sa nanghihinang boses. Nawalan ako ng malay dahil sa matinding pahirap na ginawa nila sa akin. Hindi ko na nga mabilang kung ilang suntok ang natamo ko sa kanila. Halos magsarado na ang mga mata ko. “Walang nakabantay sa harapan. Mukhang nasa opisina sila ni boss. Ang narinig ko may pag-uusapan yata sila kaya may pagkakataon akong itakas ka.” Kinalagan niya ako. Nang maalis ang tali sa mga kamay ko ay inalalayan niya akong tumayo. Ni hindi ko na maitapak ang mga paa ko dahil sa matinding panghihina. “Kailangan makalabas na tayo rito bago pa dumating ang tauhan ni boss. Tatakas tayo. Nasa labas si Jade, sasama siya sa atin.” Napaawang ang labi ko sa sinabi ni Hubert. “Hindi niyo na dapat ginawa ito. Ayokong madadamay kayo sa gulo. Laban ko ito. Ako lang ang dapat lumaban dito,” sabi ko. “Nagpapatawa ka ba, Luci? Tingnan mo nga ang kalagayan mo - ni hindi mo na nga maidilat ang isa mong mata tapos kung makasabi ka ng laban mo ito. Kaibigan mo kami kaya tutulungan ka namin.” Napangiti ako. Gusto kong mapaiyak sa tuwa dahil tunay silang kaibigan. Handang isugal ang kanilang buhay para lang sa akin. Tatanawin kong utang na loob ang ginawa nilang tulong sa akin. “Ano ba kayo ang drama niyo. Dalian natin at baka dumating na ang mga bantay!” sabi ni Jade na nasa bungad ng pintuan. “Ito na nga kami. Ang bigat kaya nitong si Lucifer.” Reklamo ni Hubert. Pinilit kong maglakad upang hindi mahirapan ito sa pag-aalalay sa akin. Dumaan kami sa likod na bahagi ng tinitirhan namin. “Baka may bantay diyan,” sabi ko. Tinutukoy ko ang gate na nasa likurang bahagi. “Huwag kang mag-alala sinigurado kong walang nakabantay,” sabi ni Jade at saka ngumiti. Kahit nakangiti ito kita ko ang awa niya sa akin. Hindi man niya sinasabi ngunit nakikita ko sa kanyang mga mata. “Salamat sa inyong dalawa.” Naiiyak na sabi ko. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Nakalabas kami ni Hubert ng gate. Sabay kaming napalingon ng makarinig kami ng pagsara ng gate. “Hindi ka ba sasama?” Tanong ni Hubert kay Jade na nasa loob ng bakuran. Umiling si Jade. “Tumakas na kayo. Ako ng bahala kung sakaling malamang wala kayo. Sige na umalis na kayo!” Pagtataboy niya sa amin. “Sumama ka na sa amin! Siguradong pag-iisipan ka ng masama ng boss natin. Alam nilang malapit kami sa iyo,” sabi ni Hubert. Napakagat ng labi si Jade. “U-Umalis na kayo pakiusap. Sige na. Ako ng bahala rito. Pangako walang mangyayari sa akin. Magkikita pa rin tayo.” Napaiyak si Jade. “Jade. . .” Tanging na sambit ko. Parang gusto kong lapitan upang yakapin. Ngayon ko lang napagtanto na malaki ang pagmamahal niya sa akin. Nakaramdam ako ng hiya sa sarili ko sa ginawa ko sa kanya. Tumulo ang mga luha ko. “B-Balikan kita, Jade. Mangako kang iingatan ang sarili mo,” sabi ko habang naluluha. “Pangako Lucifer. Hihintayin kita. Tandaan mong mahal na mahal kita,” anito habang umiiyak. “Tayo na Lucifer at baka maabutan pa tayo!” sabi ni Hubert. Mabigat ang loob kong iwanan si Jade. Babalikan ko siya kapag maayos na ako. Sisiguraduhin kong sa pagsasama namin ipararamdam ko sa kanya ang pagmamahal na nararapat para sa kanya. Nararapat siyang mahalin dahil tunay ang kanyang pagmamahal para sa akin na kahit ang buhay nito ay kaya niyang ialay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD