EPISODE 1
LUCIFER
MALAKAS na sampal sa pisngi ang iginawad sa akin ni Tatay nang dumating ito mula sa trabaho. Halos mapasubsob ako sa semento dahil sa lakas ng sampal sa pisngi ko. Napahawak na lang ako sa malamig na semento habang pumapatak ang luha sa mata ko. Yumuko ako upang hindi niya makita ang luha ko.
Sinikap kong hindi makagawa ng hikbi dahil siguradong hindi lang sampal ang aabutin ko. Ayaw ni tatay na naririnig ang iyak ko. Naiirita ito sa tuwing nakikita akong umiiyak. Bakla lang daw ang umiiyak at hindi lalaki. Kahit nasasaktan ako ay hindi ako gumagawa ng ikagagalit niya.
Takot akong mabugbog dahil minsan na niya akong binugbog dahil sa pag-iyak. Halos mag-sarado ang mata ko noon at hindi ako nakatayo nang ilang araw. Napilay ang paa ko sanhi ng pag-hampas ng dos por dos. Hindi ko siya pinagbuksan agad ng pinto kaya nagalit ito. Paanong hindi ko mabubuksan agad ang pinto? Marami akong ginagawa sa kusina dahil tinambakan nila ako ng mga damit na lalabhan ko. Sa murang edad ginampanan ko na ang trabahong pang-matanda na hindi dapat sa edad ko.
“Sinabi ko na sa ’yong mag-luto ka nang makakain! Gutom na gutom ako tapos ito ang madadatnan ko, walang pagkain? Wala ka talagang silbi! Sana itinapon ka na lang namin sa basurahan!”
Sinabunutan niya ako at saka malakas na tinadyakan sa aking tiyan at likod. Namilipit ako sa sakit na halos mapugto ang hininga ko. Sa murang edad ganito ang trato nila sa akin. Kahit noong mas bata pa ako ay walang araw na hindi nila ako sinasaktan. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang trato nila? Wala akong maisip na dahilan kung bakit hindi man lang akong itinuring na anak. Gayong dugo’t laman naman nila ako.
Impit akong naiyak. Sinikap kong tumayo upang gawin ang iniuutos ni tatay. Hindi ako nakapagsaing dahil marami akong nilabhang damit at pati kobre kama ay pinalaba sa akin. Naghanap pa ako ng panggatong na kahoy.
Sa edad kong pito noon ay kaya ko nang gawin ang maglinis ng bahay. Nasanay na rin ako sa gawaing bahay kahit nahihirapan ako. Wala naman akong magawa dahil bata lang ako at kailangang sumunod sa utos ng mga magulang ko.
Hatinggabi na ay hindi pa ako dalawin ng antok. Masakit ang buo kong katawan dahil sa mabibigat na trabaho na ginawa ko sa maghapon. Isali pa ang pambubugbog ng tatay ko sa akin. Konting pagkakamali ay sampal o bugbog agad ang aabutin ko. Pala-isipan sa akin kung bakit galit sa akin si tatay. Iniisip ko nga kung totoo kaya niya akong anak? Baka naman ampon lang ako kaya ganito ang trato nila sa akin? Pero kung titingnan kamukha ko si tatay. Nakuha ko sa kanya ang kulay abong mga mata. May pagka-mestiso si tatay dahil ayon sa narinig ko mula sa tsismis sa kapitbahay, anak daw si tatay ng amerikano. Isa raw p****k ang nanay ni tatay.
Napayukyok ako sa tuhod ko.
Iniisip kong mag-layas ako at mamuhay nang mag-isa. Kaya ko namang buhayin ang sarili ko. Maghahanap ako ng pagkakakitaan ko. O kaya mamalimos na lang ako kagaya ng mga batang nakikita ko sa simbahan.
Pinahid ko ang mga luha na pumatak sa aking pisngi. Napalingon ako sa bintana nang makarinig ng pagsitsit sa labas. Naghintay pa ako ng ilang segundo ay may sumitsit na naman. Tumayo ako at marahan binuksan ang bintana ng silid ko. Nakita ko ang kaibigan kong si Pekto kasing edad ko.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Mahinang tanong ko sa kanya.
Ayokong marinig nila Nanay at Tatay ang boses ko. Ayaw pa naman nila nang nagigising sa ingay. At ayaw din nila akong nakikipag-usap sa kahit kanino. Kahit nga sa kapitbahay namin ay pinagbawalan nila ako. Wala akong magawa kung hindi sundin ang mga magulang ko. Ano nga ba naman ako? Isang paslit na wala pang lakas upang lumaban.
“Gusto mo bang sumama sa akin diyan sa perya? Halika sama ka.” Mahinang wika rin ng kaibigan.
Umiling ako. “Baka kagalitan ako,” sagot ko naman.
“Bakit sasabihin mo ba? Saka tulog naman na sila. Mag-enjoy ka naman palagi ka na lang nasa bahay,” pilit na pag-anyaya niya sa akin. Nag-isip ako.
Sa huli ay pumayag din ako. “Sige hintayin mo ako,” nagbihis ako ng panlabas na damit. Luma na nga itong damit ko na ito. Iilan lang ang damit kong panlabas. Hindi naman kasi ako binibilhan ng damit ng mga magulang ko. Puro nga bigay ito ng mga kapitbahay namin na naawa sa akin.
Nang makapagbihis dali-dali akong lumabas. Marahan lang ang ginawa kong paglalakad upang hindi makagawa ng ingay. Nang makalabas ng bahay namin ay nabunutan ako ng tinik. Ang akala ko ay magigising ang magulang ko. Pumunta kami ng kaibigan ko sa kabilang kanto kung saan nakatayo ang peryahan. Napangiti ako nang makita ko ang iba’t ibang kulay na ilaw naka-sabit sa paligid ng perya. Maraming tao.
“O, ano hindi ba nakakatuwa na makakita ng mga rides? Libre kita. Para naman ma-experience mo ang sumakay sa mga rides,” sabi ng kaibigan. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Unang beses na maka-sasakay ako ng mga rides.
“Hindi ba nakakahiya sa iyo? Baka wala ka ng pera. Pinagpaguran mo iyan dapat ikaw ang mag-enjoy sa pinag-trabahuan mo,” sabi ko.
Sa edad na kinse ng kaibigan nagtatrabaho na itong boy sa isang babuyan at manukan sa kabilang bayan. Huminto na nga sa pag-aaral ang kaibigan kagaya ko. Hindi na rin ako pinag-aral nila Nanay at Tatay dahil wala rin naman daw mangyayari sa akin kung pag-aralin pa ako ng high school. Mabuti nga nakatapos pa ako ng elementarya.
“Ayos lang iyon,” nakangiting wika ng kaibigan. Inakbayan niya ako. Pumunta kami sa bilihan ng tiket. Sasakay kami ng ferris-wheel. Sobrang saya ang naramdaman ko nang maka-sakay. Ngayon ko lang ito naramdaman sa tanang buhay ko. Palagi lang kasi ako sa bahay at nagtatrabaho ng gawaing bahay. Hindi kasi ako pinapayagan ng magulang kong maglaro sa labas o makisalamuha sa kapwa ko bata. Kapag may klase lang ako nakapaglalaro sa piling kaibigan ko. Madalas din kasi akong tuksuhin sa eskwelahan at sinasabihan mabaho.
“’Ganda pala rito sa peryahan!” Masayang wika ko habang naglalakad kaming magkaibigan pauwi ng bahay.
“Sabi ko sa iyo masisiyahan ka, eh,” wika niya.
“Salamat sa panlilibre mo sa akin! Kaya lang hindi kita maililibre wala akong pera,” malungkot na sabi ko. Inakbayan ako ng kaibigan.
“Ano ka ba hindi naman ako nagpapabayad sa ni-libre ko sa iyo? Libre nga, ‘di ba?” Natuwa ako sa sinabi niya. Oo nga naman.
Nagpaalam na siya nang makarating kami sa bahay. Kumaway ako pamamaalam sa kaibigan. Maingat akong pumasok sa loob ng bahay at pumasok sa maliit kong silid. Nakahinga ako ng maluwag nang makapasok sa silid ko na hindi nagising ang magulang.
Humiga ako sa papag na may manipis na banig at sira-sira na. Ang gamit kong kumot ay luma na rin at ito ang kumot ko pa noong pitong taong gulang palang ako. Kaya maliit na para sa akin. Bumabaluktot na lang ako kapag natutulog. Desi sais na ako ngayon pero gamit ko pa rin. May isa akong unan na walang punda. Nangingitim na ang unan ko.
Sanay na rin naman ako sa ganitong buhay. Masyadong malupit ang tadhana sa akin. Pero umaasa akong isang araw magbabago ang buhay ko. Gusto kong tingalain ako ng mga tao na parang diyos at kinatatakutan ng lahat.