CHAPTER 4: Second Love

1530 Words
INIHATID ako ng driver ni Ma'am Damzel pauwi sa bahay namin sa Antipolo, mula dito sa Tanay Rizal kung saan ang mansion nila. Tulala pa rin ako habang biyahe at hindi pa rin nagbabago ang t***k ng puso ko. Hindi naman ako pwedeng mag-resign sa trabaho. Malaki ang naitutulong nito sa pamilya ko. Higit sa minimum ang sinusweldo ko, at ngayong stay-in ako, libre na ako sa bahay, pagkain at transportation. Buo kong makukuha ang sahod ko. Pero hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananatili sa mansion ng mga Delavega. Kahit kabuwanan na ni Ma'am Damzel ay nagtatrabaho pa rin siya. Ganyan talaga siguro ang mga mayayaman, kaya sila yumayaman. Napakasisipag nila. Siguro ay hihinto lang siya sa mismong araw ng panganganak niya. Nakakabilib siya. *** ISANG ORAS ang makalipas ay dumating din ako sa aming tahanan. Inihatid ako ni Kuya Rocco hanggang dito sa looban dahil kaya namang makapasok dito ang mga four wheels. Pag-aari ni Lola ang aming tinitirahang bahay, at siya mismo ang nagpalayas noon kay Papa simula noong mahuli naming may babae siya. Ang bunso kong kapatid mismo ang unang nakahuli niyon nang minsang pakialaman niya ang phone ni Papa. Six years old pa lang siya noon habang ako ay 14 pa lang. Nakita namin mismo doon ang mga picture no'ng babae habang kayakap si Papa. May nabasa din kaming mga sweet conversation nila. Sinundan ko noon si Papa at nakita ko ngang nagkikita sila no'ng babae niya. Isinasakay pa niya sa motorsiklo niya at inihahatid sa tinitirhan nitong apartment. Sinundan ko rin sila doon, at mula sa mga bintana ay kitang-kita ko kung paano sila maghalikan at magtalik sa loob. Mga baboy ang tingin ko sa kanila noong mga oras na 'yon, at mukha kaagad ni Mama ang pumasok sa isip ko. Ang kaawa-awa naming ina. Kinunan ko pa sila ng video at mga litrato para makakuha ako ng sapat na ebidensya. Plano ko sanang ilihim na lamang 'yon kay Lola, ngunit narinig niya ang lahat noong kastiguhin ko si Papa sa silid nila ni Mama. 76 pa lamang si Lola noon at medyo maayos pa. Sobrang galit niya na kamuntik pa niyang mapatay si Papa gamit ang itak. Inihagis niya ang lahat ng mga gamit ni Papa noon sa kalsada. Humingi siya ng tawad noon sa amin ng kapatid ko, pero hindi na namin siya pinakinggan pa. Kinasusuklaman namin siya hanggang ngayon. Hinintay muna naming makauwi noon si Mama bago namin ipinaalam sa kanya ang katotohanan. Araw-araw din akong nasasaktan habang nakikita siyang umiiyak ng tahimik sa kwarto nila ni Papa. Ginawa na lamang naming bodega ang silid na 'yon dahil na rin sa desisyon niya. Dalawang buwan ang lumipas bago siya muling bumalik sa Saudi. Habang pinanindigan naman ni Papa ang babae niya. Napakakapal ng mukha niya, nila ng babae niya. Sa kanya noon ipinapadala ni Mama ang mga sahod niya sa Saudi, na iginastos naman niya sa babae niya. Binawi din namin noon sa kanya ang naipundar na dalawang tricycle ni Mama, mula sa pinaghirapan niya sa ibang bansa. Wala naman siyang nagawa dahil ako mismo ang makakalaban niya. Ibinenta namin 'yon at ginamit sa pag-aaral naming magkapatid dahil hindi naman niya kami kayang suportahan. Ang balita ko ay nangungupahan lamang sila ngayon sa Pasig. Namamasada daw ngayon ng taxi na may boundary si Papa kahit may sakit, habang ang asawa niya ay nag-aalaga lamang ng mga anak. Napakaganda ng buhay niya noon sa amin at ng pamilya namin, pero sinira niya lang. Ngayon, magdusa siya. Huwag na huwag siyang lalapit sa amin ng kapatid ko! Pinagbuksan ako ng pinto ni Kuya Rocco. Binitbit ko na rin ang bag ko at lumabas. "Salamat po, Kuya Rocco." "Walang anuman po. Mag-text lang po kayo sa akin kung babalik na kayo sa mansion para masundo ko kayo." "Sige po. Salamat po." Yumuko na lamang ako sa harapan niya. Pumasok na rin siyang muli sa kotse. Binuksan ko ang gate ng bahay namin para maayos siyang makapagpaliko. "Ate!" Napalingon naman ako sa bunso kong kapatid na si Merry Joy. Kaagad siyang tumakbo palapit sa akin at yumakap mula sa tagiliran ko. Niyakap ko rin siya ng mahigpit. "Na-miss kita, ate ko! Isang linggo ka ring nawala!" "Pang-anim na araw pa lang ngayon, no," sagot ko naman. "Ganun na rin 'yon!" Napangiti naman ako. "Kumusta? Kumain na ba kayo ni Lola?" Tumingin ako sa suot kong relo at saktong alas dose na pala ngayon ng tanghali. Tuluyan na ring nailiko ni Kuya Rocco ang kotse at sumibad na rin paalis. Tinulungan ako ni Joy na maisarang muli ang gate. "Kakain pa lang, ate. Sakto ang pagdating mo!" "Medyo busog pa ako. Kumain na muna ako sa mansion bago umuwi." "Ganun ba? Okay lang, ate! May pasalubong ka ba?" Muli siyang lumapit sa akin. "Ako na ang magdadala ng bag mo." Inagaw kaagad niya sa akin ang bag ko. "Pasensiya na, wala akong nabili. Mamasyal na lang tayo bukas pagkatapos nating magsimba." "Yown! Gagala na naman si Lola!" Natawa naman ako sa inakto niya. Pumasok na rin kami sa loob ng bahay. Naaktuhan naman namin sa sala si Lola na nanonood ng tv. Kaagad akong lumapit sa kanya. "Hello, Lola!" Nagmano ako sa kamay niya at humalik sa pisngi. Kunot-noo naman siyang tumitig sa akin. Naniningkit ang kanyang mga matang malalabo na. "Sino ka ba?" Napangiwi naman ako sa tanong niya. "Bakit kasi hindi niyo na naman suot ang reading glasses niyo?" Nakita ko naman itong nakapatong lang sa lamesita. "Pinasuot ko 'yan sa kanya kanina, ate, pero hinubad na naman niya," sagot naman ni Joy habang ibinababa sa sofa ang bag ko. "Ano'ng pangalan mo? Bakit ka nandito?" muling tanong ni Lola. Bukod sa malabo na ang mga mata niya, mahina na rin ang pandinig niya. Kinuha ko ang reading glasses mula sa lamesita at isinuot sa mga mata niya. "Huwag niyo po kasi itong tatanggalin sa mga mata niyo." "Ayoko niyan! Sagabal lang 'yan!" Kaagad din naman niya itong inalis. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim. "Ipaalala mo nga sa akin bukas, palalagyan natin ng tali 'yang reading glasses niya," turan ko kay Joy. "Sige, ate. Maghahanda lang ako ng pagkain para makakain na rin si Lola." "Sige. Mamaya na lang ako. Busog pa talaga ako." "Sige, ate. Magpahinga ka lang muna." Nagtungo na rin siya sa kusina. Naupo naman ako sa tabi ni Lola. Niyakap ko ang braso niya. "Lola, si Ces po ito. Paano niyo ako makikilala kung ayaw niyong isuot ang reading glasses niyo? Alam niyo namang malabo na ang mga mata niyo." Nilakasan ko ang boses ko upang marinig niya. "Bakit ngayon ka lang umuwi? Nag-asawa ka na ba?" malakas din niyang tanong. Nakatutok ng muli ang mga mata niya sa television. "Sinabi ko na po sa inyo, 'di ba? Magtatrabaho po ako at medyo malayo po 'yon at wala ring pampasaherong sasakyan do'n, kaya kailangan kong mag-stay-in sa amo ko." "Baka hindi ka na masaya sa trabaho mo, itigil mo na 'yan." Natawa naman akong bigla sa sinabi niya. Ang ibig sabihin lang ay nag-aalala siya sa akin. "Masaya naman po ako sa trabaho ko, Lola. At saka mababait naman po ang mga amo ko." "Kasalanan ng ama mo 'yan kung bakit sa malayo ka nagtatrabaho! Wala siyang kwentang ama!" bigla na lamang niyang sigaw. "Dapat ay siya ang nagtatrabaho para sa inyo!" Hinagod-hagod ko ang likod niya. "Lola, nakalimutan niyo na po ba? Graduate na po ako sa college kaya pagtatrabaho naman ang gagawin ko ngayon. Nandito man si Papa o wala, magtatrabaho pa rin po ako." Lumabas na mula sa kusina si Joy at kaagad na nilapitan si Lola. "Halika na po, Lola! Handa na po ang pagkain niyo." "Nag-aaral pa ang kapatid mo at nagtatrabaho ang Mama niyo sa malayo! Kung nandito siya at inayos ang buhay niya, hindi na kayo aalis pa!" Napabuntong-hininga ako ng malali. "Kumain na po muna kayo, Lola. Alas dose na po. Halika na po." Inalalayan ko na rin siyang makatayo. "Tawagan niyo 'yang Mama niyo. Sabihin niyo, umuwi na siya!" "Opo." "Ako na ang bahala sa kanya, ate. Magpahinga ka na lang muna." Inagaw naman na siya sa akin ni Joy at dinala na sa kusina. Napahinga na lamang akong muli ng malalim. Hindi pa rin talaga makalimutan ni Lola ang mga ginawa ni Papa sa amin kahit nag-uulyanin na siya. Isa 'yan sa mga paulit-ulit niyang sinasabi sa amin. Noong una ay naririndi na kami. Di kalaunan ay nasanay na lang. Ganyan daw talaga kapag tumatanda na. Limitado na lamang daw ang mga naaalala. Madalas na rin siyang mag-asal bata, at maraming tao na rin ang hindi niya nakikilala lalo na 'yong mga matatagal na niyang hindi nakikita. Ngunit... isa pa sa mga hindi niya makakalimutan alaala niya ay tungkol naman sa lalaking inibig niya daw noon, na dating nagtatrabaho sa bar. Pangalawang lalaki daw 'yon na inibig niya. 'Yon nga lang, pinagtagpo daw sila sa magkaibang panahon. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin do'n. Di kaya ... sobrang tanda na no'ng lalaking inibig niya kumpara sa kanya na bata pa? ... O baka naman ... sobrang bata pa sa kanya... Alin kaya sa dalawang 'yon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD