NAPATITIG na lamang ako sa mga pinamili kong toiletries na hindi ko pa gamay gamitin dahil ngayon pa lamang ako nagkaroon ng mga ganito. Ngayon pa lamang din ako susubok gumamit, at hindi ko alam kung bakit naisipan ko.
Tsk. Isinilid ko na lamang ang mga ito sa bag ko para hindi ko makalimutan. Nakauwi na kami ng bahay at inaayos na ngayon ni Joy sa kusina ang mga pinamili namin.
Bumaba na rin ako at tumulong sa kanya. Wala pa si Lola at siguradong gabi na naman siya matatapos sa pagma-mahjong. Pero kapag oras na ng pagkain ay hindi pwedeng hindi siya uuwi dahil kailangan niyang uminom ng gamot. Ipinapasa naman niya sa iba ang pwesto niya.
***
KINABUKASAN ay maaga kaming sumimba sa Antipolo Cathedral, kasama si Lola. Nag-taxi na lamang kami. Linggo-linggo ay hindi kami nagmimintis sa pagsisimba dahil madasalin din naman si Lola kahit mabisyo.
Pagkatapos ay niyaya namin siyang mamasyal sa mall.
"Ano? Bakit isasama niyo pa ako? Kayo na lang dalawa ang mamasyal. Alam niyo namang masasakit na ang mga tuhod ko. Hindi ko na kayang maglakad ng matagal," reklamo naman niya kaagad.
"Ang sabihin niyo po, magma-mahjong lang kayo," sagot naman ni Joy sa kanya.
"Eh, ano'ng gusto mong gawin ko? Doon ay hindi sasakit ang tuhod ko. Nakaupo lang naman ako."
"Minsan lang naman tayo mamasyal, Lola," turan ko rin sa kanya.
"Hindi ko na nga kaya, at saka tapos na ako sa mga ganyan. Kabisado ko na ang buong Pilipinas. Kayo na lamang dalawa ang umalis. Isakay niyo na lamang ako sa taxi. Kaya kong umuwing mag-isa."
Nagkatinginan na lamang kami ni Joy at napakamot sa ulo. Mahirap talagang isama si Lola sa mga ganitong pasyalan. Bihira siya mapapayag.
"Hindi naman ganun 'yon, Lola. Yong bonding moments ba natin, nami-miss ko 'yon," sagot ko naman sa kanya.
"Mabuti pa 'yong mga kumare niyo, sila na lang palagi ang gusto niyong ka-bonding," nakabusangot naman sabi ni Joy.
"Hindi naman na ako makakasabay pa sa inyo! Marami kayong gustong gawin na hindi na ako pwede. Sumakay kayo sa mga rides! Mag- Star city kayo. Pumunta kayo sa Manila Zoo o sa Ocean Park. Doon kayo nababagay na mamasyal, hindi sa mall. At hindi na rin ako pwede sa lahat ng 'yan, sawa na ako dyan. Magkikita pa naman tayo sa bahay mamaya. Hala, lumakad na kayo," pagtataboy na niya sa amin.
"Eh, bakit na-in love pa kayo sa mas bata sa inyo kung matanda na kayo? Tingin niyo bagay din kayo do'n?" sagot naman sa kanya ni Joy na siyang ikinanganga ko.
"Bata?" kunot-noo kong tanong sa kanya.
Lumingon naman sa kanya si Lola at tumitig. "Iba naman ang sinasabi mong bata ka! Walang matanda o bata sa pusong nagmamahal! Ang mga tao ay maaaring magtagpo at magkaintindihan kahit na magkaiba ang edad, basta't may respeto, tiwala, at tunay na pagmamahal!"
"Ah, ganun po pala 'yon," nakangusong pagsang-ayon naman ng kapatid ko.
"Naalala ko noong nagkakasama pa kami. Malinaw na malinaw pa sa isipan ko ang napakagwapo niyang mukha, kung paano siya tumingin at ngumiti."
Napakamot akong muli sa batok dahil hayan na naman siya sa mga kwento niya. Kung bakit naman kasi pinaalala pa nitong si Joy, eh.
"Ibang-iba ang t***k ng puso ko sa kanya kumpara noon sa lolo niyo. Hanggang ngayon ay ganun pa rin; hinding-hindi pa rin nagbabago."
"Ang ibig niyo bang sabihin, Lola, hindi niyo talaga minahal ng totoo si Lolo?" tanong naman ni Joy sa kanya.
"Minahal ko din naman ang Lolo niyo. Ibang-iba nga lang pagdating kay knight ko. Siya ang liwanag sa mga gabi ko."
Nagkatinginan kaming muli ni Joy at parehong napangiwi.
"Nasaan na po ba ngayon 'yang knight in shining armor niyo?" tanong ko sa kanya.
Bigla namang lumungkot ang anyo niya. "Hindi ko na alam kung nasaan siya ngayon. Balita ko ay may pamilya na siya."
"Eh, di hindi kayo ang love niya. Hindi nga kayo nagkatuluyan," bulong naman ni Joy.
"Oh, sige na, Lola. Tama na po 'yan. Ihahatid na lang namin kayo sa bahay kung talagang ayaw niyo." Inakbayan ko na siya at nagpatuloy na kami sa paglalakad patungo sa highway. Baka lalo pa siyang malungkot kung aalalahanin na naman niya ang 2nd love niyang 'yan na may asawa na pala.
Pumara kami ng taxi at inihatid na nga lang muna namin si Lola sa bahay. Pero kaagad din itong nagtungo sa mga amiga niya para magsugal. Haayst, si Lola talaga.
Tumuloy na nga lang kami ni Joy sa pamamasyal na kaming dalawa lang. Sa mall pa rin kami nagpunta dahil may mga kailangan daw siyang bilhin sa National bookstore. Pumasok din kami sa department store, ladies wear para bumili ng bago niyang medyas at kung ano-ano pa.
Naisipan ko namang mamili ng mga bagong under wear.
"Mahilig ka na pala ngayon sa mga lace, ate?" Bigla namang dinampot ni Joy mula sa shopping cart namin ang isang set ng undies ko na color red at may mga lace. "Parang lingerie na 'to, di ba?"
Kaagad ko itong inagaw sa kanya at muling ibinalik sa cart. "Hindi 'yan lingerie. Ang cute lang kasi."
"Parang lingerie, eh."
"Tumahimik ka na nga. Kumuha ka na rin ng bagong underwear mo. Baka butas-butas na 'yong sa iyo." Tinalikuran ko na siyang muli at muling nagtingin-tingin ng iba pang underwear.
"Bago pa naman 'yon, ate. Pajama na lang ang bibilhin ko."
"Okay."
Bumili rin ako ng bagong nightgown. Ewan ko ba kung bakit 'yong maigsi at seksi naman ang kinuha ko. Napapakagat-labi ako sa kakaibang kabog ng dibdib ko ngayon. Sunday na at bukas ay babalik na akong muli sa mansion ng mga Delavega.
Matapos naming mamili ay kumain na muna kami sa Jollibee bago umuwi.
Kinagabihan ay nakipag- video call kaming muli kay mama. Araw-araw naman talaga namin siyang nakakausap kapag hindi na siya busy sa trabaho at kapag wala ang kanyang mga amo, para hindi siya malungkot doon. Medyo masungit ang mga amo niya at istrikto, pero ayos naman daw siya doon. Pinasasahod siya ng tama, nakakakain at nakakapagpahinga ng sapat.
Pero ang gusto ko talaga ay dito na lamang siya sa Pilipinas, kasama namin.
***
KINABUKASAN, wala pang seven ng umaga ay dumating na kaagad si Kuya Rocco upang sunduin ako. Patong-patong na bilin na naman ang iniwan ko kay Joy. Masunurin naman ang kapatid kong 'yan kaya hindi ako nag-aalala.
Nagpaalam na rin muna ako kay lola. "Lola, aalis na po ulit ako. Sa Friday ng hapon or Saturday ng umaga na po ulit ako babalik."
"Sa asawa mo?"
"Lola, wala pa po akong asawa. Wala ngang boyfriend, asawa pa kaya."
"Hindi daw mag-aasawa si ate, lola. Mag-a-anak lang siya," sagot naman ni Joy.
"Oh, siya, siya, mag-iingat ka kung saan man 'yan. Umuwi ka kaagad mamaya!" turan ni Lola.
Napakamot ako sa ulo. Hindi na naman niya naintindihan o baka hindi niya ulit narinig 'yong iba kong sinabi.
"Tama na po ang kasusugal niyo, Lola. Kaya kayo nabibingi, eh." Nagmano ako sa kamay niya at tumalikod na rin.
Hinatid naman ako ni Joy hanggang sa kotse. "Ingat, ate!"
"Kayo din dito." Humalik kami sa pisngi ng isa't isa.
Pumasok na rin ako sa loob. Naririto na rin ang bag ko. Muli nang isinara ni Kuya Rocco ang pinto at nagtungo naman siya sa driver's seat. Kumaway na lamang kami ni Joy sa isa't isa sa bintana habang papaalis kami.
Kahit dyan lang naman ako sa malapit ay nalulungkot pa rin ako na hindi sila makita sa loob ng limang araw. Pwede naman sana akong mag-uwian kung mayroon lang pampasaherong sasakyan doon pauwi dito. May mga motorcycle taxi services naman pero may kamahalan ang pamasahe at balikan pa yon.
Nakakahiya naman kung araw-araw akong magpapahatid-sundo kay Kuya Rocco. Gagastusan pa nila ako sa gasolina, kaya huwag na lang. Tiis na lang muna dahil ngayon lang naman 'to. Once nakapanganak na si Ma'am Damzel, babalik na kaming muli sa opisina.
HABANG dumadaan ang oras at papalapit kami sa lugar ng mga Delavega, papalakas din nang papalakas ang kabog ng dibdib ko.
Sana pagdating namin doon ay nakaalis na silang lahat. Monday ngayon kaya may mga pasok na silang muli sa trabaho at school. Pero ang mga estudyante ay mamaya pang tanghali ang schedule ng mga klase kaya malamang ay magpapang-abot pa kami sa mansion.
Haayst. Nagwawala na naman ang dibdib ko ngayon. Sino ba kasi ang lalaking 'yon? Hindi kaya isa sa mga gwardiya? s**t. Huwag naman sana.
Pero paano naman sila makakapasok doon? Nakakandado ang silid ko at si Ma'am Liezel ang may hawak ng mga duplicate ng mga susi sa buong bahay na 'yon. Kaya imposibleng makuha 'yon ng mga guard. At saka, naalala ko, may mga CCTV sa buong mansion na 'yon. Siguradong makikita doon kung sino ang pumasok sa silid ko. Kaya lang ay hindi ko alam kung nasaan ang mga monitor ng mga 'yon.
Hindi ko naman pwedeng itanong sa kahit kanino sa kanila, baka kung anong isipin nila sa akin. Tsk.
Hay, bahala na nga. Kayo na po, Lord, ang bahala sa akin.
***
ISANG ORAS ang nakalipas ay tuluyan na rin kaming nakarating ng mansion. Pumasok ang sasakyan namin sa loob ng bakuran at dinala ito ni Kuya Rocco sa tapat ng front door ng mansion.
Nagkalat ang mga guard sa buong paligid. Lord, sana wala po sa kanila.
Ipinagbukas ako ng pinto ng isa sa kanila. Parang magigiba na ang dibdib ko sa mga sandaling ito at nag-aalinlangan pa akong bumaba. Nag-sign of the cross na muna ako bago ko binuhat ang bag ko at napilitan na ring lumabas.
"Good morning, Ms. Ces," bati sa akin ng guard na nagbukas ng pinto kasabay nang pagyuko niya sa harapan ko. Hindi ko pa alam ang pangalan niya.
"G-Good morning po." Hindi ko na lamang siya tiningnan o kahit sino sa kanila.
Sa mga tingin nila sa akin, bakit pakiramdam ko ay nahuhubaran ako. Bwisit. Tuloy-tuloy na akong nagtungo sa front door ng mansion. Maging ang mga tuhod ko ay nangangatog na rin.
Napalingon akong bigla sa kinaroroonan ng malawak nilang garahe. Marami pang mga sasakyan doon, pero mayroon na ring wala. Malamang ay nakaalis na ang iba. Sana nga.
Muli na akong nagpatuloy sa pagpasok sa pinto, "Ay! Kalabaw!" Ngunit bigla akong bumangga sa dibdib ng isang lalaking nakasalubong ko. Napahawak din ako sa damit niya nang kamuntik na akong matumba!
"Shit."
Nadinig ko ang pagmumura niya kaya napabitaw kaagad ako sa kanya. Tumingala ako at doon ko nakilala ang isa sa mga kambal. May hikaw ito sa kaliwang tainga.
"S-Sir Dame Lei, p-pasensiya na po. H-Hindi ko po kaagad kayo nakita. M-Magandang umaga din po." Kaagad akong yumuko sa harapan niya. Pulang-pula ang mukha ko sa labis na hiya.
"May maganda pa ba sa umaga ko?"
"P-Po?" Muli akong napatingala sa kanya. Napaka-arogante naman ng sagot niya.
"Ang liit mo na nga, aanga-anga ka pa."
Huh? A-Ano'ng sinabi niya? Maliit at a-anga-anga? Aba't-- "P-Pasensiya na po talaga. Sorry po." Amo ko siya kaya mas mabuting humingi na lang din ng paumanhin. Muli akong yumuko.
"You ruined my shirt. Do you think I can still go to work dressed like this?"
Napatitig naman ako sa white dress shirt niyang may kaunting gusot na nga dahil sa pagkakahawak ko kanina. "Umm, p-papalitan ko na lang po, Sir. Kukuha po ako sa closet niyo. Sandali lang po."
Mabilis ko siyang nilampasan at tumakbo patungo sa hagdan. Nagmadali din ako sa pag-akyat.
"Hey, Ces! You’re here! Good morning, baby!"
Napalingon ako sandali kay Sir Zean sa baba at kalalabas lamang ng kusina. "Good morning din po!" Tuloy-tuloy ako sa pag-akyat ng hagdan hanggang sa tuluyan na akong makarating sa second floor.
Agad ko ring tinungo ang silid ni Sir Dame Lei. Katabi lamang ito ng silid ko. Ipinasok ko muna sa loob ng silid ko ang bag ko bago ako nagtungo sa silid niya.
Pumasok ako sa loob ng closet at naghanap ng katulad ng dress shirt niyang suot ngayon. Marami niyon dito na lahat ay naka-hanger at plantsado na.
Kumuha ako ng isa at muling tumakbo palabas, ngunit bigla akong napahinto nang sumalubong siyang bigla sa akin sa pinto na ngayo'y half naked na at nakabalandra na sa harapan ko ang yummylicious niyang katawan.
"S-Sir, h-heto na po."
Hindi siya sumagot. Napalunok na lamang ako sa taimtim niyang pagtitig sa akin. Mukhang galit na galit siya sa akin ngayon. Napakalalim niyang tumingin.
Lagot na.