CHAPTER 7: Gaining his trust.

2336 Words
"L-Lalabhan ko na lang po 'yong nagusot niyong damit... a-at paplantsahin na rin." Humakbang siya papasok dito sa loob at papalapit sa akin. Ibinuka niya ang mga braso niya sa harapan ko. Nangunot naman ang noo ko habang nakatitig sa kanya. "What are you waiting for? I'm gonna be late for work!" sigaw niyang bigla, na siyang ikinataranta ko. "O-Opo, heto na po." Kaagad ko namang inalis sa hanger ang dress shirt niya at isa-isang isinuot sa mga braso niya ang mga manggas nito. Umikot ako sa likuran niya at muli ring humarap. Hindi kumikilos ang mga braso niya para ibutones ito, kaya mukhang ako pa rin ang gagawa niyon. "Hurry," utos niyang muli sa akin. "Opo." Isa-isa ko na ngang ibinutones ito. Kung bakit naman kasi bigla na lamang siyang sumulpot sa harapan ko kanina. Nagulat tuloy ako at sumubsob sa kanya. Hindi niya naman ako hinawakan kanina. Siguradong hindi siya ang lalaking pumasok sa silid ko noong gabing 'yon dahil obvious naman na suklam na suklam siya sa akin. Napakasungit niya at arogante. Umabot na ang mga kamay ko sa mga butones sa dibdib niya. Nalalanghap ko ang bango niya. Mamahaling cologne ang gamit niya, at wala akong naamoy na ganyan sa lalaking 'yon noong gabing 'yon. Mabango, na parang fresh lang na bagong ligo ang lalaking 'yon. Parang ganun. Wala sa sarili akong tumingala sa kanya dahil ramdam kong parang nakatitig siya sa akin. Hanggang sa magtama nga ang aming mga mata. Ngunit bigla niyang tinabig ang kamay ko at umalis sa harapan ko. Siya na ang nagpatuloy sa pagbubutones ng damit niya sa leeg. "Give me a necktie," malamig niyang utos sa akin nang hindi ako nililingon. "O-Opo." Nagtungo ako sa mga drawer at hinanap doon ang kinalalagyan ng mga necktie niya. Nakita ko rin naman ito kaagad, ngunit may iba't ibang klase ito ng kulay at design. Muli ko siyang nilingon. "S-Sir, ano pong design at colour?" "Ano sa tingin mo?" inis naman niyang sagot. Hayst. Pwede namang sabihin na lang niya. Manghuhula ba ako? Malay ko ba sa mga gusto niya! Lihim akong huminga ng malalim. Naalala ko namang bigla 'yong suot niyang coat kanina. Navy blue iyon. Tama! Dapat ay bagay din sa kulay ng coat niya ang necktie niya. Kaagad kong kinuha ang isang navy blue na naririto at muling humarap sa kanya. "Heto po, Sir!" Hindi siya sumagot at nanatili lamang nakatitig sa akin. Lumapit na lamang akong muli sa kanya. Silence means yes. 'Yan siguro ang ibig niyang sabihin. Isinuot ko ito sa leeg niya. Hindi naman siya nagreklamo kaya mukhang okay na nga ito. Kaagad kong inayos ang pagkakabuhol nito sa leeg niya. Ramdam ko na naman ang pagtitig niya sa akin, at nang tumingala ako sa kanya ay kaagad din siyang bumaling sa ibang direksyon. "Sa susunod, ayusin mo ang paglalakad mo," aniya kasabay nang pagtabig niyang muli sa kamay ko. "O-Opo, pasensiya na po ulit. Hindi na po mauulit." Tumalikod na siya at nagmadaling lumabas ng closet. Sumunod na rin ako sa kanya. Mabilis kong dinampot ang pinaghubaran niyang damit na nakasampay na sa gilid ng kama niya. Siya naman ay tuluyan na ring lumabas ng silid. Muli akong huminga ng malalim. Bakit ba ganyan siya sa akin? 'Yong iba naman niyang kapatid ay hindi. Kunsabagay, ganyan din kung minsan si Sir Damiel. Pero mas malala siya. Naalala kong bigla 'yong mga sinabi sa akin nila ate Marilou at ate Rinalyn sa kusina bago ako umuwi sa amin noong Saturday. Kapag daw hindi nila gusto ang isang kasambahay, gumagawa sila ng paraan para mapalayas sa mansion. Naku, hindi kaya ayaw niya talaga sa akin at gusto niya akong palayasin dito? Baka isumbong niya ako sa parents nila na gumagawa ng hindi maganda dito. Huwag naman sana. Kailangan ko talaga ang trabahong 'to. Kaya nga kahit hindi ko trabaho ay ginagawa ko pa rin para makita nila ang dedikasyon ko at kasipagan ko, para hindi sila magsisi sa pagtanggap nila sa akin sa tahanan nilang 'to. Hay naman. Paano ko kaya mapapalambot ang puso nitong si Sir Dame Lei? Kailangan kong gumawa ng paraan para makuha ang loob niya at hindi ako mapalayas dito. Pwede ko sigurong linisin itong kwarto niya kahit wala namang gaanong lilinisin at aayusin. Sumilip ako sa aking relo. Shet! 8:10 na pala! Baka hinahanap na ako ni Ma'am Damzel! Mamaya na lang ako mag-iisip ng paraan para kay Sir Dame Lei. Kailangan ko munang magtrabaho ngayon kay Ma'am Damzel. Lumabas na rin ako ng silid bitbit ang dress shirt at necktie. Hindi ko na nakita pa si Sir Dame Lei sa hallway. Isinara ko ang pinto ng silid niya at nagtungo na muna sa study room kung saan kami nagtatrabaho ni Ma'am Damzel. Kumatok muna ako bago binuksan ang pinto. Sumilip ako sa loob, ngunit wala siya sa lahat ng sulok nito. Malinis pa rin ang mesa. Baka nag-aasikaso pa siya kay Sir Tyrone sa kwarto nila. Napatitig ako sa damit ni Sir Dame Lei. Mamayang tanghali ko na kaya ito labhan, sa noon break. Tama, hindi pa naman niya ito maisusuot. Minabuti ko na lang muna itong dalhin sa kwarto ko. Pagpasok ko sa loob ay iniladlad ko ito sa harapan ko at inamoy-amoy. Napakabango nito at napakalinis pa. Nadagdagan lang ang gusot dahil hinubad na niya. Pero hindi pupwedeng paplanstahin lang ito dahil malalaman niyang hindi nilabhan dahil sa amoy. Pero hindi pa naman talaga ito madumi at baka ilang minuto pa lang niyang naisusuot. Kaya lang, silang mayayaman ay masyadong maaarte, lalo na itong mga anak na lalaki ni Ma'am Liezel. Hindi sila nag-uulit nang pagsusuot ng damit. 'Di katulad naming mga dukha, na kahit tatlong oras o kalahating araw nang naisuot, basta malinis pa at mabango pa, pwede pa ulit isuot sa susunod na araw. Mahirap kasi ang maglaba. Ini-hanger ko na lamang muna itong muli at isinampay sa closet ko. Isinabit ko rin dito ang necktie. Mamaya ko na lang talaga 'yan lalabhan. Dinampot ko ang tumbler ko mula sa paanan ng kama sa gilid ng bedside table at ibinulsa ang phone ko. Lumabas akong muli ng silid at bumaba sa first-floor para kumuha ng tubig sa kusina. Nagbabaon ako ng tubig sa study room para may inumin ako sa tuwing nauuhaw ako habang nagtatrabaho. Nakasalubong ko namang bigla si Sir Zean Daxton sa hagdan, na may napakatamis na ngiti habang nakatitig sa akin. "How have you been? I heard you went home. I missed you for two days." Napalunok akong bigla. Naalala kong hindi ko pala siya nakaharap noong Saturday morning dahil nakita ko siyang patungo noon sa likod-bahay. Hindi kaya siya ang pumasok sa silid ko noong gabing 'yon? Siya ang pinakabunso sa magkakapatid at first year college student pa lamang siya ngayon; eighteen years old pero kasing tangkad na rin ng mga nakatatanda niyang kapatid, at napakaganda na rin ng katawan dahil may sarili silang gym sa mansion nilang ito. Isa ang lugar na 'yon sa mga bonding moments nilang magkakapatid, bukod ang golf course. "Ano'ng pasalubong?" nakangiti niyang tanong sa akin. "Eh, w-wala po, eh. Wala po akong nabili." Binigyan ko naman siya ng alanganing ngiti. Nagtungo ako sa kaliwang bahagi nitong hagdan upang makaiwas sa kanya dahil sa sobrang lapit niya sa akin. "Saan ba kayo sa Antipolo? Isinama mo sana ako." "N-Naku, maingay po sa lugar namin. Nakakahiya po sa inyo." "May mas iingay pa ba sa mga classmate ko?" Natawa naman akong muli. "Pupunta lang po muna ako sa kusina, Sir. Kukuha lang po ako ng tubig. Hinahanap na rin po ako ni Ma'am Damzel. Magandang umaga po sa inyo." Nagpatuloy na ako sa paghakbang pababa. "Bakit Sir pa rin ang tawag mo sa akin? Gusto mo ba tawagin din kitang Ma'am? Napakapormal mo. Po ka pa ng po. Ang bata-bata ko pa nga." Napalingon akong muli sa kanya at nakita ko ang pagnguso niya. Mas lalo pa akong natawa. "Pasensiya na. Iiwan na muna kita. Kukuha lang ako ng tubig." "That’s right; ganun dapat. Have breakfast first before start working." "Kumain na ako sa amin bago nagtungo dito. Bababa na ako." "Okay. Be careful on the stairs, Didi." Napanganga naman akong bigla sa tinawag niya sa akin, at kamuntik pang malaglag sa hagdan! Huh? Napalingon akong muli sa kanya. Ano'ng tinawag niya sa akin? Didi? Kumindat naman siya sa akin at nagpatuloy na rin sa pag-akyat sa itaas. Hindi na niya ako nilingon pa. Tama ba 'yong narinig ko o nagkamali lang ako. Didi? Eh, wala nga ako no'n. Nayakap kong bigla ang dibdib ko. Di kaya siya ang lalaking 'yon na pumasok sa room ko noong gabing 'yon? Hay, naku naman! Napakabata pa niya kung siya 'yon. Hinding-hindi ako papatol sa kanya. Hindi ako si Lola! Sumasakit na ang ulo ko! Nagpatuloy na ako sa pagbaba at nagtungo sa kusina. Gulong-gulo pa rin ang isip ko hanggang ngayon. Mabuti na lang at mukhang wala na dito ngayon ang ibang mga lalaki. Siguradong nasa trabaho na sila ngayon. *** NAG-FOCUS na muna ako sa pagtatrabaho buong maghapon dito rin sa study room. Tig-isa kami ng table ni Ma'am Damzel. Monday kaya nakatanggap pa rin ako ng maraming tawag at email. Inayos ko rin ang schedule ng appointments at meetings na dadaluhan namin sa mga susunod na araw. Paano naman kaya siya makakadalo kung napakalaki na ng tiyan niya? Dumating din kanina ang messenger namin mula sa opisina para sa mga documents na kailangang pirmahan ni Ma'am Damzel. Dahil sa sobrang abala namin ay pansamantala ko munang nakalimutan ang mga gumugulo sa isip ko. Pero kaninang tanghali ay hindi ko kinalimutan ang paglalaba sa damit ni Sir Dame Lei. Pinlantsa ko rin 'yon kaagad at dinala sa closet niya. Naglinis na rin ako doon pati na rin sa banyo niya at pinakintab ang lahat ng kailangang pakintabin. Siguradong matutuwa na siya sa akin ngayon at hindi na niya ako paaalisin pa sa mansion nilang 'to! ALAS SINGKO ng hapon nang matapos kami sa pagtatrabaho ni Ma'am Damzel. Tumulong ako sa mga kasambahay sa kusina sa paghahanda ng dinner, pero wala ngayon dito si Ma'am Liezel. Sinundo daw ito kanina ni Sir Damien. Mukhang magdi-date silang mag-asawa. Tumutulong kasi palagi si Ma'am Liezel sa paghahanda ng pagkain ng pamilya niya kahit marami namang kasambahay. "Ate Malou, may tanong po ako," bulong ko kay Ate Marilou habang pinupunasan ang mga plato na ilalabas mamaya sa dining table. "Ano 'yon?" "Sa tingin niyo po, anong makakapagpalambot sa puso ni Sir Dame Lei?" Napalingon siyang bigla sa akin na may nangungunot ng noo. "Ha? Bakit mo naman naitanong?" "Wala pong ibang ibig sabihin 'yon, Ate, ha. Kasi ... sa magkakapatid ay siya lang ang masungit sa akin at arogante. Pero huwag niyo pong sasabihin kila Ma'am at Sir. Baka pagalitan nila ang anak nila at mas lalo pang magalit sa akin si Sir Dame Lei. Si Sir Damiel naman, okay naman po siya kahit hindi ako pinapansin. Tulala kasi lagi 'yon. Parang wala lagi sa sarili." Ngumiti naman siya at muling ipinagpatuloy ang pagtitimpla sa niluluto niya. "Sinusungitan ka pala ni Dame Lei. Eh, mabait naman ang batang 'yon. Baka naman stress lang sa trabaho. Pagpasensiyahan mo na, magiging okay din 'yon." "Eh, 'di ba magkasama po sila sa trabaho ng kambal niya? Mabait naman po si Sir Dauvit sa akin... Natatakot lang po kasi ako, na baka hindi niya ako gusto dito sa mansion at gawan niya rin ako ng kalokohan para mapalayas dito. Naalala ko po kasi 'yong mga sinabi niyo sa akin tungkol sa kanila." "Mga bata pa sila noon. Nagbago na sila." "Eh, paano nga po kung bumalik 'yon sa kanya ngayon dahil ayaw niya sa akin?" "Hmm..." Hindi kaagad siya sumagot at mukhang napapaisip din. "Asikasuhin mo na lang siguro at gawin ang mga inuutos niya. Kapag nakita ka niyang maayos naman magtrabaho at masipag ka, magugustuhan ka rin niya... Pero kung sobra-sobra naman ang inuutos niya at wala na sa lugar, isusumbong na natin kila Sir at Ma'am. Huwag kang matakot." Ngumiti na lamang ako at hindi na sumagot. Napahinga na lamang ako ng malalim at ipinagpatuloy ang ginagawa ko. Alas sais ng gabi nang umakyat na muna ako sa second floor. Wala naman nang gaanong gagawin sa kusina. Maya-maya lang ay darating na sila. Gabi na rin umuuwi sila Sir Dalton at Zean mula sa school. Ininspeksyon kong muli ang silid ni Sir Dame Lei. Baka kasi may nakaligtaan pa akong ayusin at linisin, pero maayos naman na ang lahat. Pati na rin ang mga toy collection niya na Star Wars. Di ko kilala ang mga characters pero marami sila at malalaki. Mukhang mamahalin din sila. Tsk. Di ko naman afford bumili ng mga ganyan para matuwa siya sa akin. Di rin ako mahilig sa mga ganyan. Huminga ako ng malalim at minabuting lumabas na ng silid niya. Ngunit ganun na lamang ang gulat ko nang makasalubong ko siya sa pinto. "S-Sir, n-nandyan na po pala kayo." Lumakas bigla ang kabog ng dibdib ko. Mukhang nagulat din siya nang makita ako. Nagsalubong kaagad ang mga kilay niya. "Ano'ng ginagawa mo sa silid ko?" tila may pagdududa niyang tanong. "M-Magandang gabi po, Sir." Kaagad akong yumuko sa harapan niya. "N-Naglinis lang po ako sa room niyo. Lahat po nilinis ko. Pinakintab ko lahat, pati sahig at mga cabinet. Pati mga damit niyo, inayos ko rin. Tingnan niyo po." Kaagad ko siyang binigyan ng daan para makapasok sa loob ng silid niya. Hindi naman siya sumagot. Masama pa rin ang tingin niya sa akin habang pumapasok sa loob. Pinagmasdan din niya ang buong paligid ng silid niya. "Pinalitan ko na rin po ang kobre kama, kumot at mga punda ng unan ng kama niyo--" Napahinto ako sa pagsasalita nang bigla na lamang niyang isara ng pabagsak ang pinto at naiwan akong nakanganga dito sa labas. Kamuntik pang tumama ang mukha ko! Anak ka ng tinolang manok. Di man lang nagpasalamat? Napagod kaya ako. Di naman ako hihingi ng sahod mula sa kanya! Napakabastos naman niya! Ayst!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD