By Michael Juha
getmybox@h*********m
-----
“Uhummmmmmmpphhhh!!!!” ang ingay na lumabas sa bibig ko gawa nang pagdiin ng bibig niya rito.
Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay halos hindi na ako nakapalag pa. Sinipsip niya ang aking mga labi at tinangkang ipasok ang kanyang dila sa loob ng aking bibig.
Tumiwalag ako sa kanyang paghalik. Binitiwan niya ako.
Sa totoo lang, nawindang ako sa ginawa niyang iyon. Pakiramdam ko ay ang dalawang itim sa gitna ng aking mga mata ay nagtagpo at nakakita ako ng maraming bituin.
“P-para saan iyon?” ang tanong ko, habol-habol pa ang aking paghinga.
“Ang alin?” ang pa-inosente niyang sagot.
“Ang halik mo?”
Ngunit imbes na sagutin ako, tanong din ang isinagot niya na tila nang-iinis. “Bakit, nagustuhan mo?”
Kaya sa inis ko, ang naisagot ko ay, “Bakla ka ba?”
“Hindi ako bakla. At hindi ko maituturig na halik ang ginawa ko. Wala akong naramdaman na sarap, ok? Gusto ko lang patunayan sa iyo na wala kang dapat pandirihan sa bibig ko; na kung kaya mong tikman ang laway ng isang tao, bakit mandidiri ka sa isang toothbrush lang, na ginamitan pa ng toothpaste?” ang paliwanag niya na matigas boses. “Tara na! Late na tayo!” dugtong niya.
Para namang binagsakan ng malaking bato ang aking ulo sa narinig. Napahiya ba o ano nakulangan sa kanyang paliwanag. Hindi na ako kumibo. Napansin ko kasi ang boses niyang medyo mataas at nakasimangot pa ang kanyang mukha. Tinumbok ko na lang ang aking locker. Naghalungkat ako ng maisusuot niya at maisusuot ko rin.
Halos magkpareha lang ang aming katawan at tangkad ni Aljun. Dahil dito, hindi ako nahirapang maghanap ng pantalon at t-shirt para sa kanya. At... pati na rin brief!
Nakita ko ang isang lumang black stonewashed at straight-cut na pantalon at isang semi-fit bench white shirt na may stripes na blue sa dibdib at balikat na hindi ko masyadong isinusuot. Kinuha ko na rin ang isang puting brief.
Ibibigy ko na sana sa kanya ang napili kong mga susuutin niya noong hindi ko naman siya mahagilap. Nasa sulok pala siya ng kuwarto kung saan nakalagay ang aking mga labahin at tangka na sana niyang isuot ang kanyang pantalon na nasukahan niya noong nakaraang gabi.
“Huwag yan! Marumi yan!” ang sigaw ko. “Ito ang isuot mo!” sabay hagis sa pantalon, t-shirt at brief sa kanya. Tumalikod kaagad ako at tinumbok ang locker kung saan dali-dali rin akong nagbihis.
“Second hand brief?” ang narinig kong tanong niya.
Bumalik ako sa kanyang kinaroroonan at sasagutin ko na sana ang tanong niya nang siya na ang nagkusang sumagot sa sariling tanong. “Ok lang iyan basta galing sa master ko.”
Babalik n asana ako sa aking locker upang ituloy ang pagbibihis nang napansin kong imbes na isuot ang binigay kong brief, inamoy-amoy pa niya ito. Pagkatapos ay tiningnan niya ako habang nakangiti.
“Para saan ang ngiti mo?” ang tanong ko.
Binitiwan niya ang isang hilaw na tawa. “Hindi… sinigurado ko lang.”
“Sinigurado na?”
“Na walang amoy…”
“Amoy ng?”
“Amoy ng dagta.”
Tumaas ang boses ko sa aking pagsagot bagamat hindi ko ipinahalatang galit ako. “Hoy… hindi ko ugaling gawing pamunas ang mga brief ko!”
“Ah, oo nga pala. Sa banyo ka pala nagpaparaos.”
Pakiramdam ko ay uminat ang balat sa aking pisngi sa pagkarinig sa sinabi niyang iyon. Hindi ko maintindihan kung nagpaparinig siya sa ginawa ko sa nakaraang gabi sa banyo, o nanghuhuli lang siya. “’Di bale, kapag magpaparaos ako sa banyo, isasama kita,” ang naisagot ko na lang.
Ngunit bigla rin akong nagulat sa sagot kong iyon. Wala sa isip ko ang ibig sabihin noon. Nahinto akong napatitig sa kanya. Pati siya ay tila na-shock sa mga katagang lumabas sa aking bibig at nanatiling nakatitig lang sa akin, hindi makapagsalita.
“Ah, joke lang iyong sa akin ah!” ang pagputol din niya sa aming titigan. Hindi ko alam kung alin ang biro sa kanyang sinabi. Iyon bang tungkol sa pagpaparaos sa banyo o iyong tungkol sa amoy dagta na brief. Ngunit kahit alin doon, hindi ko maiwasang hindi kabahan. “Alam ba niyang may ginawa ako sa kanya habang pinupunasan ko ang kaniyang katawan?” sa isip ko lang.
Hindi ko na siya sinagot. Dali-dali akong tumalikod at tinumbok ang aking kuwarto. At doon ay nagbihis ako.
Nauna na pala siyang natapos sa pagbibihis kaysa sa akin. Nakaupo na siy sa sofa nang dinatnan ko siya sa sala, hinihinty ako. “Ang bilis mo ah!” ang sambit ko.
“Ako pa…” ang maiksi niyang sagot.
“Tara na!” ang sambit ko, sabay tumbok sa pintuan.
Sumunod siya. Dahil walking distance lang naman ang school galing sa flat ko, naglakad lang kami.
Napansin kong hindi siya umiimik habang naglalakad kami. Parang galit o ano. Hindi ko maintindihan kung ano ang ikinagagalit niya kung galit nga, at kung kanino. Pero naisip ko rin ang eksena kung saan ay tinawag ko siyang bakla nang hinalikan niya ako. “Baka iyon ang ikinagalit niya?” sa isip ko lang.
Ewan, hindi ko rin maintindihan ang aking sarili. Naglalaro pa kasi sa isip ko ang nangyari sa gabing iyon kung saan ay muntik na akong tuluyang matukso. Nagtatanong din ang aking utak kung may alam ba siya sa tangka ko sanang gawin sa kanya. At nagpadagdag din sa aking kalituhan ay ang mga nangyari sa amin sa shower, ang paggamit niya sa aking toothbrush, at ang paghalik niya sa aking bibig. Lahat nang ito ay bumabagabag sa aking isip.
Kaya wala kaming imikan bagamat may tuwa akong nadarama sa nakitang damit ko na isinuot niya. Iyon bang pakiramdam na, “Wow! Ganyan na kami ka-close?” At sa tingin ko sa kanya ay lalo pang tumingkad ang kanyang angking kakisigan at ganda ng hugis ng kanyang biluging katawan. Astig. Hayup sa porma. Demonyo sa appeal!
Kaya, lakad lang kami nang lakad at bagamat magkasabay, parang hindi kami magkakakilala. Hindi kami nagpapansinan, hindi nag-uusap. Hindi ko rin tuloy maiwasang hindi mag-isip na baka nahiya rin siyang malaman ng mga taong nakakakilala sa kanya na ako pala ang nakapanalo sa kaniya; isang lalaki. At takot siyang lokohin o biruin ng mga bakada. Med’yo may kaunting kirot din ito sa aking puso ngunit wala akong magagawa. Naintindihan ko.
Hanggang sa nakarating kami sa gate, may mga barkada siyang nagkantyawan, mga ka batch niya din yata sa tingin ko. “Pare, saan ka ba kagabi natulog at wala ka raw sa dorm mo? May nabiktima ka na namang chikas ano?”
Tawanan.
“Kawawang mga babae. Isa-isa nang kinakatay ng kanilang idolo!” dugtong pa ng isa.
Tawanan uli.
Ngingiti-ngiti lang si Aljun, palihim na lumingon sa akin.
“Mauna na lang ako, Boss....” ang mungkahi ko noong makitang lumapit si Aljun sa kanila. Baka kasi gusto pa niyang makikipag kuwentuhan.
“Sabay na tayo!” ang sagot niya.
“Sino iyon?” ang narinig ko namang tanong ng isa sa mga barkada niya.
“E, p-pinsan ko pare. S-si Jun” ang narinig kong sagot ni Aljun.
Nginitian ko sila at kinawayan na rin sabay talikod. Nahiya kasi ako at syempre, out-of-place naman ako sa kanila.
Humabol din si Aljun sa akin at nagsabay uli kaming naglakad. May kumaway sa kanya, may bumati at nangumusta. Marami talaga siyang kaibigan. Palibhasa, palakaibigan talaga siya.
Nakarating na kami sa main building ng school noong isang magandang babae naman ang biglang lumapit. “Aljun! Saan ka ba nagpunta kagabi? Hinahanap kita ah! Text nang text ako sa iyo, hindi ka nagreply! Tinawagan din kita, hindi ka rin sumagot!” ang tila galit na sambit ng babae.
Huminto si Aljun at hinila niya ang babae palayo sa akin. Ramdam kong sobrang close nila noong babae. Ewan ko ba ngunit parang may sibat itong tumama sa aking puso sa pagkakita sa kanilang nag-uusap.
Kaya ang ginawa ko ay dumiretso na lang ako sa klase nang walang paalam. At iyon... may dagdag na panibagong tanong na naman ang aking isip. “Sino ang babaeng iyon? Bakit sobra ang pagka-close nila? At anong pakialam ko? Bakit para akong nagseselos?”
“Friend! Grabe ka? Hindi mo na ako pinapansin ngayon ah!” ang sigaw ng kaibigan kong si Fred nang nasa loob na ako sa silid-aralan ng subject kung saan ay classmate ko rin siya.
“Ah! Ikaw pala Fred. Hindi kita napansin agad ah!” ang sagot ko.
“Ok lang yan friend! Ganyan talaga kapag in love!” ang sagot niya.
“Tado! Kanino ako ma-in love? Labo mo naman o!”
“Friend, sa tindig palang ng iyong mga pilik-mata, alam ko na kung umiibig ang isang tao o hindi. Kaya huwag ka nang mag maang-maangan pa! O ano, tinablan ka na sa kanya, ano?”
“Anong pinagsasabi mo riyan? Anong tinablan? Ikaw, puro ka kalokohan eh!” ang sagot kong medyo nairita sa biro niya.
“Ok lang iyan friend. Nasa stage of denial ka lang. Normal lang iyan sa taong katatalab pa lang ng love virus!” ang patuloy pa ring pagbibiro ni Fred.
“Gusto mo suntukin na kita sa mukha?” ang pananakot ko.
“Hahaha! Ito naman o, hindi na mabiro! O sige, kung ayaw mong pag-usapan natin iyan, ‘di huwag.”
Tahimik. Hindi ko kasi alam kung ano ang tunay kong naramdaman. Parang sobrang bilis ng mga pangyayri. Parang gusto kong isiwalat sa kaibigan ang tunay na bumabagabag sa aking isip bagamat ang ego ko ay nagsasabing hindi ako affected dahil lalaki ako; dahil ayoko sa ganoong klaseng pagkatao. Ayaw kong magiging bakla.
Natapos lamang ang pangungulit ni Fred tungkol sa nangyari sa amin ni Aljun nang pumasok na an gaming professor.
“Alam mo, Fwend, may napansin akong kakaiba sa iyo ngayon...” ang sambit ni Fred noong naglakad na kami palabas ng aming room patungo sa student center upang mag-snack.
“O, o...!” ang pagsupalpal ko. “May napapansin ka na naman sa akin! Tigilan mo ako!”
“Hindi nga fwend. Obvious ang pagkatulala mo sa klase kanina. Pati professor natin napansin ka. At pinagtawanan ka tuloy noong tinanong ka niya ng ‘What’s wrong with you, Mr. Flandez’ at hindi mo ito napansin. Nang tinapik kita, binulungan na tinanong ka ng professor, pansin ng lahat ang biglang paglaki ng mga mata mo sa pagkagulat sabay sagot mo ng, ‘I beg your pardon, professor ?’ Hindi ka naman ganyan ah. Lagi kang active sa discussions at recitations.”
“E... may iniisip lang e!” ang pagmamaktol ko.
“At sino naman ang iniisip mo? Si prize-boy Aljun?”
“Hoy! Sobra ka na ah!” ang bulyaw ko na sa kanya sabay muestra sa kamao ko sa kanyang mukha. Nabigla kasi ako sa pagbigkas talaga niya sa pangalan noong tao.
“Wuwuwuwuwwww! Easy lang po,” ang sagot naman ni Fred sabay harang nga kamay niya sa kanyng mukha. “Di nga fwend. Iyan lang naman ay ang napansin ko. At huwag mong i-deny. Kasi, nakita ko ang reaksyon ng mukha mo kanina noong may lumapit na babae kay Aljun at kinausap niya ito.”
“Nandoon ka?” ang gulat kong tanong.
“Nasa ‘di kalayuan lang naman po ako.”
“Bakit hindi mo ako nilapita. Kakainis ka ah! Nagmamasid ka lang pala sa amin?” ang paninisi ko.
“Bakit ako lalapit? Baka mamaya, maka-estorbo pa ako. Baka ako pa ang makasira sa namumuong pagmamahalan.”
“Gago!”
At doon na ako nabigla nang may napansin si Fred. “At bakit pala suot-suot niya ang iyong t-shirt at pantalon?”
Halos hindi ako nakasagot agad sa kanyang tanong. “Anong suot-suot niya? Hindi akin iyon, ah!”
“Fwend... maglolokohan pa ba tayo? Alam ko kaya ang t-shirt at pantalon na iyon dahil iyon ang isinuot mo noong nag-enroll ka pa lang dito sa school na ito at napansin kita. Alam mo kung bakit ‘di ko malimutan iyon? Dahil nakyutan ako sa iyo sa suot mong iyon! At isa iyon sa mga dahilan kung kaya kita nilapitan at kinaibigan!”
“Eh…”
“Magdi-deny ka pa?”
Syempre, hindi na ako nakatanggi. Totoo naman kasing una kaming nagkakilala ni Fred sa pagpa-enroll ko sa school na iyon. Kaya sinabi ko na lang ang totoo. “Eh... nalasing kasi iyan kagabi. Akalain ko bang hindi naman pala sanay uminom. At doon nakatulog sa flat ko dahil hindi na makatayo. At dahil napuno ng suka ang kanyang pantalon at t-shirt kaya pinahiram ko ang mga damit ko,” ang kwento ko na lang. Pero syempre, hindi ko na sinabi ang iba pang mga detalye.
“Ayiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiii!!!!” ang sigaw niya. “Nagtabi kayo sa higaan?”
“Eh, o-oo,” ang sagot kong may bahid na pagkailang.
“Waaahhhhhhhhh! Humaygadddd! Humaygaeeeeeeedddd! Nakatabi mo sa pagtulog ang pambansang pantasya! Nakaniig mo ang crush ng sanlibutan!” ang kinikilig at pigil na pagsisigaw ni Fred. “Nayakap mo sya? Nahalikan mo siya? Natsansingan mo siya? Hindi ka na virgin?”
“Wala akong sasagutin d’yan dahil walang ganyang nangyari!”
Ngunit makulit pa rin si Fred. “Malaki ba si junjun niya? Mataba? Mahaba? Makinis ba o baku-baku?”
“Um!” Ang pagbatok ko na sa kanya. “Huwag ka ngang bulgar d’yan! At bakit? Ano ba ang tingin mo sa akin? Bakla ba ako? Babae ba ako? Hindi naman ah!”
“Hmmmm. Ok fine. Kung hindi ka bakla, e, ‘di hindi. Tingnan na lang natin kung hindi ka mainlove sa kanya.”
“Sigurado ako, hindi ako babagsak sa kanya!” ang sagot ko.
“Eh, ‘di magpustahan na lang tayo, na mai-inlove ka rin kay Aljun, kagaya ng iba d’yan. Ano, deal?”
“Siguro ang dapat na pustahan ay kung si Aljun ang mai-inlove sa akin.”
“Hahahaha! Anlakas naman ng hangin!” ang sambit niya. “Sabagay, kung sa kapogian, kabaitan, at katalinuhan ang pag-uusapan, hindi ka rin naman patatalo. At mas lamang pa ang fwend ko dahil anak-mayaman! Wow!” Nahinto siya sandal. “Okay, ganito na lang ang pustahan: kung ikaw ba ang mainlove kay Aljun o si Aljun ang mainlove sa iyo. At ang bet ko ay ikaw ang ma-inlove sa kanya. Deal?”
“Good! Proposition! Deal!” Sagot ko. “Alam ko, siya ang mai-inlove sa akin...”
“Waaaahhh! Sana tayong dalawa ang manalo sa pustahan fwend. Ibig sabihin, mainlove ka sa kanya at siya naman ay ma-inlove sa iyo! Win-win tayo!”
“Hindi mangyayari iyan!” ang matigas kong pagtutol
“Well… fine. Tingnan na lang natin. Itataya ko ang aking dangal at p********e, fwend. At walang lokohan fwend, ha? Dahil malalaman ko rin iyan pag pineke mo ang iyong naramdaman! Ako pa, isang tingin ko lang sa pilik-mata, alam ko nang umiibig ang bakla,” sabay tawa.
“Don’t worry. I’m sure of myself,” ang sagot ko. “At hindi ako magiging bakla, Fred.”
“Well…” ang sagot lang niyang may bitaw ng pang-iismid.
At iyan ang pustahan namin ng aking kaibigang si Fred.
(Itutuloy)