By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Syempre hindi ako nagpahalata na affected ako. “Ganoon ba? Good for him!” ang sarcastic kong sagot.
Na ikinagulat naman ni Fred. “Huwat? Papayag ka na lang basta na kamkamin at lamunin siya ng aswang na babaeng iyon?” ang banat ni Fred.
“Bakit? Karapatan naman niyang pumunta kahit saang lupalop ng mundo di ba? Wala siyang commitment kahit kanino. Matanda na siya, matalino. Sino ba tayong pipigil sa karapatan niya, di ba?”
“Woi, ikaw na babae, este, lalaki ka. First of all, sa harap natin sinabi niyang hindi siya aattend. At sa harap pa ng haliparot na iyon! And second of all, denipensahan ko pa siya sa demonyetang iyon na laylay na ang boobs para lumayas at hindi na mangungulit. Ang point ko lang naman dito fwend ay paninindigan. Word of honor! Ganyan ba ang pagkatao niya? Pagkatapos niyang sabihing ayaw niya at pagkatapos kong lapain ang babaing iyon sa harap niya, pupunta rin pala siya? Ano sya? Walag bayag? Kunyari may sinabi pa siyang knight in shining armor niya ako dahil sa pagdepensa ko sa kanya sa pangungulit ng bruhang iyon na may tabinging kilay? Kakainis!”
Idudugtong ko pa sana na pati sa pag-uusap naming dalawa sa flat ko ay sinabi rin ni Aljun na hindi talaga siya pupunta dahil hindi naman siya nag-eenjoy sa ganoon at wala siyang gagawin doon. Ngunit 'di ko na sinabi ito. “Saan mo naman nalaman na pumunta nga siya?”
“Sa sss ng bruhang iyan! At ikinalat pa ang picture niyang nandoon si Aljun sa party niya, naka-tag yata ang buong sambayanan! At may kuha pa silang dalawa lang na magkatabi at halos lalapain na niya si Aljun! Gusto mong tingnan natin ngayon?”
“Ah.. huwag na. Hindi ako interesado...” ang nasabi ko na lang bagamat masamang-masama ang loob ko. Parang sinaksak nang maraming beses ang puso ko at walang patid ang pagtagos ng dugo rito. Tahimik na lang akong yumuko. Kinuha ko ang ballpen mula sa aking bulsa, binuksan ang notebook at nagkunyaring nagbasa at nag-aral ng leksyon.
Ngunit sadyang malakas ang pang-amoy ni Fred. Siguro, ganyan talaga ang best friend. Kaunting galaw mo, naramdaman kaagad niya kapag tunay kang nasaktan o nagkunwari. Parang alam niya kahit ang kaliit-liitang bahagi ng iyong kalamnan. “Fwend, alam kong nasaktan ka eh. Mag-open up ka naman sa akin. Para alam ko kung ipaglaban ba natin iyan, o makuntento ka na lang bang buong buhay na magtiis.”
Subalit deny-to-death pa rin ako. Siguro ganyan din talaga kapag may naramdaman ka ngunit ayaw mong tanggapin. “Fred, wala akong naramdaman, ok? At huwag kang mag-alala kasi kung darating ako sa puntong iyon, na may maramdaman ako para sa kanya, ikaw ang unang makakaalam,” ang nasabi ko na lang bagamat parang gusto ko na ring bumigay at mag-open up, humagulgol, umiyak, maglupasay sa sakit na aking naramdaman sa balikat ng isang kaibigan.
“Ok, kung iyan ang desisyon mo, fine. Pero kung hindi mo na kaya fwend, nandito lang ako. At hindi kita pababayaan kahit hindi ka pa umamin dahil alam ko, mayroon kang naramdaman! Bistado na kita fwend! Sana tigilan mo na iyang pride at pagdi-deny.”
Binitiwan ko ang isang matipid na ngiti kay Fred, “Salamat Fred. Isa kang tunay na kaibigan...”
Maya-maya ay dumating si Gina at ganoon din ang hatid na balita. Kalat na kalat na raw sa buong campus na si Aljun ay nag-attend sa party ni Giselle. At na nagkalat na rin daw ang mga litrato nila sa sss. “Akala ko ba ay hindi maga-attend si Aljun doon!” ang tanong ni Gina.
“Hayaan mo na siya. Kaligayahan niya iyon kaya wala tayong magagawa,” ang sagot ko.
“Oo nanam. Wala na tayo roon. Pero wala ba siyang paninindigan?”
Na siya namang lingon sa akin ni Fred at ipinakita ang pagtaas ng kilay niya. "Mismo!"
Hindi na ako sumagot. Dumating na rin kasi ang aming professor. Ngunit may point si Gina, at Fred.
Nang matapos na ang klase, dumiretso kami sa student center. Hinintay namin si Aljun upang sana ay makausap at malinawan kaming lahat bagamat nawalan ako ng ganang makinig sa kung ano man ang sasabihin niya. Masakit kaya. Para sa akin ay wala siyang dahilan upang mag-attend sa party ni Giselle pagkatapos niyang magbitiw ng salitang kabaligtaran sa kanyang ginawa.
“Kailangan niya talagang mag explain, fwend!” ang sabi ni Fred.
“Tama!” ang sagot din ni Gina.
“Ano ba ang number niya pala at tatawagan ko upang malaman niyang naghintay tayo rito?” tanong ni Fred.
“Huwag na! Siya ang may kasalanan, siya ang dapat magpaliwanang nang hindi pinaalalahanan, 'di ba?” ang sagot ko naman. "Syempre, dapat siya ang mag-effort. Mas maganda iyong kung sino ang may kasalanan, siya ang dapat na kusang magpaliwanag," dugtong ko.
Ngunit na-bell na lang para sa sunod naming klase, wala pa ring Aljun ang sumipot. Ewan kung ano ang naramdaman nina Fred at Gina. Ngunit ako, lalo lang akong nasaktan at mistulang bulkang Mayon ang aking kalooban na handang sumabog sa galit ano mang oras.
“Woi. Gagala na lang tayo mamaya,” ang mungkahi ni Fred.
“Sige! Sige!” Ang excited namang sagot ni Gina. “Gusto ko sa beach tayo! Parang night swimming!”
“Ok ako d’yan!” ang sagot din ni Fred.
At dahil gusto ko ring makapagrelax ang isip at parang ganti ko na rin kay Aljun kaya sumang-ayon ako.
Natuloy kami sa pagbi-beach. Doon ko na-confirm na talagang may crush si Gina sa akin. Sobrang sweet niya. Sa kabila ng sakit ng aking damdamin dahil sa ginawa ni Aljun, pakiwari ko ay pansamantalang naibsan ito. At habang ganyang na nakaupo kaming dalawa ni Gina sa buhanginan at dikit na dikit ang mga katawan at nakalingkis pa ang kamay ko sa kanyang beywang at nagtatawanan, nagkukuwentuhan, hindi naman ma-drawing ang mukha ni Fred na para bang nandidiri sa kanyang nakita sa amin ni Gina. Naiimagine ko nga na nagsusumisigaw ang isip niya ng, “Ewwwwww! Pumapatol sa babae! Kadiri!”
Ngunit ngiti lang ang iginanti ko sa kanya. Kung kapag kami ni Aljun ang nagtabi at naglalampungan ay kinikilig siya at hindi maaawat sa pagrereact, sa nasaksihan niya naman sa amin ni Gina ay parang masakit sa kanyang mga mata na tingnan kami, nang-iismid, at palihim na dinidilatan ako. Lalo na kapag ganyang hahawiin ko ang buhok ni Gina kapag ganyang tumatakip ito sa mukha niya gawa ng paghampas ng hangin. Para siyang nasusuka.
Kaya noong umalis si Gina sandali upang mag CR, agad akong kinumpronta ni Fred. “Woi! Ano ka ba! Babae at barkada pa natin ang pinapatulan mo? Nakakdiri ka! Dinungisan mo ang bandera nating mga bakla!”
Na sinagot ko naman ng malakas na tawa, “Fred... hindi ako bakla, ok? At may naramdaman ako kay Gina. Crush niya ako at crush ko rin siya. Masaya akong kasama siya. Anong problema roon?”
“Ewwwwwwww!!! Nakakasuka! Paano na lang si Aljun? Paano na lang ang pustahan natin?”
“E, 'di talo ka...”
“Ano? Hindi naman kasama ang babae sa usapan, ah!”
“Ah, e 'di wala... pareho tayong panalo.”
“Punyeta ka, tomboy ka pala!” ang sagot na lang niyang may bahid na pagmamaktol. “Basta! Ayokong basta mo na lang ganyanin si Aljun. Nasasaktan ako Fwend!”
“Nasasktan ka? Ang daming nagmamahal noon?” ang sagot ko.
Natahimik na si Fred nang bumalik na si Gina.
Ipinagpatuloy pa rin namin ang kuwentuhan namin ni Gina tungkol sa mga buhay-buhay, mga problema, mga nakakatuwang experiences sa school, etc. etc. Masaya naman at lalo ko pa siyang nakilala. Parang kulang ang oras sa haba ng aming kuwentuhan.
Nang hindi na nakayanan ni Fred ang pagmamasid sa amin, nang dumaan sa harap namin ang isang life-saver at attendant ng beach, walang ka-kyeme-kyemeng hinikayat niya itong samahan kami.
“Tapos na po ang duty ko Sir eh,” ang sagot ng beach attendant.
“E, 'di mas maganda. Libre ka na pala e. Pwede bang imbitahan na lang kitang samahan kami. Bayaran ko na ang oras mo. Hindi naman bawal sa inyo 'di ba?” ang panghikayat ni Fred.
“H-hindi naman po.”
“Pwes, inimbitahn kita at may dagdag-kita ka pa! Ano sa palagay mo?”
Bahagyang napahinto ang attendant at nag-isip. Maya-maya ay sumagot din, “Ah... kung ganoon e 'di sige po, para may dagdag income ako,” ang sagot ng attendant na halatang natuwa.
In fairness din naman, hunk na hunk ang life saver. Marahil ay nasa 23 years old at may taas na 5’10? At dahil sa nature ng trabaho niya, rugged siyang tingnan dagdagan pa sa katawang sunog sa pagbibilad sa araw.
Tuwang-tuwa naman si Fred sa nakulembat na lalaki. Nang-iinggit pa siya sa akin.
“Jake na lang ang tawag mo sa akin, Sir” ang sabi ng life-saver.
“At Fred na rin ang dapat mong itawag sa akin, huwag nang Sir. At hetong dalawa kong kasama ay sina Jun at Gina...” turo niya sa amin.
Iniabot ni Jake ang kamay niya sa amin at isa-isa niya kaming kinamayan.
Binigyan ni Fred ng isang boteng beer si Jake at pumuwesto silang dalawa sa malayo-layong parte ng beach at doon naupo, nakaharap sa dagat.
Syempre, solo na namin ni Gina ang isa’t-isa.
Tumunog ang message alert ng aking cp. Noong binuksan ko ang inbox, nakita ko ang message ni Aljun. “Boss... nasaan ka? Nandito ako sa student center, naghihintay sa iyo.”
Ngunit hindi ko ito pinansin.
“Sino iyon?” ang tanong ni Gina.
“Mommy ko,” ang sagot ko na lang.
Tuloy pa rin ang aming pagkukwentuhan ni Gina. Nag message alert muli ang aking cp. Tatlong sunod-sunod. Si Aljun uli at nagtatanong pa rin dahil nandoon pa rin daw siya sa student center at siya na lang ang natirang tao.
Napangiti naman ako nang lihim. "Maghintay ka sa wala!" sigaw ng aking isip. Hindi ko pa rin ito sinagot.
Maya-maya, habang patuloy pa rin ang aming kuwentuhan ni Gina, nag-ring na ang cp ko. Si Aljun uli. Dahil ayaw ko siyang kausapin, pinindot ko ang “silence” key upang hindi mahalatang pinatayan ko sya ng cp. Noong matapos na ang ring, sinet ko sa “silent” ang cp ko para hindi na siya maka-istorbo pa.
“Sino iyong tumawag? Ba’t hindi mo sinagot?” ang tanong uli ni Gina.
“Nag-miss call lang iyon,” ang pag-aalibi ko.
Patuloy pa rin ang aming kuwentuhan hangang sa medyo naging seryoso na ang topic. At doon ko nalaman ang buhay niya bilang isang anak na malayo sa mga magulang dahil nasa abroad ang mga ito at ang pagtira niya sa mga lolo at lola niya. Med’yo natouched ako sa kwento ng buhay niya kasi kabaligtaran ang aming mga experiences. Naghahanap siya ng pagmamahal ng mga magulang dahil nasa malayo ang mga ito samantalang ako, ay nasasakal na sa sobrang pagmamahal, dahilan kung kaya ay naisipan kong lumayo at lumipat ng paaralan, upang maranasan at matutunan ang tumayo sa sariling mga paa. Sa buhay ko kasi, lahat na siguro ng bagay ay nakakamit ko. Isang hiling ko lang ay nariyan na sila sa aking harapan. Parang walang challenge, walang value ang mga bagay na nakakamit dahil hindi ko ito pinaghirapan.
“Parang napaka-ironic talaga ng buhay ano?” ang nasambit ko. “Ikaw, ang problema ay kapos sa pagmamahal ng mga magulang samantalang ako, sobra-sobra to the point na parang nawalan na ako ng sariling existence at sariling identity.”
“Oo nga. Ikaw, gustong maranasan ang naranasan ko ngunit ako naman, gustong maranasan ang naranasan mo.”
Tawanan.
“Iyan ang sinasabi nilang mahiwaga ang buhay. Mahirap unawain ang lalim at pagkakumplikado nito. Pero ang sagot lang naman siguro sa lahat ng ka-weirduhan sa buhay ay tamang diskarte at pagtanggap sa kung ano man ang ibinigay sa atin. Kasi may mga bagay sa buhay natin na hindi na natin puwedeng baguhin pa ngunit pwede namang tanggapin. Kagaya mo, naghahanap ka ng pagmamahal ng mga magulang. Ang pinakamaganda mong magawa na lang ay tanggapin ang lahat 'di ba? Ngunit ipadama mo pa rin sa mga magulang mo na mahal mo sila, sa kaya mong gawing paraan upang kahit papaano, buo pa rin ang lahat sa inyo. At naniniwala rin akong kahit may mga kanya-kanyang kakulangan tayo sa buhay, may mga magagandang biyaya din tayong natatamasa. Kagaya mo, kahit papaano, buhay pa ang magulang mo at alam mong mahal ka nila kung kaya sila nagtrabaho sa abroad. Pero iyong iba, wala na silang mga magulang o kaya ay hindi nila alam kung nasaan,” ang nasabi ko. Bigla tuloy sumingit sa isip ko ang interview kay Aljun. Kasi, bagamat hindi niya kilala ang ama niya, ang sagot niya sa interview ay hindi mabura-bura sa aking isip na lalong nagpatindi pa sa paghanga ko sa kanya. “Ako? kung hindi ko natanggap na wala akong tatay, baka nagwala na ako. Baka sinisi ko ang aking nanay at ang lahat ng tao sa mundo. Ngunit tinuruan ko ang sariling tanggapin ang lahat kasi, nad’yan na iyan eh. If I keep on blaming my mother or other people for my misfortune, it doesn’t change the fact that my father is nowhere. In fact, my life gets more mesirable if I would do that. I’d rather be part of the solution rather than a part of the problem. I love my mother. And she has suffered so much. I can’t afford to see her suffer some more... Gusto kong sa bawat paggising niya sa umaga at nakikita niya ako, masasabi niya sa sariling isa akong blessing sa buhay niya; isang inspirasyon at hindi isang sumpa...”
“Tama ka Jun. Dapat pa rin akong maging masaya kasi, nand’yan lang ang mga magulang ko, buhay sila at kahit papano ay nakakausap ko pa rin naman, nakaka-chat, nakaka-text, o natatawagan.”
Bahagyang natahimik kami. Naramdaman ko namang isinandal ni Gina ang kanyang ulo sa aking balikat. Parang ang sarap ng pakiramdam. Lumakas ang kabog ng aking puso.
“Ang lalim pala ng iyong pananaw sa buhay,” sambit niya.
Ngiti lang ang aking iginanti. Ang hindi niya alam ay marami rin akong natututunan kay Aljun.
Tahimik uli. Nakita kong nilaro-laro ng kanyang mga daliri ang buhangin sa kanyang gilid. “Jun, nagkaroon ka na ba ng girlfriend?” ang pagbasag niya sa katahimikan.
“Hindi ko pa naranasan, eh. Sobrang higpit ng ng mga magulang ko sa akin na kahit personal na buhay ko ay kontrolado nila,” ang sagot ko. “I-ikaw... nagka boyfriend na ba?” ang pagbalik ko sa tanong niya.
“Meron dati, pero wala na kami. Mga isip-bata pa kami noon at parang laro-laro lang ba. Kunyari ay magsyota kami, pero parang hindi rin,” sabay tawa.
Hindi ako nakasagot. Tahimik lang akong nagmamasid sa dagat at nag-isip sa kanyang sinabi. Maya-maya, “T-toong crush mo ako?” ang tanong ko.
Inangat niya ang kanyang mukha sa akin, ang kanyang mga mata ay mistulang nakikipag-usap. Tumango siya.
Para akong na mesmerize sa kanyang nakabibighaning mukha. Hinaplos ko ito at ang sunod na naalimpungatan ko ay ang paglapat ng aming mga labi.
Naramdaman ko na lang ang paghigpit ng yakap niya sa aking katawan na parang ayaw niya akong makawala. Sinuklian ko ang kanyang mahigpit na yakap. May isang minuto rin kaming naghahalikan. Pakiwari ko ay huminto ang lahat sa aming paligid, pati ang pag-inog ng mundo.
Pagkatapos ng halikan ay hindi ako nakapagsalita. Hindi kasi ako makapaniwala na sa ganoon kabilis na pangyayari ay maranasan ko ang halik ng isang babae. Iyon ang pinakaunang halik na naranasan ko sa isang babae.
Ewan kung ano ang laman ng isip ni Gina sa sandali ng aming katahimikan. Ngunit sa parte ko, hindi ko lubos maisalarawan ang saya. Parang naglupasay ang aking damdamin sa unang karanasan kong iyon. Parang sumisigaw ang aking isip ng, “Wow... isa na akong ganap na lalaki!”
(Itutuloy)