By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
------
Napatitig ako sa kanya sa pagkarinig ko sa kanyang alok na i-hug ako. Nasa ibabaw kami ng kama, nakahigang magkatabi, tapos ay magyakapan kami. Hindi kaagad nag sink in sa utak ko ang ganoong imahinasyon.
"Halika na," ang paggiit niyang muli habang nanatili ang kanyang pag-unat sa kanyang braso.
Doon ko na naalimpungatan ang sarili na niyakap sya at siya naman ay niyakap ako.
“Bakit ka umiiyak?” ang muli niyang pagtanong sa akin.
“Wala nga!” ang giit ko.
“Nakita kong tinitigan mo ang mukha ko, e! Tapos wala lang pala iyon? Umiiyak ka ba nang walang dahilan?”
“E... wala nga! Kulit mo!” ang pagmamaktol ko.
“Bakit mo tinitigan ang mukha ko?”
“Hindi naman kita tinitigan. OA ka.”
“Nakita ko e... Crush mo ako no?” ang biro na niya.
“Crush mong mukha mo! May muta ka, kaya ko tiningnan ang mukha mo” ang pag-aalibi ko.
Dali-dali naman niyang kinuskos ang daliri sa kanyang mga mata sabay, “Ah, iyan pala ang dahilan, e 'di sige, sa iyo na yan!” sabay pahid niyon sa aking pisngi.
“Salbahe ka! Ah!” ang sigaw ko.
Kinuskos ko rin ang mga mata ko at tinangkang ipahid iyon sa kanyang pisngi. Nagpambuno kami. Nagpagulong-gulong kami sa kama.
“Argghhhh!” ang sigaw ko nang hindi ko magawang makaganti.
Tawanan. Dinig na dinig pa namin ang habol-habol naming paghinga.
Tahimik uli.
Inunat niya muli ang kanyang mga bisig. “Lika, hug na lang kita uli. Tulog na tayo...”
Mistulang nalulusaw na naman ako sa ipinakita niyang pagka-sweet. Tumalima uli ako. Iniusog ko ang aking katawan palapit sa katawan niya atsaka niyakap siya.
“Sino pala iyong mgagandang babae kanina na nagtatanong kung bakit hindi mo sinagot ang tawag niya?” ang tanong ko nang maalala ko ang babaeng nangulit sa kanya sa umagang iyon.
“Si Lenny iyon. Pinsan ko...”
“Pinsan mo? O girlfriend?”
Napangiti sya. “Kung sabihin kong girlfriend, anong gagawin mo?”
Mistula naman akong sinampal sa narinig. Tila nawalan ng ganang makipag-usap. Hindi ko maintindihan kung bakit para akong nasasaktan. Bigla akong tumagilid patalikod sa kanya sabay sabing, “Matulog na tayo...”
Ngunit hinila niya ang balikat ko upang muling humarap sa kanya. Tinitigan niya ang mukha ko. Ewan kung napansin niya ang lungkot sa aking mga mata
“B-biro ko lang iyon. Wala akong girlfriend. At wala rin akong nililigawan.”
Ewan. May tuwa akong nadarama sa kanyang sinabi bagamat ayaw kong aminin ito sa aking sarili. “Wala naman akong pakialam kung may girlfriend ka o may nililigawan," ang sagot ko.
Napahinto siya ng sandali. “Sabagay...” ang sagot niya. “Ikaw, may girlfriend ka ba ngayon? May nililigawan?”
“Sixteen pa lang kaya ako,” ang sagot ko naman.
“Bakit kung sixteen? Ako nga, 12 lang nang unang nagka girlfriend.”
“Ikaw iyon, malibog ka eh!” sabay tawa.
Tumawa rin siya.
Tahimik. Nagtitigan kami. Para akong malusaw sa kanyang titig. Pakiramdam ko ay tumagos ito sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Mistulang nag-uusap ang aming mga mata samantalang ramdam kong lumakas ang kabog ng aking dibdib.
“Bakit ka umiyak kanina?” ang muling paggiit niya sa tanong na iyon. Ayaw niya talaga akong lubayan.
“Wala nga iyon... kulit, kulit, kulit, kulit, kulit!” ang sabi ko, sabay kurot nang malakas sa kanyang beywang sa sobrang panggigigil ko.
“Arekopppppp!” ang pagreklamo niya, ang mukha ay napangiwi ngunit tiniis ang sakit bagamat hinayaan lang ang aking kamay na nanatiling kinukurot ang baywang niya.
“Masakit?” ang tanong ko noong binitiwan ko na.
“Ok lang... Master kita eh. Slave mo ako,” ang sagot niya. “Bakit mo ginawa iyon? Sadista ka siguro, ano?”
“Nangigigil lang. Makulit ka, e.”
“Bakit ka nga umiyak?” ang paggiit niya uli sa tanong.
“Waahhh! Wala nga iyon e!” ang sagot ko uli. Muli na naman akong nairita.
“Ok... biro lang po!” ang pagbawi niya. Hinaplos niya ang ulo ko. Para akong isang batang pinapatulog ng kanyang itay. “Matulog na tayo...” ang dugtong niya, ang boses ay malambing.
Tumango na lang ako at hindi na gumalaw sa kanyang pagkakayakap.
Habang nasa ganoong sitwasyon kami, hindi pa rin ako mapanatag o ni dalawin ng antok. Ramdam ko sa aking balat ang init na nanggaling sa aming mga hubad na pang-itaas na katawan. Ramdam ng aking kalamnan ang pagpintig ng kanyang puso at dinig na dinig ko pa ang ingay na gawa ng kanyang paghinga. Pati ang hangin na naglalabas-masok sa kanyang bibig ay naaamoy ko rin.
Napakasarap ng aking pakiramdam. Pakiwari ko ay pag-aari ko ang mundo at wala akong kinatatakutan dahil yakap-yakap ako ang aking tagapagligtas.
Subalit sa kabila ng aking utak ay may isang bahagi ring sumalungat sa aking naramdaman, sumisigaw na hindi ako dapat magpaalipin dahil ito ay isang malaking kahibangan; na ito ay bawal at hindi dapat mahulog ang loob ko sa isang kapwa ko lalaki. Tila may dalawang parte sa aking utak na naghilahan. Ang isang parte ay nag-udyok na hayaan ko lang ang aking naramdaman habang ang isa naman ay nananakot na baka mapahamak ako kung sakali. At sa palagay ko ay tama ang udyok na hindi ako puwedeng magpadala sa tukso. Hindi ako papayaga na mahulog sa isang bitag at tuluyang masira ang aking mga adhikain sa buhay.
Kaya lalo lamang akong naguluhan.
Pinagmasdan kong muli ang mukha niya habang natutulog. Tinatanong ko ang aking sarili kung ano ba talaga ang naramdaman ko para sa taong iyon,kung bakit ako nalilito, kung bakit kakaiba ang naramdaman ko. Pagmamahal ba iyon? Awa? O matinding paghanga lamang?
At muli ay nagising siya. “Bakit ka nakatitig na naman sa mukha koooooooooooooo?” ang pagdadabog niya, ang boses ay tila sa isang batang naiinis ngunit hindi magawang magalit. Halatang antok na antok pa siya. “Matulog na kasi tayo eeeeee....” dugtong niya. Nanatili pa rin siyang nakayakap sa akin.
Ngunit nanatili pa rin akong nakatitig sa kanya. Tila wala akong narinig.
“Ano ba??? Matulog na kasi tayo, Boss, sabi...”
Ngunit nanatiling nakatingin pa rin ako sa kanya. Kaya tuluyan na niyang iminulat ang kanyang mga mata. “May problema ka ba? Ako ba ang problema mo, Boss?”
Doon na ako tila binatukan. “Ah, hindi ah!”
“Kung ganoon bakit ka na naman nakatitig sa mukha ko?”
“A, e... wala! Wala!”
“Arggghhhh!!!!” ang pagmamaktol uli niya. “Matulog na kasi tayo boss...” ang may dalang lambing niyang boses. “Takpan ko na nga lang ang mukha ko!” dugtong niya sabay abot sa isang unan sa gilid niya at itinakip nga ito sa kanyang mukha.
Ewan. Wala na akong pakialm kung alam niyang nakyutan ako sa mukha niya. Sa totoo lang, mas lalo pa akong nakyutan sa pagmamaktol niya. Iyong inosenteng pogi na kahit alam niyang tinititigan siya, ikinaiinis pa niya iyon, o walang pakialam dahil antok na antok na at hindi big deal sa kanya na may humanga sa mukha niya.
Iyon na ang huli kong natandaan. Iniharang na niya ang unan sa kanyang mukha sa pagitan namin.
Alas-8 kinabukasan nang magising ako. Nagulat na lang ako dahil wala na siya sa tabi ko. Inunat ko ang aking katawan, kinuskos ang aking mga mata at paika-ikang naglakad palabas ng kuwarto.
“Morning boss. Kain ka na,” ang sambit niya habang nakatayo sa gilid ng mesa hinitay na pala ang paggising ko. Nakahanda na ang hapag kainan.
“Morning...! Hwaaa! Nakapagluto ka na?” ang tanong ko habang tinumbok ang mesa. Hinila naman niya ang isang upuan upang siyang uupuan ko. Gentleman!
Naupo ako.
“At nakapaligo na rin ako boss...” dugtong niya habang umupo na rin sa isang silya sa harap ko. “Sabay ba tayo sa school? May gagawin ako sa office ng student council ngayong umaga,” dugtong niya.
“Sige may pasok din ako at 9am. Sabay na tayo!”
Dali-dali akong naligo pagkatapos naming kumain. Sabay na kaming umalis patungong eskuwelahan.
“Fwend!!!! Grabe kayo, ang sweet-sweet na ninyo!” ang sambit ni Fred nang nasa loob na ako ng silid-aralan para sa klase ko sa umagang iyon. “Hinatid ka pa talaga hanggang sa bukana ng room natin! Hindi tuloy matigil sa pagtitili ang mga babae.”
“U! U...! Bibig mo. Mapansin tayo ng mga tao,” ang sagot kong may bahid na pagbabanta.
Bahagyang natigilan si Fred, hininaan ang boses. “O ano... in-love ka na ba sa kanya?”
Ngunit ngiting pilit lang ang isinagot ko sa kanya.
“Woi... kilala ko ang ngiting iyan. May malalim na kahulugan. Inlove na nga ang kaibigan ko!”
“Magtigil ka nga! Hindi no! At ayaw ko. Parang kuya ko na lang siya.”
“Ay... maraming pag-ibig ang nagsimula sa kuya-kuyahan!” sabay halakhak. “Pero fwend, ibang-iba talaga ang ningning ng iyong mga mata. Napaka-ganda ng iyong aura! Pramis!” dagdag pa niya.
“Bahala ka kung ano ang iisipin mo! Basta ako, hindi affected. Kaibigan lang ang turing ko riyan, parte ng task niya sa akin. Iyon lang. No more, no less.”
“Sige... pasasaan ba’t aamin ka rin. Bruha ka…”
Tahimik. Palihim kong binitiwan ang malalim na buntong-hininga.
“Sandali... Doon na naman siya natulog sa flat mo, ano?” ang pagbasag ni Fred sa katahimikan.
“Ah... hindi. Dumaan lang siya,” ang pag-aalibi ko na lang sabay bukas ng libro at kunyaring nagbasa. Syempre, ayokong sabihin sa kaibigan ko ang lahat ng mga galaw namin ni Aljun. Lalo lamang akong kukulitin at kakantyawan niya.
Iyon ang drama ko kay Fred. Halos sasabog man ang utak ko sa tindi ng aking pagkalito sa naramdaman, ayaw ko pa rin itong aminin. Ang hirap pala talaga kapag may kakaiba kang naramdaman sa kapwa lalaki. Hindi mo ito basta-basta mabuksan kahit kaninong tao. Kung sana ay sa babae ko naramdaman ito, hindi na ako magdadalawang isip na isiwalat ito sa kaibigan. Kasi, tanggap ito ng lahat.
Kaya lalo pa itong nagpatibay sa aking desisyon na labanan ang aking naramdaman upang huwag tuluyang mahulog ang loob sa kanya, upang maiwasan ko ang masaktan sa bandang huli.
Nagresearch din ako tungkol sa homosexuality, tungkol sa ganoong klaseng orientation. At kahit papaano ay naibsan ang aking pangamba nang may isang article akong nabasa na nagsabing normal lang daw sa edad kong iyon ang ma-confuse at makaranas ng ganoon.
Lumipas ang ilang araw, ganoon halos palagi ang setup namin ni Aljun maliban lang sa pagtulog niya sa flat ko. Hindi na ako pumayag na mag-inom at pinapauwi ko na sya sa kanyang dorm pagkatapos ng “service” time niya sa akin sa araw. Sa ganoong paraan, maibsan ang tukso at maiwasan ko ang tuluyang ma-in love sa kanya.
Araw ng birthday niya, parang normal na araw lang ito. Wala naman akong napansin na may mga nagreet sa kanya. At kampante lang din kaming walang nakakaalam.
Ang lihim na plano ko naman para sa amin ay pagkatapos ng aming klase, pupunta kami sa isang beach resort at doon ay magcelebrate. Night swimming. At syempre, may inuman kaunti atsaka ko ibibigay ang regalo ko para sa kanya na isang cp. Sira kasi ang cp niya at kaya wala kaming communication kahit texts. Iyan ang plano ko, at sinabi ko na rin ito sa kanya. Sumang-ayon naman siya. Excited pa nga.
Alas 6 ng gabi noong matapos na ang klase ko. As usual, inihatid niya ako. Nasa gate na kami palabas ng school nang biglang lumapit ang gwardiya. “Sir Aljun, may text po ang vice president ng student council sa akin, sa iyo ko raw ipabasa kapag napadaan kayo rito,” ang sabi ng guwardiya.
Nahinto kami at binasa ni Aljun ang message sa cp ng guwardiya. Nakibasa na rin ako. “Aljun... may emergency session ang student council, please come to the school’s auditorium ASAP. Something urgent suddenly came up. We are waiting!”
Napaisip si Aljun. “Anong issue na naman kaya ito?” ang tanong niya, ang mukha ay hindi maipinta. Naka-set na kasi sa isip namin ang aming munting selebrasyon sa beach. At may reservation na kami.
Tiningnan niya ako. “Ano... babalik ba tayo boss? O ang vice president na lang muna ang magpreside sa emergency meeting?”
Napaisip ako nang sandali. Syempre, kahit may appointment kami, mahalaga pa rin na nadoon siya sa meeting dahil baka malala ang problema at ako pa ang magiging dahilan kung may pumalpak. Kaya nakapagdesisyon ako na sabihin sa kanya na babalik kami. "Dapat ay ikaw ang naroon para alam mo ang problema. Sisisihin ka ng mga estudyante kung may mangyaring hinid maganda at naroon ka sa beach.”
“Paano ang date natin?” ang sambit niya.
Nagulat ako sa pagbanggit niya ng salitang "date" dahil naroon pa sa gilid niya ang guwardiya. Dali dali ko inginuso nang lihim ang guwardiya na nasa kanyang tabi.
"Ehem... I mean iyong date ng kontrata natin na hindi pa natin na confirm," ang pag-correct niya.
"Okay lang iyon." Ang sagot ko kahit wala akong naintindihan sa kanyang sinabi.
Napangiti na lang siya na napailing. Ako naman ay pigil ang pagtawa.
Dali-dali kaming bumalik sa loob ng eskwelahan. Nang binuksan namin ang pinto ng auditorium, madilim ito at wala kaming naaninag na kung ano sa loob. Nagtaka kami kung bakit. "'Di ba auditorium ang venue na sabi sa text?" ang tanong niya.
"Iyon din ang nabasa ko. Baka nilipat nila?" ang sagot ko.
"Baka nasa meeting room..." ang sagot ni Aljun.
Tatalikod na sana kami at lalabas ng audirorium nang biglang may narinig kaming nag-announce, ”Ladies and gentlemen! It’s my pleasure to welcome the birthday boy, our beloved student council presidet, Mr. Aljun Lachica!”
Bigla ring nagliwanag ang buong auditorium at nandoon lang pala sa loob ang lahat ng mga officers ng student council, mga invited na mga estudyante at officers ng iba’t-ibang organizations, faculty members at administrators. At sa stage ay may malaki at eye-catching na banner, “Happy Birthday Mr. Aljun Lachica!”
At ang sunod naming narinig ay ang pagkanta nilang lahat. “Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday...”
Palakpakan, tawanan.
Hindi naman magkamayaw sa pagtatawa si Aljun. Unexpected talaga. At ako man ay nabigla rin.
Sinundo kami ng isang usher at inalalayang kaming pumasok sa auditorium. Sinalubong naman kami ng vice president niya, nakipag-handake at bro-hug sa kanya at pumila na rin ang mga naron upang mag greet sa kanya. Tawa nang tawa ang vice president noong magshakehands sila. Biniro pa niya si Aljun ng, “Kala mo makalusot ka dre...” na tinugon lang ni Aljun ng tawa at pagbabanta, “Di bale, may araw ka rin. Sinira mo ang plano ko, tado ka,” sabay tawa.
Pagkatapos ng greeting at handshakes, pinaupo na kami sa pinakaharap na upuan ng auditorium. Maya-maya lang ay nagsalita na ang emcee. Ipinaliwanag niya kung para saan ang programa na iyon. Pagkatapos ay tinawag niya ang vice president ng council upang magbigay ng paunang salita. Sinundan ito ng mga speeches ng iba’t-ibang presidents ng clubs and school organizations. Puro papuri kay Aljun ang maririnig galing sa kanila.
Ngunit doon ako naantig nang ipinalabas na ang video tungkol sa kanyang ina at ito ay nagsalita. Noon ko lang nakita ang kanyang inay. Malayong-malayo sa hitsura ni Aljun na guwapo. Ang inay niya ay average lang ang hitsura. “Anak, happy birthday! Pumunta rito ang mga kasama mo sa student council at heto, pinilit nila akong magsalita. Tumalima na lang ako anak, baka kung ano pa ang gagawin nila sa iyo kapag hindi ko sila pinagbigyan.”
Nagtawanan ang lahat. “May pagka kumedyante pala ang nanay mo,” ang sabi ko kay Aljun.
“Oo. Pero malalim din iyan,” ang sagot niya.
“Anak... maraming salamat na dumating ka sa buhay ko. Napaka suwerte ko na ikaw ang naging anak ko. Hindi ko na isa-isahing sabihin ang dahilan kung bakit. Ngunit alam mo na iyon. Alam mong ikaw na lang ang nalalabi kong katuwang sa buhay. Alam mong sa iyo ako humuhugot ng lakas at inspirasyon. Ikaw ang dahilan kung bakit napakasarap mabuhay sa kabila ng lahat, sa kabila ng paghihirap natin. Dahil sa iyo, may saysay ang aking buhay. Dahil sa iyo, naramdaman ko ang sarap na maging ina, na mayroong isang anak na katulad mo. Alam kong nahirapan ka rin sa ating kalagayan ngunit bilib ako sa tatag mo, anak, sa kabaitan mo, sa talino mo. Alam kong balang araw ay makamit mo rin ang iyong mga pangarap. Kaya, huwag kang magbago anak. Huwag makalimot sa Diyos. Happy birthday at naway biyayaan ka ng mahaba at malusog na buhay at maraming blessings...”
Nakita ko na lang si Aljun na nagpahid ng luha. Ako man ay napaluha din. Kitang-kita kasi sa pananamit ng kanyang inay na mahirap lang talaga sila. At sa background pa ng video ay makikita ang bahay nila sa bukid na lumang-luma at tagpi-tagpi ang bubong at ang mga dingding.
“Huh! Ang drama naman ng inay!” ang sambit ni Aljun.
Nagsalita uli ang emcee. Pinasalamata niya ang inay ni Aljun sa pagpaunlak sa kanila. Bumaling siya sa aming kinauupuan. “We surely know that all of you would want to know something about our birthday boy, do you?” tanong ng emcee.
“Yesssssss!!!! Yesssssss!!!! Yesssssssss!!!” ang hiyaw naman ng audience.
“Ok, your wish is my command.” ang tugon ng emcee.
Naglagay ang stage assistant ng dalawang upuan sa itaas ng mismong stage. “We would like to request the birthday boy to come up and occupy the vacant seat,” ang pagsasalita muli ng emcee.
Walang nagawa si Aljun kundi ang tumalima. Nagpalakpakan ang mga tao. Noong naupo na ni Aljun sa itinalagang upuan para sa kanya sa gitna ng stage, umupo na rin sa harap niya ang isang editor ng student pubication ng unibersidad. Interview portion pala ang tagpo.
“My first question would be... ano ba bilang isang anak, bilang isang kaibigan, o bilang isang tao ang isang Aljun?” ang banat na tanong kaagad ng editor.
“Ang hirap naman ng tanong,” ang sagot ni Aljun na binitiwan ang isang matipid na tawa. Nahinto siya sandali. Maya-maya lang ay nagsalita siya. “Ok... bilang isang anak, masunurin at mapagmahal, bilang isang kaibigan, loyal at faithful, at bilang isang tao, heto...” ang sagot niya sabay puwesto ng kanyang nakabukang hintuturo at hinlalaking daliri at idinikit iyon sa ibaba ng kanyang bibig na sinabayan ng ngiti, pagpapakita ng poging paporma.
Nagtawanan ang audience. Nagpalakapakan.
“Ano pa ba ang puwedeng hilingin ng isang Aljun Lachica sa buhay?”
“Ah... e... In my twenty years of existence into this world. I have never encountered any major, major... I mean problem?” ang patawang sagot ni Aljun gamit ang pamosong linya ng isang Philippine beauty conterstant ng nakaraang Miss Universe pageant.
Nagtawanan na naman ang lahat. Napahanga naman ako sa kanyang pagka-witty.
“Hindi... syempre marami din akong pwede pang hilinign. Pero alam mo, hindi nadadala iyan sa hiling eh. I know that nothing is really free in life. Pangarap na lang siguro ang libre. But if you want to translate your dream into reality, dapat paghirapan mo ang isang bagay. Mahirap lang ang pamilya ko, dalawa nga lang kami ng nanay ko, wala akong tatay dahil single mother ang aking ina. Base sa dalawang bagay na iyan, maiisip mo kung ano ang aking mga ninanais magkaroon sa buhay. Ngunit, pinalaki ako ng aking inay na maging kuntento sa kung ano man ang mayroon ako. At naniniwala rin ako na ang kaligayahan ay walang kinalaman sa yaman o ganda ng hitsura ng tao; ito ay nakakamit sa pagiging kontento sa kahit maliliit na bagay. Satisfaction is the key to being happy. Napakaraming taong mayaman. Happy ba sila? Mas lalo pa nga sigurong naging sakim ang marami sa kanila, ang iba ay handang pumatay upang mas lalo pang dumami ang kanilang kayamanan. Maraming mga taong biniyayaan ng magagandang hitsura, happy ba sila? Ang iba sa kanila ay lulong sa droga, ang iba ay nasa bilangguan, ang iba ay nagsu-suicide... Bakit? Dahil hindi sila kontento sa ano man ang mayroon sila. Ako? kung hindi ko natanggap na wala akong tatay, baka nagwala na rin ako. Baka sinisi ko ang nanay ko, ang kahirapan namin, at ang mundo. Ngunit tinuruan ko ang sariling tanggapin ang lahat kasi, nad’yan na iyan eh. If I keep on blaming my mother or other people for my misfortune, it doesn’t change the fact that my father is nowhere. In fact, my life gets more mesirable if I would do that. Magkaletse-letse ang buhay ko, magwala ako, baka mapariwara pa. But I chose to be constructive. I chose to stay on the path of making the best of my life and making it useful rather than looking for people and things to blame. I chose to be a part of the solution rather than a part of the problem. I just love to be happy. I love to see everyone around me happy - my friends, my neighbors, my fellow students, everyone, especially my mother. She has already suffered so much. I can’t afford to see her suffer some more...”
Nagpalakpakan uli ang mga tao. Ako naman ay mas lalong napahanga sa kanyang paninindigan.
“Paano ba magalit ang isang Aljun Lachica?”
“Galit? Ano iyon," ang biro niya, sabay tawa. Nagpatuloy siya. "Ah... mataas ang pasensya ko. Kung maaari ay ayaw kong magbitiw ng mga nakasasakit na salita. Kasi, kapag nabitiwan mo na ito, hindi na ito mabubura pa sa isip ng tao. Ayaw kong kapag nakita ako ng isang tao, ang maiisip niya kaagad sa akin ay ang sama ng loob na naidulot ko sa kanya dahil sa nabitiwan kong salita. Kaya kapag nagalit ako, idinadaan ko na lang ito sa biro. O kaya, hindi na lang ako iimik.”
“Lovelife... sa dami ng nagkaka-crush sa iyo, may girlfriend ka na ba?”
At doon na naghiyawan ang mga tao lalo na ang mga babae. Halos bumagsak ang auditorium sa sobrang lakas ng hiyawan.
“I’m single right now...”
At lalo pang lumakas ang hiyawan.
“Pero syempre, may crush ka...?”
“Marami...”
“Any particular person?”
“Sabihin na lang nating isa siyang transferee...”
Nagbulungan ang mga tao.
“Pwede bang malaman ang initial ng kanyang first name?”
“Letter ‘G’?”
Na lalo namang ikina-wild ng mga bulungan. Ako naman, alam ko nang si Gina iyon. Sinabi na kasi niya iyon sa akin. May kaunting kirot sa puso ngunit pakunsuwelo ko na lang sa sarili ay ang aking desisyon na hindi magpaalipin sa tukso sa kanya. At dahil confirmed na si Gina pala talaga ang crush niya, na crush at kaibigan ko rin, mas lalakas ang aking pangontra laban sa tukso.
“Nandito ba siya ngayon?” ang tanong uli ng editor.
Tumayo si Aljun, hinarap ang audience, itinakip ang isang palad sa liwanag ng ilaw at kunyari ay may inaaninang, hinahanap. Tumingin siya sa harap, sa gitna, sa gilid, sa dulo ng auditorium. At nang may nakitang barkada, tinuro niya siya, “Tol... kaw ba yan?”
“Ako nga ito tol... nandito lang ako. Crush din kita tol!” ang pabiro namang sagot ng barkada niya.
Nagtawanan ang mga tao. Bumalik sa upuan si Aljun at seryosong sinagot ang tanong. “Nandito sya...”
Muling naghiyawan ang mga tao. Natawa na rin ang editor.
“Last question... sino ba talaga ang ‘master’ mo ngayon?” ang pahiwatig ng editor sa taong nakapanalo sa kanya bilang papremyo sa paraffle contest ng Cool Guys, Inc.
Ako na lang ang nagulat sa kanyang inasta na walang kakiyeme-kyemeng itinuro ang aking kinaroroonan, “Hayun sya o...”
Nagsilingunan ang mga tao sa kinaroroonan ko.
“Puwede ba natin siyang tawagin dito sa stage?” ang tanong ng editor sabay muestra sa stage assistant na lagyan ng isa pang upuan ang stage.
May tinawag ang emcee. Kahit hindi siya nakamikropono, narinig ko tinanong niya sa taong iyon kung ano ang pangalan ko.
Bumalik ang emcee sa podium. Nag-announce. “Ladies and gentleman, please welcome our birthday boy’s master and winner of the Cool Guys, Inc Raffle, Mr. Gener S. Flandez, Jr.!”
(Itutuloy)