By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
"Ano ang mensahe ng kinanta mo sa akin?" ang paggiit ko.
"Ah..." nahinto siya sandali. "Ganito kasi iyan," muli siyang nahinto, nag-isip. Maya-maya, "'Di ba, slave mo ako for 365 days? So habang slave mo ako, I'm yours," ang paliwanag niya.
"Iyon lang?" ang tanong ko naman. Nakulangan kasi ako sa kanyang paliwanag. Nag-expect ako ng mas malalim pa na dahilan.
"Oo, iyon lang."
"Pero bakit may 'It's our God-forsaken right to be loved, loved, loved...' Tapos mayroon pang 'There's no need to complicate, our time is short...'. Ano iyon?"
"Ah..." muli siyang nahinto at nag-isip. "Ang ibig sabihin ay simple lang ang buhay. At dahil 365 days lang ako sa iyo, our time is short, 'di ba?"
"Okay..." ang sambit ko habang lihim siyang inismiran. Sa isip ko lang ay bagamat may punto siya ngunit kaduda-duda pa rin ang paliwanag niyang iyon para sa akin. Sadya lang sigurong magaling siyang lumusot. "Iyong this is our fate - take note, 'O-U-R F-A-T-E,'" ang pag-emphasize ko sa "our fate" talaga.
"Our fate kasi... di ba sa dinami-daming ticket na niraffle, tayo talaga ang pinagtagpo - para maging master at slave. Talagang fate natin ito. Destiny," ang paliwanag niya uli.
Wala na akong nagawa kundi ang tumahimik. "Okay, fine..." sa isip ko lang.
"Gusto mong kantahan kita uli?" ang tanong niya. "At mas maganda kung sabayan mo ako," dugtong pa niya.
Tinipa niya ang kanyang gitara atsaka kumanta. Nakisabay na rin ako.
Well you done done me and you bet I felt it
I tried to be chill but you’re so hot that I melted
I fell right through the crack, now I’m trying to get back
Before the cool done run out, I’ll be giving it my bestest
And nothing’s going to stop me but divine intervention
I reckon it’s again my turn to win some or learn some
I won’t hesitate no more, no more, it cannot wait, I’m yours
Sa pagkanta naming iyon ay napalitan ng saya ang kanina lang ay nagmamaktol kong mood. Ang saya-saya naming dalawa. Nawala ang inis ko sa kanya sa pagka late niyang dumating at sa hindi niya pagpansin sa akin sa student center. Marahil ay iyon ang kanyang paraan upang makabawi.
Maliban sa I'm Yours ni Jason Mraz ay may ibang kanta pa kaming kinanta.
“Marami ka palang paboritong kanta."
"Ah, oo. Pero I'm Yours ang pinakapaborito ko."
Muli na naman akong natahimik at naging seryoso. Tila ayaw maka move-on ng aking isip sa kanyang naunang sagot. Kaya muli kong ibinalik ang tanong. "Ano nga uli iyong rason kung bakit mo kinanta sa akin ang 'I'm Yours'?
Natawa siya habang tinitingnan ako. Ngunit hindi ako natawa kaya biglang naging seryoso ang kanyang mukha. "Hindi ka talaga naniniwala sa sagot ko?"
“Hindi."
“Ganito kasi iyon. Noong unang panahon, noong hindi pa narating ni Magellan ang Limasawa island-- ”
“Paano napunta si Magellan sa kanta? Hoy! Mr. Aljun Lachica, diretsong sagot ang gusto ko. Huwag patumpik-tumpik!” ang pagputol ko sa pabiro niyang sagot.
Natawa uli siya, “Opo, Master! Sagutin ko na po. Walang patumpik-tumpik.” ang birit niya. “Kasi po... ganito." Bahagya siyang nahinto. "'Di ba mas matanda ako kaysa sa iyo? Magtu-20 na kaya ako next week samantalang ikaw ay 16 pa lang, 'di ba? Kaya, bilang kuya mo, ako dapat ang mag-aalaga sa iyo. Tama?”
“Waaahhhh! Birthday mo next week? 'Di nga?”
“Birthday ko nga, walang biro. At 20 na ako. Kaya ako ang mas nakatatanda. At dahil d'yan, ako ang dapat na mag-alaga sa iyo.”
“Talaga...” ang sagot ko. Syempre, natuwa rin ako na nalaman ang birthday niya. Sumagi tuloy sa isip ko kung ano ang iriregalo sa kanya. Naging excited ako. Nalimutan ko na tuloy ang aking tanong tungkol sa kanta. "Paano iyan? Birthday mo na pala next week? E, 'di dapat ay may celebration tayo."
Napangiti siya. "Huwag na... Hindi importante sa akin ang celebration. Sanay na ako na wala iyon. Ang mahalaga, heto healthy. Personal na magpapasalamat sa taas sa mga biyaya na ibinigay niya."
"E, 'di kahit kakain na lang tayo sa labas."
"Puwede," ang sagot niya.
Tahimik.
"Paano ka pala nakumbinsi ng grupo na pumayag maging prize-boy?" ang paglihis ko sa usapan. Gusto kong mas makilala pa siya.
"Ah... Siguro dahil malambot talaga ang puso ko sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kaya kahit nag-aalangan ako, in the end, nang maisip ko ang malaking tulong na maibibigay ko sa ating mga scholars, kaya pumayag na rin ako."
"Bakit ka nag-aalangan?"
“Kasi, hindi naman ako mayaman. Ordinaryong estudyante lang kumbaga."
"'Di ba katuwaan lang naman?"
“Katuwaan, oo. Pero hindi katuwaan ang serbisyo ko dahil ang puno’t-dulo ng lahat ay ang fund-raising ng CG, Inc para sa isang napakamahalagang cause upang makalikum ng pera para sa mga scholars na underprivileged. Nakasalalay sa aking mga kamay ang target nila, ang integrity ng kanilang misyon. Gusto kong ipakita sa mga tao na hindi nagkamali ang CG, Inc sa pagpili sa akin bilag jackpot prize dahil kahit hindi ako mayaman... pulido ang serbisyo ko. At lahat ay handa kong ibigay para sa master ko, at galing sa puso ang aking serbisyo.”
May kilig akong naramdaman sa sinabi niyang iyon. Ngunit hindi ko ipinahalata. “Bakit mo naman nasabing kahit hindi ka mayaman...? Mga mayayaman lang ba dapat ang maging jackpot prize ng paraffle?”
“Hindi naman. Ngunit ang mga previous na jackpot prize boys kasi ay mga anak mayaman. Gaya ng last year, may-ari ng resort iyon, dinala doon ang master niya, kasama ang family for 1 week, libre. May dati pa, anak mayaman din, dinala ang master niya sa Hong Kong... Kasama kasi iyon sa prize, ang kung ano man ang mai-offer ng prize boy. Nagtaka nga ako kung bakit ako ang napili. Ngunit ako raw kasi ang may pinakamaraming boto sa secret poll nila... Kaya ok, go! Ang sabi ko na lang sa aking sarili. Kaya heto..."
Para ring naawa ako sa kanya. Tila may kung anong lungkot ang kanyang mga mata. Ramdam ko ang kaunting insecurity niya na baka hindi ako ma satisfied o hindi ko ma-appreciate ang pagiging jackpot prize niya sa akin. “Mr. Lachika ha... nagdrama ka na. Kuha ka na nga lang ng beer at magkuwentuhan na lang tayo buong magdamag,” ang sambit ko. Pakiramdam ko kasi ay gusto ko pang makausap siya at makilala nang lubos.
Tumayo naman siya at kumuha ng beer sa refrigerator. Habang tinungo niya ang kusina, napansin ko habang sinilip ko ang bintana. May mga nakasabit na mga damit ko sa labas.
“Nilabhan mo ang mga damit ko?” ang tanong ko sa kanya nangnakabalik. Dala-dala niya ang apat na beer, ang dalawa ay nakabukas na.
“Oo! Habang hinintay kita kanina, nilabhan ko ang aking pantalon, t-shirt at brief para isuot ko bukas. Nilabhan ko na rin ang iba mo pang mga labahin.”
Parang gusto kong umiyak sa sobrang pagka touched sa kanyang ginawa. Napatitig na lang ako sa kanyang mukha na parang gusto ko na siyang yakapin at halikan. Noon ko lang kasi naranasan ang pagka-caring, sobrang thoughtful, sobrang kabaitan ng isang tao. May ganyan ba talagang klaseng tao? Bugbog na nga ang katawan sa pag-aaral, may mga extra-curricular na activities pa, regional champion sa lawn tennis, atsaka heto, nagsisilbi pa sa akin?
“Bat mo ako tinitigan ng ganyan?” ang tanong niya, ang mga mata ay may bahid na pagtataka. “Baka mamaya ay matunaw ako sa titig mong iyan huh!” ang tanong niya.
“Bakit mo ito ginawa sa akin?”
“Ang alin?”
“Ang lahat ng ito? Ganyan ka ba talaga kabait? Ngayon lang ako nakakita ng ganyan kabait na tao. Ikaw na nga ang nagluto, naghanda ng pagkain, naghugas... tinarayan pa kita kanina nang na-late ka ng 15 minutos at hindi mahintay. Ngunit imbes na magalit ka, kinantahan mo pa ako, ipinaglaba?”
Natawa siya. “Hindi naman… mas mabait pa talaga ako kaysa d’yan” ang biro niya. “Hindi… syempre naman, kasama iyan sa dapat kong gawin para sa iyo. Nilinis ko pa nga ang kubeta mo eh. Mabango na iyan. Spick-and-span! Inayos ko rin ang mga kalat sa kuwarto mo, ” sabay tawa.
“Kahanga-hanga ka talaga!” ang nasambit ko na lang. “Ang sipag mo kasi. Matalino, regional champion sa lawn tennis, talented kahit sa pagkanta, guwapo, may pamatay na porma... Lahat na yata ang magagandang katangian ay nasa iyo na. Ano pa kaya ang pwedeng hilingin ng isang Aljun Lachica?” At sa sobrang pagka-overwhelm ko, nadagdagan ko ang papuri ko sa kanya, “Kung babae lang ako, siguro na-inlove na ako sa iyo.”
Na dahilan upang bitiwan niya ang isang matipid na ngiti. Tinitigan niya ako. At ewan ko rin kung tama ang narinig ko... napa-buntong hininga sya. At parang bigla siyang nalungkot.
“Anong nangyari?” ang tanong ko.
“Wala…”
“Woi... ituloy mo na lang kaya sa pagkuwento ang mensahe ng kanta mo sa akin,” ang paglihis ko sa usapan, hindi upang kulitin siya kundi upang mabago ang malungkot na mood niya.
“A sige... at kung bakit ko nagustuhan ang kantang iyan,” ang sagot niya.
“Sige, sige.”
"May love story kasi sa likod ng kantang iyan."
"Okay, makinig ako."
“Tungkol ito sa isang torpeng lalaki. Transferee sa school nila ang crush niya. Ang problema, hindi niya masabi-sabi ito sa kanya. Kasi, bagamat may hitsura naman ang lalaki, maraming nagkandarapang babae, ang transferee na crush niya ay anak-mayaman, matalino, may hitsura, at marami ring nagka-crush. At mukhang may mahal na ring iba. Para bang, siguro takot o pride na lang na baka sa unang pagkakataon ay maranasan niyang ma-busted o masawi kaya tiniis na lang niya ang lahat. Ngunit habang tumatakbo ang araw, lalo lamang siyang nahirapan sa kanyang naramdaman. Ngunit sadyang mahina ang loob niya at wala siyang kakayahang isiwalat sa kanyang crush ang lahat. Sinarili niya ito kahit halos mabaliw na siya sa tindi ng naramdaman. Isang araw nagkaroon ng pagkakataong maging magpartner sila sa isang school activity. At isa sa mga kailangang gawin nilang dalawa sa activity na iyon ay ang mag-unload ng mga hinanakit at saloobin sa buhay. At bilang magpartner, dapat ay sabihin nila ito sa isa’t-isa. Binigyan sila ng sapat na panahon upang makapag-unload, mag open-up at makilala ang isa’t-isa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang saloobin. Doon na nagkaroon siya ng pagkakataon na magparamdam. At ito ang kanilang pag-uusap:”
‘Sana ay malaman niyang mahal na mahal ko siya at masabi ko sa kanyang, ‘I’m yours.’’
‘Bakit hindi mo ito sabihin sa kanya?’
‘Kung maaari nga lang sana e. Torpe kasi ako. Takot na masawi o ma-busted.’
‘Bakit? Sa hitsura mong iyan? Sa talino mo?’
‘P-parang may iba na kasi siyang mahal.’
‘Bakit hindi mo man lang i-try? Better to suffer a day of pain than to suffer regret for a lifetime. Kung hindi mo sasabihin sa kanya ang naramdaman mo, buong buhay kang manghinayang.’
‘Sana nga ganyan lang ka simple’
‘Ah, complicated.'
‘Medyo…’
‘Baka ikaw lang ang nagpa-complicate?’
‘Ewan… natatakot ako, nalilito.’
‘Normal naman iyan kapag in-love ka talaga.’
‘Siguro nga.’
‘Saan na ba siya ngayon?’
‘Nandito lang.’
‘Nadito lang? Sa school natin?”
‘Nandito… kasama natin’
‘Saan???’
‘S-sa…’
‘Sa…???’
‘S-sa… harap ko.’ Sabay yuko sa matinding hiya, hindi na hinintay pa ang magiging reaksyon ng kanyang crush.
Seryosong nakatutok ang aking mga mata sa kanyang mukha nang mapansin kong nakayuko lang din siya at hindi na nagsasalita. At maya-maya lang ay tumungga siya ng beer, dedma sa aking paghihintay sa karugtong ng kanyang kuwento.
Tahimik, halos nakanganga ang aking bibig sa sobrang pagkabitin at paghihintay sa sunod niyang sasabihin. At noong batid kong hindi na niya dudugtungan pa ang kuwento, doon na ako nagreact, “Ano ang sagot ng crush niya!” ang sigaw ko.
“Wala, hindi ko pa alam ang kasunod. Kaya hanggang doon na lang muna. ‘Itutuloy’ kumbaga...” at muli siyang tumungga ng beer.
“Andaya-daya! Nandoon na eh. Bakit hindi pa itinuloy! Bitiner ka pala! Kakainis!” ang sigaw kong may kaunting pagmamaktol.
"Hayaan mo na. Abangan mo na lang ang sunod na kabanata."
"Ay ambot sa imo, Mr. Lachika! Kainis ka!"
Hindi ko alam kung ang kuwento niyang iyon ay kathang-isip niya lang ba, o may ibig na ipahiwatig. Ngunit ipinagpalagay ko na lang na isa iyong bahagi ng mga binitawang biro niya sa akin.
Tahimik.
“Bakit hindi mo ako pinansin kanina sa student center?” ang pagbasag ko sa katahimikan.
“May kausap ka kayang isang magandang chick. At ang sweet-sweet ninyo kaya. Baka mamaya ay makaistorbo pa ako. Girlfriend mo iyon? Alam ko transferee iyon e, si Gina.”
“Kilala mo siya?”
“Sino ba ang hindi nakakakilala sa muse ng Liberal Arts? Kung sa mga transferees, ikaw ang pinaka pogi, sya naman ang pinakamaganda. Cool partners nga kayo eh. Bagay kayo.”
“Ah oo nga pala, ikaw pala ang gumawa ng mga pa-welcome sa mga newcomers at transferees ng unibersidad…” nahinto ako nang bahagya. “Crush mo siya?” dugtong ko.
“Lahat naman ng magaganda ay crush ko.”
Tahimik. Medyo may sibat na tumusok sa aking puso sa kanyang sinabi. Napabuntong hininga na lang ako at hindi na umimik.
“Ba’t natahimik ka? Crush mo rin siya ano?” ang tanong niya.
Na sinagot ko rin ng, “Lahat ng crush mo, crush ko rin!”
Natawa siya, “Waaaaaaa!!!! Gaya-gaya ka boss!”
“Ba’t ikaw lang ba ang marunong magkaroon ng crush sa mga magaganda?”
“Sabagay… Pero bakit ang crush ko pa?”
“Para may karibal ka.”
“Ouch! Wala na akong pag-asa nito. Mas pogi ka, eh.”
“Mas pogi ka kaya. Sikat, crush ng buong campus.”
Tahimik.
“Pero alam mo, hindi naman talaga ako naniniwalang hindi kayo magsyota e,” ang pagbasag niya sa katahimikan.
“Paano mo nasabi iyan?”
“Ang close-close ninyo kasi, kanina. Nakakainggit. Bagay kayo…”
Tahimik. Pareho kaming tumungga ng beer. Hinayaan ko na lang na mag-isip siyang may relasyon nga kami ni Gina. Ewan parang gusto ko siyang pagselosin.
Iniba ko ang topic bagamat may pag-aalangan, binuksan ko rin. “I-ikaw ba boss… hindi ka ba mahihiya kung sakaling malaman ng mga tao na ako pala ang master mo?”
“Bakit naman ako mahihiya? Ano naman ang masama? Pareho naman tayong lalaki. At kahit pa siguro babae o bakla, wala namang mawawala 'di ba? Maaaring mag-isip sila ng malaswa pero wala na akong pakialam doon. Kasi kapag ang binigyang pansin mo ang iisipin ng mga tao sa bawat galaw mo, walang mangyayari sa buhay mo. At kung open-minded ang isang tao, matatanggap niya ang kasabihang ‘There are no two exactly similar people’. May individual differences tayo. Kaya kung ano ang gusto ko, dapat respetuhin nila. Kung ayaw nilang respetuhin ang gusto ko, problema na nila iyon. Bakit ko poproblemahin ang isang bagay na nakapagbibigay sa akin ng kaligayahan? Kaya ba nilang ibigay ang kaligayahan ko?”
Napaisip ako sa sinabi niya. May punto siya.
“B-bakit ikaw? Ikinahihiya mo ba ako?”
“Waaaaahhh! Wala akong sinabing ganyan ah!”
“So… wala palang problema. Puwede tayong magsama kahit sa campus.”
Tumango ako. Binitiwan ko ang isang matipid na ngiti.
“Good boy!” ang sabi niya.
Sa gabing iyon ay marami akong natutunan tungkol kay Aljun. At syempre, sobrang saya ko at parang lumulutang ako sa ulap sa naramdamang kaligayahan.
Mag-aalauna na noong maisipan naming matulog. Hindi na siya umuwi sa dorm niya kasi madaling araw na at basa pa rin ang damit niya na nasa sampayan. At sarado na rin ang dorm nila.
Nag half bath muna ako samantalang siya naman ay nag-ayos sa aming higaan. Nakapaligo na raw kasi siya noong naglaba siya at naghintay sa akin. Kaya ako na lang ang pumasok sa shower.
Wala pang 10 minutos simula noong makahiga kami sa kama ay himbing na siya sa kanyang pagtulog. Ako naman ay hindi dalawin ng antok. Hanggang sumapit ang alas 2 ng umaga, gising pa rin ako.
Tumagilid ako paharap sa kanya. Dahil bukas naman ang lamp shade sa gilid niya, naaaninag ko pa ang kanyang mukha.
Inangat ko nang bahagya ang aking ulo at pinagmasdan ko nang maigi ang kanyang mukha. Inikot ng aking mga mata ang kaliit-liitang detalye rito na para bang inukit din ito sa aking isip.
Napabuntong-hininga ako ng malalim, Hindi maintindihan ang tunay na naramdaman. Labis ang paghanga ko sa kanyang angking kakisigan, bagamat may lungkot din akong nadarama dahil nasa tabi ko nga siya, ang taong kinababaliwan ng mga babae at bakla sa campus, abot kamay ko, ngunit tila napakalayo pa rin, hindi ko kayang angkinin, hindi puwedeng mahalin. Mistulang isa akong bilanggong kaluluwa; ang lahat ay naisakatuparan ko lamang sa mundo ng aking pag-iisip.
Hindi ko namalayang pumatak pala ang aking luha at bumagsak ito sa mukha ni Aljun.
Hindi na ako nakakilos pa upang pahiran ang aking pisngi. Biglang iminulat ni Aljun ang kanyang mga mata at sa pagkakita niya sa akin sa ganoong posisyon ay halatang nagulat siya at nagtanong, “U-umiiyak ka, Boss???”
“W-wala ito. Wala ito…” ang gulat na naisagot ko na lang.
“Ba’t gising ka pa?”
“Hindi ako dalawin ng antok, eh.”
Tatagilid na sana ako patalikod sa kanya nang bigla niyang iniunat ang kanyang bisig sa akin sabay sabing, “Halika… ihug kita upang makatulog ka na...”
(Itutuloy)