CHAPTER 2

1441 Words
NAIILANG si Janine subalit pilit niya iyong hindi pinapahalata. Wala naman kasi siyang magagawa dahil nakiusap si mommy Diana na samahan daw niya ito sa ospital. At dahil natataranta ang may-edad na babae nang sumugod ito sa opisina niya sa Visperas Hotel ay walang pagdadalawang isip siyang sumama. Akala niya may sakit ang mommy niya. Nalaman lang ni Janine ang tunay na dahilan nang pagbaba niya sa lobby ng hotel ay makitang naroon ang kapatid ni mommy Diana kasama ang asawa nito. Kaya pala sila pupunta sa ospital ay dahil manganganak na ang kasintahan ng pamangkin ni mommy Diana. Subalit may isang bagay siyang ikinagulat nang dumating sila sa ospital. Naroon si Draco. Ni hindi alam ni Janine na nasa pilipinas pala ang binata. Akala niya ay baka nasa kung saang bansa na naman ito kasama ang ilan sa mga celebrity friends nito. Pagkakita pa lamang tuloy niya sa lalaki na nakaupo sa tabi ni Ryan ay parang gusto na niyang tumalikod at umalis ng ospital. Subalit alam niya na kailangan niyang manatili roon. Tungkulin niyang sumunod kay mommy Diana dahil ang may-edad na babae na ang tumayo niyang ina mula pa noong labinlimang taong gulang siya. Naging mabuti itong ina sa kaniya mula nang magpakasal ito sa daddy niya.   Pinipigilan ni Janine ang sarili subalit hindi rin naman siya nakatiis na hindi sulyapan ang mukha ni Draco dahil mga taon na ang lumipas mula nang makita niya ito ng personal. Nagitla siya nang magtama ang kanilang mga mata. Nahuli ba nito na nakatingin siya o kanina pa ito nakamasid sa mukha niya? Subalit kahit alin pa sa dalawa ang totoo ay hindi na mahalaga. Katulad noon ay hindi niya makayang salubungin ng tingin ang mga mata ni Draco ng matagal. Kaya napasong nag-iwas na lamang siya ng tingin. Nawala lang sa binata ang isip niya nang may marinig silang iyak ng sanggol mula sa loob ng operating room. At nang lumabas ang isang doktor at sabihing malusog ang bata at maging ang ina nito ay napalis ang mabigat na pakiramdam sa paligid. Napatingin si Janine kay Ryan na namamasa ang mga mata habang tumatawa at hindi niya napigilang mapangiti. Ilang beses na niyang nakita si Ryan mula pa noong teenager siya pero ni minsan ay hindi niya nakinita ang lalaki na magiging ganoon ka-vulnerable ng dahil sa isang babae. Patunay na talagang mahal na mahal nito ang ina ng anak nito. Hindi niya maiwasang makaramdam ng kaunting kutkot ng inggit para sa kasintahan ni Ryan. Napakasuwerteng babae. Binabati na ng lahat ng mga tao roon si Ryan nang wala sa loob na muling napatingin si Janine kay Draco. Lumapit na rin ang binata sa pinsan nito at may ngiti na rin sa mga labi. Sandaling napatitig lamang siya rito. Sa tagal nilang pagkakakilala, kailan ba niya huling nakitang may ngiti sa mga labi si Draco? Hindi na niya matandaan. Ang sigurado lang niya ay kung nakita man niyang ngumiti ang binata noon ay para iyon sa ibang tao at kahit kailan ay hindi naging para sa kaniya. May naramdaman siyang pait at nag-iwas ng tingin. Itinuon niya ang atensiyon sa mga taong naroon at bumalik ang pagkailang ni Janine. Dahil kung tutuusin ay hindi naman niya kilala ang mga taong naroon. She doesn’t belong there. Kaya pasimple siyang humakbang paatras at palayo sa grupo. Nang makahanap ng tiyempo ay tumalikod siya at naglakad palayo. Mamaya na lamang siya babalik at kukuha ng tiyempo na magpaalam kay mommy Diana na babalik na siya sa Visperas Hotel, the place where she belongs.   HINDI mapigilan ni Draco ang mapangiti habang pinagmamasdan ang eksena sa kaniyang harapan. Nasa loob na ng private room si Jesilyn at nasa tabi nito si Ryan. Puno ang silid ng sari-saring bulaklak at kung anu-ano pang congratulatory at get-well-soon gifts. Galing sa mga residente ng Bachelor’s Pad. Halatang pagal pa rin ang babae pero nakakapagsalita na ito. Karga ng lalaki ang anak at namamasa na naman ang mga mata. Tinatawanan tuloy ng mga taong naroon ang lalaki. Maging si Jesilyn ay amused na nakangiti. Hindi siya makapaniwala na magiging ganoon si Ryan kapag nagkaanak. Nakakamangha na nakakatawa na nakakatakot. Ganoon ba talaga ang nangyayari sa isang lalaki kapag nahulog sa bitag ng pag-ibig? May kumatok sa pinto. At dahil si Draco ang nakatayo sa tabi ng pinto ay siya ang nagbukas niyon. Napaigtad ang babaeng nasa labas at napatingala sa kaniya. Siya naman ay natigilan at napatitig lamang sa mukha ni Janine. His sister. Ilang buwan o taon na ba mula nang huli silang magkita? Hindi na niya matandaan. Ang alam lang niya ay masyado silang magaling sa pag-iwas sa isa’t isa kaya kahit noong nakatira sila sa iisang bahay ay bihira sila magkita. “Sino ang dumating?” narinig ni Draco na tanong ng mama niya. Kumurap si Janine at luminga sa loob ng silid. “Ako po, mama.” “Janine, hija, pumasok ka,” sagot ng kaniyang ina pero himbis na kumilos ay naiilang na tumingin lang uli sa kaniya si Janine. Bigla ay may naalala si Draco. Mapait siyang napangiti at humakbang paatras. “Oo nga pala. You hate getting too close to me. I apologize,” mahinang sabi niya para ang babae lang ang makarinig. Namula ang mukha ni Janine at nagbaba ng tingin. Nakita niyang tumiim ang mga labi ng babae pero hindi naman nagsalita. Napailing si Draco. Nakaramdam siya ng inis at bumaling sa mga tao sa loob ng silid. “Lalabas muna ako.” Pagkatapos ay kumilos upang lumabas. Napaatras si Janine. Tumiim ang mga bagang niya. Bahagyang isinara ni Draco ang pinto para hindi sila makita ng mga tao sa loob. Pagkatapos ay yumuko siya hanggang magkalapit ang mga mukha nila ng dalaga. “For God’s sake, stop looking disgusted,” gigil pero mahinang usal ni Draco. Umawang ang mga labi ni Janine. “I-I don’t –” “You do. Mula pa noon ay ganiyan na ang pakitungo mo sa akin. You treat me like I’m dirty. Well, maybe I can be one. But in a different sense and you will never get a chance to know about it,” malisyosong sabi ni Draco. Sinabi niya iyon dahil alam niyang hindi kumportable si Janine sa ganoong usapan. Hayun nga at tinakasan ng kulay ang mukha ng dalaga. “Stop that. Alam ko sinasabi mo iyan para inisin ako,” mahinang sagot ni Janine at umatras pang lalo palayo sa kaniya. Tumiim ang mga bagang ni Draco. Noon pa man ay nagagalit na siya kapag lumalayo ito sa kaniya ng ganoon. Dumeretso siya ng tayo. “Ano bang ginagawa mo rito in the first place? Kung hindi ka nagpunta rito ay hindi sana tayo magkikita.” “Nagpasama lang si mommy. Gusto niyang makita ang anak ni Ryan.” Malamig na tinapunan niya ng tingin ang dalaga. “He’s not even your cousin.” Mariing pinaglapat ni Janine ang mga labi at kumislap ang inis sa mga mata. “Rason ba iyon para hindi ko samahan si mommy? Hindi ako katulad mo na ilang taon nang hindi nagpapakita at nagpupunta kung saan-saan na hindi kami binabalitaan kung buhay pa ba o hindi na.” “Sino sa tingin mo ang dahilan kung bakit hindi ako umuuwi?” maanghang na sagot ni Draco. Parang sinampal ang ekspresyon sa mukha ni Janine at bigla siyang nagsisi sa sinabi niya. Inis na sinuklay niya ang buhok at naglakad na lamang palayo. “Whatever. Pumasok ka na sa loob, sister.” Kailangan na niyang umalis bago pa sila magkasakitan ng husto. Katulad noon. “I’m not your sister,” mahinang bulong ni Janine na tila mas sarili ang kausap kaysa siya. Napahinto sa paglalakad si Draco at nilingon ito. “But you are. Mula nang magpakasal ang mga magulang natin, sa mata ng batas ay magkapatid tayo.” Tumingin sa kaniya si Janine at parang may asidong humiwa sa sikmura niya nang may makitang kislap ng lungkot at mas malalim pang emosyon na hindi niya mabigyan ng pangalan sa mga mata nito. “I know,” bulong ng dalaga bago tumalikod sa kaniya at tuluyang pumasok sa silid. Naiwan si Draco doon na hindi alam kung ano ang magiging reaksiyon. Napatitig siya sa pinto at matagal bago niya nahamig ang sarili. Napahugot siya ng malalim na paghinga bago tuluyang naglakad palayo sa lugar na iyon. Maybe he needs to go out of the country again. Iyong hindi siya hahabulin ng tingin na iyon ni Janine. Because he wanted to get away from her. As far as he could.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD