NAKATIHAYA sa kama at nakatitig sa kisame si Draco. Hindi niya alam kung gaano katagal na siya sa ganoong posisyon. Ang alam lang niya ay malapit na siyang magwala sa labis na pagkainip. Hindi siya mapakali dahil gustong gusto na niyang mag-empake at magpunta sa kung saan. Mas malayo ay mas maganda. Marahil dahil mag-iisang buwan na siyang nasa Pilipinas at isang buwan lang naman ang pinakamatagal na pananatili niya sa isang lugar na hindi siya naiinip.
Frustrated na napabangon si Draco at tumayo. “s**t. Bakit ba kasi hindi ko matanggihan si Ryan?” inis na nausal niya. Ang pinsan kasi niya ang dahilan kung bakit kahit nangangati na ang mga paa niyang lumayas ay hindi pa rin niya ginagawa. Nangako kasi siya na mananatili sa bansa para sa panganganak ng kasintahan nitong si Jesilyn at para sa kasal ng dalawa pagkatapos maisilang ang sanggol. Pero ngayon ay alam na niyang napasubo siya sa pangangako. Dahil hindi talaga niya kayang manatili sa isang lugar ng ganoon katagal.
Marahas na napabuga ng hangin si Draco at hinablot ang cellphone, wallet at mga susi. Pagkatapos ay mabilis siyang lumabas ng kaniyang unit. Mabuti pang lumabas siya bago pa siya mabaliw sa labis na pagkainip. Bumaba siya sa ground floor at balak na tumambay na lamang sa common area. Baka may makausap siya roon. Kung hindi pa rin siya mapakali ay ilalabas na lamang niya ang Ducati bike niya at pupunta sa kung saan.
Huminto at bumukas ang elevator sa ground floor at umibis siya mula roon. Nakailang hakbang pa lamang si Draco ay napansin na niya ang ilang malalaking kahon at furnitures sa lobby area ng Bachelor’s Pad. Kumunot ang noo niya nang makitang bumukas ang entrance glass doors at makita niya sila Rob at Keith na may mga kausap na ilang lalaki na nakasuot ng uniporme ng isang moving company. Lumapit si Draco sa mga ito.
“Anong nangyayari?” tanong niya nang mapalingon sa kaniya ang dalawa.
Ngumiti si Rob. “Kinuha ko lang ang natitirang gamit sa unit ko. Ilang buwan na nang makalipat kami ni Daisy sa nabili kong bahay at ayokong isipin ng asawa ko na hindi ako at home doon kaya hindi ko pa rin pinapakawalan ang unit ko dito. So, I’m really leaving Bachelor’s Pad for good.”
Ikinabigla iyon ni Draco dahil sa loob ng ilang taong pananatili niya roon ay si Rob ang huling dumating pero ngayon ay ang una palang aalis. “Sigurado ka na diyan?”
Tumango si Rob. “Ilang buwan ko itong pinag-isipan.”
Napatango na lang si Draco. Si Keith naman ay tinapik si Rob sa balikat at ngumiti. “Kaya magsasagawa tayo ng farewell party para sa kaniya sa darating na sabado. Siguruhin mo na hindi ka mawawala Draco. Dapat kumpleto tayong lahat. Lalo ka na. Malapit na mag-isang buwan mula nang bumalik ka ng Pilipinas. Alam ko kapag tumagal ka na ng ganiyan ay nag-e-empake ka na para umalis, hindi ba?”
Sa sinabi ni Keith ay napabuntong hininga na lamang siya. “Well, yeah. Pero nangako ako kay Ryan na –”
Napahinto sa pagsasalita si Draco nang tumunog ang kaniyang cellphone. Dinukot niya iyon mula sa bulsa ng kaniyang faded maong jeans at nang makitang si Ryan ang tumatawag ay agad niya iyong sinagot.
“Draco. Manganganak na si Jesilyn. Papunta na kami sa ospital,” taranta at nagmamadaling bulalas ng pinsan niya mula sa kabilang linya.
Napaderetso ng tayo si Draco. “Okay. Pupuntahan ko kayo.”
“Salamat, pinsan.” Iyon lang at pinutol na ni Ryan ang tawag.
Tiningnan ni Draco sina Keith at Rob. “I have to go. Manganganak na daw si Jesilyn.”
Bumakas ang pagkagulat sa mukha ng dalawa. “Sige. Sasabihin ko din sa iba,” sabi ni Keith.
“Go. Pupunta kami ni Daisy kapag natapos ko ang paglilipat ng mga gamit ko,” sabi naman ni Rob.
Tumango si Draco at nakipagtapikan ng balikat sa dalawa bago siya tumalikod at nagmamadaling nagtungo sa parking lot ng Bachelor’s Pad. Ang Ducati bike ang ginamit niya para mas mabilis ang biyahe.
Wala pang dalawampung minuto ay nakarating na siya sa ospital kung saan alam niyang ia-admit si Jesilyn. Naroon kasi ang mga doktor ng babae at dati na niyang nasamahan magpunta doon ang kaniyang pinsan. Mabuti na lamang at madali niyang nakuha sa nurse na nakabantay sa reception ng ospital kung nasaan ang maternity ward doon. Naabutan pa ni Draco na ipinapasok sa operating room si Jesilyn habang si Ryan naman ay mukhang walang magawa at namumutla. Lumapit siya sa kaniyang pinsan at tinapik ito sa balikat. “Hey.”
Napalingon sa kaniya si Ryan. “Draco. Salamat sa pagpunta. Sumakit ang tiyan niya habang magkasama kami at mukhang kailangan na niyang sumailalim sa cesarean operation.”
“Calm down. Magiging maayos ang lahat,” sabi ni Draco. Gumaralgal kasi ang tinig ng kaniyang pinsan. Noon lang niya ito nakita na ganoon ka-vulnerable.
“He’s right, Ryan. Kumalma ka at maupo muna diyan. Kami ang bahala kay Jesilyn,” sabi ng matandang doktor na nakatayo sa tabi ng pinto ng operating room.
“Salamat tito Basil,” usal ni Ryan.
Ah. The cardiologist. At ang ama ni Apolinario Montes. Ngumiti ang matandang doktor bago pumasok sa operating room.
Sandali pa ay nakumbinsi ni Draco si Ryan na umupo habang naghihintay sila. Pero sa mga sumunod na oras ay hindi kumalma ang lalaki. Dumating ang mga magulang ni Jesilyn. Pagkatapos ay sandaling pinapasok sa operating room si Ryan upang makausap ang babae at nang lumabas ang kaniyang pinsan ay namumula na ang mga mata nito na tila ba umiyak. Maya-maya pa ay nagsimula na ang caesarian operation. Dumating ang mga kaibigan ni Jesilyn at si Apolinario Montes. Pagkatapos ay humahangos na dumating din ang mga magulang ni Ryan.
Natigilan si Draco at napaderetso nang upo nang makita kung sino ang kasama ng mga itong dumating. Ang kaniyang ina at si… Janine.
“Ano, lumabas na ba ang baby?” tanong ng mommy niya. Subalit hinayaan niyang si Ryan ang kumausap dito.
Nakatitig pa rin kasi si Draco sa babae na tahimik lamang na nakatayo ilang hakbang ang layo mula sa kanila. Ilang taon na mula nang makita niya si Janine. She still looks the same yet different. Mahaba pa rin ang tuwid at itim na itim nitong buhok. Maganda pa rin ang mukha pero tila mahirap pa rin lapitan. Katulad noong bata pa ito at nag-aaral sa isang all girls high school. Noong ni hindi pinagtutuunan ng babae ang mga taong walang kinalaman sa buhay nito. Noong mababa ang tingin nito sa kaniya at sa kaibigan niya.
Subalit hindi tulad noon ay mas makurba na ang hugis ng katawan ni Janine at hindi iyon naitago ng konserbatibong pananamit ng dalaga. Maging ang aura na nakapalibot sa dalaga ay nag-iba. Mas mukha na itong matured kaysa noon. Sigurado si Draco na kung dadalasan lang ni Janine ang pagngiti ay tiyak na maraming lalaki ang mababaliw rito.
Nakatitig pa rin siya sa mukha ng babae nang mapatingin ito sa kaniya. Nagtama ang kanilang mga mata. Subalit agad ding nag-iwas ng tingin si Janine na para bang napaso. O mas tamang sabihin na parang may nakita itong hindi kaaya-aya. Tumiim ang mga bagang ni Draco at binawi rin ang tingin. Ah. Isa iyon sa mga hindi nagbago kay Janine. Hindi pa rin siya nito matingnan ng matagal na para bang isa siyang nilalang na ni hindi nito maatim titigan. At tulad ng dati ay nakaramdam ng matinding pagrerebelde si Draco dahil doon. Isang bagay na hindi niya maintindihan kung bakit. Wala naman siyang pakielam sa iniisip ng ibang tao sa kaniya. They can love him or hate him and he doesn’t give a damn. Subalit bakit kapag si Janine ang nagpapakita ng ganoon sa kaniya ay parang gusto niyang magwala?
Noon pumailanlang ang iyak ng isang sanggol mula sa loob ng operating room. Natigilan silang lahat at napatingin doon. “Nandiyan na ang baby!” umiiyak na bulalas ng ina ni Jesilyn.
Maya-maya ay bumukas ang pinto ng operating room at lumabas ang cardiologist na sumama sa panganganak ni Jesilyn upang siguruhing ligtas na matatapos ang operasyon. May sakit kasi sa puso ang babae. Napatayo si Ryan at lumapit sa cardiologist. “Relax. Your daughter is a very healthy baby. And her mother is okay. Makikita mo sila mamaya,” nakangising sabi ng matandang doktor.
Napabuga ng hangin si Ryan sa relief. “Thank God.”
Kahit si Draco ay nakahinga ng maluwag at mukhang lahat ng tao roon ay ganoon din ang naramdaman.
Nakangiti pa ring tumango ang matandang doktor. “Indeed. Congratulations for being a father. And a soon-to-be husband.”
Napangiti na rin si Ryan at tuwang tuwang humalakhak. “Yeah. Thanks.”
Bigla ay napangiti na ang lahat. Kahit si Draco ay napalis ang hindi magandang mood at bahagya na ring napangiti. At nang hindi siya nakatiis ay pasimpleng sinulyapan si Janine. May malambot na ngiti sa mga labi ng babae. Nagmukha tuloy maamo ang mukha nito na palaging seryoso ang ekspresyon.
Halos kalahati ng buhay ni Draco ay kilala niya ang dalaga pero mabibilang lamang niya ang mga sandaling nakikita niya itong nakangiti ng ganoon. At palagi, sa tuwing nakikita niya ang ngiting iyon ay nahihirapan siyang bawiin ang tingin.
Pasimpleng huminga ng malalim si Draco at matinding will power ang kinailangan bago naalis ang tingin kay Janine. Hindi niya alam kung bakit hindi siya gusto ng dalaga. Ang sigurado lang niya ay hindi siya ang tipong ipinipilit ang sarili sa isang taong hindi siya gusto. At kung ayaw sa kaniya ni Janine ay hindi niya ipipilit ang sarili dito. Even if she was supposed to be his sister.