PROLOGUE
ALAS SINGKO na ng umaga. Hindi na kailangan pa ni Draco Faustino na tumingin sa orasan dahil tila naka-programa na ang katawan niya na bumangon at magbihis kapag ganoong oras. Palibhasa ay halos anim na taon nang ganoon ang kaniyang lifestyle.
Bumangon siya mula sa kama, kinuha ang mga hinubad na damit na nakasampay sa silya at nagtungo sa banyo para maligo at magbihis. Wala siyang dalang pang shave kaya hinayaan na lamang niya ang stubbles na tumubo sa kaniyang mga panga at baba. Nagpupunas pa siya ng buhok nang lumabas siya ng banyo.
“Gusto kitang alukin na manatili pa ng matagal pero alam kong tatanggi ka na naman.”
Natigilan si Draco at napatingin sa kama. “Camille. Hindi mo kailangan gumising ng maaga. Go back to sleep,” sabi niya sa babaeng nakaupo pasandal sa headboard.
Katulad nang iwan niya ito kanina roon na natutulog pa ay wala pa ring saplot sa katawan ang babae. Ni hindi nito inabalang takpan ng kumot ang kahubdan at humithit buga lamang sa sigarilyong nakaipit sa mga daliri nito habang nakatingin sa kaniya.
“Hanggang kailan mo ipagpapatuloy ang ganiyang lifestyle, Draco? Kung hindi ka sa akin nagpapalipas ng gabi ay sa kung sino-sinong babae. Just because you hate going home,” sabi ni Camille.
Lumapit siya sa babae at umupo sa tabi nito. Pinaraan niya ang mga daliri sa balikat ni Camille kung nasaan ang tribal tattoo na siya mismo ang naglagay rito. “You talk as if you don’t enjoy my company,” usal ni Draco.
Sumilay ang kuntentong ngiti sa mga labi ni Camille at bahagya pang napapikit nang bumaba ang haplos niya sa collarbone nito at pababa pa sa ibabaw ng mga dibdib. “Oh, you know I do. At sigurado akong ganoon din ang mga babae sa buhay mo. Pero alam ko rin na bumabalik ka lang sa akin sa tuwing tinatapos mo ang relasyon mo sa kung sinong babae. At iyon ay nangyayari kapag humihingi na sila ng higit pa sa gabing kaya mong ibigay sa kanila. Alam ko rin na bumabalik ka lang sa akin dahil kailangan mo ng matutulugan sa gabi.”
Umangat ang gilid ng mga labi ni Draco. “Pero palagi mo naman akong tinatanggap, hindi ba?”
Dumilat si Camille at sinalubong ng tingin ang kaniyang mga mata. “Dahil pakiramdam ko responsibilidad kita. I am your first lover, after all. At ako ang nagturo sa iyo nang halos lahat ng bagay na alam mo. Ako rin ang nagturo sa iyo kung paano mag-tattoo hindi ba? At ang modeling gigs mo, ako rin ang nagbigay sa iyo ng contacts. I influenced your life. Pagpipinta lang ang hindi mo sa akin nakuha. Pero noong kolehiyo ka pa huling nagpinta hindi ba? So it doesn’t count.”
Tumango si Draco at hinalikan ang pisngi ng babae bago bumulong sa tainga nito. “Alam ko. But I’m so much better than you now. Sa s*x, tattoo at modeling.” Natawa si Camille. Lumayo na siya sa babae at tumayo. “I need to go.”
“Draco. Seryoso ako. Tigilan mo na ang pagtalon-talon sa bahay ng kung sino-sinong babae. Hindi ka na rin puwede magpunta sa akin,” sabi ni Camille sa seryoso nang tinig.
“Why?” kunot noong baling niya rito.
Ngumiti ang babae. “Dahil pupunta na ako sa States. Titira na ako doon for good. Kasama ang mga magulang ko. Magtatrabaho ako doon at baka humanap na rin doon ng mapapangasawa. Basta. Ang punto ay aayusin ko na ang buhay ko. You should do the same.”
Hindi nakakibo si Draco. Nabigla siya sa sinabi ni Camille pero hindi niya iyon pinahalata. Kilala na niya ang babae disisais anyos pa lamang siya. Tatlong taon ang tanda nito sa kaniya. Sampung taon na silang magkakilala. Mula pa noon ay isang liberated at free-spirited na babae si Camille. Ginagawa nito ang maibigan at walang pakielam sa sinasabi ng iba. Hindi sumagi sa isip ni Draco kahit kailan na iniisip din nito ang tungkol sa “pag-ayos ng buhay” at pag-aasawa.
Umangat ang kilay ni Camille na parang nabasa ang iniisip niya. “Alam ko na superwoman ang tingin mo sa akin Draco. Pero hindi ako ganoon. Naghahangad din ako ng tahimik at masayang buhay sa piling ng isang taong mahal ko at mahal ako. Alam mo ang pakiramdam na iyon hindi ba?”
Tumiim ang mga bagang ni Draco at nag-iwas ng tingin. “Fine. Malaya kang gawin ang lahat ng gusto mo. I wish you happiness. Aalis na ako. Tawagan mo ako bago ka umalis.” Lumapit siya rito upang gawaran ito ng huling halik sa pisngi.
Pinaikot ni Camille ang mga braso sa kaniyang batok at sa halip ay malutong siyang hinalikan sa mga labi. “Goodbye, Draco. I wish you happiness,” bulong nito nang pakawalan siya.
Mapait lamang na napangiti si Draco. Hanggang sa makalabas siya sa condo ni Camille ay tila nag-e-echo pa rin sa isip niya ang huli nitong sinabi. Napailing siya dahil hindi siya sigurado kung magkakaroon iyon ng katuparan. Katunayan ay mas mahalaga sa kaniya ang makahanap ng matutulugan sa gabi. Dahil sa kabila ng sinabi ni Camille ay wala siyang balak manatili ng matagal sa kanilang bahay.
SA COFFEE shop dumeretso si Draco pagkalabas niya sa condominium building ni Camille. Matapang na caffeine lang ang kailangan niya para mapalis ang sakit ng ulo na dulot ng halos gabi-gabing puyat. Pagkatapos niyon ay puwede na siyang makipagkita sa mga kliyente niya para sa araw na iyon.
Nakabili na siya ng kape at naglalakad na patungo sa isang lamesa nang may isang lalaki ang pumasok sa coffee shop. Pareho silang natigilan dahil kilala ni Draco ang lalaki kahit pa isang beses pa lamang sila nagkita at nagkausap noon. Si Brad Madrigal.
“Hey. Draco Faustino, tama? Nakakagulat na makita ka dito of all places. Long time no see,” nakangiting bulalas ng lalaki nang makalapit sila sa isa’t isa.
Bahagya na ring napangiti si Draco. “Yeah. Mag-iisang taon na mula nang magkita tayo sa London concert ng Skulls.” Ang tinutukoy niya ay isang local rock band sa nasabing bansa. May lahing pinoy ang bokalista at kakilala niya. Nagtungo siya sa major concert ng bandang iyon sa London dahil sa imbitasyon ng bokalista at dahil kinuha siyang tattoo artist ng ibang band members.
Nagkakilala sila ni Brad sa backstage dahil nang mga panahong iyon ay in-charge ang lalaki sa video coverage ng concert na ginawa nitong feature film na sa pagkakaalam niya ay pumatok sa mga music fans at tumabo ng awards mula sa mga music channels sa Europa.
“Akala ko sa London ka nakabase. Anong ginagawa mo rito?” takang tanong ni Draco nang nakapuwesto na sila sa isang lamesa at nakabili na rin si Brad ng kape.
Nagkibit balikat si Brad. “Kahit saan naman ako magpunta ay hindi naman ako nagtatagal. Pero para kalmahin ang mga magulang ko ay nagdesisyon akong kumuha ng matitirhan dito sa Pilipinas para lang masabi nilang nasa bansa ako.” Pagkatapos ay ngumisi ito. “Kahit ang totoo ay wala naman akong babaguhin sa lifestyle ko. Pupunta pa rin ako sa kahit saang bansa basta kailangan sa trabaho ko. Nagkaroon nga lang ako ng homebase. Plus, I found a really cool place. High tech ang amenities, madaling pakisamahan ang mga residente, may mga interesanteng events at higit sa lahat misteryoso ang may-ari. ”
Napaderetso ng upo si Draco nang may maisip. Bakit nga ba hindi na lang siya kumuha ng sarili niyang matitirhan? Sa mga nakaraang taon ay hindi iyon sumagi sa isip niya dahil hindi naman siya napipirmi sa isang lugar ng matagal kaya naisip niya na sayang lang iyon. Lalo na at hindi naman siya nawawalan ng matutuluyan sa gabi. Pero kung ipagpapatuloy niya ang lifestyle na iyon ay paano kapag makaengkuwentro siya ng persistent na babae at mapikot pa siya ng wala sa oras?
“Dapat yata humanap din ako rito ng homebase,” nausal ni Draco.
Kumislap ang mga mata ni Brad na tila may naisip na magandang ideya. “Gusto mo? Puwede kitang irekomenda para maging residente sa gusali kung saan ako nakatira. By recommendation lang kasi puwede maging residente doon dahil pinapangalagaan nila ang privacy ng mga taong nakatira doon. Sinisiguro nila na may nakakakilala kahit isa lang sa gustong tumira doon.”
Umangat ang mga kilay ni Draco sa kuryosidad. “Nasaan ba ang building na iyan?”
Ngumisi si Brad at may itinuro sa labas ng coffee shop. Sinundan niya ng tingin ang itinuro nito. Ilang bloke ang layo mula sa coffee shop ay nakita niya ang isang lumang gusali na out of place sa hilera ng mga nagtataasan at halatang bagong mga condominium building. Nalukot ang mukha ni Draco at muling tumingin sa lalaki. “Iyong building na iyon na mukhang dapat nang i-demolish?”
Tumawa si Brad at tumango. Hindi naniniwalang muling napatingin sa lumang gusali si Draco. Pinag-ti-tripan ba siya ng lalaki?
“Ganiyan ang hitsura niyan sa labas kaya mas nakakabilib kapag nakita mo na ang loob. Basta kung kahit papaano ay napukaw ang interes mo, irerekomenda kita. Kapag nagbigay sila ng go signal ay pwede kitang dalhin para makita mo ang loob. Ano sa tingin mo?” alok pa rin ni Brad.
Sandaling nag-isip si Draco bago nagkibit-balikat. “Sige.” Wala namang mawawala sa kaniya. Kung nalibot niya ang gusali at hindi niya nagustuhan ay puwede naman siyang huwag tumira doon. Ganoon lang naman kasimple.
Dalawang linggo ang nakalilipas ay inilibot siya ni Brad at Keith sa loob ng residential building. Sa mismong araw din na iyon ay opisyal siyang naging residente ng Bachelor’s Pad.