CHAPTER 7

1903 Words
HINDI mapakali si Janine. Halos hindi siya nakatulog kagabi dahil sa kaba kaya pagsapit ng alas singko ng umaga ay nagtungo na lamang siya sa Visperas Hotel para magtrabaho. “Ma’am! Good morning ho,” gulat na bulalas ng guwardiya nang dumating siya. Mukhang inaantok pa ito at bigla lang nagising nang dumating siya. At dahil kilala na siya ng mga empleyado doon ay agad na binuksan nito ng maluwag ang pinto para sa kaniya. “Salamat. Naisip ko lang pumunta ng maaga,” bahagyang nakangiti na sagot ni Janine at pumasok sa loob ng hotel. Himbis na magtungo sa opisina niya ay dumeretso siya sa housekeeping department. Gusto niyang makausap ang head ng housekeeping upang siguruhing maayos ang lahat sa bawat hotel rooms nila. Si Janine kasi ang tumatayong General Manager ng hotel nila at kinakarir niya iyon. Ang kaniyang ama naman ang tumatayo pa ring presidente subalit hindi na ito masyadong aktibo. Siya na ang in-charge sa over all operation nila. Mula noon hanggang ngayon ay nanatiling family business ang kanilang hotel na iisa lamang ang branch. Mas pinili kasi ng kaniyang ama na manatiling sa kanila lamang iyon kaysa mag-expand pero kailanganin naman magbukas ng pinto para sa business partners. Ang katwiran ng ama ni Janine ay nabubuhay naman daw sila ng maalwan kahit na hindi sila bilyonaryo na katulad ng ibang mga hotel magnates sa bansa. Sa totoo lang ay mas gusto rin niya na ganoon ang negosyo nila. Mas natututukan niya dahil isang branch lang iyon. Mas naibibigay niya ang buong puso at effort niya. Isa pa ay hindi naman basta-basta ang kanilang hotel. Ilang taon ang nakararaan ay pumasa sila sa accreditation para maging four star hotel. Para sa kanilang mag-ama ay malaking achievement na iyon. Huminto si Janine sa tapat ng pinto ng housekeeping department. Bahagya siyang napangiwi at sandaling nag-alangan bago ikinuyom ang isang kamao at kumatok ng tatlong beses. Walang nagbukas ng pinto. Baka umiidlip sila. Mamaya pa kasi ang oras ng linis ng housekeeping staff, kapag lumabas ang mga naka-check in para mag-almusal o para lumabas at gawin ang kung ano mang appointment ng mga ito. Naisip niya na huwag na mang-istorbo pero baka abala na siya mamaya at hindi na makahanap ng tiyempo bumisita roon. Lalo na at kailangan niyang makipagkita kay Draco mamaya. Bumaba ang tingin niya sa doorknob. Isipin pa lamang na kailangan niya iyong hawakan, na marami nang kamay ang lumapat doon, na kung saan-saan pa humawak ang mga kamay na humawak doon at ang mga hindi nakikitang germs na nakadikit doon ay nanlalamig at pinagpapawisan na ang batok ni Janine. Napalunok siya at napakagat labing nagsimulang abutin iyon nang sa wakas ay biglang bumukas ang pinto. Nag-angat siya ng tingin at hindi naitago ang relief nang makita ang isang babae na banat na banat ang pagkakapusod ng buhok, nakasuot ng makapal na salamin sa mga mata at uniporme na pencil cut skirt na hanggang tuhod, black stockings at long sleeved blouse na nakabutones hanggang leeg. Mas mukhang istriktang principal ng isang all girl’s school ang babae kaysa head ng housekeeping department. “Hindi na naman tagumpay ang eksperimento ko? Akala ko sa pagkakataong ito ay mahahawakan mo na ang doorknob. Namumutla ka Janine.” Noon bumaba ang reyalisasyon sa isip niya at namilog ang kaniyang mga mata. “Almira. Sinadya mo na naman huwag buksan ang pinto dahil alam mong ako ang kumakatok?” Inayos ni Almira Hidalgo ang salamin sa mga mata bago tumango at nilakihan ang bukas ng pinto. “Naisip ko lang na baka kailangan mo lang sanayin ang sarili mong humawak ng kung anu-ano para mawala ang pagiging obsessive compulsive at clean freak mo, Janine.” Napabuntong hininga si Janine at tuluyang pumasok sa loob ng housekeeping department. Maluwag iyon at bawat pader ay tumatayong shelves para sa mga kobre kama, punda ng unan, kumot at kung anu-ano pang ginagamit para sa paglilinis ng hotel rooms. Nasa dulong bahagi ng ground floor ang departamento na iyon pero iyon ang pinakapaboritong lugar ni Janine sa buong hotel bukod sa opisina niya. Ubod kasi ng linis doon. Gusto rin niya ang mabangong amoy ng fabric conditioner na nanunuot sa paligid dahil nakakonekta ang silid na iyon sa laundry area. At siyempre dahil kaibigan niya si Almira. Kahit na limang taon ang tanda sa kaniya ng babae at kahit na minsan ay mas parang nanay na kuwarenta na ang edad kung umakto at magsalita ay si Almira lang ang kasundo niya sa mga empleyado nila maliban sa sekretarya niya. “I’m not sick, okay? Maingat lang ako at mas gusto ko lang talaga na malinis at mabango palagi. Hindi ako katulad ng mga may disorder talaga na nagsusugat na ang mga kamay at katawan sa kakahugas nila dahil feeling nila ang dumi nila palagi,” katwiran ni Janine. Napailing si Almira. “Ilang taon na tayong magkakilala at sinasabi ko sa iyo, hindi ka normal. Hindi ka man katulad ng mga sinasabi mo pero papunta ka na roon kung hindi mawawala ang oversensitivity mo sa mga hinahawakan at naaamoy mo.” “Normal ako okay?” giit pa rin niya. Umangat ang kilay ni Almira. Pagkatapos ay may hinablot itong nakatuping basahan sa lamesa at inilahad sa kaniya. “Sige nga, hawakan mo ito.” Natigilan siya at napatitig sa basahan. Pagkatapos ay sa nanghahamong tingin ng babae. Mariin niyang pinaglapat ang mga labi at itinaas ang noo. At dahil siya ang tipong hindi umaatras sa hamon ay mabilis niyang hinablot ang basahan. Ngumiti si Almira. “Naiwan iyan ng isang guest sa silid nila. Hindi ko alam kung saan nila iyan ginamit.” Namilog ang mga mata ni Janine at kumalat ang kilabot sa buo niyang katawan. Tila napasong nabitawan niya ang basahan at mabilis na kinalkal ang sanitizer sa kaniyang shoulder bag. Agad na pinahiran niya niyon ang kaniyang mga kamay. Umangat ang mga labi ni Almira at humalukipkip. “Biro lang. Bagong laba iyan. Pero nakita mo na ang gusto kong sabihin? Hindi iyan normal.” Napasimangot na lang si Janine kasi ginagamit na naman ng babae ang tono na katulad ng sa principal nila noong high school. Miss Prim and Proper.  “Patingin na nga lang ng schedule niyo ngayong araw. Hindi ako makakadaan mamaya dahil may iba akong appointment. I have to meet someone.” Napailing si Almira at itinuro ang malaking white board sa isang panig kung saan nakasulat ang schedule ng paglilinis ng staff nila. Lumapit siya roon at pinasadahan ng tingin ang mga nakasulat. “Kanino ka makikipagkita?” curious na tanong ni Almira. Natigilan si Janine at sandaling nag-isip kung ano ang puwedeng isagot. Sa huli ay pasimple siyang huminga ng malalim at inalis ang tingin sa white board. “My brother.”             Umangat ang isang kilay ni Almira. “Ah. Your elusive brother na sa sabi-sabi lang kilala ng mga empleyado ng Visperas Hotel? Iyong sabi mo ay ilang taon mo nang hindi nakikita?”             “Oo siya nga. May kailangan kami pag-usapan.” Maya-maya pa ay nagpaalam na si Janine kay Almira. Dumeretso siya sa kaniyang opisina at nagsimulang gawin ang mga trabahong nakapatong sa lamesa niya. Pero dahil alam niyang habang lumilipas ang oras ay palapit na ng palapit ang pagkikita nila ni Draco ay hindi rin naman siya mapakali. Kailan ba sila nakapag-usap ng binata ng hindi nauuwi sa hindi pagkakaunawaan? Napakatagal na. Ni hindi niya alam kung papayag ito sa iaalok niya. Pagsapit ng alas diyes ay napaigtad si Janine nang tumunog ang cellphone niya. Kumabog ang dibdib niya nang makita ang pangalan ni Draco sa screen. Sa totoo lang ay nalaman lang niya ang numero nito noong sinabi niya sa kanilang mga magulang ang plano niya para mapanatili ng matagal sa bansa ang binata. Bago iyon, sa tagal ng panahon at kahit pa matuturing na isa silang pamilya ay hindi niya alam ang contact number ni Draco. Nagpatuloy sa pagtunog ang kaniyang cellphone kaya huminga siya ng malalim at sinagot ang tawag. “Yes?” “Nandito na ako. Naglalakad na ako sa lobby,” sagot ni Draco sa kabilang linya. Biglang nataranta si Janine at napatayo. “Okay. Papunta na ako.” “Relax. Ayos lang sa akin ang maghintay,” usal ng binata. Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi lang naman iyon ang dahilan kung bakit ako natataranta. Ang tagal na panahon na kasi nilang hindi nagkakaharap na silang dalawa lang at hindi alam ni Janine kung paano siya haharap kay Draco. Dapat ba umakto siya na kapatid nito o isang estranghera? Dahil sa totoo lang ay ganoon ang naramdaman niyang turing sa kaniya ng binata mula pa noong nagkaroon sila ng matinding ayaw sampung taon na yata ang nakararaan. He acted like they were strangers. “Basta, papunta na ako,” sabi na lang ni Janine at tinapos ang tawag. Sandaling huminga siya ng malalim bago hinanap ang folder ng proposal niya para kay Draco. Nang makita iyon ay kinipkip niya ang folder at ang shoulder bag niya. Bago siya maglakad palayo sa lamesa ay nahagip ng tingin niya ang hand sanitizer niya at naglagay muna sa mga kamay bago tuluyang lumabas ng kaniyang opisina. Mabilis na nagtungo siya sa ground floor kung nasaan ang restaurant. Marami nang tao roon nang dumating si Janine. Subalit isang pasada lamang niya ng tingin sa loob ay nakita agad niya si Draco. Hindi iyon mahirap gawin dahil ang mga babaeng guest na kumakain sa restaurant ay nakatingin sa direksiyon ng binata. Nakaupo ito sa pandalawahang lamesa sa dulo at medyo tagong bahagi, iyong malayo sa glasswall at mas malapit sa kitchen area. Na para bang hangga’t maaari ay ayaw nitong makakuha ng atensiyon. Napailing si Janine sa isiping iyon. Dahil kahit kailan ay imposibleng hindi makaagaw ng atensiyon si Draco lalo na mula sa mga babae. Kung kapansin-pansin na ito teenager pa lamang sila ay mas lalo na ngayon. Mas matangkad na ito at mas malapad ang pangangatawan pero hindi naman kasing maskulado ng mga bouncer. Humahakab ang lean muscles ng binata sa suot nitong maong jeans at itim na t-shirt. May sumisilip na tattoo sa manggas ni Draco. Tribal ang disensyo niyon at alam ni Janine na ang binata mismo ang gumawa ng design na iyon. Minsan napapaisip siya kung gaano na kaya karami ang tattoo sa katawan nito at kung saang bahagi iyon nakalagay – Nag-angat ng tingin si Draco at lumingon sa direksiyon niya. Hindi nakahuma si Janine. Napagtanto niya na mas mature na rin ang mukha nito kumpara noon. Hindi lamang pisikal ang nagbago sa binata kung hindi maging ang aura na nakapalibot dito. Noong mga bata pa sila ay mukhang tahimik at bihirang ngumiti si Draco. Isang beses lamang niya nakitang kumislap sa kapilyuhan ang mga mata nito at iyon ay noong una silang nagkita. Subalit bukod doon ay bihira na ngumiti ang binata. At mukhang ganoon pa rin ito ngayon. But since his jaws are more defined now, his lips firmer and his eyes more knowing and intelligent, he looks more unapproachable now and almost… scary. Tumayo si Draco at hinuli ng tingin ang kaniyang mga mata. Ilang sandaling nagkatitigan lamang sila, ni walang tumango o ngumiti man lang bilang pagbati sa isa’t isa. Pasimpleng huminga ng malalim si Janine at humigpit ang pagkakayakap sa folder na kaniyang hawak bago nagsimulang maglakad palapit sa binata.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD