Pinatay ni Janine ang shower at kasabay niyon ay naputol ang pagdaloy ng alaala ng nakaraan. Huminga siya ng malalim bago nagpunas ng katawan at lumabas ng banyo. Noong mga sandaling iyon, labinlimang taon ang nakararaan, ay hindi niya alam kung bakit sa dami ng puwede niyang matandaan sa una nilang pagkikita ni Draco ay ang papalayong likod nito ang tumatak sa isip niya. Pero nang lumipas ang mga taon ay nasiguro niya na isa iyong premonisyon. Dahil sa loob ng labing limang taon pagkatapos ng pagkikita nilang iyon ay palagi na lamang papalayong pigura ni Draco ang nakikita niya. Dahil walang inatupag ang binata kung hindi ang umalis at iwan sila. At sa tuwina ay walang nagagawa si Janine kung hindi ang sundan na lamang ng tingin ang nakatalikod nitong bulto hanggang tuluyang makaalis ang binata.
“Pagkatapos kanina sa ospital ay pinapalabas niya na ako ang dahilan kung bakit siya umaalis?” mapait na bulong ni Janine. Napailing siya. Sasakit lang ang ulo niya sa kakaisip kung ano ang kahulugan ng sinabi ni Draco. Wala rin naman siyang magagawa malaman man niya ang dahilan dahil nakaraan na ang lahat. Ang mas dapat na lang niyang isipin ay ang kasalukuyan.
Sumagi sa isip ni Janine ang pabor ng kaniyang mga magulang. Iyon ang dapat niyang pag-isipan. Kung paano mapapanatili si Draco sa bansa ng matagal.
SABADO. Sa loob ng common area ng Bachelor’s Pad ay nagkakasiyahan ang lahat ng residente na sa kabila ng abalang schedule ay sinigurong present sa gabing iyon. Kahit si Ryan ay sandaling iniwan sa pangangalaga ng mga magulang at soon-to-be-in-laws si Jesilyn at ang anak ng mga ito. Walang nagbukas ng laptop o kumausap sa cellphone na tungkol sa trabaho. Kahit sina Brad at Art na katulad ni Draco ay bihira manatili sa Bachelor’s Pad ay present din.
Sa gabing iyon kasi ang farewell party ni Rob at dahil baka iyon na ang huling beses na makakasama nila sa loob ng common area ang lalaki ay nakatuon sa party ang atensiyon ng lahat. Inalis ang mga komportableng sofa set sa lounge area at napalitan ng malaki at mahabang lamesa kung saan nakahilera ang mga finger food na inorder sa restaurant ni Derek. Sa bar counter ay sagana sa inumin at hindi tulad sa normal na araw ay may isang bartender na nag-se-serve ng alak. Sa unang pagkakataon ay naroon talaga ang lahat ng residente para mag-relax at mag-enjoy. Sa normal na pagkakataon kasi ay marami ang ginagawang extension ng opisina nila ang common area.
Natigilan si Draco nang lumapit siya sa bar counter upang kumuha ng maiinom at mapatitig sa bartender. Nahamig lang niya ang sarili nang ilapag nito sa harap niya ang hiling niyang alak at kinuha niya iyon. Subalit nang makalayo siya ay kunot noong ibinalik uli niya ang tingin sa lalaki.
“Draco, nandito ka na!” masayang bulalas ni Ryan na lumapit sa kaniya kasama sina Jay, Ross at Brad. Lahat ay may hawak na baso sa isang kamay.
Sandali lamang niyang itinuon sa mga lalaki ang atensiyon niya upang gumanti ng bati bago muling ibinalik ang tingin sa bartender. “Hindi ba siya iyong electrician na nagpunta dito months ago? Sigurado akong siya iyon dahil hindi mo maipagkakamali ang hitsura ng lalaking iyan kahit saan ka magpunta. Bartender din siya?” takang tanong ni Draco.
“Ah. Oo. Siya rin iyon. Tinanong ko nga kay Keith kanina nang dumating ako at makita siya. Man, I really hate the way it’s so hard not to stare at him. Nilapitan ko siya kanina para biruin pero hindi masyadong masalita eh,” sabi ni Jay na nakatingin na rin sa direksiyon ng bar counter.
“Nakita ko nga si Art kanina na nire-recruit siyang mag-artista pero tinanggihan niya. But you know, he almost looks like a girl. Ano sa tingin niyo?” sabi naman ni Ross.
Si Brad naman ay biglang inakbayan si Draco at tumawa. “Anyway, huwag siya ang pag-usapan natin. He just happened to be an overly good-looking and appealing man. Pero masagwang tingnan na ang pinag-uusapan ng isang grupo ng mga lalaki ay lalaki rin.” Sa sinabi nito ay sabay-sabay silang napaiwas ng tingin at napangiwi. Lalo tuloy natawa si Brad.
Tumikhim si Ryan. “Kung ganoon tungkol na lang sa kasal ko ang pag-usapan natin,” pag-iiba nito sa usapan. Lalo lang napangiwi si Draco na nahuli naman ng kaniyang pinsan dahil nagbabantang tinapunan siya nito ng tingin. “Ikaw ang bestman ko kaya hindi ka puwedeng mawala. Hindi ka na nga dumalo noong kasal ni Rob.”
Napabuga siya ng hangin. “I know,” pasukong bulalas na lamang niya. “Bilisan mo na magpakasal. Gawin mo sa susunod na buwan kung kaya. Para makaalis na ako pagkatapos.”
Ngumisi si Ryan. “Kung puwede nga lang bukas na. Kaso hindi pa puwede, pinsan. Ang mga babae ang mag-aayos ng kasal at hindi tayo. At alam mong magiging matagal ang preparasyon kapag babae ang nag-asikaso.”
Akmang magrereklamo pa si Draco pero naagaw na ng tinig ni Keith ang atensiyon nila. “Attention.” Napalingon silang lahat sa lalaki. Nakatayo ito malapit sa bar counter at nakatayo sa tabi nito si Rob. May hawak na baso ng alak ang dalawa. “Ngayong gabi ang huling gabi ni Rob dito sa Bachelor’s Pad.” Malakas na ungol ng pagpoprotesta mula sa mga residente. Ngumiti si Keith. “Ganito talaga ang buhay. May mga nagpapaalam at may mga naiiwan. Pero gusto kong sabihin sa iyo Rob, at sa inyo ring lahat, na kahit na magdesisyon kayong umalis na sa Bachelor’s Pad ay welcome pa rin kayo dito. Sabihin niyo lang sa akin.
“Besides, kahit na magkaroon na kayo ng kani-kaniyang pamilya at hindi na dito nakatira, hindi naman ibig sabihin niyon ay mapuputol na ang komunikasyon natin sa isa’t isa. The bond we created here will always remain. Hindi lang tayo magkakapitbahay dito, we are brothers. So cheers for Rob’s family life! Hindi sana siya magsisi na iniwan niya ang pagiging Bachelor,” nakangising pagtatapos ni Keith at itinaas ang basong hawak.
Natawa ang lahat at itinaas din ang mga hawak na inumin. “Cheers!”
Ilang oras na ang lumilipas sa party nang mag vibrate ang cellphone ni Draco. Nang mga sandaling iyon ay sila Rob, Jay, Charlie at Ryan ang kausap niya at sa totoo lang ay nakahinga siya ng maluwag at lihim na nagpasalamat sa kung sino man ang tumatawag sa kaniya dahil nakatakas siya sa usapan. Tungkol kasi sa pagpapakasal ang paksa ng mga lalaki. Dinukot niya ang cellphone at kahit numero lang ang nakita niyang nakarehistro sa screen ay nag-excuse si Draco sa grupo. Lumabas siya ng common area at saka sinagot ang tawag. “Yes?”
Mahabang katahimikan. Kunot noong inilayo niya sa tainga ang cellphone at nakita naman niyang nakakonekta pa rin ang tawag. “Hello?”
May narinig si Draco na tikhim ng isang babae sa kabilang linya. “Draco?”
Napaderetso siya ng tayo dahil narekognisa niya kaagad ang may-ari ng tinig na iyon. Hindi siya makapaniwala na tinawagan siya nito. Nang mahamig ang sarili ay saka lamang nakapagsalita si Draco. “Janine.” Narinig niya ang mahinang pagsinghap ng babae sa kabilang linya. Nabigla rin ba ito sa pagtawag niya sa pangalan nito na katulad ng naging reaksiyon niya nang marinig mula rito ang pangalan niya? Bigla niya tuloy naalala na sa mga nakaraang taon ay halos hindi nila tinatawag ang pangalan ng isa’t isa. Siya ay sa isip lang binabanggit ang pangalan ng dalaga. Ipinilig ni Draco ang ulo. “Bakit ka napatawag?”
“Puwede ba tayong magkita bukas? I have something I want to talk to you about,” sagot ni Janine.
Umangat ang mga kilay ni Draco at napasandal sa pader. “Tungkol saan?”
“Puwede bang magkita tayo? Saka ko sasabihin sa iyo.”
Naningkit ang mga mata ni Draco kahit hindi siya nakikita ni Janine. He thought there was something fishy with her phone call. Subalit hindi rin naman niya mapipigilan ang kuryosidad sa kung ano ang gusto sa kaniya ng dalaga. Isa pa ay sa tagal nilang pagkakakilala, ngayon lang siya tinawagan ni Janine para ayain siyang makipagkita ng ganoon. “Fine. I’m free tomorrow. Saan tayo magkikita?”
“Sa Visperas Hotel na lang. May restaurant sa ground floor kung natatandaan mo. Doon na lang tayo magkita,” bulalas ni Janine na halata sa boses na nakahinga ng maluwag.
“Sige,” sagot ni Draco. Hinintay niyang magpaalam na si Janine sa kaniya at putulin ang tawag pero hindi iyon nangyari. Na para bang hinihintay din nitong siya ang pumutol sa tawag. “Janine. May sasabihin ka pa?” basag niya sa katahimikan.
Tumikhim ang babae. “Wala. Bukas na lang. Bye,” tila nagmamadaling sagot nito at tinapos na ang tawag.
Napailing si Draco at dumeretso ng tayo. Sandali siyang nanatili lamang roon bago ibinulsa ang cellphone at bumalik sa party. Sa sumunod na mga oras ay umakto siya na parang balewala sa kaniya ang biglaang tawag ni Janine. Subalit hindi rin naman siya nagtagumpay. He was curious as hell.