Uminit ang mukha ni Janine at bahagyang napaatras palayo sa mukha ng lalaki. Kinilabutan siya. “Stop that,” gigil na asik niya.
“Shh,” pagpapatahimik nito sa kaniya. Tumiim ang mga labi ni Janine at matalim na lamang na tinapunan ng tingin ang lalaki. Nakaangat ang mga kilay na sinalubong lang nito ng tingin ang kaniyang mga mata. Matagal na nagkatitigan lamang sila roon.
May tumikhim at naputol ang eye contact nila. “Ahem. Kanina pa umalis ang mga teacher,” sabi ng mas payat na lalaki. May nahimigang amusement si Janine sa tinig nito.
Biglang napaso ang pakiramdam niya at itinulak palayo ang lalaking naka-itim. Tila balewala lang rito ang ginawa niya at umayos ng tayo. “Walang anuman,” sarkastikong sabi pa nito.
Nainis si Janine. “I was just about to say thank you. Hindi mo kailangan maging sarcastic.”
Sumipol ang payat na lalaki. “Wow. Inglesera pala talaga ang mga estudyante sa kapitbahay nating all girls school, Draco,” sabi nito sa mas malaking lalaki na titig na titig pa rin sa kaniya. Bakit ba ganoon makatitig ang lalaki? Nakakatayo ng balahibo sa batok. Napahalukipkip tuloy si Janine upang kahit papaano ay protektahan ang sarili laban sa titig nito. Namaywang naman ang tinawag na Draco at bahagyang umangat ang gilid ng mga labi na para bang alam nito ang epekto nito sa kaniya. Ganoon ba talaga umakto ang mga lalaking teenager ngayon? Masyado ba talaga siyang sheltered dahil mula elementarya ay sa all girls school siya nag-aaral at nabibigla siya sa akto ng mga lalaking ka-edad niya?O iba lang talaga ang Draco na ito?
Napasinghap si Janine at nawala sa lalaki ang atensiyon nang biglang kumapit sa braso niya si Krey na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. Titig na titig ang kaibigan niya sa lalaking Draco ang pangalan. Natigilan si Janine nang makita ang pamilyar na kislap sa mga mata ni Krey na isang linggo na niyang nakikita sa babae.
“Hello. Ikaw iyong tumulong sa akin last week. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong magpasalamat sa iyo kasi umalis ka agad. I’m Krey,” nakangiting pakilala ng kaibigan niya sa matinis na tinig na noon lamang niya narinig mula rito. Muntik na tuloy tumaas ang kilay ni Janine.
“Tinulungan kita? Wala akong matandaan,” sagot ni Draco.
“You helped me when I was about to get bullied by a bunch of boys from your school, remember?”
Kumunot ang noo ni Draco. Natawa naman ang lalaking kasama nito at inakbayan ito. “Pasensiya na Krey, bihira makatanda ng mukha ng iba ang kaibigan ko. Aksidente ka lang siguro niya natulungan. Ako nga pala si Nathan.”
Halata ang pagkadismaya sa mukha ni Krey at hindi pinansin ang pagpapakilala ni Nathan.
Napailing si Janine. “Halika na. Hinihintay na tayo ng sundo natin,” aya na lamang niya sa kaniyang kaibigan at nagsimulang maglakad palabas sa eskinita at patungo sa kalsada.
“Saan ba ang sundo niyo? Sasamahan na namin kayo,” alok ni Nathan.
“No thanks,” mabilis na sagot ni Janine.
“Madilim na. Hindi niyo alam kung sino ang makakasalubong niyo rito. Nakasuot pa naman kayo ng uniporme. Malalaman agad nila na mga anak mayaman kayo,” sabi naman ni Draco.
Kumapit sa braso niya si Krey. “Magpahatid na tayo, Janine. Mabuti nang nakakasigurong ligtas tayo.” Gusto sana sabihin ni Janine na wala siyang tiwala sa dalawang lalaki pero sinarili na lamang niya iyon nang ilapit ng kaibigan niya ang bibig sa tainga niya at bumulong. “Gusto ko pang makasama ng matagal si Draco. Baka matandaan niya ako.”
Napasulyap siya sa dalawang lalaki na nakamasid lamang sa kanilang magkaibigan. “Fine,” nasabi na lamang ni Janine. Nagpatiuna siya sa paglalakad. Bago pa niya mahawakan si Krey sa braso ay nakalapit na ito sa dalawang lalaki at nakangiting nagtanong ng kung anu-ano sa dalawa.
Nakakaloka talaga si Krey. Hinayaan na lamang niya ang babae at nagpatuloy sa paglalakad. Pinapakiramdaman na lamang ni Janine ang mga kasama niya para siguruhing nakasunod pa rin ang mga ito sa kaniya. Hangga’t maaari ay hindi siya lumilingon. Kahit pa parang napapaso ang likod niya dahil parang may nakatitig sa kaniya sa durasyon ng paglalakad nila pabalik sa parking lot kung saan naghihintay ang mga sundo nila ng kaniyang kaibigan.
Nang dumating sila sa parking lot ay agad natanaw ni Janine ang family driver nila na halatang nakahinga ng maluwag at tumakbo pa palapit sa kanila. “Ma’am Janine, kanina pa tumatawag ang daddy niyo. Nakauwi na kasi siya at wala pa tayo. Nag-aalala siya na baka kung ano na ang nangyari sa inyo dahil hindi kayo sumasagot sa tawag niya. Hindi niyo rin sinasagot ang tawag ko.”
Napakurap siya at agad kinalkal ang cellphone sa kaniyang bag. Napangiwi si Janine. “Lowbat ako. Sorry.” Nang mag-angat siya ng tingin ay nakalapit na rin sa kanila ang driver ni Krey. Nakatingin ang mga ito sa likuran ni Janine. Noon lang siya lumingon. Nakatayo pa rin sa tabi ng kaibigan niya sina Nathan at Draco. Bigla ay napagtanto niya kung ano ang posibleng tumatakbo sa isip ng dalawang driver. Marahas na ibinalik niya ang tingin sa dalawa. “Nakasalubong lang namin sila kanina at nag-alok na ihatid kami dito dahil madilim na. Hindi namin sila kilala.” Nag-init ang mukha niya nang marealize na masyadong defensive ang naging tono niya.
“Nagsasabi siya ng totoo.” Narinig niyang sabi ni Draco. “Tara na, Nathan.”
“Ah. Thank you sa paghatid!” bulalas ni Krey. Nang muling lumingon si Janine ay nakatalikod na ang dalawang lalaking estudyante. Sandaling luminga sa kanila si Nathan at nakangiting kumaway pero si Draco ay hindi lumingon.
SINALUBONG si Janine ng kaniyang ama nang makauwi siya. Sandaling nagtanong ito kung bakit ginabi siya at sinabi na lamang niya na nagpasama si Krey sa kaniya. Tutal iyon naman talaga ang totoo. Paakyat na sana siya sa kaniyang silid nang pigilan siya ng daddy niya.
“Janine, hija. Puwede ba tayong mag-usap sandali?”
Takang napalingon siya sa kaniyang ama at bantulot na lumapit uli rito. “Okay. Ano po ba ang pag-uusapan natin?”
Inakay siya nito sa sofa at magkatabi silang umupo roon. Bahagyang ngumiti ang daddy niya. “You know, sampung taon na rin mula ng mamatay ang mama mo. At sa nakaraang mga taon ay pinagsikapan kong itaguyod ka kahit mag-isa lamang ako. Alam ko na napakarami kong pagkukulang dahil madalas ay mas abala ako sa trabaho at kinukulang ng panahon para sa iyo. So I thought… maybe it’s time for me to have someone who will take care of us.”
Napaderetso ng upo si Janine dahil bigla siyang nagkaroon ng kutob sa pinatutunguhan ng pag-uusap na iyon. “What do you mean daddy?” maingat na tanong niya.
Ginagap muna ng kaniyang ama ang mga kamay ni Janine at bahagyang ngumiti. “I found someone I love, hija. Her name is Diana. Nagtatrabaho siya sa hotel natin bilang head ng housekeeping. Mabait siya at maalaga. We’ve been dating for a few months now.”
Nabigla si Janine at namilog ang mga mata. “Ilang buwan ka nang may girlfriend na hindi mo man lang sinasabi sa akin?” manghang bulalas niya.
Humigpit ang hawak ng kaniyang ama sa mga kamay niya. “Janine. Please, huwag kang magalit.”
Umiling siya. “Daddy, hindi ako nabibigla na nakahanap ka ng mamahalin mo. Matagal nang wala si mama at bata ka pa. Besides I want you to be happy. Ang ikinagugulat ko ay hindi mo sinabi agad sa akin,” paliwanag ni Janine. Forty five years old pa lamang kasi ang kaniyang ama pero sa totoo lang ay mukha pa itong nasa late thirties.
Halata na nakahinga ng maluwag ang kaniyang ama at bahagya nang ngumiti. “Hindi ko sinabi sa iyo dahil sinusubukan pa lang namin pareho kung may patutunguhan ang pagtitinginan namin. Lalo na at biyudo at biyuda kami. May anak rin siya na kasing edad mo. Nakapagdesisyon kami na saka namin sasabihin sa aming mga anak ang tungkol sa amin kapag sigurado na kami. Kaya ngayon ay sinasabi ko na sa iyo Janine. I really love her. At gusto ko siyang pakasalan. Gusto ko na maging isang pamilya tayo.”
Hindi agad nakahuma si Janine. Masaya siya para sa kaniyang ama na nakahanap ito ng babaeng mamahalin. Bata pa siya ng mamatay ang kaniyang ina at kahit mahal na mahal niya ito ay ayaw naman niyang habambuhay mapag-isa ang daddy niya. Pero hindi pa niya nakikilala ni isang beses ang gustong mapangasawa ng kaniyang ama kaya may alinlangan siya. “Sa tingin niyo po ba magiging mabait siya sa akin at magugustuhan niya ako?”
Ngumiti ang kaniyang ama at sunod-sunod na tumango. “Yes. Sigurado ako. Palagi kayo ng anak niya ang pinag-uusapan namin. Gustong gusto ka na niyang makilala, hija. At alam kong magugustuhan mo rin siya. Kapag nagpakasal kami, magkakaroon ka pa ng kapatid. Mas magiging masaya ang bahay natin kapag nangyari iyon.”
Halata ang pagkasabik sa mukha ng daddy niya. Napabuntong hininga si Janine at ngumiti. “Okay. I will give you my blessing to marry her after I met her,” sabi na lamang niya.
Mahigpit siyang niyakap ng daddy niya. “Thank you, hija.”
Gumanti ng yakap si Janine at pumikit. “Kung saan ka masaya, alam mo naman na susuportahan kita, Daddy.”
Hanggang makarating siya sa kaniyang silid at naghanda na sa pagtulog ay tungkol pa rin sa girlfriend ng kaniyang ama ang naiisip ni Janine. Naisip din niya ang anak ng babae. Hindi rin naman siguro masama ang magkaroon ng kapatid na kasing edad niya. Baka nga magkasundo pa sila. They can rent a chick flick together, go shopping together and even tell secrets to each other. Habang nakikinita ang mga puwede nilang gawin ay napangiti na si Janine at nakatulog na.
Weird nga lang. Dahil hindi tungkol sa magiging ina at kapatid niya ang naging laman ng panaginip niya kung hindi ang imahe ng papalayong bulto ng isang lalaki. Sa panaginip niya ay nakasunod lamang siya ng tingin at nakatitig sa likod nito. Nang magising siya kinabukasan ay saka lamang niya napagtanto na ang lalaki sa panaginip niya ay walang iba kung hindi si Draco…