“ANONG nangyayari kay Krey?” kunot noong tanong ng labinlimang taong gulang na si Janine nang pumasok siya sa classroom isang umaga at makitang tulala at nakangiti mag-isa ang isa sa mga kaibigan niya.
Napalingon sa kaniya sina Pauline at Jamaica na halata ang pag-aalala sa mukha. “Janine. Naku, sabihan mo nga itong si Krey,” sumbong ni Pauline.
Tuluyan siyang lumapit sa mga babae at inilapag ang bag sa desk chair niya. “Krey? May problema ba?”
Noon lumingon sa kaniya si Krey at nakangiting bumuntong hininga. “Walang problema. I’m just… in love.”
Nabigla si Janine at napatingin kina Pauline at Jamaica na napailing at itinirik ang mga mata. Manghang ibinalik niya ang tingin kay Krey na parang lumulutang sa alapaap. “In love ka? Paano nangyari kung nag-aaral tayo sa isang all girls high school. Are you in love with a girl?”
Napakurap si Krey at mukhang natauhan. “Duh. Hindi,” Hinatak siya ng babae paupo sa katapat nitong desk chair at sa kinikilig na tinig ay sinabi sa kaniya ang nangyari dito kahapon. “Naghihintay ako ng sundo ko kahapon at nang mainip ako ay lumabas ako ng school gate para magpunta sa Mcdonalds na malapit doon sa public school na ilang bloke ang layo mula sa school natin. Tapos may grupo ng mga lalaking estudyante na mukhang sanggano ang nilapitan ako at tinatakot ako para bigyan sila ng pera. My God, I was so scared! Naiiyak na ako nang may isang lalaki ang tumulong sa akin. Pareho sila ng school uniform. Anyway, he just stared at those students at takot na silang nagsipag-alis. I tried to thank him pero umalis na siya bago ko pa nagawa. Pero para akong pinana ni kupido, girls. Gusto ko siyang makita uli.”
Umangat ang kilay ni Janine. “At nasabi mo na in love ka na ‘non? Crush lang iyan.”
Itinirik ni Krey ang mga mata. “Fine. Crush. Pero posibleng maging love kung makita ko siya uli at magkaroon ako ng chance na mapalapit sa kaniya. So, please help me girls?” pakiusap nito.
Napailing si Janine. Hindi niya alam kung bakit pero mula nang tumuntong sila sa huling taon sa high school ay tungkol sa love na ang nasa isip ng mga estudyante. Parang noong nakaraang taon ay hindi naman ganoon.
“Paano ka naman namin tutulungan?” tanong ni Jamaica.
Ngumiti si Krey. “Kailangan ko lang ng kasama na tatambay sa Mcdo.”
Umiling si Janine. “Alam mong ipinagbabawal ng school na tumambay sa labas ng campus ang mga estudyante kapag nakasuot pa ng school uniform.”
“Oh please, Janine. Pumayag ka na. I really really want to see him again,” pakiusap ni Krey na kumapit pa sa mga braso niya.
Nagkatinginan silang mga kaibigan at sabay-sabay pang napabuntong hininga. Si Janine ay pasukong tumango. “Fine. I-te-text ko na lang ang sundo ko na late na ako sunduin. Tutal hindi rin naman mapapansin ni daddy kung anong oras ako umuwi.” Masyado kasing abala ang daddy niya sa trabaho. Nang nakaraang taon lang kasi natapos ang pagpapatayo nito sa Visperas Hotel, isang ten-floor building sa may Roxas Blvd. at dream come true business ng kaniyang ama na ilang dekadang nagtrabaho bilang executive ng isang malaking kompanya.
“Yes! Thank you girls. Kaya mahal ko kayo eh,” masayang bulalas ni Krey. Ilang minuto pa silang matiyagang nakinig habang inilalarawan ng babae ang lalaking nagligtas daw dito bago tumunog ang bell at dumating ang kanilang class adviser.
“HINDI naman yata darating. Isang linggo na tayong tumatambay dito,” reklamo ni Janine kay Krey.
Malungkot na napabuntong hininga si Krey. “Bakit kaya hindi na siya dumadaan dito?”
Iginala ni Janine ang tingin sa paligid. Sa loob ng isang linggo ay mas madalas niyang makita sa Mcdo ang mga kapwa nila estudyante sa school nila. Bihira ang galing sa public school kung saan nag-a-aral ang tagapagligtas ni Krey. Sina Pauline at Jamaica ay dalawang araw lang nakapag-tiyaga tumambay doon. Kaya ngayon ay silang dalawa na lamang ang naghihintay sa isang tao na mukhang malabo rin nilang makita ngayong araw.
“Umuwi na tayo, Krey. Maaga daw uuwi si daddy ngayon dahil may sasabihin daw siya sa aking importante. Tayong dalawa na lang rin ang estudyante dito. Magdidilim na,” aya ni Janine sa kaniyang kaibigan.
Laglag ang mga balikat na pumayag ang kaniyang kaibigan. Naglakad sila palabas ng Mcdonalds para bumalik sa school nila. Sa back parking lot kasi niyon naghihintay ang mga sundo nila. Nakailang hakbang pa lamang sila ay namilog na ang mga mata ni Janine nang may makitang dalawang tao na naglalakad patungo sa direksiyon nila at nakalingon sa kabilang bahagi ng kalsada kaya mukhang hindi pa sila nakikita. Mabilis na hinawakan niya ang braso ni Krey at nagpalinga-linga. May nakita siyang makipot na eskinita sa gilid ng fast food chain at hinatak ang kaibigan niya roon.
“Janine! Bakit?” manghang bulalas ni Krey.
“Shh. Nakita ko sila ma’am Elfa,” saway niya sa kaibigan at sumilip sa kalsada. Napangiwi siya nang makitang malapit na ang dalawang guro sa eskinita na pinagtataguan nila. Mukhang nagpa-patrol ang mga ito. Ginagawa iyon ng mga guro nila kapag ganoong oras upang siguruhin na walang mga estudyante ang nagpapakalat-kalat dahil makakasira daw iyon sa reputasyon ng paaralan nila. “Lagot tayo kapag nahuli nilang nandito pa tayo ng ganitong oras.”
“Oh no. Anong gagawin natin?” tarantang usal ni Krey.
Nakagat ni Janine ang ibabang labi at pilit nag-isip ng paraan habang nakatingin pa rin sa kalsada. Huminto pa sa mismong tapat ng eskinita kung nasaan sila ang mga guro at pinapasadahan ng tingin ang paligid para sa mga katulad nila ni Krey na estudyanteng dapat ay kanina pa umuwi. Lumingon siya sa likuran nila sa pagbabakasakaling may daan doon na puwede nilang lusutan pero isang mataas na pader ang nakita niya. Dead end.
“Janine, patawid sila ma’am Elfa dito. Makikita nila tayo,” tarantang bulalas ni Krey.
Tumiim ang mga labi ni Janine at muling lumingon sa kalsada. Determinadong hinigit niya si Krey palayo sa bukana ng eskinita. “Magtago ka. Lalabas na lang ako para ako lang ang mahuli.”
“Pero –”
“Magiging okay ako. Kahit ipatawag nila ang parents ko alam ko na hindi masyadong magagalit si daddy sa akin. Pero ikaw, tiyak pagagalitan ka ng parents mo.” Politiko kasi ang tatay ni Krey at ubod ng higpit.
Namasa ang mga mata ni Krey. “Thank you, Janine.” Mahigpit siya nitong niyakap bago tumakbo patungo sa dulo ng eskinita at yumukyok paupo sa gilid. Huminga ng malalim si Janine at akmang hahakbang na palabas sa pinagtataguan niya nang may dalawang lalaking estudyante ang dumaan sa harap niya. Napalingon sa kaniya ang mga iyon at nagkagulatan pa sila.
“Uy, anong ginagawa mo diyan, miss?” tanong ng isa.
Pero hindi sa nagsalita nakatingin si Janine kung hindi sa lalaking mas matangkad at mas malapad ang pangangatawan sa dalawa at matiim na nakatitig sa kaniya. Base sa suot nitong uniporme na nakabukas ang lahat ng butones kaya kita ang itim na hapit na t-shirt na suot nito ay high school student lang ito. Subalit kahit ganoon ay kayang-kayang takpan ng katawan ng lalaki ang bukana ng makitid na eskinita kung nasaan sila. Hindi katulad ng kasama nito na kahit matangkad din at hindi man masasabing payat ay lean ang pangangatawan kaysa sa lalaking naka-itim.
“Bakit ka nakatingin sa akin ng ganiyan?” tanong ng lalaki sa malamig na tinig. Na para bang tinatakot siya. Pero walang naramdamang takot si Janine. Lumampas ang tingin niya sa dalawang lalaki at nakitang nakatawid na ang dalawang guro nila sa bahaging iyon ng kalsada. Namilog ang mga mata niya nang makitang palingon sa direksiyon nila sina Ma’am Elfa. Pinangunahan siya ng matinding pagnanais na huwag makita ng mga guro kaya bago pa siya makapag-isip ng matino ay hinablot niya sa magkabilang kuwelyo ng uniform nito ang lalaki at hinigit palapit sa kaniya, hanggang matakpan nito ang kaniyang katawan.
“Woah!” bulalas ng mas payat na lalaki at mukhang mangangantiyaw kung pagbabasehan ang ngisi sa mukha.
“Shh!” nanlalaki ang mga matang saway niya rito. “Hindi nila kami puwedeng makita,” mahinang asik niya.
“Kami?” tanong ng mas payat na lalaki. Pagkatapos ay napatingin ito sa dulo ng eskinita at marahil ay nakita nito si Krey dahil bumakas ang pag-unawa sa mukha nito. Mabilis na humarang ang mas payat na lalaki sa natitirang siwang ng eskinita at humarap sa direksiyon ng kalsada at nagkunwaring may hinihintay.
“May nakita ka bang estudyante natin?” narinig ni Janine na tanong ni Ma’am Elfa sa kasama nitong guro. Napaigtad siya at humigpit ang hawak sa kuwelyo ng lalaking pinangharang niya. Natigilan siya nang kumilos ang malaking lalaki. Isinandig nito ang mga braso sa magkabilang gilid ng kaniyang mukha at inilapit pang lalo ang katawan sa kaniya. Sumikdo ang puso ni Janine at nahigit ang paghinga. Noon lang niya napagtanto na masyadong mapangahas ang ginawa niyang paghatak sa lalaki. Dahil iyon ang unang beses na naging ganoon siya kalapit sa isang binatilyo na hindi niya kilala. Mas matinding parusa ang makukuha niya mula sa mga guro nila kapag nahuli siya ng mga ito sa ganoong posisyon!
“Kayo, anong ginagawa ninyo diyan ha?” narinig ni Janine na sabi ni Ma’am Reyles na kasama ni Ma’am Elfa. Nakagat ni Janine ang ibabang labi dahil nakalapit na pala sa kanila ang mga guro.
“May hinihintay lang po kami ma’am,” magalang na sagot ng mas payat na lalaki na hindi umalis sa pagkakaharang sa bukana ng eskinita.
“At iyang kasama mo, anong ginagawa diyan?” narinig niyang tanong naman ni Ma’am Elfa.
“Ah. Masama po ang pakiramdam niya. Nagpapalipas lang siya ng hilo. Hinihintay namin ang sundo niya,” sagot uli ng mas payat na lalaki. At para segundahan ang palusot nito ay biglang inilugmok ng lalaking kaka-itim ang ulo hanggang sa magkalapit na ang kanilang mga mukha at bahagya pang umungol na tila masama nga ang pakiramdam. Napalingon tuloy si Janine sa mukha ng lalaki. Na pinagsisihan niya dahil ga hibla lamang pala ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa. Nakapikit ang lalaki at nang magmulat ng mga mata ay nagtama ang kanilang mga paningin. Pagkatapos ay bahagyang nakaangat ang gilid ng mga labi na kumindat pa ito sa kaniya.