Chapter 3
"PARA KANINO 'YAN?"
Mabilis ang ginawa kong paglingon nang marinig ang boses ni Ate Ella na siyang nagsalita.
Itatago ko pa lang sana ang mga bra na hawak ko, pero naagaw na niya.
"Para sa 'yo?" Itinaas pa niya ang limang bra na napili ko.
Hindi ko alam kung tatango ba ako o iiling.
Narito kasi kami ngayon sa isang mall, isinama ko siya para bilhan ng mga pang-opisinang damit. Nagtatrabaho na kasi siya at nakakapikon ang magaling kong kapatid dahil gusto yatang gawing manang ang hipag ko sa mga ibinigay na damit pang-opisina.
Hindi ko siya ma-gets kung nagseselos ba siya o talagang wala lang taste sa mga damit na ipapasuot sa sariling asawa. At dahil ang goal ko ay mapaamin si Kuya Vin sa feelings niya, kaya aasarin ko siya.
Hinayaan ko siyang mamili kanina kasi may taste naman siya sa mga damit. At habang namimili siya, napadaan ako sa mga naka-display na bra kaya namili na rin ako.
Napasimangot ako nang tumawa si Ate Ella habang nakatingin pa rin sa mga bra.
"Ate, akin na kasi 'yan." Aagawan ko sana, pero nailayo niya sa akin.
Lalo akong napasimangot.
"So, sa 'yo nga ang mga 'to?" Paniniyak niya.
"Ate!"
"Bakit ang lalaki? 'Di ba size 32A ka lang? Bakit 36C 'to?"
"Ate, kasi!"
"Bakit nga?"
"Basta. Gusto ko lang maluwag." Pag-amin ko, tutal sukol na rin naman ako.
Tinawanan niya ako. "Gusto mong maluwag o gusto mong lumaki 'yang dede mo?"
"Ate!" Naiiskandalong sabi ko. May nakarinig kasi sa sinabi niya.
"Bakit gusto mong lumaki 'yang dede mo, ha?" Tudyo niya na ikinangiwi ko.
"Bakit nga gusto mong lumaki 'yang dede mo?" Ayaw niyang tumigil, pero iniba ko ang usapan.
Inisa-isa ko ang laman ng basket niya. "Ito lang ang napili mo? Bakit iilang pares 'to?"
"Hindi ko kailangan ng maraming damit, Val. At saka 'wag mong ibahin ang usapan."
"Dagdagan pa natin, Ate. Get all you can nga, 'di ba?" Patuloy na pag-iiba ko sa usapan.
"Okay na 'yan, Val."
"Hindi. Dagdagan mo pa 'to. Halika, ako ang pipili para sa 'yo." Hinila ko siya patungo sa office attire section.
Pumili ako ng mga alam kong bagay sa kaniya at maaakit si Kuya Vin.
"Val, tama na 'yan." Inawat na niya ako dahil puno na ang basket niya. "Ang dami na niyan. Tama na."
"Sus, kulang pa nga 'to, Ate."
"Pero ang mamahal ng mga 'yan." Pinagbabalik niya ang mga nasa basket, pero ibinalik ko rin naman. "Val, tama na kasi."
"Huwag mo ngang intindihin ang presyo ng mga 'to, Ate."
"Pero ang mamahal niyan. Wala akong ibabayad sa 'yo. Saka nakakahiya na sa 'yo. Ang dami mo nang binili para sa akin tapos bibili ka na naman." Reklamo niya.
"Hindi naman ako ang bibili nito, 'no?"
"Ha? E, sino? Gaga, Val, wala akong ibabayad diyan." Tinangka niyang ibalik, pero inilayo ko ang basket sa kaniya.
"Hindi ako at lalong hindi ikaw ang magbabayad nitong mga pinamili natin, Ate." Nakangiting sabi ko.
"Kung gano'n, sino?"
Kinuha ko sa wallet ko ang ATM card ni Kuya Vin at ipinakita sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata nito. "Si Kuya mo?"
"Yup!" Nakangisi kong sagot.
"Loka. Alam niya?"
"Alam niyang gagamitin ko, pero hindi niya alam na magsho-shopping tayo."
"Loka. Huwag na, baka kung ano pang sabihin niya sa akin dahil ginamit natin ang pera niy--"
"Asawa ka niya, 'no? Pera niya, pera mo."
"Pero--"
"Wala ng pero-pero, Ate." Hindi ko na siya hinayaang pumalag dahil may karapatan naman siyang gamitin ang pera ni Kuya Vin dahil mag-asawa sila.
Hindi ako pumayag na ibalik niya ang mga napili niya.
Buong akala ko, nakalimutan na niya ang tungkol sa mga bra ko. Pero habang pina-pounch ng cashier ang mga bra, kinulit na naman niya ako tungkol doon.
Pinanindigan ko na hindi aminin sa kaniya ang dahilan kung bakit malalaki ang napili ko. Ang totoo kasi nang mapadaan ako sa stall ng mga bra, naalala ko ang sinabi ng kapre na 'yon na hindi siya magkakagusto sa akin dahil nene pa ako.
Hindi ako nene! Piping himutok ng kalooban ko. Isang linggo na ang nakalipas mula nang maka-engkwentro ko siya, pero hanggang ngayon naiinis pa rin ako kapag naaalala ang sinabi at ang mukha ng lalaking iyon. Kahit sino naman siguro ay maiinis dahil napaka-feeling guwapo niya. Knowing na first time naming magkakilala.
Ang tigas ng mukha niya para isipin na gusto ko 'yong pagma-match sa amin ng kapatid niya. I'm committed with someone else.
"Paki ko!"
"Ha?" Biglang lingon ni Ate Ella sa akin.
"Anong ha?"
"Sabi mo kasi paki mo. Paki mo kanino?"
Natutop ko ang aking bibig. Huli na nang ma-realize ko na nasabi ko pala 'yon.
"Huwag mong sabihin na wala kang sinabing gano'n dahil malinaw kong narinig. Saka nakita ko 'yang pagbusangot ng mukha mo habang sinasabi 'yon. May kaaway ka ba? Sino? Sabihin mo sa akin para makapanghiram siya ng mukha sa aso." Tuloy-tuloy na arangakada ng bibig nito.
Natawa ako dahil nai-imagine ko na bago pa man makaporma si Ate Ella sa kapre na 'yon ay talo na siya. Halos same lang kami ng height kaya baka tawagin lang din siyang nene ng kapre na 'yon. Ayon nga lang, mas may dede si Ate Ella kaysa sa akin.
"Sino bang umaayaw sa hipag kong maganda, ha?" Pangungulit niya.
"Hindi mo kilala, Ate, pero sinabihan niya akong nene. Mukha ba talaga akong nene?"
Napasimangot ako nang tumawa ito. "Ate!"
"Sorry na. Natawa lang ako dahil gets ko na kung para saan 'yong mga cup C na binili mo." May halong panunukso ang tono nito.
"Ate, hindi naman ako mukhang nene, 'di ba?"
"Hindi. Baby face ka lang, pero hindi ka naman mukhang nene. Sino ba kasi 'yang nagsabi na mukha kang nene, ha?"
"Basta, Ate, hindi mo siya kilala. Pero isa lang ang masasabi ko, isa siyang kapre na feeling guwapo."
Napahagikhik ito.
Hanggang sa makabayad kami sa counter, ang lalaking kapre ang pinag-uusapan namin. Pinapa-describe niya kasi sa akin ang Sam na 'yon at pawang kapangitan niya ang sinabi ko sa hipag ko.
"Kapag nakita mo 'yan, ituro mo sa akin, ha? Bibigwasan ko siya dahil sa pagtawag sa 'yo ng nene," aniya habang naglalakad kami papunta sa isang coffee shop.
Napagkasunduan kasi namin na magmeryenda muna bago umuwi.
Sa isang kilalang coffee shop kami pumasok dala ang mga pinamili namin. Nang nasa counter na ako, nagpaalam si Ate Ella na mag-restroom muna kaya naiwan akong mag-isa.
Habang nasa counter, pumipili ako ng oorder-in nang maramdaman ko na tila may nakatingin sa akin. Hindi ako mapakali kaya hinanap ko ang pinagmumulan ng pakiramdam na 'yon. Literal na umawang ang bibig ko nang makita kung sino ang nakita kong nakatingin sa akin. Si Kapre. Nakaupo siya malapit sa entrance kung saan kami dumaan kanina. May kasama siyang isa pang lalaki.
Pinandilatan ko siya ng mga mata at pagkuwa'y inirapan, saka ako nagmamadaling umalis sa counter. Sa sobrang pagmamadali ko, muntik pa akong madapa dahil sa mga paper bag na bitbit ko.
Sinundan ko si Ate Ella sa restroom. Eksakto namang pagdating ko, lumabas na siya.
"Naka-order ka na?" tanong niya. Kinuha niya sa akin ang ibang paper bag.
"Hindi pa, Ate."
"Bakit?"
"Ahm, ano kasi... Sa iba na lang tayo magkape."
Kumunot ang noo niya, pero laking pasalamat ko nang hindi na siya mag-usisa at basta na lang sumama sa akin palabas.
Pagdating namin sa nilipatan naming coffee shop, nag-order na kami at natuloy ang pagkakape. Pagkatapos namin doon, lumabas na rin kami.
Gumagala-gala pa kami sandali bago nagdesisyon na umuwi. Tawag na kasi nang tawag ang kapatid ko. Hinahanap niya ang asawa.
Dahil nasa basement parking ang sasakyan ko, doon kami pumunta ni Ate. Napatda ako nang makilala ang kotseng itim na nasa tabi ng kotse ko.
Oh, my God! Hindi ako puwedeng magkamali, sa kapreng 'yon ang kotse na 'to!
Hindi pa man ako nakakabawi sa pagkabigla nang matanaw ko ang lalaking 'yon na patungo sa amin. May kausap yata ito sa cellphone at bahagyang nakatungo.
Syet! "Ate, sakay na." Utos ko habang kay kapre nakatingin. Lihim akong nagdadasal na hindi siya mag-angat ng tingin dahil tiyak na makikita niya ako.
"Ate, bilis!" Halos itulak ko na si Ate Ella pasakay.
"Bakit?" Naguguluhan na ito sa inaakto ko.
"Basta, Ate. Sige na, sakay na."
Laking pasalamat ko nang sumakay siya. Nagmamadali na rin akong sumakay sa driver's seat. Ngunit bago pa man ako makaalis ay nasa tabi na ng kotse ko si Kapre. Mula sa side mirror, nakita kong nakatingin siya sa kotse ko. Malamang nakilala rin niya ang sasakyan ko.
"Ate, seatbelt." Pagkasabi ko niyon ay mabilis kong pinaatras ang sasakyan ko at pagkuwa'y umalis.
Malayo-layo na kami sa mall na 'yon nang mag-menor ako. Napansin ko kasi na parang natakot na si Ate Ella sa bilis ng pagmamaneho ko.
"May humahabol ba sa atin?" Hindi nakatiis na tanong niya.
"W-Wala naman."
"Loka. Halos habulin mo na si kamatayan tapos wala naman palang humahabol sa atin? Nakakaloka ka, Val."
"Wala talagang humahabol sa atin, pero may naghihintay na sa atin. At sigurado ako na ngayon pa lang, umuusok na ang ilong niya sa inis sa akin." Napangiti ako nang bumenta ang palusot ko.
Naniwala siya na si Kuya Vin ang dahilan kung bakit halos paliparin ko na ang sasakyan kanina.
Pagdating namin sa bahay nila, as I expected sambakol ang mukha ng kapatid ko.
"Hi, Kuya Vin!" Bebeso ako sa kaniya, pero simakmal niya ang mukha ko. "Kuya!"
"Go home." Utos niya sa seryosong tono.
"Mamaya na. Magpapahinga muna ako rito sa bahay n'yo."
"Valeencia." Banta niya.
"Oo na, oo na. Gusto mo lang ma-solo si Ate, 'no?" Tudyo ko, pero todo deny pa kahit halatado naman.
"Go home." Muli niyang utos sabay lahad ng kamay.
Kinuha ko sa wallet ang ATM card niya at inilagay sa kaniyang palad. "Thanks for our free shopping, Kuya."
Naging isang linya ang kilay niya nang ibaba ko mula sa compartment ng kotse ko ang mga pinamili ni Ate Ella. Inabot ko 'yon sa kaniya.
"Ginamit mong pang-shopping ang card ko?"
Matamis akong ngumiti. "Yeyss. But don't worry, kaunti lang ang nabawas sa kayamanan mo." Pagkasabi ko niyon ay nagpaalam na ako sa kaniya.
Nilapitan ko si Ate Ella na nakatayo pa rin sa gilid ng kotse. "Relax, Ate."
"Galit yata ang kuya mo dahil ginamit natin ang card niya." Pag-aalala niya.
"Hindi 'yan. Sige na, pumasok ka na sa loob."
"Pero, Val--"
Hinalikan ko siya sa pisngi at nagmamadali na akong sumakay sa kotse ko. Pagkuwa'y umalis. Iniwan ko na silang mag-asawa dahil kilala ko si Kuya Vin, hindi big deal sa kaniya ang pera.
_______
DUMAAN ang mga araw, ako ang naging presidente ng love team ng kuya at hipag ko. Kasangga ko sa pangbubuyo sa kanila ang secretary ni Kuya na si Katherine.
Kilig na kilig na ako sa kanilang dalawa dahil nararamdaman ko na malapit na silang umamin sa isa't isa. Kaunting push pa. Pero ang kilig ko ay naudlot nang isang araw, magkuwento si Kuya Vin sa akin tungkol sa lalaking palaging napapanaginipan daw ni Ate Ella.
Hindi ako bulag, nakita ko ang rumihestrong selos sa mga mata niya nang sabihin 'yon sa akin.
"Hindi ko alam kung sino ang Samuel na 'yon sa buhay niya." Himutok nito.
Samuel? Sam? Kapangalan talaga ng kapatid ni Francine? Inalis ko sa utak ko ang kapre na 'yon.
"Kaya ba tinatanong mo sa akin noong mga nakaraang linggo kung ano ang rason kung bakit palaging naiisip ang isang tao?" Nananantyang tanong ko.
Now I know kung para saan 'yong pagtatanong niya.
Hindi ito sumagot kaya ako na lang ulit ang nagtanong. "Bakit hindi mo itanong sa kaniya kung sino ang Samuel sa panaginip niya?"
Umiling ito.
"Natatakot ka ba sa isasagot niya?" tanong ko pa rin.
Napangiwi ako nang diretso nitong lagukin ang laman ng beer in can na hawak nito.
"Kuya, walang mawawala kung itatanong mo kung sino 'yon."
"Hindi ko na siguro kailangang magtanong dahil base pa lang sa pag-iyak niya habang sinasambit ang pangalan ng lalaking 'yon, gets ko na, Val."
Mataman kong pinag-aralan ang reaksyon ng mukha niya.
Pinalipas ko muna ang ilang sandali bago muling nagsalita. "Nasasaktan ka sa tuwing sasambitin niya ang pangalan ng lalaking 'yon habang tulog siya?"
Hindi ito umimik.
"Nagseselos ka dahil ibang lalaki---"
"Of course I do!" Hindi na niya ako pinatapos. "Sinong asawa ang hindi magseselos kung 'yong asawa mong katabi mo sa kama, ibang lalaki ang tinatawag niya?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Akala ko ba wala kang pakialam sa kaniya?"
"Valeencia!" Binato niya ako nang masamang tingin kaya hintatakutan akong lumayo sa kaniya.
Mahirap na baka maibato niya sa akin ang lata ng beer dahil sa sobrang selos.
"Saan ka pupunta?" Sigaw niya nang nasa may pintuan na ako ng kuwarto niya.
Nandito kami sa bahay ng parents namin. Dito siya nagsesenti para hindi ipahalata sa asawa na selos na selos na sa kung sino mang Samuel na 'yon.
"Pupuntahan ko ang asawa mo!" Ganting sigaw ko.
"Valeencia!" Banta niya
"Ako ang magtatanong sa kaniya kung sino si Samuel para matahimik ka na. Umamin ka na kasi sa kaniya, halata namang selos na selos ka na!" Tukso ko.
Hindi na siya nagsalita at tuloy-tuloy na nilagok ang pang-apat na yatang beer 'yon. Ilang sandali ko siyang palihim na pinagmasdan, bago tuluyang umalis at pinuntahan ang kaniyang asawa.
Pagdating ko sa bahay nila, naglilinis si Ate Ella. Masaya siya nang makita ako. Si Kuya Vin ang agad niyang itinanong sa akin kung alam ko kung nasaan.
"Hindi nagpaalam sa 'yo kung saan pupunta?"
"Hindi. Umalis siya kanina, pero sure ako na wala siya sa opisina dahil weekend."
"Bakit hindi mo tawagan?"
"Ayoko. Malinaw naman sa akin na sa papel lang kami mag-asawa. Baka sabihin niya feeling ako."
"Para kayong mga bata. Aamin na lang ng feelings sa isa't isa pinapatagal n'yo pa."
Naputol ang usapan namin nang magpresinta siya na ipagtimpla ako ng juice. Sinundan ko siya sa kusina.
"Ate." Untag ko mayamaya.
"Hmm?"
"Okay lang ba kung magtanong ako sa 'yo ng medyo personal?"
Magiliw siyang ngumiti. "Oo naman. Tungkol ba saan?"
"Tungkol sa lalaking Samuel ang pangalan."
Halatang nagulat siya, pero saglit lang dahil mayamaya'y ngumiti at nagkuwento.
"Ex-boyfriend ko siya. Best friend ko rin siya na matagal nang nawala. Ang totoo niyan, recently palagi ko siyang napapanaginipan."
Hindi agad ako nakahuma.
"M-Mahal mo pa?"
Ngumiti siya. "Sa tingin mo, mahuhulog ako sa kuya mo kung may feelings pa ako sa kaniya?"
Napaawang ang bibig ko. Kinilig ako dahil first time kong marinig na may feelings na siya kay Kuya.
"Matagal na akong walang balita sa kaniya, Val. Hindi ko nga sure kung buhay pa ba siya o hindi na, eh."
"P-Paano kung buhay tapos bumalik? Anong gagawin mo? Iiwan mo ba si Kuya?"
"Ano sa tingin mo?" Balik-tanong niya sa akin.
"Ate."
"Kahit gago 'yang kapatid mo, mahal ko siya. At siguro kung dumating man ang araw na magtagpo ulit ang landas namin ni Samuel, kakausapin ko siya para sa closure namin. Pero 'yong balikan siya, malabo na."
"Kahit i-pursue ka niya? Hindi mo iiwan si Kuya?"
"No."
Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib sa naging sagot niya. Maligaya ang puso ko na niyakap si Ate. Naiiyak ako para sa kuya ko. Na mukhang nahalata nito.
"Why?"
"Masaya lang ako, Ate. Alam mo namang botong-boto ako sa 'yo para kay Kuya, 'di ba? At kapag binalikan mo ang Samuel na 'yon, ako ang unang masasaktan para sa love team n'yo."
"Loka. Walang balikan na mangyayari kung totoo mang buhay siya. Wala, eh. Kahit gago 'yang kapatid mo, nahulog na ako."
Parang mapupunit ang labi ko sa sobrang pagkakangiti. "I love you, Ate! Pinasaya mo ang puso ko."
"I love you, too, Val. Thank you sa pagtanggap mo sa akin. Asahan mong kapag ikaw ang na-in love ako rin ang presidente ng love team mo at ng mas'werteng lalaki na mamahalin mo."