CHAPTER 2
Habang papunta sa restaurant na narito sa loob ng mall, damang-dama ko pa rin ang gigil ko dahil sa antipatikong lalaki na 'yon.
Hmp! Nakakainis siya! Tawagin daw ba akong nene, kapal ng mukha. Papasok na ako sa restaurant, pero naghihimutok pa rin ako.
Nang matanaw ko si Fran, agad kong ikinalma ang sarili ko.
Bago pa man ako makalapit sa kaniya, inihanda ko na ang matamis na ngiti ko.
"Fran!" Tawag ko sa kaibigan ko.
Mabilis itong lumingon at tumayo nang makita ako.
"Val!" Ngiting-ngiti ito kaya napangiti na rin ako.
"Hi, Fran. Sorry medyo na-late ako." Hingi ko ng paumanhin. Isa pa naman 'yon sa kinaiinisan nito.
"It's okay. Ilang minuto lang naman akong nauna sa 'yo," aniya matapos kaming magbeso-beso.
"Thanks, Fran. Pasensya na talaga."
"No problem. Have a sit."
Umupo ako sa upuang itinuro niya. Nagtaka ako dahil pang-apatan ang upuan sa mesang napili niya gayong mayro'n namang pangdalawahan lang. Bagama't nagtaka, hindi na ako nag-usisa.
"Order muna tayo ng food? Medyo nagugutom na ako, eh," aniya at tinawag ang waiter.
Habang pumipili ng pagkain, pinapakinggan ko ang mga order ni Fran. Ilang klase ng pagkain ang in-order niya.
Nagtaka ako nang mag-order siya ng kare-kare gayong pareho kaming hindi kumakain niyon.
"Para kanina ang kare-kare?" Hindi ko na napigilang mag-usisa.
Matamis itong ngumiti bago sumagot. "For my brother."
"Brother?" Kunot-noo kong tanong.
"Yup. I told you before na may half brother ako, 'di ba? Hindi ko ba nasabi sa 'yo na nandito na siya sa Manila?"
Umiling ako bilang sagot. And yes, minsan na niyang nabanggit ang tungkol sa half brother niya, pero hindi ko pa siya nakikita ever. Ang alam ko Sam ang pangalan niya at kapatid siya ni Fran sa ama. Na nasa ibang bansa ito, matagal na. Maliban doon wala na akong alam dahil hindi naman ako interasado sa kaniya. Ni wala akong idea kung ano ba ang hitsura niya. For sure, guwapo dahil maganda si Francine.
"Hindi ko pala naikuwento sa 'yo na sa wakas napapayag ko na siyang dito manirahan sa Pilipinas." Bakas ang galak sa boses nito.
"Hindi nga. Mabuti pala napapayag mo na siyang umuwi rito." Alam ko na matagal na niyang hinihikayat ang kapatid nito na umuwi rito para makasama nila.
Nag-iisang anak lang si Fran ng mommy at daddy niya kaya hindi na ako nagtataka kung bakit giliw na giliw siya sa kaniyang half brother. Maraming beses na niyang sinabi sa akin na sabik na sabik siya sa kapatid kaya nang malaman niyang may anak sa iba ang daddy niya ay hindi siya nagalit. Na natuwa pa raw siya dahil may kapatid na siya.
"Narindi na siguro sa akin dahil sa araw-araw kong pangungulit sa kaniya. Wala na rin naman kasi si Daddy, mag-isa na lang siya sa States kaya ayon, umuwi na." Kuwento niya.
Napatango-tango ako.
"And guess what? Pumayag na rin siyang tulungan ako sa negosyo ko. Feeling ko magkakasundo kayo ni Sam, Val." Halata ang excitement sa boses nito. "You know why? Dahil kagaya mo, he's also a photographer. A professional photographer."
Napangiti ako. Hindi naman mas'yadong obvious na proud na proud siya sa kapatid niya.
"Sana nga magkasundo kami ng kapatid mong 'yan, Fran."
"I hope so. Mabait naman si Sam at higit sa lahat, guwapo."
Natawa ako. "Parang hindi ko gusto 'yang ngiti mo, Fran? Gusto mo ba akong i-match sa kapatid mo?" Prangka kong sabi.
Humalakhak ito na parang hindi dalaga. "Obvious ba?"
"Medyo."
"At least ngayon pa lang alam mo na."
Napailing na lamang ako. Habang naghihintay ng order namin, bukam-bibig nito ang kapatid. Ni hindi ko na maisingit si Ate Ella sa kaniya dahil walang tigil ang bibig niya. Parang nakalimutan na niya na kaya kami nagkita ngayon ay dahil sa hipag ko at hindi para sa kapatid niya.
Nakaramdam ako ng kaunting pananabik na makilala ang kapatid niya dahil parang ang bait-bait niya sa mga kuwento ni Fran.
Sa pagkukuwento niya, nalaman ko na kasama namin siyang magla-lunch ngayon. Kung hindi pa nag-ring ang phone nito ay hindi matatapos ang kuwento tungkol sa Sam na 'yon.
"Excuse me, I'll take this call, Val."
"Sure."
Sinagot nito ang tumatawag. "Yes, we're here. Where are you?" tanong nito sa kausap.
Mukhang may sinabi ang kausap na ikinatango nito.
"Yes, hurry up, little bro. Hindi dapat pinaghihintay ang mga babae." May sinabi ang kausap nito. "Yeah, bilisan mo na." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tinapos na nito ang tawag at bumalik sa upuan niya.
"Si Sam, malapit na raw siya." Imporma niya. "Pasensya ka na. Tumirik daw kasi ang kotse niyang gamit, kaya ayon, medyo natagalan. Pero paakyat na raw siya."
"Okay lang, ano ka ba? Hindi pa naman ako gutom."
"Okay. Baliw kasi 'yon, ilang kotse ang nasa garahe namin, pero mas piniling gamitin ang old car ni Daddy. Ititirik talaga siya no'n dahil matanda pa yata sa kaniya 'yon."
Wala na akong nagawa nang muli siyang magkuwento tungkol sa kapatid niya kundi ang makinig. Nang magkaroon ng pagkakataon, saka ko pa lang naisingit ang tungkol kay Ate Ella. Kagaya ko, namangha rin siya nang makita ang mga larawan ni Ate Ella sa camera ko.
"She's gorgeous, Val. I like the color of her skin!"
"Same, Fran. Nakakainggit ang pagiging morena niya." Sang-ayon ko.
"Correct! Gosh, she's beautiful. I'm dying to meet her, Val." Bakas ang excitement sa tono niya.
Alam ko namang papasa si Ate Ella sa standard niya, pero hindi ko inaasahan na labis niyang magugustuhan si Ate. Bago pa man dumating ang pagkain namin, nag-set na siya ng date kung kailan ko puwedeng samahan si Ate Ella sa studio niya.
"Thanks, Fran. For sure matutuwa siya kapag nalaman na nagustuhan mo siya."
"Oo naman. Ang ganda-ganda kaya niya. Saan mo ba siya nakilala?" Usisa nito, pero siyempre nag-imbento ako ng sagot.
Lihim pa kasi ang pagiging asawa ni Ate Ella sa kuya ko kaya hindi ko puwedeng sabihin sa kaibigan ko kahit gustong-gusto kong gawin.
Nang mai-serve na lahat ng pagkain namin, nagpaalam muna akong gagamit mg restroom. Wala pa rin naman kasi ang kapatid niya.
Pagkatapos kong umihi, naglagay ako ng face powder bago tuluyang lumabas at bumalik sa table namin. Ilang hakbang na lamang ang layo ko nang mapatda ako. Nakita ko kasi na hindi na nag-iisa si Francine sa table. May kasama na siya. Isang matangkad na lalaki. Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakatalikod siya sa gawi ko. Si Francine ang nakaharap sa akin.
"Val, come here!" Tawag niya nang makita ako.
Hahakbang na sana ako nang muling mapapatda. Dahan-dahan kasing humarap ang lalaking kasama nito hanggang sa tumambad sa akin ang hitsura niya. It's him!
Kagaya ko, nanlaki rin ang mga mata niya nang mamukhaan ako.
Siya ang kapatid ni Francine?! Syet! Napamura ako sa isip ko. Patay!
Aatras sana ako, pero nakalapit na si Francine at inakay ako palapit sa kapatid niya. "Sam, please meet my friend Valeen. And Val, please meet my little bro Samuel."
Syet! Muli akong napamura sa isip ko nang mahuli ko siyang ngumiti nang nakakaloko.
Naglahad ito ng kamay. "My pleasure to meet you, Valeen."
Ang ganda ng boses! Pang-DJ! Pero nang maalala ko ang pagkikita namin kanina, bumalik ang inis ko sa kaniya.
Hindi ko tinanggap ang pakikipagkamay niya na mukhang ipinagtaka ni Fran. Mukhang nakita rin ni Sam 'yon kaya siya na mismo ang kumuha sa kamay ko.
Hindi na ako nakapalag. Para akong nakuryente nang magdaiti ang mga palad namin.
"Nice to meet you, Nene." Sabay pisil sa kamay ko na hawak pa rin niya.
Puno ng kaplastikan ko siyang nginitian. "Nice to meet you, too."
Nakahinga ako nang maluwag nang sa wakas ay pakawalan niya ang kamay ko. Wala sa sariling naitago ko 'yon sa likuran ko.
"Pasensya na kayo kung natagalan ako. Tumirik kasi 'yong bulok kong kotse."
Lihim akong napangiwi. Alam kong sinadya niyang ipagdiinan ang salitang bulok. Sorry po, Tito. Hindi ko po sinasadyang laitin ang kotse n'yo. Sorry po.
Habang sabay-sabay na kumakain, nag-uusap kami ni Fran. Minsan kasali si Sam, pero madalas ay nakikinig lamang sa usapan namin.
Lingid sa kaalaman ni Francine ay nagpapatayan na kami ng kapatid niya sa pamamagitan ng tingin. Magkatapat kasi ang upuan namin habang si Fran ay nasa tabi ko.
Guwapo si Sam, pero hindi ko trip ang hilatsa ng mukha niya. Nakakainis.
"Siya pala, Sam. Professional photographer din si Val. Minsan, puwede mo siyang yayain kapag pupunta ka sa ibang lugar para kumuha ng mga pictures." Suggestion nito sabay baling sa akin. "Okay lang naman sa 'yo na makasama ang kapatid ko, 'di ba?"
"H-Ha? Ah ahm---"
"Don't worry, Val. Safe sa kapatid ko. Mukha lang maloko 'yan, pero goodboy 'yan."
"Talaga ba?" Kay Sam ako nakatingin.
Tumaas ang kabilang sulok ng labi nito. "Totoo ang sinabi ni Fran, safe ka sa akin. Kung inaalala mo na mapagsamantala ako, no. Bukod sa hindi ako pumapatol sa bata, committed na rin ako sa iba. So, safe na safe ka sa akin."
Hindi ko maintindihan kung saan nanggaling ang tila panghihinayang na naramdaman ko nang sabihin niyang committed na siya sa iba. Hindi na pala siya single. Bakit pa siya imina-match ni Fran sa akin?
"Committed ka na sa iba?" Tila hindi makapaniwalang tanong ni Fran sa kapatid.
"Yes." Walang gatol na sagot ni Sam.
Sumimangot ang kaibigan ko. "Sam, ang tagal na niyang wala sa buhay mo. Ano ka ba? Ni wala ka ngang ideya kung buhay pa ba ang babaeng 'yon, eh."
"Of course buhay siya. Nararamdaman ko rito na buhay siya," turo niya sa tapat ng kaniyang puso. "Nararamdaman ko rin na malapit ko na siyang makita ulit."
"Ewan ko sa 'yo, Sam." Tanging nasabi ni Fran sa kapatid at biglang iniba ang usapan.
Halatang ayaw na niyang isama sa topic ang babaeng tinutukoy ni Sam. Base sa observation ko, malalim ang pagmamahal na mayro'n si Sam sa babaeng tinutukoy nito.
Hanggang sa matapos kaming kumain, hindi na napag-usapan ang babaeng iyon.
Sinubukan kong magpaalam kay Fran na mauuna na ako, pero hindi siya pumayag. Hindi siya tumigil sa pagma-match sa amin ni Sam kahit obvious namang walang interes si Sam sa akin.
Aaminin ko, medyo tinamaan ang ego ko dahil doon, pero siyempre sinarili ko na lang 'yon.
BANDANG alas tres ng hapon nang magpaalam akong muli. Hindi ko na hinayaang makatutol si Fran, nagdahilan ako na may kailangan pa akong puntahan.
Pumayag naman na siya. Naiwan pa silang magkapatid sa loob ng mall dahil mamamasyal pa raw sila.
Pasakay na ako ng kotse ko nang may pumigil sa akin. Si Sam.
Kaagad nagsalubong ang mga kilay ko. "Yes?"
"I'm sorry, but I want to be honest with you, Valeen. I don't like you."
Napaawang ang bibig ko. Hindi ko inaasahang ipapamukha niya sa akin 'yon.
"Sorry, pero ayoko lang na paasahin ka na puwede tayo kagaya ng gustong mangyari ng kapatid ko. Alam ko kung ano ang ginagawa niya, mina-match ka niya sa akin. And I don't like the idea. You're too young for me. At isa pa, I committed with someone else."
Sa mga oras na 'to, nagmukha siyang demonyo sa paningin ko. How dare him para pagsalitaan ako ng ganito, na para bang gusto ko siya.
"I hope I made myself clear, Valeen."
Ramdam ko ang pinaghalong inis, gigil at galit para sa kaniya. Ngayon ko lang naranasang harap-harapang ayawan at ng taong ito pa na hindi naman ako kilala.
Ikinalma ko ang sarili ko at taas-noong tumingin sa kaniya. "That's good to know because I don't like you either. Hindi mo gusto ang pagma-match ng kapatid mo, why? Iniisip mo ba na gusto ko 'yon? Well, listen, Mister Assuming, hindi rin kita gusto. Bukod sa mas'yado kang matanda para sa akin, hindi ko rin type ang mga lalaking matatangkad. Sa totoo lang, mukha kang kapre sa paningin ko. No offense, pero hindi rin kita type." Kitang-kita ko kung paano lumaki ang butas ng ilong nito dahil sa sinabi ko.
"I'm sorry, pero nagpapakatotoo lang din ako. You don't like me? That's good because I don't like you either." Matapang na sabi ko muli.
Hindi siya nakakibo. Lihim akong napangiti. Akala mo ikaw lang ang kayang mang-insulto? Huh, no way!
"So, malinaw na ba tayo?" tanong ko nang hindi pa rin ito kumikibo. "If you have nothing to say, aalis na ako. Have a good day!" Pagkatapos kong sabihin 'yon ay nagmamadali na akong sumakay sa kotse.
Sa gigil ko, pabalibag kong isinara ang pinto ng kotse ko. Sinadya kong mag-iwan ng usok sa pagmumukha ni Sam nang lisanin ko ang lugar na 'yon.
Kapal niya, ha.