CHAPTER 6

2649 Words
Chapter 6 VALEEN "ABA! BAKIT NAPAKASAYA YATA NG ALAGA KO?" Napahinto ako sa pagkanta nang marinig ang boses ni Yaya Glo, ang aking mahal na yaya. Nakangiting nilingon ko siya, saka tinulungang buhatin ang mga pinamili niya sa palengke. "Salamat, Anak." Pasalamat niya sa akin nang matapos naming mailagay sa ibabaw ng lababo ang mga plastic. Halata sa mukha niya ang pagod, kaya ikinuha ko siya ng tubig. "Water, 'Ya." "Naku, salamat! Kaya mahal na mahal kitang bata ka, hindi ka lang maganda kundi ubod pa ng bait," aniya bago ininom ang tubig. "Nambola ka na naman, Yaya Glo." "Ay hindi bola 'yon. Nagsasabi lamang ako ng totoo." "Asus, sige na nga. Mabait at maganda na ako." Natatawa kong sang-ayon. "Totoo naman," aniya at sinipat-sipat ako. "Napapansin ko na palaging maganda ang mood mo nitong mga nakaraang araw. May nobyo ka na siguro, ano?" Natawa ako sa pagiging echosera ni Yaya. "Wala pa, 'Ya." "Bakit ba wala pa?" "Wala pa hong magkamali, eh." "Naku, walang maniniwala na walang magkakamali." "Wala nga talaga, Yaya. Kung meron, e 'di sana may boyfriend na ako." "Kung wala talaga, anong dahilan at palagi kang masaya?" Inakbayan ko ito. "Yaya, maraming dahilan para maging masaya." "Tulad ng?" "Tulad ng magandang improvement ng lagay ni Lolo Carlos. Tulad ng maganda ang takbo ng negosyo na hawak ni Kuya Vin. At higit sa lahat, masaya na si Kuya Vin at Ate Ella. Nakalimutan n'yo na bang ako ang presidente ng love team nila?" "Oo nga pala." "Masayang-masaya ang puso ko para sa kanilang dalawa, Yaya. Excited na ako para sa magiging mga anak nila. Sana soon na." "Sana nga para magkaroon na ng baby sa pamilya n'yo." "Natin. Pamilya natin, Yaya." Pagtatama ko sa sinabi niyang ninyo. "Salamat, Val. Nakakataba ng puso na marinig mula sa 'yo na parte ako ng pamilya ninyo." "Of course, Yaya. At palagi ninyong tatandaan na mahal na mahal kita. Mahal ka namin dito sa pamilya." Kumurap-kurap ito. Waring nagpipigil ng nagbabadyang mga luha. Ang babaw kasi talaga ng luha niya. Lalo na sa tuwing maglalambing ako sa kaniya. "Diyan ka na nga muna, maliligo lang ako." Paalam niya. Hinayaan ko siyang umalis. Napapangiti ako na sinundan siya ng tanaw. Palusot lang niya 'yong maliligo dahil ang totoo, iiyak lang siya sa banyo. Na-touch na naman ang Yaya Glo ko. Bata pa lamang ako ay yaya ko na siya hanggang ngayon. Kaya pamilya na talaga ang turing namin sa kaniya lalo pa't wala siyang sariling pamilya. Hindi na siya nakapag-asawa dahil sa akin. Kaya ngayong tumatanda na siya, minabuti kong dumito na lang siya sa bahay. Hindi ko na kailangan ng yaya, pero wala akong balak na hayaan siyang mamuhay na mag-isa. "Ang iyakan talaga ni Yaya Glo." Naisatinig ko at nagpasyang ayusin ang mga pinamili niya. Hinugasan ko ang mga sariwang gulay at inilagay sa refrigerator. Pakanta-kanta pa ako habang nag-aayos. I want you to burn Burn for me baby Like a candle in my night Oh, burn for me Burn for me Oh... burn for me baby... Feel na feel kong pagkanta sa kantang BURN ni Tina Arena. Burn for me baby.... Yeah! Yeah! Yeah! Napatalon ako sa gulat nang may pumalakpak. Paglingon ko, nakita ko si Mommy na nasa bungad ng pintuan habang malawak ang pagkakangiti sa akin. "Hey, Mom! Good morning!" Masiglang bati ko pagkatapos makabawi sa gulat. Lumapit ako sa kaniya at humalik sa kaniyang pisngi. "Good morning," ganting bati niya. "Si Dad?" "Tulog pa ang daddy mo. Kaya hina-hinaan mo 'yang pagko-concert mo para hindi siya mabulahaw sa masarap sa tulog." "Aw! Dinig ba sa taas ang boses ko?" "Hindi lang dinig kundi dinig na dinig. Sa boses mo ako nagising." "Oh, sorry, Mom." Naglalambing na niyakap ko ito. "Okay lang. Pero teka nga, bakit ang saya-saya mo? May boyfriend ka na, ano?" Napasimangot ako. "Para kang si Yaya, 'My. Kapag ba masaya palaging boyfriend ang dahilan? Hindi ba puwedeng masaya lang talaga?" "Puwede naman. Pero noong mga nakaraang linggo, palaging maasim iyang mukha mo, eh. Tapos ngayon, ang saya-saya mo na. Bakit ba masaya ka?" Sinagot ko ang tanong niya. Kung ano ang sinabi ko kay Yaya Glo na rason kanina kung bakit ako masaya ay 'yon din ang sinabi ko kay Mommy. Na masaya ako dahil okay na si Kuya Vin at Ate Ella. Tinigilan ko na rin ang pang-i-stalk kay Sam dahil wala na akong dapat ikabahala. Speaking of kapre? Kumusta na kaya siya?" "Masayang-masaya ka sa love life ng kuya mo, pero 'yang love life mo bokya pa rin." "Ay wow, 'My, ha." "Totoo naman. Ano pa bang hinihintay mo? Pasko?" "Siyempre si Mr. Right ang hinihintay ko, 'My." Inikutan niya ako ng mga mata. "Hindi mo makikita si Mr. Right kung hindi mo dadaanan si Mr. Wrong, Valeencia." "Mommy!" Eksaheradang bulalas ko dahil sa pagtawag niya sa akin sa buong pangalan ko. Ewan ko ba, nababantutan ako sa pangalan ko. "Bakit ba parang diring-diri ka sa pangalan mo?" "Kasi naman may Cia pa sa dulo. Okay na 'yong Valeen, eh. Ang lakas maka-old ng Valeencia, 'My." Reklamo ko sa pangalan ko. "Anong old. Ang ganda nga ng pangalan mo." "Iyong Valeen lang ang maganda, 'My. Buti na lang talaga maganda ako." "Siyempre mana ka sa akin, eh." Pagyayabang nito na ikinahagalpak ko ng tawa. "Oo na lang, 'My." Sang-ayon ko at tinapos ang paglalagay ng karne sa refrigerator. "Siya nga pala, 'My, aalis ako mamaya. May lakad kami ni Fran." Mayamaya ay paalam ko habang nag-t-tea ito. Nilingon niya ako. "Saan na naman? Night out?" "Galing mo talagang manghula, 'My." Napangiwi ako nang paningkitan niya ako ng mga mata. "Ayusin mo 'yang kaka-night out mo, ha? Oo at inuudyukan kitang magkaroon na ng nobyo, na magkaroon na ng love life kagaya ng kuya mo. Pero hindi ko sinabing umuwi kang buntis, ha?" Napanganga ako at pagkuwa'y napahagalpak ng tawa. "Hindi ako nagpapatawa, Valeencia." "Sorry. Saan naman kasi galing 'yong buntis, 'My? Wala nga akong boyfriend, tapos inaalala n'yo na baka umuwi akong buntis? Puwede bang gawing mag-isa 'yon?" Pagbibiro ko na hindi niya sinakyan. "Wala ka ngang boyfriend, pero 'yang kaka-night out mo, Valeencia." "Si Fran ang kasama ko, 'My. Kilala n'yo naman siya, 'di ba? Saka hindi naman kami nagpapaabot ng hating-gabi, eh." "Hindi talaga dahil madalas, umaga ka na umuuwi." Napakagat-labi na lamang ako habang nakikinig sa ratatat ng bibig ni Mommy. Katakot-takot na sermon ang inabot ko sa kaniya nang umaga na 'yon dahil sa pagpapaalam ko. Pero kinagabihan, wala rin naman siyang nagawa kundi ang payagan akong umalis. Siguraduhin mo lang na hindi ka uuwing buntis, Valeencia. Talagang malilintikan ka sa akin! Sakay na ako ng kotse ko papunta sa isang high-end bar ay parang naririnig ko pa rin ang boses ni Mommy. Hindi lang yata siya nakalimang ulit ng paalala sa akin bago ako tuluyang nakaalis sa bahay. Kaloka. Buntis talaga? Napailing na lamang ako. NATATANAW ko na ang bar nang mag-ring ang cell phone ko. Si Fran ang tumatawag. "Where are you?" Bungad niya pagkasagot ko. "Dito na ako sa labas. Maghahanap lang ako ng parking." "Okay. I'll wait for you. Nasa second floor ako." Pagbibigay-alam niya bago pinutol ang tawag. Pagkatapos kong mai-park ang kotse ko, bumaba na ako dala ang pursue ko. Na ibinigay ko sa suot kong itim na skirt at tube blouse na puti. Pinatungan ko ng denim jacket na faded blue. Puting sapatos naman ang pangpaa ko. Bago ako tuluyang pumasok sa loob, dumaan muna ako sa restroom para mag-retouch. Nang ma-satisfied sa hitsura ko, pumasok na ako. Sa second floor ako dumiretso. "Val, here!" Hinanap ko ang pinagmulan ng boses ni Fran. Kaagad ko siyang nakita dahil nakataas ang kamay. Lumapit ako sa kaniya at nakipag-beso. "Ang daming tao, Fran," sabi ko pagkatapos kong igala ang tingin sa paligid. "Weekend. Walwal day." "Yeah, walwal day!" Sang-ayon ko at sabay kaming natawa. Bago namin ituloy ang kuwentuhan, um-order muna kami ng puwede naming inumin. "Gusto mo 'tong warfreak nila?" tanong ni Fran habang pumipili ng drinks namin. "Warfreak? Naku, baka mapaaway tayo diyan." "Oo nga, ano? Ikaw na lang ang pumili kung ano ang gusto mo." Offer niya. Pumili ako ng drinks na gusto ko. Gano'n din si Fran. Pagkatapos naming ibigay ang order, nagkuwentuhan na kami. As usual, about agency niya ang topic. Napasali din si Ate Ella, nanghihinayang daw siya dahil hindi pa nagtuloy si Ate. Hindi naman siya nag-back out, mas priority lang niya si Kuya Vin ngayon. "Itutuloy niya 'yan, Fran. Medyo delayed nga lang." "I know. Hindi ko lang maiwasang manghinayang, ang laki kasi talaga ng potential niya. Kasalanan mo 'to, eh. May asawa na pala siya, hindi mo man lang itinimbre sa akin." May kaunting panghihinayang sa boses nito. "Sorry na. Si Ate Ella ang may gusto na huwag munang sabihin noon, eh. Sumunod lang ako." "Yeah, yeah. I understand. Nanghihinayang lang talaga ako." Sandaling naputol ang pinag-uusapan namin dahil dumating na ang order namin. Nagsimula kaming mag-shot. Hanggang sa ang paisa-isa ay naging sunod-sunod na. Habang lumalalim na ang gabi, padami na nang padami ang naiinom namin ni Fran. Hindi naman hard ang iniinom namin kaya sa halip na malasing ay nabubusog lang ako. Pero si Fran ay hindi, may tama na ito. At dahil sa tama ng alak, malakas na rin ang loob niyang ilabas ang sama ng loob sa akin. Ikinagulat ko 'yon. "Masama ang loob mo sa akin?" Hindi makapaniwalang tanong ko. Tumango ito. "Why?" "Dahil ang saya-saya mo. Ang saya-saya mo dahil masaya ang kapatid mo habang ako ay malungkot dahil sa kapatid ko." Napamaang ako sa kaniya. "Masaya na sila habang ang kapatid ko, ayon oh," sabay turo nito sa kung saan. Sinundan ko ang direksyong itinuturo niya. Nagulat ako nang makita si Sam na nakaupo sa high chair sa harap ng bartender. Nag-iinom na mag-isa. "See that? Habang nagpapakalunod sa ligaya ang kapatid mo, ang kapatid ko nama'y nagpapakalunod sa alak para kalimutan si Ella," aniya. Nanatili kay Sam ang atensyon ko. Mula sa kinauupuan ko, pinanuod ko siyang lunurin sa alak ang sarili niya. Hindi ko maiwasang malungkot at maawa para sa kaniya. Sobrang mahal niya siguro si Ate Ella kaya ganito siya ka-broken. "Kaya ba dito ka nagyayang pumunta para bantayan siya?" Naitanong ko habang sa lalaki pa rin nakatingin. "Yes." Doon ako napalingon sa kaibigan ko. Bakas ang lungkot sa mukha nito. "Fran..." "Nasasaktan ako dahil nakikita ko siyang ganiyan. Umasa kasi siya na magkakaayos sila ni Ella, pero hindi naman pala dahil may Vin na." Puno ng panghihinayang ang boses niya. "Don't get me wrong, hindi ako galit sa kapatid mo. Hindi naman niya kasalanan na siya ang pinili ni Ella. Sadyang nalulungkot at nasasaktan lang ako para sa kapatid ko." Tipid ko siyang nginitian. "Naiintindihan kita, Fran. Ganiyan din ang nararamdaman ko para kay Kuya noong ma-broken siya. Huwag kang mag-alala, darating din ang tamang babaeng para sa kapatid mo. Like Kuya Vin, nasaktan man siya sa unang girlfriend niya, pero dumating si Ate Ella para alisin ang lahat ng agam-agam sa puso niya. For sure, gano'n din kay Sam," payo ko. "Hopefully, Val. Kagaya mo, wala rin akong ibang hangad para diyan sa kapatid ko kundi ang maging masaya siya." "Mangyayari naman 'yon. Hindi man ngayon, baka sa susunod na mga araw. Who knows, 'di ba?" "Yeah." Namumungay na ang mga matang sagot nito. Nang muli itong mag-order ng alak, binulungan ko ang lalaki na huwag na dahil lasing na ang kaibigan ko. Nakasubsob na ito sa lamesa. At sa estado nito, mukhang hindi na kakayaning mag-drive pauwi. Tinawag ko ang isang lalaki, sinabi kong bill out na kami. Pagkabayad ko, niyaya ko na si Fran. Pero hindi ito kumilos. Nakasubsob pa rin ang ulo sa lamesa. "Fran, let's go home." Sinubukan ko siyang iangat, pero mabigat. Sinubukan ko pa rin hanggang sa may nagsalita mula sa likuran ko. "Let me." Baritonong boses na pamilyar sa akin. Si Sam. Awtomatikong napatingala ako sa kaniya. Sumalubong sa akin ang guwapo niyang mukha. Sandali akong natulala. "Stop looking at me like that." Utos niya at buong-tikas na binuhat ang kapatid. Nang mahulog ang pursue ni Fran, ako na mismo ang nagdala palabas. Sumunod ako sa kanila hanggang sa sasakyan. Pagkatapos niyang maisakay sa backseat ang kapatid, tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Gusto kong mainsulto sa ginawa niya. "Hindi ka ba kinakabag sa suot mong 'yan? Kulang na lang makita ang singit mo sa sobrang iksi ng palda mo." Masungit na sabi niya, saka muling pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. "Hindi kita tatay para pakialaman ang suot ko." "Hindi mo talaga ako tatay. At kung naging anak kita, kanina pa sana kita isinilid sa sako." Dahil nakainom na ako, mabilis nag-init ang ulo ko. "Ano bang paki mo?" "Wala akong pakialam sa 'yo, pero sa kapatid ko, meron. Kasama ka niya at kung mababastos ka dahil sa suot mo, madadamay siya." Lalong nag-init ang ulo. "Bakit nabastos ba ako? Nadamay ba siya?" "Hindi." "Hindi naman pala, eh. Anong pinuputok ng butsi mo ngayon?" Mataray kong sabi. Isang buntong-hininga ang pinakawalan nito, waring kinalma ang sarili. Pagkuwa'y isinara na ang pinto ng kotse. "Go home." Pagkasabi niya niyon ay sumakay na rin sa sasakyan niya at binuhay ang makina. Hindi ko na sila hinintay na makaalis, naglakad na ako papunta sa sasakyan ko. Ngunit bago pa man ako makarating, may dalawang lalaki ang humarang sa daraanan ko. Binundol ng kaba at takot ang dibdib ko. Lalo pa't amoy alak ang mga ito. Nagtangka akong umiwas, pero nahablot ng isa sa dalawang lalaki ang kanang braso ko. "Bitawan n'yo ako!" Nagpumiglas ako. Pero mas malakas ito. "Ano ba? Sinabi nang bitawan mo 'ko!" "Magpapakilala lang kami nitong kaibigan ko, Miss Babe. Kanina pa kami kating-kati sa bar na lapitan ka, pero hindi kami makaporma," anang may hawak sa akin. "Oo nga, Miss. Mabuti na lang nakita ka namin. Paalis na sana kami, eh. Kaso mukhang sinus'werte kami ng kaibigan ko dahil nakita ka naming mag-isa," anang isa pa. Amoy na amoy ko ang alak sa hininga nila. Kinakain na ako nang matinding takot. Sinubukan ko ulit na makawala. "Bitawan mo 'ko!" Utos ko. "Kapag hindi n'yo ako binitawan, sisigaw ako!" Pananakot ko, pero walang effect. Humigpit ang hawak ng lalaki kaya napaigik ako. "Aray ko!" "Let her go," anang pamilyar na boses. Nabuhayan ako ng pag-asa nang makita si Sam. Masama ang tingin sa dalawang lalaki. "I said let her go!" Utos niya muli. "Sino ka ba, ha? Bakit nakikialam ka?" anang lalaking may hawak sa akin. Hinila niya ako palayo kay Sam, perk bago pa man ako mahila nang tuluyan, sumugod si Sam. Sinuntok nito ang lalaking may hawak sa akin at tinadyakan naman sa dibdib ang kasama nang akmang susugod. Napasigaw ako nang pagbangon ng isa sa lalaki ay sinuntok si Sam. Sa bilis ng mga pangyayari, tinamaan ito sa panga. "Sam! O-Okay ka lang---ayy!" Napasigaw ako nang gumanti si Sam. Mas malakas. Hindi naman tumagal ang komusyon dahil may dalawang bouncer na dumating at binitbit ang dalawang lasing pagkatapos humingi ng despensa sa amin. "M-Masakit ba?" Pag-aalala ko. Tumingala ako para makita nang nasuntok niyang panga. "Ikaw kaya ang suntukin? Sa tingin mo hindi masakit?" Pagsusungit nito. Inirapan ko siya at tinalikuran. "So, ano? Gano'n na lang 'yon? Aalis ka na hindi man lang nagpapasalamat?" Patuyang tanong nito na ikinatigil ko. "Salamat." Muli akong humakbang, pero nagsalita na naman ito. "Nakita mo na ang resulta ng pagsusuot mo ng ganiyan?" "Huwag mong sisihin ang suot ko. Sadyang may mga lalaking manyak!" "Kung hindi ganiyan ang suot mo, hindi ka mamanyakin." Giit nito. "Kahit anong isuot ko kung may manyak na lalaki, manyak talaga. Huwag mo na silang ipagtanggol dahil sadyang manyak sila." Pagkasabi ko niyon tinalikuran ko na siya. Sakay na ako ng kotse ko nang makita ko ang kotse ni Samuel sa likuran ko. Nakasunod siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD